Lunes, Pebrero 6, 2017

Valentine Phenomenon Part 2



'Alone again naturally...'

Ngayon pa lamang ay gusto ko nang malaman ang weather forecast pagdating ng labing-apat na araw simula ngayon. Umulan man o umaraw sa ika-labing apat ay ayos lang. Magkaroon man ng napakalakas na bagyo, bahain man ng luha ng mga pusong naninibugho sa atensiyon at pagmamahal ay nakahanda ako o matunaw man ang araw at ulanin ng sun flares ang mundo wala akong pakialam dahil nakapaghukay na rin naman ako ng pagtataguan sa ilalim ng aking kuwarto mangyari man ang ganitong klaseng phenomenon.

Kung sabihin man ng PAG-ASA na magsasabay sabay na ang pagpasok ng bagyo sa araw na iyon, di ako maniniwala dahil nakilala kita sa panahong pwede ako. Pwede ako sa mga bagay na bubuhay ng aking dugong natulog sa tatlumpu't anim na taon. Puwede ako sa pagkakataong mabuhayan ng ugat ang pusong tinalupan ng nagbabagang lamig ng yelo sa loob ng napakahabang panahon.

Malaya.(single)Maluwang na Tali.(unattached).Birhen.(virgin)Sakit ng Pana ni Kupido(brokenhearted).

Hindi mo kailangan ng maaliwalas na panahon kung ang tanging gagawin mo lamang maghapon ay maglike, magscrolldown sa mga Facebook newsfeed at pumuso sa wall post ng mga pinakamasasayang kumag sa araw na ito. Nakangiti nga ang haring-araw pero napapaligiran ka naman ng magkakaparehas na nilalang na magkaholding hands. Kahit yung magkaparehang love birds niyo sa bahay pinagbubulungan/pinagtsitsismisan ka na wala kang kapareha.

Ngunit kung sakaling darating ka. Hinihiling ko kay Bathalang kahit bigyan na lamang ako ng kulog o kidlat. Kumportable pa rin ako sapagkat andyan ka.

Habang ako'y nasa ex-tasi ng aking imahinasyon, aking aasahan na rin na sana sa pagdating mo matapos na ang tagtuyot sa malamig na gabing Daiso from Japan pillows lang aking kayakap. Kasabay na  rin ng pakikipag usap ko sa mga insekto, gagambang bahay at agiw na halos isang dekada ko nang kakwentuhan ng aking mga pagdaramdam, mga napagtagumpayan at kalungkutan. Sanay ang huli ay siya nang huling pagtirik ko ng kandila sa aking yumaong pag-ibig. Isang libo at isang katanungan kada araw...Handa na nga ba akong itayang muli ang aking kakisigan?

Gilbert Sullivan - Alone again Naturally

Pero baka masyado na akong natutuwa sa imahinasyong ito. Tama na. Ititigil ko muna ang pagtagay sa sarili. Hanapin ang tansan ng pulang kabayong itong nakakapagpaligaya sa akin.Tatakpan ko muna ang mga espiritung nang-aaliw sa aking imahinasyon sa sarili kong mundo. Preno muna at baka mali ang forecast natin sa ating nararamdaman. Mahirap sumugal kung ang paiiralin natin ay hanging nagmumula sa ating dibdib, mas mahirap din kung sa puwet. Lahat tayo nangangailangan ng warmth. Ngunit nababahala ako na baka ito maging cold front. Magkaiba ang inog ng mundo natin at pag nagkataon disaster ang dala nito sa buong sanlibutan.

At sa harap ng bintanang pupog ng tubig ulan na animo'y mga patak ng luha akoy naghihintay sa iyong pagdating. At sa puntong ito hayaan mo na lang na damhin kita mula sa malayo. Ituring mo akong bahaghari na magpapakita pagkatapos ng kalat-kalat at malawakang  mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng mga lupa.

At hanggat wala ka pa. Didistansiya na ako at hindi na mauulit muli ang mga panahong ako ay nagpadarang. Ititgil ko na ang mga mapanlinlang at malalaswang pahina mula Internet, ihihinto ko na ang panonood ng Girls Jumping on Trampoline at ng kung anu-ano pang panoorin na nakapagpapakiliti ng aking tralala. Manonood na lamang ako ng Disney channel para sa iyong pagdating at ikaw ay aking makikilala ay masaya ang ambiance.

Pero paano ko kikimkimin ang isang mala habagat na pakiramdam ng pagiisa?

Sana nga'y dumating ka na at makilala ka sa panahong pwede ako. Patuloy na umaasa sa aking mga sana. Alam kong nasa malayo ka pa at nandito lang ako.

Single. Unattached. Virgin. Patiently waiting.

Huwag mo sana akong kalilimutan. Habang hinihintay kita bago muling palibutan ng maiitim na ulap ang nararamdaman kong ito.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento