Pages

Sabado, Disyembre 28, 2019

When The Smoke is Going Down: Kabayan's Aftermath MGB New Year Specials

'Happy 2020 Pilipinas mula sa Ubasnamaycyanide'


Ka Noli De Castro in Magandang Gabi Bayan New Year Specials

Tandang-tanda ko pa ang mga pangyayari sa New Years Episode ni Kabayan may de-kulay na ang TV namin noon at wala kang ibang makikitang kulay at nangingibabaw na kulay sa TV ng gabing iyon kung hindi pula. Pula na kulay ng dugo sa mga daliri ni "Chewy" o "Tsui". Sa panahon noon hindi na mahalaga ang spelling ng pangalan mo pero yung nickname na aking nabanggit ay nakuha sa pangalang niyang "Matthew". Sabihin natin siya yung isang matipunong lalaki na ang pormahan ay parang si Ace Vergel noong dekada nobenta marami kang masasabing maganda duon sa bata puwera na lang sa nangyari sa kanya noong umaga ng Enero 1 sa bungad ng dekada nobenta. Habang naghahanap ng mga paputok na hindi nasindihan, nasindihan pero hindi pumutok sa tumpok ng mga basura may nadampot siya na isang rebentador at walang anu-anoy sumabog ito sa kamay niya at sumambulat na parang tocino ang laman ng nasabugan. Since that day, nagkaroon siya ng bagong katawagan ang tawag na sa kanya ngayon ay si "Putol". Hindi ko alam kung nasaan na siya ngayon pero panigurado ako na kung may asawa na siya ay hindi sa palasingsingan na daliri nakalagay ang kanyang singsing puwera na lang kung sumapi siya sa X-Men at naging mutant. 

Bukod sa Halloween Special, ang New Year Special ng programang Magandang Gabi Bayan ang isa sa mga pinaka-inaabangang special episode ng sikat na news magazine program na ito hosted by former Vice President Noli "Kabayan" De Castro. Sa espesyal na pagtatanghal ng MGB mapapanood ang mga nangyaring pagsalubong sa Bagong Taon ng mga Pilipino sa uba't-ibang panig ng Metro Manila at buong Pilipinas. Pinapakita rin sa palabas na ito ang lahat ng kaganapan sa iba't-ibang hospital na laging naka-full alert sa tuwing sasapit ang Bagong Taon.

Matindi ang laging paalala ng programang ito bago sila magsimula ng New Year Special. "Ang susunod na programa ay naglalaman ng mga maseseleang eksena. Pinapayuhan po ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa panonood." Parang ganyan. At idadagdag ko pa dito, na kung nais mong manood ng episode na ito noon, siguraduhin tapos na kayong kumain ng hapunan dahil sa totoo lang ay mawawalan kayo ng ganang kumain. Kahit ang bituka mo ay uurong dito. Para ka na ring nanonood ng horror na mala-Texas Chainsaw Massacre at Saw ang datingan. Katakut-takot kasing mga eksena ng mga humahagulhol na bata at matanda with matching daliring nagmukang longganisang nalamog, binti na nagmukang dinurog na bulalo, at pagmumukhang parang pinutakte ng isang batalyon na paputok ang masasaksihan mo.

Putukan kapag Bagong Taon, video mula kay @KUYA WHENG Youtube Channel

Mga biktima ng putok

Mga biktima ng putok

Girlschool - Auld Lang Syne

Meron ding ipinapalabas sa New Year Special na ito ang mga inosenteng mamamayan na naging biktima ng ligaw na bala dahil sa indiscriminate firing. Nakapagtatakang karamihan sa mga tinatamaan nito ay mga batang paslit na walang kamuwang-muwang. Pero lalong nakakapagtaka na taun-taon ay meron nadadamay na inosenteng sibilyan sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng kinauukulan. Nangyayari pa rin ito hanggang sa kasalukuyan. 

Kung mayroong kalunos-lunos na pangyayari ay meron din namang ipinapakitang kalugud-lugod na eksena sa New Year Special na ito ng Magandang Gabi Bayan. Bumibisita rin ang MGB sa mga ospital hindi para i-dokyu ang mga naputukan, kung di para mainterview ang mga nanay ng tinatawag na "New Year's Baby", o yung mga sanggol na ipinapanganak ilang minuto pagkatapos sumapit ang alas-dose ng unang araw ng bagong taon. Sabi ng ilan ay swerte raw yung mga ganitong sanggol na ipinapanganak sa ganitong panahon.

Isa rin sa mga naaalala kong  good news ay ang pagroronda nila sa iba't-ibang barangay ng Metro Manila at ibang lugar na may isinasagawang street party. Lagi kong naaalala si Doris Bigornia na laging na-aasign sa Tondo, Manila. Sa street party na ito kadalasang ipinapakita na ang pagsalubong sa Bagong Taon ay hindi lang ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagpapaputok kundi maaari ring idaan sa musika at sayawan. At tiyak nga namang mas ligtas pa ang ganito.

Ngayong nalalapit na naman ang gabi ng putukan, ilang "longganisa" at "bulalo" kaya ang ite-televise kung sakaling hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin sa ere ang Magandang Gabi Bayan sa ABS CBN? Pero who knows baka mayroong New Year Specials si Kabayan dahil nagkaroon siya ulit ng Halloween Specials noong nakaraang Nobyembre. 

Scorpions - When The Smoke Is Going Down

Kabilang nga pala sa ipinagbabawal na paputok ang mga sumusunod:

Super Lolo

Whistle Bomb

Goodbye Philippines/Earth

Atomic Big Triangulo

Piccolo

Judas Belt o Sinturon ni Hudas

Boga

Watusi


Biyernes, Disyembre 27, 2019

The Annually Question: "Bakit Hindi ka pa Nag-Aasawa?"

May isasagot ka na ba sa katanungang......


Nandito na ako sa point ng buhay ko na sa susunod na may magtanong kung kumusta na ako, siyempre sasagutin ko naman sila agad ng 'eto nananakal ng mga taong may follow-up question kung bakit hindi pa ako nag-aasawa.'

Pero joke lang yun ang totoo niyan chill lang naman ako kapag may nagtatanong sa aking kung kelan ako mag-aasawa. Kasi hindi naman yun ganun ka-big deal sa 'kin. Iniisip ko na lang, "Ah baka may i-ooffer lang sa akin na beauty products o pagkain or baka gusto lang nilang marinig kungmay identity crisis ako or ano." Ganun.

Pero iba talaga minsan yung mga kamag-anak niyo kapag nagtipon-tipon kayo sa isang okasyon kagaya na lamang nitong Pasko. Una siyempre kamustahan at habang nirorolyo ko yung spaghetti sa tinidor at isusubo ko na lang, bigla siyang nagtanong, "Bakit hindi ka pa nag-aasawa, ang tanda mo na?"  Tumigil ang mundo ko at parang gusto ko ipagpag yung nairolyo kong spaghetti at gamitin ang tinidor ni Poseidon sa lalamunan niya. Alam niyo kasi magkaiba yung katanungan na "kelan ka mag-aasawa?", sa "bakit hindi ka pa nag-aasawa?" Kapag kasi "bakit", tipongmay halong panghihimasok ng pribadong buhay. Na parang obligasyon mong mag-explain kahit hindi naman dapat. Kapag sinagot mo naman sila ng, "Naku, gustong-gusto ko na nga din, kaya lang walang dumadating." Ang ending, it's either sabihan ka ng, "Eh, paano kasi ang pangit mo", o irereto ka dun sa matronang may-ari ng mahjongan sa kabilang barangay o dun sa kaibigan ng pinsan ng kakilala ng kapatid niya na nagtatrabaho daw sa Saudi. Feeling leftover siomai ka tuloyna kung kani-kanino na lang ibinubugaw para hindi mapanis. Kaya bilang defense mechanism, malumanay ko na lang siyang sinagot ng, "Chillax lang, darating din tayo diyan. Kalma muna tayo." Pero parang hindi ata siya satisfied sa naging sagot ko. So nag follow-up answer ako at sabi ko na lang, "In God's perfect time siguro." Para kapag hindi pa rin convince ang bruha sa sagot ko pwede ko siyang sagutin ng, "So kinikuwestiyon mo ang plano ni Lord sa buhay ko?" Pero siyempre hindi ko pa rin sinabi kasi baka bigla na lang magbasa ng Bible verse sa harap ko. Pero hindi pa rin niya ako tinigilan. Humirit pa ng:

"Mag-asawa ka na huy, tumatanda ka na. Ano pang iniintay mo. Tignan mo ako kuntento na sa buhay. Aanhin mo yung pera mo kung hindi ka mag-aasawa? Sinasabi ko sa'yo, mas masarap ang buhay may-asawa. Kawawa ka pagtanda."

MELEE - Built to Last

Palalampasin ko na sana kaya lang nainsulto ako ng intense dun sa part na "Kawawa ka pagtanda", na parang may pagbabanta. Ang balasubas niya sa akin, shet. Ang nasa isip ko na lang nun gusto kong hilahin yung tonsil niya at ibilad sa likod ng ref para hindi na makaimik pa. 

Hindi ba puwedeng tanungin muna kung kelan ako magkakacrush? Kung yan ang itinanong niya sa akin marami akong maisasagot lalo na yung binabati ko lagi sa Instagram message na "kamusta ka na crush? ang ganda-ganda mo today", pero hindi niya ko pinapansin ganyan kasi yung mga party-goers mga tipong magaganda pero snob. Crush muna ang itanong kasi, tapos MU. tapos gerlpren, tapos monthsary, tapos first anniversary, tapos kelan magpopropose kelan magkakafiance? Then doon pa lang yung official na tanong na "kelan ka mag-aasawa?" Nasa Tinder stage pa lang ako, wala pang nagsswipe right asawa na agad?

Alam mo yung tanong niya yung para bang kulang na lang lagyan ka ng ilaw na naka-hang at nagssway tapos tinatanong niya ako na parang si Cardo Dalisay dahil hindi ako umaamin sa nagawa kong krimen. Kulang na lang ang mga torture devices para kumanta ako kung bakit nga ba hindi pa ako nag-aasawa. Taena. 

Wala akong pakialam kung sila yung pinakamasayang tao sa mundo. Deserve yan ng kahit sino actually, pero please lang STOP single-shaming! May mga taong kuntento sa pagiging single, sa ngayon. Pero meron din namang struggling pa rin para mahanap nila yung nararapat na partner nila sa buhay. We don't really know what other people are going through kaya wag sanang i-pressure na parang hindi nila naranasan ang maging single.

Sa mga nagtatanong, be single-sensitive naman kasi.

Martes, Disyembre 24, 2019

Misa De Gallo Day 9: Happy Birthday Jesus!


'Happy Birthday my King, my Saviour, my Healer, my Protector, my Friend Jesus Christ!'


This is the last homily of Simbang Gabi Day 9:

"God asked some people in the past to do certain things not because He couldn't do them. It was because God wanted to empower them to do what they think was impossible. Empower other people to reach their full potential instead of pulling them down."

But their was a word from the priest na tumatak sa isip at narealize at napasabi sa sarili na "oo nga anoh"? Ang sabi niya, "kung wala ang Unang Pasko, walang tayong lahat dito sa ating kinatatayuan." Ganito kahalaga ang Pasko, this is why Christmas is a love season, why? kung hindi nagsakatawang-tao ang Anak ng Diyos hindi niya tayo matutubos sa kasalanan and the afterlife will be nothing, absolutely in nothingness. Pag namatay ka, wala nang meaning ang buhay, hindi ka na mabubuhay muli at ito ay para lamang sa mga naniniwala sa kanya at sa mga taong kinalulugdan niya. Kaya ilang beses inulit ni father yung linya ng kanta sa "Papuri sa Diyos".

"Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya. Panginoong Diyos Hari ng langit, Diyos Amang makapangyarihan sa lahat."

Imagine that Jesus is a Supreme being, the Son of God. Ibinigay siya ating ng ating Diyos Ama bilang tao. He should be sitting there in Heaven nagchichillax lang but what he do? He chooses to be a human in the most simplistic life. Imagine how low-key our Lord is, imagine yung kababaang loob ni Mother Mary and Joseph. Our Lord was born in a manger kasama ang mga pastol. Hindi katulad ng tao na kapag may ipinanganak na sanggol na anak ng celebrity o hari't-reyna alam na agad ng lahat, maikakalat na agad sa balita, sa TV, sa social media para malaman ng sangkatauhan. But Jesus? no sa mga panahon na iyon wala, walang nakakaalam. Walang pakialam ang sangkatauhan, he's a nobody. Ganyan kababa si Jesus Christ but in reality hindi niya ipinagmamalaki na Anak siya ng Diyos. Hindi katulad ngayon anoh? kapag hindi ka nakagawa ka ng hindi maganda aba pataasan ng rango ng mga magulang, pataasan ng position ng mga magulang sa gobyerno kesyo "hindi mo ba ako kilala, anak ako ni ganito, anak ako ng general, anak ako ng mayor". Did you see kung gaano ka ganid ng tao sa kapangyarihan compare it sa kababawang loob ng Anak ng Diyos?

Michael Jackson - Give Love on Christmas Day

Yesterday was a very tiring day pero ito yung tinatawag ko sa sarili ko na sulit na pagod. I celebrated the Christmas Eve more hours on the street to share and to bring back God's never-ending blessings. Never ever lost in a shadow of an endless grace. If you're basking in the glow of good fortune minsan nakakalimot ka sa mas mga nangangailangan and these things ang hinding-hindi ko papahintulutan sa aking sarili. Ito yung pinangako ko sa kanya after my successful heart operation at tutuparin ko to always give back sa nangangailangan, to bring some foods to those who are hungry mapa-tao man or hayop sa kalsada. Dito ko na lang din po sasabihin pero hindi po ibig sabihin na nagmamayabang po or something kasi some people will never understand and even if you do goodwill sa kapwa sa paningin ng iba ay iba. Every Sunday, I always giving foods to those in need along Nueno highway, ewan ko parang kilala na nga nila ako but I always say na "nay or tay meryenda lang po ito." Again, I'm doing this not for myself, I'm doing this to make it spread like a new viral memes, to inspire other people and not to impress. Gumagaan kasi sa pakiramdam ko when you share especially sa mga needy at nagugutom. I don't give money, minsan nanglilimos pero madalas food ang ibinibigay ko.

Yesterday, I prepare pansit for the people and adobo packs for strays in the morning and in the evening before going to Noche Buena mass.

Pansit is life! for people and Adobo packs for strays dogs and cats'


The Fray - How to Save a Life


'Spotted this two stray cats near the left turn road going to Imus Palengke'

Spotted Mama dog in Peryahan near Robinson's Imus. Gave 2 adobo packs since she is pregnant.


Spotted this two pups along the street food section in from of Robinson's Imus. Tinatakam sila ng tao walang nagbibigay. I bought 3 and give them adobo packs. 12/23 before Christmas Eve.

I notice this dog ang tagal na niyang stray. 

Spotted these pups along Aguinaldo Highway wandering around and looking for food. I moved far away kasi mailap at halatang takot na sa tao.

Sad to see a dog with a collar na pinabayaan ng kanyang amo. Ito yung pinakamasakit na naeexperience ng mga loyal dogs  yung neglection ng tao.


Spotted him on Better Life Subdv in Tanzang Luma. He was very skinny at mapaghahalataan mo talagang di pa kumakain so I gave him 2 adobe packs just to fill in his stomach for the night. That was my last adobo packs.

On my way home I saw this little fella he looks very tired, he's searching food from the garbage but I don't have adobo packs left. God is goo talaga kasi may nearby karinderya. I ordered isang plastik na ulam to give to this poor dog. 

Thank God for the safe travel and blessings. I went home, pahinga ng konti and eat together with my mother and kapatid. Kwentuhan lang and call our relatives to greet Merry Christmas. Nako, hindi ko naantay ang birthday mo Lord ng midnighr I sleep at 11 pm, kasi it was very tiring. That's how I celebrated my Christmas, happy na magaan ang feeling yet so simple and meaningful Christmas eve. Happy kasi mission accomplished from what I promised to my prayers to Him.

Again, Merry Christmas po ulit sa family, friends, relatives at sa mga readers ng Ubas na may Cyanide!


Linggo, Disyembre 22, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 8

'8th day of Misa De Gallo'


Pakiramdam ko bumabait na ako. Pakiramdam ko lang. Kasama na sa mga nararamdaman ko ang mabigat na mga talukap na halos ayaw nang kumurap. Maka-ilang beses na rin nawala ang aking isip at ang tanging naaalala ko ay ang dami ng hikab na nagawa ng aking mga panga. Alam ko me kulang sa akin. I want to be complete.

Kailangan ko ng ipa check ang mga vital signs ko.

Ganito ba talaga ang epekto ng simbang gabi? Mababawasan ang oras mo sa pagtulog, oras sa trabaho, oras sa Netflix, oras sa bisyo, oras sa Facebook, oras sa pagbilang ng oras. Ilang araw ko nang ginagawa ang pakikibakang ito at ngayo'y tila magpapasko akong lowbat.

Kailangan ko na kayang magpalit ng relihiyon? As in now na? pero sayang naman ang isang araw pa ng simbang gabi, sayang naman daw ang hihilingin ko kay Lord, sayang naman si Ivana Alawi kahit siya lang po sa darating na Noche Buena Pasko.

Ayoko mag-isip. Minsan ko lang ginagawa yun. Isa lang ang alam ko. Hindi tayo susuko. Ngayon pa ba? Pikit mata pa rin akong magwiwisik ng malamig na tubig sa madaling-araw. Maguunahan pa rin ang aking padyak ng mga paa sa bisekleta para sundan ang kalembang ng kampana. Dahil ngayon ko lang gagawin ito.

Ariel Rivera - 'Sana Ngayong Pasko'

Pero kanina ang ganda ng homily ni father. It's concerning about the family. Ang kanyang katanungan ay "How's your family this Christmas?", "Are you at home this Holiday Season?". Panigurado iba-iba ang after effects nitong katanungan ni father sa bawat isa na nasa simbahan kanina, maaaring ang iba ay matagal nang may ka-alitan sa pamilya at matagal nang hindi nakakapagsama-sama sa Pasko, kabaliktaran naman siguro sa ilan na masaya at kumpleto ang pamilya na sasalubungin ang Pasko at Bagong taon, maaaring ang iba naman ay first time na mayroong hindi makakasama ang isa sa miyembro ng pamilya sapagkat siya ay pumanaw o nawala na sa taong ito. o maaaring wala ang isa sa miyembro ng ating pamilya dahil kailangang kumayod sa ibang bansa para magtrabaho at mapaaral ang dapat mapaaral. Pasalamat na lamang tayo at merong mga katulad ng messenger, viber at kung anu-ano pang means of communication upang makapiling natin ang ating mga namimiss tuwing Pasko. Tandaan din natin na ang "pamilya" ang isa sa simbolo ng Pasko sapagkat sa araw na ito ipinanganak ang ating Dakilang manunubos ng ating mga kasalanan sa sabsaban kasama ng ating Mahal na Birhen at ni San Jose.. Iniligtas niya tayo sa ating debt o pagkakautang sa Diyos Ama at ngayon kapag tayoy nagkasalanan ay tayo ang may pagkakautang sa kanya dahil inialay niya ang buhay niya sa atin. 

Jesus is the way, the truth, and the life.

(c) - Jericho Renzo, sa wakas may official photographer na ko.

Hanggang sa huling araw. Kitakits sa ika-siyam. 

Sabado, Disyembre 21, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 7

'Day 7, 4th week of Advent'


Pitong araw ko na ring itinatago ang aking sungay. Bagamat hindi halata ang aking ka-naughtyhan, proud na rin ako at marami ang nagnanasa nababaitan sa akin.

Ngayong papalapit na nang papalapit ang Pasko, asahan na ang pagdagsa ng mga taong mababait. Sabi nila kailangan mong maging mapagbigay, kailangan mong maging mapagpatawad, kailangan mong maging mabait sa ngalan ng Pasko. Dahil kung hindi, naku baka wala kang matanggap na biyaya. Sino ba naman ang hindi magkukumahog nito? Syempre lahat gusto ng grasya. Gusto ng gift. Gusto ng mga materyales na bagay. E di ba kaya nga nauso ang simbang gabi dahil sa mga hangarin natingmatupad ang kanya kanyang wish? Aminin na kasi. Pero ang saklap noh? dahil ang iba sa atin ay nagiging mabait lang tuwing Pasko. Yung iba diyan nagiging good vibes lang dahil sa mga magagandang Christmas songs, nagiging mapagbigay tayo dahil gusto nating magpa-impress sa social media? Totoo nga ba? Naniniwala kasi ako na hindi kailangan ng video o camera kung taos sa puso natin ang pagtulong. May mga nakikita kasi ako na nagbibigay sa pulubi tapos kasama nila sa picture/selfie yung kanilang tinutulungan. Nakakatawang isipin na para lang purihin siya sa kanyang ginawa pero ang lingid sa lahat ay ginagawa lamang niya ito para sa kanyang sarili. Puwera na lamang kung ang hangarin niya ay bigyang inspirasyon ang iba sa kanyang ginagawang kusang loob na pamamahagi ng tulong pinansiyal man o pagkain. 

Ako walang aaminin. Hindi ako naniniwala sa wish. Ayokong makikapit sa nag-iisang inaasahan ng mga taong nakatira sa Third World Countries. Subalit kung meron man salitang ganito, hindi ako magaatubiling ihayag ang aking inaasam.





Ang sasakyang ganyan. Yan ang gusto ko. Hindi siya gaanong magara pero pakiramdam ko safe ako diyan. Yun naman talaga ang dapat na hinahanap natin sa isang sasakyan, ang security, lalo na kung nakatira ka sa Pilipinas. Feeling ko kapag meron ka niyan, mayaman ka kahit hindi.

Corrinne May - 'Angels We Have Heard on High'

"In whatever we can do today, do it to glorify God and to fulfil His plans for the world."

Ito naman ang natutunan ko sa homily kanina sa misa. Kung anong puwede mong magawa maliit man o malaking bagay na ikalulugod ng ating Diyos ay simulan na natin gawin ito. If you have plans to give back the sharing that you received let's do it now. Mas mainam talaga ang nagbibigay kaysa sa pagtanggap dahil ang mga nagbibigay ay kailanman ay hindi nauubusan. Sa aking sarili naman ay lagi ko talagang ginagawa sa araw mismo ng bisperas ng Pasko kadalasan sa gabi ay gagawin ko ulit na mamigay ng kahit kaunting pagkain na iniluto para sa aming inonoche buena. Tradisyon ko na rin kasi sa aking sarili na magbigay tuwing bisperas sa tao man o hayop. Noong nakaraang taon nga lamang ay hindi ko ito ginawa dulot ng aking kondisyon at alam yan ng mga nakakakilala sa akin. Pero ngayon since kaya ko na naman at nakaka miss na rin gawin ay mamimigay muli tayo ng blessings na ibinahagi sa atin ng ating Panginoon. Ang sabi nga "make someone smile by sharing your blessings to the people in need, at pati na rin sa mga hayop na inabandona sa kalye." Ginagawa ko ito hindi para sa aking sarili, ginagawa ko dahil gusto kong magbigay at bilang pasasalamat sa pangalawang buhay na ipinagkaloob niya sa akin. Ito rin ang ipinangako ko sa kanya noong ako'y nananalangin sa aking paggaling at successful na operation. As I always say GOD is GOOD and GOD is not DEAD. I'm here, I'm still writing for my readers kahit na 3 doctor na ang nagsabi sa akin noon na that my heart is functioning like a 70 year old patient. Narito pa ako, nanalangin ng taimtim, nagtiwala at habang buhay na maglilingkod sa kanya. Nagagawa ko na muli ang mga gusto kong gawin, nagkaroon pa ako ng mas magandang trabaho. Kaya kung ang feeling mo ang buhay mo ay walang tanglaw, better think again, worrying is not the solution, your anxiety, your depression is not the end of it all. Ayan, medyo napapahaba na ata ang sermon ko.

Kanina wala naman masyadong kuwento mas dumami lang ang taong nagsimba ngayon. At medyo nakikilala ko na rin sa mukha yung mga-araw-araw na nakakasama ko magsimba sa labas.

'7th day, done!'

Hanggang sa ika-walong araw!


9 Mornings of Misa De Gallo Day 6 (na?)

'Ika-anim na araw na!'


Sa ilang araw na pagsisimbang gabi ko di ko akalain na meron pa ring agam-agam sa aking pag-attend ng misang ito. Alam niyo ba, naging tukso sa akin kahit noon pa, na ako raw ay masusunog kapag nagsimba. Alam kong joke lang nila yun, kaya sabi ko, ha ha ha. Pero sa isip isip ko, bakit naman ako masusunog? Hindi lang ako nagsisimba noon pero hindi ibig sabihin nun ay masama na akong nilalang. Mas maitim pa ata ang budhi ng mga corrupt na politikong nakaupo ngayon sa gobyerno. Ewan ko ayoko namang maging mapanghusga. Tignan na lang natin sa afterlife. 

Subalit hindi ko naman sila masisisi. Sa bawat pagkakataong ayain ako sa church, aba'y ang haba ng listahan ko ng mga rason kung bakit hindi ako makakapunta. Oo ma-drama talaga. Kaya siguro hindi ako pinagpapala. Ayos lang, ang sabi nga nila hanggat may buhay tayo ay pag-asa ang bawat isa. Huwag lang akong madudukot ng puting van at tanggalan ako ng lamang loob sasabihin ko sa kanila na hindi pa ako handang mamatay at kailangan ko pang gumawa ng mabuti para ma-cleanse ang aking ma-dramang soul. 

Pero ayan! Hindi ako nasunog. Akala niyo siguro puro labas ng simbahan lang ako! Inantay ko talaga lahat ng taong lumabas para masolo ko si Lord! Siguro kung ako lang mag-isa mas maririnig niya ang mga buladas, reklamo at mga hinaing ko sa buhay. Kaya't mala-telenobela kong sinabi ang mga.... ang mga gusto kong sabihin. Sabi ko pa, sana pagbigyan niya pa rin ito kahit hindi ko makumpleto ang siyam na umaga. Inunahan ko na. Mahirap na.

Ang natutunan ko naman sa homily kaninang madaling araw ay maging gawi sana natin na pagkatiwalaan ang Diyos ang kanyang will kaysa sa maging doubtful tayo kanya. Thank Him for helping us not to fear and be grateful today in your loving arms. With God nothing is impossible katulad na lang ni Elizabeth na otsenta anyos na pala siya anoh, tapos nabiyayaan pa siya ng baby. Saan ka nakakita na 80 years old na lola na nagbubuntis? Again, with God walang kayang hindi gawin at walang imposible. Kaya sabi ko rin sa sarili ko na hindi imposible na matatapos ko itong Simbang gabi. Basta!

Corrinne May - 'Away in a Manger'

Pagkatapos naman ng misa ay naghanap muna ako ng mapaparadahan ng aking bisekleta para makijoin naman sa Imus orchestra sa aming plaza. Nairekord ko ang performance ng banda't kombo-kombo na ito pero tsaka ko na i-popost ang tagal kasing i-upload. Ang tinorotot nila ay ang kanta ni Adelle na "Hello" at yung romantikong kanta ni Frankie Vallie na "Can't take my eyes off you".

Nagkaroon din ako ng pagkakataon na magpapicture kay kuyang magtataho pero siyempre bumili muna ko sa kanya ng sampung pisong taho bago pagkaubos sabay hirit ng: "Kuya pa-picture naman oh."


'special credits to Kuyang magtataho'

Hanggang sa ika-pito.

Biyernes, Disyembre 20, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 5

'Born is the King of Israel 

🎶


Medyo napaaga me sa Day 5. Hindi po ako excited, sadyang napa-aga lang talaga. Hindi sumakit ang nagrarayuma kong tuhod kaya napapadyak ako ng mabilis. Plano ko na sanang i-advance ang mga natitira ko pang apat na misa para matapos na ang mga pagbabait-baitan na ito. Nag e effort naman ako tuwing pupunta ng church. Abot tenga ang ngiti, naka sapatos, nagpapa-autograph, mabango, kulang na lang ipampaligo ko yung cologne na kinuha ko ng hulugan. Aba'y malaking achievement na kung tutuusin. Naalala ko nuong kolehiyo, sinuhulan ko ang isang classmate na wag na ring pumasok sa Data Structure class namin dahil may recitation kami. Salamat at pumayag siya kapalit ang sampung pisong mani. Mukang hindi ko ata naipasa ang subject na yun. (naipasa ko ba? mukhang ilang retake ko ata ang subject...)

This time dahil maaga pa naman dumaan ako sa palibot ng plaza aba't nagulat ako kasi akala ko may pila ang mga kabataang 16 pababa para sa vaccination ng dengvaxia. Ang kapal na mga grupo ng kabataan ang aking nadatnan hindi para magsimbang gabi kung di magsimbang tabi. Yung para bang nag-aantay sila ng bus nila kasi may Field trip. Ewan ko lang sa mga kabataang ito kung ganito rin sila kaaga gumising sa kaniya-kaniya nilang mga klase sa eskuwelahan. Ang iba naman nabuhay talaga sa kanila yung memes ng mga kabataan na naglalabasan tuwing Simbang gabi.

Nakapwesto naman ako sa maayos na lugar na walang mga nagsisimbang lamok pero hindi talaga maiiwasan yung mga nagtsitsismisan lang. Ang misa naman ito ay pakanta ang psalmong tugunan kaya medyo humaba ng kaunti. Ang homily sa ikalimang araw ay ang pagpapaubaya natin sa Diyos ng kaniyang mga plano sa atin kung nagugulumihanan tayo sa nangyayari sa ating buhay ay kausapin natin siya sa pamamaraan ng taimtim na pagdarasal and let our faith give us the answer. Katulad na lamang noong binisita ng anghel ng Panginoon si Mama Mary para ipahayag na siya'y magkakaanak sa katauhan ng ating tagapagligtas na si Hesukristo, she humbly questioned God's plan. But after being reassured the God makes all things possible, she accepted them. Kaya tularan natin si Mama Mary if you're confused, talk to God at ikaw ay kaniyang pakikinggan. 

Lady Antebellum - 'The First Noel'

Maliwanag na sa simbahan at hindi ko alam kung tutuloy ba ako sa susunod na misa. May makakahalata kayang madaling-araw pa ako dun? Bibigyan ba ako ng special citation ng Santo Papa kapag umabot ang balita sa Roma? Meron ngang naglakas loob magtanong sa akin kahapon...

Nagtatanong: "Bakit ka ba nagsisimbang gabi?"

Ako: "Para matupad wish ko." (siyempre hindi ko sasabihin yung totoo kong dahilan para quick talk lang)

Nagtatanong: "Ano ba wish mo?"

Ako: "Ang makumpleto ang simbang gabi."

Nagtatanong: "Ha?"

Ako: *sabay padyak* (sa isip ko, "question and answer portion ka ghorl?")

Kitakits sa ika-anim. 

'Bago pumadyak pauwi take-ot muna ng Tapsilog sa Dongalo's Best'


Huwebes, Disyembre 19, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 4

Ang maningning na simbahan ng bayan ng Imus,Cavite (Imus Cathedral)

Alam niyo guys hindi ako tighiyawating tao. Kahit nung medyo bata pa (awtsu!), yung mga classmates ko, sila talaga ang madaming pimples. Wala naman akong ipinapahid na eskinol, chinchunsu, pulbo at kung ano pa sa mukha ko kahit walang tigil din ang paglangis nito noon. Sabon lang talaga.

Pero hindi ngayon. Napansin ko kagabi ang dalawang nagpupumiglas na tighiyawat sa aking noo. Isa sa kanan at isa sa kaliwa animoy kapag lumaki pa ay magmimistulang pinanggalingan ng sungay na pinutol o papasibol pa lang. Malamang isang sumpa mula sa Iglesia Katoliko na siyang pipigil sa mga mapagpanggap na pananampalataya. Ito na marahil ang pinaka mabigat na dahilan kung sakaling ipagpaliban ko na ang pagkumpleto ng Simbang Gabi at naisin na lang mamaluktot sa ilalom ng aking kumot. Paano na lang kung sa nalalabing limang araw ay katumbas din ng limang sumpang pimples? Di ko na kaya ang dalawa, lalo na siguro ang pito!

Pero hindi ako susuko. Hindi ang mga butlig na ito ang pipigil sa akin para sunugin ang lamig ng umaga, sikip ng mga nagkukumpulang inaantok na tao, at pakinggan ang nanghahamon na sermon.

Napaaaga naman ako kanina at saktong naabutan sila Father at ang tropa niyang mga sakristan na papasok pa lamang sa simbahan, pero napapuwesto yata ako sa lugar na maraming lamok na dumalo rin ng Simbang Gabi sa madaling-araw na iyon. Pinagpiyestahan nila ang aking mala-Jojo Lastimosang binti at hindi lang tighiyawat ang inabot ko pagkatapos ng misa pati mga pantal. Bibili sana ako at magsisindi ng katol pero baka magsi-alisan ang mga katabi ko eh di para akong loner at wala akong masasabihan ng "Peace be with you". 

Bright Eyes - 'Silver Bells'

Ang sermon ni Father para sa misang ito ay para sa mga may sariling lakad, sariling biyahe. Biyahe ka ghorl? Kung magkaroon man daw tayo ng mga pagsubok sa buhay sabihin na natin na ito'y isang mabigat na pagsubok ay huwag tayong makakalimot sa ating Panginoon na magdasal at kausapin siya at huwag tayong gagawa ng sariling aksiyon na hindi naaayon sa plano ng Diyos para sa atin. Ito na nga yung mga taong nadedepress sa tuwing nakakapitan sila ng mga di magagandang nangyari sa buhay nila. Let's learn to trust God because he has a better plan for you, for me and the entire human race. Hindi po ako kakanta ng kanta ni Michael Jackson pero yan po ang katotohan sa mapanghamon na sermon ng misa. Tsaka dagdag pa ni Father, kapag nakumpleto mo itong Simbang gabi at kung may kahilingan ka tandaan na hindi si Starla si Lord ha na ibibigay niya agad pagkahingi mo ng wish. In God's perfect timing ibibigay niya ito sayo at hindi sa mabilisang paraan. Kagaya ko na hinihiling ko pa rin talaga sa kanya ang aking complete healing because there are days that you can still feel pains. I always trust God for him to provide me strength each and everyday and secure my health for the better. 

'Siyempre di mawawala ang selpi sa gabing ito, lol'

Pero tadtarin man ng tighiyawat ang aking mukha, tatapusin ko ito! Let's see. Basta!

Miyerkules, Disyembre 18, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 3

'Happy Birthday Tita Nene'


Ang akala ata ng lahat eh hindi ako natutulog. Kuya Germs nga ang tawag sa akin kasi nga walang tulugan. Pero ang totoo kapag tulugan ang usapan, swak ako diyan!

Lahat na ata ng klase ng tulog nagawa ko na. Nariyan yung matulog akong nakaupo, sa ibabaw ng mesa, sa keyboard ng computer, sa CR. With matching tulo laway pa yan. Alam ko ang iba ay split seconds lang naman pero tulog pa rin yun. Marami pang klaseng tulog ang gusto kong gawin pero tsaka ko na sasabihin.

Na-late nga pala ako ng kaunti kanina at dumating akong nagkakantahan na sila at maya-maya ay homily na. Speaking of tulog tinanghali ako ng gising at umandar ang extend pa ng 5 minutes na galawan nang simulang mag-alarm ang aking cellphone. Pagbaba ko sa aming salas ay nagkalat ang isang box na hinulog ng aking pusa mga box na may mga kaunting litrato at doon tumambad ang picture ni tita kong namayapa na noong 2010. Medyo kinilabutan ako kasi kahapon pala ay kaarawan niya at wala man lang ang nakaalala naisip ko yun siguro ang paraan para magpaalala siya na kaarawan niya kahapon at kailangan niya ng panalangin. 

Anyways, marami pa rin ang tao sa simbahan at karamihan nga ay mga kabataan pa rin na walang magawa sa buhay kung di mag-ingay ang isa ay may dala pang skateboard. Tangina, sa isip-isip ko magsisimba ba talaga ito ang sasali sa Xtreme games? Gumising ka ng madaling-araw para mag-iskeytboarding? Ginagawa mue? Marami pa rin ang maiingay at alam mo talagang walang pagsisiseryoso sa kanilang pagsisimba yung ibang nagkalat na kabataan eh mga pakboy pa walang ginawa kung di lumingon-lingon sa mga babaeng nagdaraan halatang yun lamang ang ipinunta at todo porma pa. 

Martin Nievera - Christmas Won't be the same Without You

Kanina sa Day 3 ng simbang gabi, akalain ko bang dalawin ako ng favorite hobby kong ito. Sa totoo lang ako'y antok na antok habang nakatayo sa labas ng simbahan at nakikinig ng sermon. Ang sabi sa sermon kanina ay tayo ay mabuhay ng matuwid pero hindi sa pamamaraan na lagi tayong tama dapat daw ay marunong din tayong makinig sa iba. Ang boring nga naman siguro ng buhay mo kung laging ikaw ang nasusunod di ba? Hindi naman lahat ng binibitawan mong salita ay palagi kang tama. Tandaan na Diyos lamang ang perpekto at dapat ay marunong kang umintindi at makinig sa iyong kapwa. Mamuhay ng matuwid bilang Kristiyano. 

'My favorite posed lol'


Pagkatapos ng misa ay bumili ako ng kandila at ipinagtirik ko ang aking tita at nag-alay na rin ng dasal para sa kanya.

Sa ngayon, hahayaan ko na lang muna ang panahon ang siyang magpasya kung maka-apat na araw ako. Kasi para sa akin tama na ang tatlo. Basta. 

Martes, Disyembre 17, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 2

'Napakagandang simbahan ng Imus Cathedral'


So naka day two na ako. Ilang araw pa ba? he he.

Yung unang araw ko sa Simbang gabi ay ganun pa rin kadami ang tao sa ikalawang araw. Siguro raw dahil maraming tao angnais matupad ang wishes nila. Nako, Lord marami po kayong pagpipiliang mga wishes kung sino ang nararapat at kung sino ang bigyan pa ng konting panahon para makuha ang kanilang hinihiling sa buhay. Pero di ba dapat tayo ang magbibigay ng regalo kay Jesus? Kasi nga kaarawan niya, siya ang may birthday ee.

Anyways, ang aking natutunan sa day 2 ng homily ng Simbang gabi ay tungkol sa walang perpektong lahi o pamilya kahit daw sa kapanahunan ng ating Panginoong Hesukristo ang mga pamilyang nabuhay noon sa panahon niya matataas man sa lipunan o hindi, ikaw man ay hari o reyna, mga opisyales ng pamahalaan ay walang perpektong lahi ang nabuo kaya huwag tayong mapagmataas sa ating kapwa. Sa dinadami-daming binanggit na pangalan ng mga angkan sa unang pagbasa ay wala akong natandaan he he. Pero isa sa pinakagusto kong sinabi ng pari ay bakit nga ba may mga taong mapanghusga sa kapwa? Yung tipong may mga taong gustong magbago at magpakabanal ito ang kanilang nakikita at kinukutya at minsang sinasabing, "oh cge na, ikaw na ang banal", "ikaw na ang righteous". Bakit ba may mga  taong pinagtatawanan ang nais magbago at nagpapalakas ng kaniyang pananampalataya sa Panginoon? Maraming ganito lalo na sa kapanahunan ng social media lingid sa kaalaman mo ay pinagtatawanan ka na dahil sa mga ipinopost mong mga quotes sa bibliya at mga papuri mo sa Panginoon. Ito yung mga taong mapanghusga at parang isinasambit na wala kang karapatan para baguhin ang sarili mo at magpakatino. Pero naisip mo ba sila rin yung mga uri ng tao na tumatahimik lang naman kapag ang ginagawa naman ng kanilang napupuna ay masama. Hindi sila iimik dahil yung tao na yun ay malapit sa kanila o kaibigan nila. Sa madaling salita yung gustong magpakabait ang pinupuna, yung gumagawa ng hindi mabuti ang hindi pinupuna. Nakakatawang isipin ngunit yan ang katotohanan. 

Jose Mari Chan - 'A Wish on Christmas Night'

Masaya ang magsimba sa labas ng simbahan dahil malamig at maaliwalas ang kalangitan tanaw mo pati ang mga nagniningning na mga bituin. Marami rin akong nakita kanina na mga bata halos mga 3 to 4 years old pa lamang sila, may mga nagbabike din na katulad ko at hindi pa rin mawawala ang grupo ng mga kabataan na walang humpay pa rin ang ingay at tawanan kahit nag-uumpisa na ang misa. Maeentertain ka rin naman sa labas kasi nariyan ang may magri-ring ang cellphone tapos K-pop pa yung tune, maraming kwentuhan, may mga naglalambutsingan, may mga nagdadala ng sariling upuan, may batang biglang ngangawa "mommy uwi na tayo! huwaaaahhh", me nagbebenta ng taho kahit nagsesermon na ang pari, "Tahooooooooo", may naglalako ng sampaguita, "kuya bili ka na sampaguita, sampu lang po". 

Natapos ang misa sa ikalawang araw ng Simbang gabi. Dumaan muna ako sa gilid ng simbahan para bumili ng pasalubong bibingka sa aking ermats dahil yun din ang bilin niya at isinama ko na rin ang mga dati kong ka-trabaho sa isang call center company na lagi ko rin nadadaanan sa aking pagsimba. Iniabot ko iyon sa kanila at first time ko ulit sila nakita. Masaya naman ako dahil okay naman sila. Maikli lang ang usapan at ako'y sumibat na dahil ako naman ang male-late sa aking work from home job. 

'Hinigop ako ni McDo at bumulong na mag-take out ka masarap mag-almusal sa harapan ng kompyuter'


So pano, try natin mag day 3 kung kaya? Sige, basta....


Lunes, Disyembre 16, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 1

'Ang kampana'y tuluyang nanggigising'


Noon hindi ko naman talaga ugali ito. Nakakapagsimba naman noong mga nagdaang taon pero matagal na ang huli kong Simbang gabi, 2013 pa ata kasabay ng pagbibigay ko sa mga asong makikita ko ng kaunting pagkain para sa kanilang nagugutom na mga sikmura. 

Hindi ako nagsisimba, hindi o nakikinig ng misa, o nagkukumpisal, o nag e effort na gumising ng madaling-araw.. Ewan, pero sa panahong ito kailangang baguhin ang mga dating gawi. 

Marami akong dapat ipagpasalamat sa katapusan ng taong ito dahil may pagkakataong kamuntikan nang matuldukan ang aking buhay sa pag-umpisa pa lamang ng taon na ito. Sa mga nakakakilala sa akin at alam ang aking istorya ay naoperahan po ako sa puso noong buwan ng Enero sa taong ito. Matagumpay naman ang aking naging operasyon at pasalamat ako ng sobra sa Poong Maykapal sa pangalawang buhay na kanyang ipinagkaloob sa akin at sa tuluy-tuloy na biyaya na aking natatanggap. Ganyan kabait ang ating Panginoon ginantimpalaan ka na niya ng pangalawang pagkakataon na mabuhay ay hindi ka pa rin niya pababayaan sa mga pangangailangan mo sa pang-araw-araw. Nawala sa akin ang trabaho ngunit maka-ilang buwan ay natanggap ako sa work-from-home job na mas higit na mataas ang nakukuhang pangkabuhayan kaysa doon sa nauna. Though mabigat ang mga trials ang ibinibigay sa atin pero hindi niya ito ibibigay sa atin ng alam niyang hindi mo kakayanin, ika-nga Trust the Process lang and God has a better plan for you na mas makakabuti sa iyo pero kailangan mo munang pagdaanan ang mga pagsubok. Pero lagi nating tatandaan na once you received your victory always remember that someone is facing a defeat on the day you clinch that victory. Kaya laging tandaan na palaging maging mabuti sa kapwa dahil hindi natin alam ang pinagdadaanan niya sa araw-araw. Always choose kindness above all.

Alas-tres y media ng madaling araw akong nagising at nag-ayos, tamang hilamos lang ayaw ko kasing maligo dahil napakalamig ng tubig sa madaling-araw kaya sa makakatabi ko ulit mamaya "Peace be with you" na lang ha. Taong 2013 pa lang ay ginagawa ko na ang magbisekleta papuntang simbahan. Pasalamat talaga ako at nakabili ako ng bagong bisekleta para na rin makapag exercise tuwing umaga at eto ang ginagamit ko ngayon papuntang simbahan. Gusto ko sanang mamigay ulit ng pagkain sa mga stray dogs sa madaling araw ngunit wala na akong nakikita sa kanila halos lahat ata ng asong gala ay nakuha na ng city pound. Nakakaawa lang kasi imbis na nakakadiskarte sila ng kanilang makakain eh sa lugar na ito dito sila hinuhusgahan ng tao na hanggang tatlong araw lang ang buhay mo kapag walang nag-adopt sayo. Napakaunfair ng buhay para sa mga hayop anoh? Binigay sila sa atin ng Diyos para gabayan at alagaan pero ano ang ginagawa natin? Sinasaktan natin sila, ang iba ay kinakain, ang iba ay tinutuldukan ang buhay dahil walang mga mag-aadopt sa kanila. Pero hindi ako tumitigil sa aking pagdarasal na balang-araw ay mababago ang mga batas sa city pounds na yan at maghari sana ang mga dog sanctuary kung saan "no kill solution" ang batas. 

Leo Valdez - 'Kampana ng Simbahan'

Sampung minuto lang ang aking pagpadyak at narating ko na ang simbahan. Maraming tao at hindi na ako nakapasok sa loob ng simbahan sapagkat hanggang sa labas na ang mga tao. Ayos lang naman kasi paniguradong mainit sa loob. Ang pinakamaraming nagsimba ay halos mga kabataan at sila ay grupo-grupo ang nakakalungkot lang ay nandoon ba talaga sila para magsimba? Mas lamang kasi ang kuwentuhan kesa sa pagpaparticipate sa psalmong tugunan at pagkanta ng mga awiting pangsimbahan. 

Ang homily sa unang gabi ng Misa De Gallo ay tungkol sa mga pangako ng ating Panginoon na kaniyang tinutupad. Mayroon tayong Diyos na marunong tumupad sa kaniyang mga pangako na inihambing naman ng pari sa mga tao kagaya na lamang ng mga taong may mga pagkakautang nako dito sa puntong ito ay marami ang tinamaan ang mga nangangako na mababayaran nila ang kanilang pinagkautangan. Bato-bato na lamang sa langit ang tamaan ay sapul. Isinama rin ni Father ang mga ikinasal at nagsumpaan na magmamahalan sa dambana ng ating Panginoon kung matibay pa ba ang kanilang pagmamahalan at tapat pa rin sa isa't-isa dahil may mga kakilala daw siya na limang taon pa lang nagsasama ay hiwalay na at sa hiwalayang ito ay dito naman daw nabubuo ang mga anxiety, depression at minsang nauuwi sa suicide na mga kabataang napapabayaan ng mga magulang sa kadahilanang broken family sila. 

'Lord, ako po yung photobomber niyo at walang ligo'

Natapos ang misa at siyempre di mawawala ang mga pagkain sa gilid ng simbahan. Di mawawala ang mga puto bumbong, bibingka, ihaw-ihaw, mami, mamilog mga pampainit na sabaw sa ating mga sikmura at siyempre nakadalawang sampung pisong taho ako kanina. Nakakamangha naman na pagkatapos na pagkatapos ng misa ay pumatak ang banayad na ulan na nagmimistulang parang blessings mula sa kalangitan.

Iyan lang muna sa ngayon ang kuwento. Ewan ko lang kung makaka day two pa ako.

But who knows, history in the making pala ito. Basta kitakits sa simbahan.