Martes, Disyembre 15, 2015

Simbang Gabi



'Imus Cathedral Church, Imus, Cavite


"Ang kampana'y tuluyang nanggigising
Upang tayong lahat ay manalangin
Ang bendisyon kapag nakamtan na
Tayo'y magkakaroon ng higit na pag-asa"


Oo, tohl alam kong dapat ay nagrereview ako ngayon para sa aming exam ngayong linggo. Hindi na ako estudyante pero kailangang ipasa ang nasabing exam para makalikom ng mas higit na kayamanan. Hindi ginto at hindi rin pilak na kayamanan kungdi saktong tanso lamang. Pero dahil isang araw at Disyembre 16 na naman, may pumipitik pitik sa aking nerve cell sa  utak na magsulat ulit tungkol sa Simbang Gabi. Ito ay isang tradisyon nating mga Noypi na minana pa natin mula sa ating mga mananakop na Kastila. Simbang Gabi na  dinadagsa ng nakararami; lalake, babae, bakla, tomboy, teenagers, barely legals, jejemons, mga mukang hasht5, mga mukang hasht 5 na babae, magsing-irog, grupong SMP, magkarelasyon na minadali para di maging SMP, mga mexicanong trashers, punks, hip-hop at kung  anu-ano pang creatures of the night ay dumadalo sa simbahan.

Mabuhay Singers - Kampana ng Simbahan

Ang simbang gabi ay tradisyong makahulugan para sa ating mga Katoliko. Noong panahon na ako'y teenager pa lamang na kagaya niyo ay nakukumpleto ko ang simbang gabi taon-taon ng hindi pumuporma ng OOTD. Magbabarkada man kame pero ang tunay na layunin talaga ay manalangin at magpasalamat sa mga biyayang natanggap kay Ninong at Ninang, maliit man o malaki, Goya chocolates man or M&Ms, Spartan man o Crocs, Nike man o  baliktad na check na logo ng Nike, Adidas man o Adudoy. Ang mahalaga ay tunay na diwa ng pagbibigayan at pagpapasalamat sa blessings ng Panginoon through all this years. At siyempre magpasalamat na din dahil buhay pa  tayo sa gulo ng mundong  ito.

Masaya nga naman ang simbang gabi dahil pagkagaling mo sa simbahan at pagkatapos ng misa ay diretso ka na sa mala-Baga Manilang tanawin sa gilid hanggang likod ng simbahan. Hindi mawawala ang magka tag-team partners na pagkain gaya ng "Puto Bumbong" at "Bibingka". Nariyan din ang taho, mami, mami-pares,pares,mga "si" foods pero hindi po isda (tapsi, longsi, porksi at hekasi), suman, mga grupong balls (squidballs, fishballs, chicken balls at naftalin balls). Sa isang bangketa naman ay may nagtitinda ng pasalubong katulad ng yema, uraro, ampaw rice, barquillos, lengua de ga to,  kape barako, salabat, tsokolate. Habang mayroon ding mga pampainit sa tiyan na makakain katulad ng lugaw, arroz caldo at goto.




Pero tanong ko lang tohl  ha, bakit mas marami atang nagsisimba tuwing  Simbang Gabi kaysa sa simba kapag Linggo? Teka ano nga bang kaibahan nun? Dahil mas masaya ang magsimba ng gabi? walang-araw? Walang araw eh bakit nakashades ka pa ring animal ka? Dahil lamang ba talaga sa porma? Naka varsity jacket kahit sobrang init sa loob ng simbahan? Para maglandian lamang? Magsimbang tabi at   gilid gilid at hahayaang mag-init  ang katawan at pagkatapos ng wala namang natutuhan sa sermon ng pari eh bigla nalang maglalaho sa gilid gilid at alam mo na ang sunod na pinupuntahan? Putangna, utang na loob, magsitulog na lang kayo ng mutain pa kayo. Merong mga kabataan naman na naglalasing muna sila at pumupunta pa rin ng simbahan. Hindi  ko na   rin maintindihan kung naiintindihan ng mga taong ito ang tunay na kahulugan ng Simbang Gabi o para sa kanila ay pawang kalokohan lamang.

Ay meron pa palang mas malala pa, ewan ko  kung sinong mokong ang nagpauso nito na kapag nakumpleto mo  raw ang Simbang Gabi ay puwede ka nang makapgwish ng kahilingan. Ilan bang wish? Tatlo? Punyeta ano ito, instant "genie in a bottle"?  Actually  nakatapos ako ng Simbang Gabi noon nung ang inyong lingkod ay nasa siyudad pa ng Paranaque. Sino nga ba naman ang hindi makakatapos noon eh likod lang namin ng bahay ang maliit na kapilya. Wala ng OOTD-OOTD pa WUGU ang nagyari Wake Up and Get Up. Konting hilamos at paghigop ng kape sa bukana ng kapilya ayos na. Naka abot ako ng siyam na araw, wagas nakumpleto ko! Ngayon panahon na para subukan ang "wish upon a simbang gabi " trial. So sa isang gabing madilim, habang tulog na ang lahat at ako'y nasa taas ng aming balkonahe, isinikatuparan ko ang aking pagwiwish habang nakatingin sa   gabing maningning na punong puno ng bituin. Ang winish ko  "sana maglakas loob na akong makilala si ultimate crush ko nung highschool, at kung may instant bonus na wish sana mag ing kame". Pumikit at taimtim na nanalangin. Lumipas pa ang mga nagdaan na buwan sa bagong taon ay nakalimutan ko na  rin ang wish na yun ee. Hanggang sa dumating ang araw ng Foundation Day ng School, nakita ko siya noon at ang ganda ganda niya. Likas na mahiyain ang inyong lingkod kaya nangangailangan ng tulay, kilala pala siya ng aking kaibigan at sinabi niyang ipapakilala niya ko. Ayaw ko pa nga eh, pero biglang sumagi sa aking isip ang wish ko noong nakaraang taon na simbang gabi. Hinihila hila niya pa ko, sabi ko sana hindi ko na lang nabanggit sa kanya. Pero may the force be with him kasi nagpa-alalay pa sa iba, eh ayoko naman na para akong inahing baboy na hinihila sa harap niya. Kaya malaya na lang ako sumama sa kanila na para bang may mga kasama akong pulis at ako ang suspek. Ayun ipinakilala ako sa kanya at bilang simbolo ng bagong pagkakakilala kailangan niyong magkamay. Ayun habang ipinapakilala pla ko eh kasing bilis ng alas-kwatro sila gumawa ng kalokohan. Nung pagkakamay ko sa kanyang mala bulak na lambot ng palad ay nakatimbre na pala ang isang kanta ng Boyz II Men sa request booth. Mga walanghiya talaga at lumayo pa sa aming dalawa. Magkahalong  hiya, sayaw at bilis ng tibok ng puso ang aking naramdaman Papa Jack. Pero ang saya din pala ng  wish na yan kapag nakumpleto mo ang simbang gabi, medyo matagal nga lamang siguro ang epek. Dapat pala inuna ko yung instant  wish na maging kame or masyado daw atang overrated ang wish na yun sabi ni Lord. Okay na po ako duon sa nakilala ko siya.

Pero ewan, wag ka umasa na totoo nga ito, ang mahalaga ay magpunta sa simbahan nang alam ang dahilan kung bakit ka naroroon. Hindi para makipagharutan o makipaglandian. Nandoon ka para magdasal at  magpasalamat ng taimtim, nandoon ka para humingi ng kapatawaran ng mga kasalanan, hindi lamang sa pagfofoodtrip at hindi lamang sa kagandahan ng porma.

So what are you waiting for mga toohl, plug in the iron na at plantsahin na ang OOTN mamayang gabi. Alam ko naman na marami ka nang napamaskuhan at siyempre yung iba kaka 13th month lang kaya for sure todo get up na for tonight. Eksakto naman yung old school na "varsity jacket"   mo kasi umuulan at may bagyo. Aba eh unahan mo na rin ang pagsikat ng haring-araw bukas kaya gabi pa lang mag-shades ka na. At panigurado naman ako na makakailang shift ka ng simbang gabi mamaya para lang tumambay  at magsearch ng simbang gaBOYS at simbang gaBABES.

Oh siya balik review! Para sa ekonomiya!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento