Biyernes, Enero 15, 2016

Timeless Machines: San Miguel,Bulacan Trip



'Dito lang may poreber, malayo sa realidad ng mundo, kung saan nakakahilo at nakakasuka nang mamuhay.'

"I'd like to meet you in a timeless placeless place. Somewhere out of context and beyond all consequences."

Sinasabi nila na walang katulad ang saya at excitement sa tuwing meron kang babalikang lugar na matagal ka nang hindi nakakabalik. Hindi magkamaliw ang isipan sa kung anong pagbabago ang makikita sa lugar na iyong pinagbabakasyunan at ang probinsiya naging parte na rin ng buhay mo. Ang mga katanungang kumukulit sa isipan na, nandito pa ba ang tambayanan nuon, nanduon pa ba ang puno ng mangga na aming tinatambayang magpipinsa sa ilalim ng sikat  ng araw habang nagduduyan at   nagbabasa ng pinakatatagong koleksiyon ng mga lumang komiks at magasin. Tawagin mo na akong makaluma, ayos lang at ngingitian lang kita ang mahalaga sa akin ay naipon ko ang mga masasayang alaala ng lumipas na panahon. Tawagin  mo na akong madrama, tatawanan lang kita. Sapagkat wala nang  hihigit pa sa nararamdaman kong emosyon sa tuwing may makikita akong mga inaalikabok na bagay o kasangkapan at magpapaalala kung ano bang naging istorya sa akin ng  isang bagay na yun. Hindi kakornihan o kababawan ng kaligayahan ang pasalamatan ang mga koleksiyon ng mga itinanim mong alaala sa isang lugar lalo na kung napakaespesyal sa iyo nito. Malungkot, masaya, mapait na pangyayari o katatakutan man ang lahat ng iyan ay parte na ng alaala mo. Ngitian ang mapapait na alaala at yakapin at dakilain ang lahat ng pinakamasasayang araw na nakasama mo ang isang mapagmahal na kamag-anak at ang espesyal na lugar kung saan binuo at pinatatag ang mga memorya sa lumipas na taon.

Enigma - Return to Innocence (Timeless place)

Alas tres ng madaling-araw bago sumikat ang araw ay nilusong na ang dilim, kumaway kaway sa ning-ning ng mga bituin. Nagmistulang gabay ang liwanag ng buwan sa kadiliman ng lansangan. Kinamusta ang buwan ngunit hindi siya umiimik. Mabilis ang biyahe, walang trapik, walang MMDA. Sana lagi na lang madaling-araw at lalo sanang sana na wala na lang MMDA sa kalye. Maluwag ang daanan at presko pa ang hangin. Halos trenta minutos lang ang biniyahe papuntang Tambo sa Baclaran kung saan nag almusal muna sa isang fast food chain na kulay dilaw at  pula ang haligi kung saan nakatayo ang isang payaso  na mas makapal pa ang pulang lipsticks sa labi ni Angelina Jolie. Nakangiti ang payaso at animo'y sinasabi niya sa  isipan na "halika  mag almusal ka muna", kung makakausap ko lng din siya sa aking isipan ay tatanungin ko siya kung ililibre niya ba ako. Pero alam kong parang buwan lang din siya at hindi rin siya iimik. "Good morning sir" ang sabi  ng staff sa cashier. Inunahan ko na siya, huwag ho kayong mag-alala oorder po ako take-out at hindi po ako oorder ng may kasamang hugot.  "Isang hashbrown lang miss  at isang sausage sandwich with egg." "Isa lang sir?" "Oo isa lang, wag mo na kong hayaang humugot at sabihing.......table for 1 yan alam ko, pero lahat ng inoorder ko kain for 2. Kakausapin ko na lang  ang hashbrown baka sila sakaling umimik." Paglabas ko sa  tahanan ni Ronald rekta na at sakay na ng biyaheng Nichols para ihatid sa bus terminal.


I'm coming home!!!


Medyo dim lights pa ang kalangitan ng nakarating sa Terminal. Kaunti pa lamang ang mga tao at ang iba ay nakaupo sa gilid at naghihintay ng bus kung saan sila babiyahe. Iba't-ibang biyahe sa  terminal ng 5 star bus lines. May mga biyaheng pa Sorsogon, Pangasinan, Dagupan, Tarlac at Cabanatuan. Tiyempo naman na naroon na ang bus na rutang Nueva Ecija at hindi ko na kailangang maghintay pa. Maluwang pa at komportable ang upuan ng Five Star bus na aking sinakyan. Malinis, mabango at swabeng pahingahan ng aking likod na nananakit at mga matang mapanglaw na sukdulan na ang eyebag. Hindi na kasi ako nakatulog pa pag-uwi galing sa trabaho at nakipag chat na lang at nakipag tsismisan sa aking tukayo. Sekreto kung sino siya. Hehe! Ang alam ko may nakalimutan pa akong bilhin at tama kailangan ko ng pasalubong kaya bumaba muna ako ng bus at bumili ng isang box na Mister donut bilang pasalubong. Itong donut pa nga ata ang naging highlights ng pagpunta ko doon. Pero siguro natutuwa lamang sila dahil hindi sila makapaniwala na itong batang uhugin at hikain noon ay ako na daw mismo ang nagbibigay ng pasalubong ngayon. Ganun nga ba ko kakunat? Haha!

Sa bus hindi mawawala ang mga Blue ray disc  movies kaya nagsalang ang konduktor ng pelikulang mapapanood ng mga pasahero. Kailangan siguro all ages dahil pag-akyat ng 4:45 pm ay napupuno na ang bus, bata, matanda, lalake, babae, teenagers at paslit, pogi at magaganda eh welcome aboard na. Kaya siguro naisipan ni mamang konduktor na isalang yung PAN hindi po isasalang ang pan na literal na magDedelmonte Kitchenomics si koya. Kung di po yung pelikulang PAN na may temang fantasy at comedy. Yun ang kanyang napili bago ko napansin ang bahagyang cover ng barely legal sa drawer ng bus. Ops ops ayan ka na naman ha, hindi yun. Yung pelikula talagang barely legal nung   2011. Akala mo ha. Gentleman kaya si koya kong  konduktor. Tingin ko bihasa na siya sa trabaho niya dahil ang bilis kumilos ng kanyang mga daliri sa pagbutas ng mga tiket. Kasabay ng pagbutas ng tiket ang pag-nguya niya ng  bubble gum at puwedeng pang musica.ly si koya kung lalapatan lang ng musika at kaunting epeks.

Arko ng San Miguel, Bulacan
Tanawin bawat tanawin, bukid by bukid. Yan lamang naman ang mga tanawin na makikita mo dito sa amin sa Bulacan, wala kaming mga bundok o mga kilalang lugar along the highway. Pero siyempre  naman kahit bukid lamang ang makikita mo dito ay walang katulad pa rin naman ang kagandahan at kaluntian ng mga palayan. Yung unti unti paglabas ng sinag ng araw na maghehello sa malawak na bukirin ay kaakit akit. Ang pag-aagaw ng liwanag at dilim sa may di kalayuan ay nakamamanghang pagmasdan. Pinili ko ang kanta ng Beatles na "Dear Prudence" na aking naririnig sa earphones para may background ang pagtanaw ko mga tanawin at mula dito ay mapapasabay ako sa mga linyang "The sun is up, the sky is blue, it's so beautiful and so are you."  Ito rin ang mga kataga kong ipinopost sa social media sa tuwing hindi ko maramdaman ang positive vibes sa umaga.

Beatles - Dear Prudence


Along the way nadaanan ng bus ang 8 Waves water park na minsan na ring nakapagswimming ang buong Faculty and staff ng aking paaralan na pinagtuturuan bilang isa sa lugar na pinuntahan nuong field trip ng mga college students. Ang matandang simbahan ng Barasoain na nasa sampung piso na lumang pera ay nasa loob ng bayan ng  Malolos kaya hindi na nasilayan. Ang Bahay na Pula na kilalang haunted house sa San Ildefonso ay isa na ring  atraksiyon ng lalawigan ng Bulakan. Marami nang naganap na shooting ng mga nakakatakot na pelikula sa bahay na ito at dito rin dati nag shu-shooting ang Okat-tokat ng Channel 2 na dating palabas tuwing gabi sa TV.

Pagkalipas ng tatlong oras na biyahe ay nakarating na sa bayan ng Oriente. Ang San Miguel Bulacan na nga mismo ang pinakahuling bayan ng Bulacan at pinaka dulo. Dahil mula sa aking pagkakatayo sa waiting shed ng mga toda eh tanaw  mo na ang arko ng "Welcome to  Nueva Ecija". Nakangiti na si manong drayber at may puntong tinanong ako kung saan ako bababa. Ang sambit ko naman ay sa Barrio ng Batasang Bata pagkalampas lang ng malaking electric lines at funeraria. Medyo hindi lang maganda ang palatandaan ko pero maganda naman ang pangalan ng funeraria dahil "Dasal" ang kaakibat nitong ngalan. Habang biyahe din, habang daan at maraming parte pa na bako-bako kaya chineck ko ang vital organs ko kung nakakapit pa sa laman. (calling Mayor, konting tapal naman ho) Ito ang pinakagusto kong aroma sa  tuwing nauwi ako sa probinsiya. Yung amoy ng siga sa mga tuyong dahon. Masarap singhutin ang usok ng siga na dala ng malamig na hangin sa umaga habang ang ilan ay nagkakape na habang nakatambay sa harap ng kanilang mga tahanan at tindahan, kuwentuhang walang palya, kuwentuhang walang patutunguhan para lamang patayin ang oras. Timeless, ika nga. May mga kabataang naglalaro pa ng holen at nagkukusot ng mata sa bukirin habang nakaupo sa kawayang upuan, sa may di kalayuan ay may umiigib ng tubig sa may poso, mga nagsisipilyo at may ilang kalalakihan na nagbabasketball sa isang ring na gawa sa isang matibay na kahoy.


Susie and Simon 
Pagkaraan ng bente minutos ng pagkakaalog ko sa lubak na daan ay nakarating na rin sa bahay ng aking tiyahin. Nakasarado pa ang gate pero tanaw na ako ni tito Danny mula sa loob. Isang pagmano, pagkamay at respeto ang aking pagbati sa kanya. Batian, kuwentuhan at tawanan ang aming pinagsaluhan habang inaantay ang aking tita Martha na nasa palengke sa kasalukuyan. Sinalubong din ako ng aking mga bagong kaibigan  na sila Susie at Simon ang kanilang mga alagang aso. Tahol, kahol sa una pero nung nahawakan ko ang mga pisngi nila e parang may magical touch ata ako sa mga aso at tumahimik sila sa pagkahol. Nariyan yung nilulundag ka na at wala ng tigil ang pagkawag ng kanilang buntot.


Mini Farmville 
Tuloy ang kwentuhan namin ng aking tito pero mas nakasanayan kasi namin silang tawaging "Papa" at "Mama" si Tito Danny na asawa ng kpatid ng aking nanay ay nasa 80 anyos na at si  tita naman ay 69. Napakasimple at payak lamang ng buhay nila dito, sila na nga siguro yung masasabi kong "may  poreber". Silang dalawa lang nasa bahay at umuuwi lamang ang mga apo nila at mga pinsan ko tuwing weekend para makasama ang kanilang mga lolo at lola.
Ang sabi nila ay kung sino lamang daw ang mapagod sa kanila sa gawaing bahay ay magpahinga ang may gusto at kung wala kang magawa ay maghahanap ng gagawin katulad na lamang ng pagtatanim ng iba't-ibang gulay at prutas sa likod ng  bahay. Mayroon kaming sapat na hardin sa likod kung saan maraming puno at halaman, mga alagang hayop katulad ng mga manok,itik at baboy ramo. Yep! merong baboy ramo sa mini farmville ng aking tito at tita. Makikita
mo na lang na nagkalat ang mga itlog ng manok, hanapin mo na lang kung san sila naglimlim. Nasa pito hanggang walong itik na mayroon ding itlog. Sari saring tanim katulad ng kangkong, aloe vera, kamias, upo, sili, guyabano, saging, kamote, sitaw at kung anu-ano pang malalalim na salitang hindi ko na maintindihan sa Tagalog kung anong klaseng gulay o prutas yun. Meron din silang tanim na mga herbal plants para sa mga may sakit. Pagkalabas ng mini farmville ay bubungad sa iyo ang isang napakalawak at mahamog na bukirin. Alas otso na, pero malamig pa rin at banayad lamang ang init. Hindi ako mahilig magpa letrato pero para naman may remembrance ay nagpakuha ako at kame ng larawan ni tito. Kagaya nga ng sinabi ko, walang bundok, walang magandang tanawin, simple, payak at kulay bughaw na  kalangitan  at luntiang bukirin lamang ang makikita dito. 

Maya maya pa dumating na si tita, pagmano, pag-akap at respeto ang aking pambungad na pagbati. May asawa ka na ba? Ayun na. Dun na pumasok sa parteng iyon ang katanungang walang hanggan. "Wala pa po" ang aking tugon. Pagbablush na lang at konting landing mukha ang ipinakita ko sa kanya at buti na lang wala ng follow up questions. Ay meron pala, "ilang taon ka na". Siyempre lagi ko lang sinasabing "trenta" kasi pag niround off yung 34 nasa trenta pa rin yun. Kaya ok na ang tugon na trenta. Never ending story ang sumunod nangyari, magluluto sana siya ng nilagang baboy pero sabi ko na wag na siyang mag-abala dahil mapapagod pa siya at ayoko naman na mapagod pa sila na dahil lang sa akin. "Sa Linggo na lang po kayo magluto pagbisita nila nanay." Sapagkat itong darating na Linggo ang mga tao naman dito sa bahay at mga kapatid ni ermats sa Menela ang bibisita sa kanila. 



Pagdating ng alas diyes y media ay nagpaalam na ako sa kanila at pinadalhan niya ako ng pasalubong na chicharon na isa sa patok  na pagkain at pasalubong sa Bulacan. Crunchy, malinamnam at may laman.Nagpaalam na rin kay tito at  ipinangako sa  kanla na muling babalik at dadalasan ang pagbisita sa kanila. Nag-goodbye na rin sa dalawang tapat na alaga ng haligi  ng tahanan, ang mga friendly fur babies na sila Susie  at Simon. 

Sumakay na ulit ng traysikel pabalik sa kanto at isang matamis na wagayway ang aking inalay sa aking tito at tita na may pangakong ako'y babalik kung saan ang lugar ay tahimik, wala kang iisiping panganib dahil hindi nagtatalo talo ang mga tao, yung may simpleng pamumuhay at kung saan puwede patayin ang bilis ng takbo ng oras at pagod. Masarap din pa lang mawalay sa mundo ng teknolohiya, Internet at social media sa maikling oras. Minsan napapahalagan natin ang ating mga mahal sa buhay kung tatakasan natin ang ating nakagisnan na gawain. Yung walang Facebook, Twitter, Instagram at mga app games na niloloko lang naman tayo. Kahit sa kaunting saglet tumigil ang  mundo ko, nakalimutan ang problema at ang pinakamahalaga ay nakabuo na naman ako ng isang magandang alaala sa istorya ng  buhay ko. Timeless place o pook pahingahan ito ang kailangan ng bawat tao kung saan sa realidad na mundo ay nakakahilo na at nakakasuka nang mamuhay.

Ako'y babalik,

Pangako...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento