May mga Sabado sa paaralan na tila nakatupi pa rin sa aking puso— mga araw na payak, ngunit punô ng tuwa. May tiket noon para sa film showing, ginanap sa tahimik naming aklatan, na sa isang iglap ay naging munting sinehan ng kabataan. Noon, ang Sabado ay tunay na araw ng mga bata— malaya ang oras, magaang ang hininga, sapagkat wala pang pasok kinabukasan at ang mga takdang-aralin ay nakaabang pa sa Linggo. Kaya’t buong galak akong pinayagan ng aking ina, binili niya ang aking tiket, at ako’y pumasok sa paaralan na may dalang pananabik.
Mahigit isang oras at kalahati ang lumipas, at paglabas namin ng aklatan, bitbit ng bawat bata ang luha at ngiti. Isang lumang pelikula mula 1974, ngunit ang tama sa puso ay sariwa pa rin. At tila hindi pa roon nagtatapos ang himala— may raffle pala. Binunot ang mga numero, at sa unang pagkakataon sa aking buhay, ako’y tinawag ng suwerte. Ang aking napanalunan: isang malaking kahon ng Koko Krunch.
Para sa isang bata, iyon ay higit pa sa premyo— isa iyong tagumpay, alaala, at ligaya. Kaya’t umuwi akong busog sa saya: may pelikula, may pagkain at inumin, at may cereal na nilantakan ko sa aming tahanan. Sulit na sulit ang Sabadong iyon— isang munting kabanata ng kabataan na hanggang ngayon, ay masarap pa ring balik-balikan..
Noon, maraming pumapasok sa silid-aklatan hindi upang makipagtagpo sa mga pahina ng libro, kundi upang sumilong sa malamig na hininga ng aircon. Sa panahong yaon, bihira ang tahanang may ganitong luho— tanging ang mga mas nakaaangat lamang sa buhay ang may pribilehiyong iyon. Sabik kami sa lamig, lalo na sa ilalim ng matinding init ng dekada nobenta, kapag ang pawis ay bakas pa sa aming mga noo matapos ang nakakapagod na oras ng PE. Kaya may mga pasaway na dumidiretso sa library, naghahanap ng pahinga, hindi ng kaalaman. Ngunit hindi rin nagtatagal ang aming pagtatago; agad kaming tinutunton ng matang mapagmatyag ng librarian, at kami’y pinalalabas— sapagkat malinaw sa aming anyo na ang hinahanap namin noon ay hindi libro, kundi lamig.
Ang aming silid-aklatan ay nakadapo sa paanan ng hagdan, sa gawing kaliwa— at sa lilim ng bawat baitang, nakatago ang munting kaharian ng mga locker. Maging sa harapan ng library, nakahilera rin ang mga bakal na tagapag-ingat ng lihim, bag, at pangarap ng mga mag-aaral sa high school. Kapag ikaw ay varsity, may himalang kasama ang iyong pangalan— libre ang locker fee, parang gantimpala ng lakas at sipag. Sa mata ng paaralan, ang varsity player ang sukatan ng astig at pogi: siya ang sinisigawan ng palakpakan, ang sinusundan ng hiyawan ng mga chicks tuwing may interschool competition.
Sa paanan din ng hagdan, nakatago ang munting tanggapan ng aming guro sa PE— isang silid na parang baul ng galaw at sigla. Doon ka maaaring manghiram ng bilog na pangarap: bola ng basketball at volleyball, raketa ng badminton at mga shuttlecock na tila ibon sa himpapawid, pati darts at iba pang kagamitang humuhubog sa pawis at tawa ng kabataan.
Medyo mataray si Mrs. Latonero, may titig na kayang patahimikin ang magugulong paa, ngunit sa likod ng mahigpit na anyo ay may pusong marunong umunawa. Basta’t tama ang oras ng paghiram, at marunong kang maghintay, ang kanyang “sige” ay parang hudyat ng kalayaan— isang pahintulot upang muling tumakbo, tumalon, at maging bata.
Mukhang hanggang dito na lang ang pag uusapan natin tungkol sa mga alaala sa lugar sa loob ng ating eskuwelahan. Dadako naman tayo kung saan nangyayari ang mga bagay-bagay sa labas ng eskuwelahan. Hindi ka puwedeng umuwi o lumabas ng eskuwelahan lalo na kung school hours pa. Ang mata ni Mang Jess ay parang agila na laging nakabantay sa mga gate ng school kung may mga estudyanteng gustong mag istokwa sa oras ng klase.
Sa oras ng uwian nagsisimula ang pinakamatitingkad na alaala— sandaling kalayaan bago tuluyang lamunin ng dilim ang mga kalsada. Panahong maaari kang maglihis ng kaunti, maglakad nang walang hinahabol na oras. Ngunit ako’y batang homeboy, ang landas ko’y tuwid pauwi, subalit hindi kailanman tahimik. Sapagkat ang pagsabay sa mga kaklase sa pag-uwi ay isa nang piyestang araw-araw na handog ng kabataan. May kuwentuhang humahaba sa bawat kanto, may asarang walang preno, at food trip na parang ritwal— kanya-kanyang hawak na stick na tinuhugan ng kwek-kwek, fishball, kikiam, o kung anumang abot-kaya ng bulsa at gutom. Wala pang plastik na baso noon, stick lang at saya, sapat na. Habang naglalakad, kumakapit sa palad ang mantika at sa hangin ang tawanan. May bangka sa tropa— tagapagdala ng walang katapusang kuwento, sentro ng katatawanan, pinagmumulan ng mga salitang bago, mga salitang sa amin lang muna nabubuhay. Ganito kasaya ang uwian habang dahan-dahang lumulubog ang araw— kasabay ng ngiti naming ayaw pang umuwi sa alaala.
Tuwing Biyernes, kusa akong lumilihis sa landas ng pag-uwi—sapagkat iyon ang araw ng pangako, ang araw ng bagong labas na mga kuwento na hinihintay ng aking mga mata at puso: ang Funny Komiks. Sa kanto ng Angel Linao Street, may munting komiks stand na tila dambana ng imahinasyon, nakatayo sa harap ng panaderya kung saan ang amoy ng bagong lutong tinapay ay humahalo sa amoy ng bagong pahinang papel. Doon kami bumibili, doon din kami nagbabasa— sabay kagat ng putok o Spanish bread, sabay higop ng Fanta o Sarsi, parang ritwal ng kabataang sabik sa kuwento.
Maraming nagtitipon sa komiks stand— mga panahong adik pa ang mundo sa pagbabasa. Nariyan ang mga diyaryo, malalaki at mabibigat sa balita; ang songhita, mga magasin, mga pocketbook na kayang maglakbay ng isip kahit nakatayo ka lang sa kanto. Wiling-wili kami noon, binubuo ng mga letra ang aming mga pangarap. Ngayon, tahimik na ang mga sulok. Wala na ang pagtitipon, wala na ang sabik na mga mata sa pahina. Halos wala nang nagbabasa. Lahat ng iyon ay naiwan na sa isang dekadang tinawag naming tahanan— ang dekada nobenta, kung saan ang kuwento ay binabasa, hindi ini-skip.
Ngayon naman, masasabi kong masuwerte ka kapag malapit ka lang sa tindahan ng school supplies— sapagkat sigurado, isang daang porsiyento, may nakalimutan kang ipabili kay nanay na kakailanganin mo kinabukasan. Isang bilin ni teacher: Manila paper, art paper, mga gamit na biglang nagiging mahalaga kapag gabi na at bukas na ang pasahan. At dito pumapasok ang himala ng Miannis— isang kanlungan ng mga batang makakalimutin, isang tagapagligtas ng mga estudyanteng nagmamadali. Ang tindero roon, si Mang Filemon, tahimik ngunit maaasahan, ang bantay ng papel, lapis, krayola, at pangarap. Ang tindahan ni Mang Filemon ay parang munting National Bookstore ng San Andres, Maynila noon— lahat ng hanap mo, nariyan. Hindi ka niya bibiguin, kahit anong naiwan sa listahan ni teacher, may sagot siya sa iyong kaba.
At paano ko nga ba makakalimutan na sa harap mismo ng Miannis ay may isa pang piraso ng alaala— ang 3M’s Pizza. Ilang ulit din naming tinikman ang saya roon, panahong wala pang GrabFood, wala pang delivery sa isang pindot. Noon, kapag gusto mo ng pizza, lalakarin mo, pupuntahan mo, o iuuwi mong mainit at amoy keso. At ang 3M’s Pizza? Kahit simpleng pizza stand lamang, panalo sa lasa— malutong ang crust, umaapaw ang keso, at ramdam ang bigat ng karne sa bawat kagat. Isang patunay na noon, hindi kailangang sosyal o mahal para maging masarap, para maging alaala.
Sa gilid ng simbahan ng San Antonio de Padua, nakatabi ng tahimik na dasal ang payak na buhay— mga karinderyang umausok ang ulam,
mga tindahan ng bulaklak, sampaguita, at mga pigura ng santo’t santa na tila nakatingin sa bawat nagdaraan.
Hindi ko malilimutan ang halimuyak ng mga bulaklak na sumasalubong sa umaga, banayad at banal, parang panalanging hindi binibigkas
ngunit ramdam sa dibdib. Nakasabit din doon ang mga eskapularyo at rosaryo, mga hibla ng pananampalataya sa pagitan ng mga daliri,kasama ang mga korales— pula at itim na pulseras ng paniniwala, isinusuot sa mga sanggol bilang panangga sa usog at masamang mata. Nagkaroon ka rin ba noon, noong ikaw ay musmos pa? Isang maliit na alaala ng panahong ang mundo’y simple, at ang proteksiyon ay hinahabi mula sa dasal, tradisyon, at pagmamahal.
At nang sumikat ang Tamagotchi, tila may kanya-kanya kaming munting mundo sa palad— mga digital na alagang dapat pakainin at alagaan. Ngunit saglit lamang ang ligaya, sapagkat agad itong kinumpiska, bawal daw sa loob ng silid-aralan ang ganoong saya. Ngunit ang pinaka-kakaiba— ang alamat ng mga kaklaseng may tililing: may isang nagdala ng garter snake sa eskuwela, itinago sa bag na parang karaniwang gamit. Hindi man makamandag, ang sigaw ng mga takot sa ahas ay umalingawngaw sa buong hallway— dahil bihira naming makaharap ang ganoong hayop sa pang-araw-araw. At oo, sa panahon namin, hindi uso ang sabong ng manok— kundi sabong ng gagamba! Mga posporo ang nagsilbing bahay, at tuwing breaktime, dito nagsisimula ang laban at pustahan. Ganyan ang harap ng eskuwelahan noon— isang entablado ng uso, kabaliwan, at kasiyahang naiwan na sa dekada nobenta, ngunit patuloy na nabubuhay sa ating mga alaala.
Wala nang hihigit na tamis sa meryendang dala ng kanto, sa tindahan ni Fermin St., tuwing periodical exam ay dumadalaw. Tinig ng nagyeyelong Sarsi, halimuyak ng tikoy roll na homemade, na bawat kagat ay alaala ng araw-araw naming pagbisita.Simula nang matuklasan ang maliit na paraiso, ang aming hakbang ay awtomatikong naglalakad patungo rito— Sarsi at tikoy roll, simpleng kaligayahan sa lalamunan, kasabay ng utak na naglalaban sa sagot ng pagsusulit. Sa bawat higop ng Sarsi, nailalabas ang pagkadismaya, ang init ng pagkabigo, natatabunan ng tamis at lamig. Sarsi, higit sa iba, higit pa sa simpleng inumin, ito’y musika sa panlasa, kaagapay sa gutom at pag-iisip.
Smith St. Lahat ng basaguleros, alam ang daan, kung saan ang maliit na away, o ang agawan ng jowa, nagwawakas sa semento ng kalsada. Bakas pa sa Smith ang panuntukan, ang tadyakan, ang sigaw ng riot. Di ito kalayuan sa eskuwelahan, harap lang, at harap din ng Miannis ni Mang Filemon. At paglipas ng araw, bawat kamao, bawat galit, natutunaw sa bati-bati. Kinabukasan, bestfriend ulit, sa sabong ng gagamba, o sa laro ng pera—1-3 last.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento