Linggo, Marso 29, 2026

Araw ng Palaspas

 

My Palaspas ride in Sto. Niño de Tondo Parish back in 2023

Bilang isang Katoliko, marami akong naaalala tuwing sasapit ang Mahal na Araw o mas kilala sa tawag na Kwaresma bilang hiram nating salita mula sa mga Espanyol. Matatandaang ang mga Espanyol ang nagdala ng relihiyong Katoliko sa Pilipinas. Isa sa mga ganap na natatandaan ko pagkatapos ng Ash Wednesday, ilang linggo, ay ang Blessing ng mga Palaspas o Araw ng mga Palaspas. 

Paano nga ba ito ipinagdiriwang at ano ang mga ganap tuwing sasapit ang araw na ito? 

Ang Araw ng Palaspas ay ginaganap tuwing Linggo bago ang Mahal na Araw (Easter Sunday). Ibig sabihin, ito ay movable feast—nagbabago ang petsa bawat taon depende sa liturgical calendar. Ang liturgical calendar naman ay ang taunang siklo ng mga panahon at kapistahan sa mga simbahang Kristiyano (lalo na sa Katoliko) na ginugunita ang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.

Sa araw na ito, ginugunita ang pagpasok ni Hesus sa Jerusalem, kung saan siya ay sinalubong ng mga tao na may hawak na mga dahon ng palma at sumisigaw ng papuri.

Ang palaspas ay mga hinabing dahon ng niyog o palma na kadalasang ginagawang masining—may hugis krus, bulaklak, o iba’t ibang disenyo.

Sa tradisyon nating mga Pilipino, ito ay hindi lang simpleng dahon; simbolo ito ng pananampalataya, tagumpay, at pag-asa.

Sa umaga ng Araw ng Palaspas, nagkakaroon ng iba’t ibang kaganapan na nagpapakita ng pananampalataya ng mga mananampalataya. Karaniwang may prusisyon kung saan dala ng mga tao ang kanilang palaspas habang naglalakad bilang paggunita sa pagpasok ni Hesus sa Jerusalem. Isinasagawa rin ang pagpapala o Blessing of Palms ng pari, kung saan binabasbasan ang mga palaspas bilang bahagi ng ritwal. Kasunod nito ay ang banal na Misa na may pagbasa ng Passion of Christ. Sa ilang lugar, nagsisimula ang pagdiriwang sa labas ng simbahan at unti-unting papasok ang mga mananampalataya habang inaawit ang mga papuri.

Sa Simbahang Katoliko, tinitipon muna ang mga mananampalataya sa labas o sa loob ng simbahan upang makibahagi sa seremonya. Binabasbasan ng pari ang mga palaspas gamit ang banal na tubig (holy water), kasabay ng pagbigkas ng panalangin na humihiling ng biyaya at proteksyon para sa lahat. Bilang tanda ng papuri at pakikiisa, iwinawagayway o itinataas ng mga tao ang kanilang palaspas. Pagkatapos mabendisyunan, ang mga ito ay itinuturing na banal o isang sacramental.

Bakit isinasabit ng mga Katoliko ang palaspas sa pintuan o bintana?

  • Bilang proteksyon laban sa sakuna at masamang espiritu
  • Bilang paalala ng pananampalataya
  • Bilang pag-anyaya ng biyaya sa tahanan
Mahalagang tandaan na hindi ito “anting-anting.” Ang kapangyarihan nito ay nagmumula sa pananampalataya at basbas ng Diyos, hindi sa mismong dahon.

Hillsong Worship - Hosanna

Mabisa ba ang palaspas laban sa masasamang espiritu bago ito bendisyunan?

Hindi.

Bago ito mabendisyunan, ang palaspas ay ordinaryong dahon lamang.
Nagiging makabuluhan ito bilang simbolo at sakramental pagkatapos itong basbasan. Kaya ang tunay na “proteksyon” nito ay hindi galing sa bagay, kundi sa panalangin at pananampalataya.

May katanungan din na ano nga ba ang ginagawa natin sa mga lumang palaspas?

Hindi basta itinatapon ang lumang palaspas. Sa halip, ito ay sinusunog at ang nagiging abo nito ay ginagamit sa Ash Wednesday o Miyerkules ng Abo. Isang magandang paalala ito ng siklo ng pananampalataya—mula Palaspas hanggang Abo, na sumasagisag sa patuloy na pagninilay, pagsisisi, at pagbabalik-loob sa Diyos. Kapag nasunog na ang palaspas, ang abo nito ay puwedeng ilibing sa lupa sa likod ng bakuran bilang paggalang. 

Ang sigaw na “Hosanna!” ay karaniwang maririnig tuwing Araw ng Palaspas. Ito ay nagmula sa wikang Hebreo na nangangahulugang “Iligtas Mo kami!” o “Save us, we pray!” Bukod dito, isa rin itong sigaw ng papuri at pagkilala kay Hesus bilang Hari.

Ang araw ng Palaspas ay paalala na tulad ng mga taong sumalubong kay Hesus—madali tayong magpuri, pero handa ba tayong manatiling tapat kahit sa panahon ng pagsubok?




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads