![]() |
| Mga klasik na pamahiin ng Pinoy tuwing Undas |
Tuwing sumasapit ang Undas o Araw ng mga Patay, nagiging mas tahimik at mapanatag ang bawat sulok ng Pilipinas. Ang mga sementeryo ay napupuno ng mga pamilya na nag-aalay ng kandila, bulaklak, at panalangin para sa mga yumao. Ngunit higit pa sa mga tradisyong ito, nakaukit sa ating kultura ang samu’t saring pamahiin — mga paniniwalang ipinasa ng ating mga ninuno, at patuloy pa ring sinusunod hanggang ngayon.
Sa panahong ito, tila mas manipis ang harang sa pagitan ng mundo ng mga buhay at ng mga patay. Kaya’t marami ang naniniwala na dapat tayong mag-ingat sa ating mga kilos, pananalita, at gawain. Narito ang ilan sa mga pinakakilalang pamahiin tuwing Undas, kasama ang kanilang pinagmulan at kahulugan.
1. Bawal magwalis sa gabi ng Undas
Isa sa mga pinakapopular na pamahiin ay ang huwag magwalis sa gabi, lalo na kung katatapos lang bisitahin ang puntod. Sinasabing kapag ikaw ay nagwalis, parang pinalalayas mo ang kaluluwa ng iyong mahal sa buhay na dumalaw sa inyong tahanan. Sa halip, hayaan daw silang magpahinga at bumalik sa kanilang lugar nang mapayapa. Kaya mabuting ireserve mo na lang ang kasipagan mo kinabukasan upang hindi maantala ang pagbisita ng ating mga minamahal na hindi nakikita.
2. Huwag agad umalis pagkatapos magbisita sa puntod
Pagkatapos mag-alay ng kandila at dasal, may mga naniniwala na dapat munang maghintay hanggang tuluyang matunaw ang kandila bago umalis. Ayon sa mga matatanda, kung aalis ka agad, baka sumama sa iyo ang kaluluwa ng yumao pabalik sa bahay. Oo nga naman bakit ka nga naman aalis agad pagkatapos masindihan ang kandila, nandoon ka lang ba para magsindi ng apoy? Isipin natin na ang pagbisita sa ating mga beloveds ay hindi lamang simpleng pagpapakita ng presensiya sa kanilang puntod kundi gawin itong solemn sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal para sa kanila. Sapagkat hindi natin alam ang tunay nilang kalagayan pagkatapos nilang sumakabilang-buhay.Ang dasal sa kaluluwa ayon sa matatanda ay isang paraan upang lalong mapabilis ang proseso ng pagpunta sa langit ng ating mga mahal sa buhay.
3. Bawal magdala ng pagkain mula sa sementeryo pauwi
May ilan ding nagsasabing huwag mag-uwi ng pagkain na inilaan sa puntod. Ang mga pagkaing ito ay simbolo ng alay para sa mga patay, kaya’t kung iuuwi mo raw, baka magdala ka ng malas o masamang enerhiya sa bahay.Kagaya rin ito ng mga pagkain sa lamay na bawal iuwi. Wala ka naman sa handaan bakit magbabalot ka ng pagkain na alay sa patay? Mang-agaw pa ba?
4. Bawal magpatugtog o magsaya nang sobra
Ang Undas ay panahon ng paggunita, hindi ng kasiyahan. Marami ang naniniwalang dapat iwasan ang malalakas na tugtugan o labis na tawanan sa mga araw na ito, dahil baka maistorbo ang mga kaluluwang nagpapahinga. Isa rin itong paraan ng paggalang sa mga yumao at sa kanilang alaala. Pero kung naaalala niyo noong 90s era ay tila naging "fiesta" na literal ang piyesta ng mga patay dahil sa kabi-kabilang sound trip at videoke, inuman, kwentuhan at pulutan. Naging isang malaking party ang sementeryo, mabuti na lang at talagang nag-iba ang sistema at wala nang nagoovernight ngayon sa paligid ng mga sementeryo. Imbis na araw ng mga patay, naging araw ng mga buhay dahil sila ang nagkakasiyahan.
5. Takpan ang mga salamin sa loob ng bahay
Sa ilang probinsya, karaniwan ang pamahiing takpan ang salamin tuwing may lamay o Undas. Pinaniniwalaang ang mga salamin ay daanan ng mga espiritu, at baka may makakita ng imahe ng patay sa repleksyon. Upang makaiwas sa takot o masamang pangitain, tinatakpan ito ng puting tela. Bagamat pamahiin lang ito, hindi naman masamang maniwala at kung hindi ka sumunod okay lang din naman wag mo lang sasabihin na "tsamba" may nakita kang apparition sa lumang salamin. Actually, totoo po ito bungad na rin ng sariling karanasan namin. Namatay si tita noon, nailibing na siya at pagkalipas ng ilang buwan lang ay nagpakita siya sa salamin na malapit sa aming sofa tyempong nagseselfie ang pinsan kong babae, pagkita naman sa larawan ay pinagmasdan naming mabuti ito at tila may repleksiyon nga sa salamin. Pinanindigan kami lahat ng balahibo nung nakita namin dahil yung suot nung babae sa salamin ay yun ang suot ng tita namin nung inilibing siya.
6. Mag-iwan ng kandila at pagkain sa altar o labas ng bahay
Marami pa rin sa mga Pilipino ang nag-iiwan ng kandila, tubig, at pagkain sa altar o labas ng bahay sa gabi ng Undas. Paniniwala ito na dumadalaw ang mga kaluluwa ng mga mahal sa buhay, kaya’t dapat silang tanggapin at paghandaan. Ang kandila raw ay nagsisilbing ilaw o gabay upang madali nilang mahanap ang daan pauwi. Ang sabi naman ng ilan, kapag nagkaroon daw ng wax build up/dripping sa sides yung may apoy na kandila (yung parang water falls) ibig sabihin malungkot at umiiyak daw yung kaluluwa nung taong tinulusan mo ng kandila. Kaya we make sure na sa flat surface and upright ang pagtulos para malinis yung pag burn sa candle.
7. Huwag tumawa o magbiro sa sementeryo
Itinuturing na bastos o malas ang pagtawa o pagbibiro sa loob ng sementeryo. Ang lugar na ito ay sagrado, at ang pagpapakita ng labis na kasiyahan ay tila hindi paggalang sa mga kaluluwang namamahinga roon. Alalahanin natin na hindi lahat ng tao doon ay tuyo na ang sugat na naiwan sa kanilang mga puso sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay. Sariwa pa ang sugat kaya dapat pa rin tayong magbigay ng respeto para sa lahat sa araw ng Undas pagpunta natin sa sementeryo. At huwag na huwag kayong magtatakutan at maghahagikhikan.
8. Maghanda ng “atang” o alay
Sa ilang lalawigan tulad ng Ilocos at Visayas, may tradisyong tinatawag na atang — isang handog ng pagkain, kape, sigarilyo, at kandila para sa mga kaluluwa. Pinaniniwalaang kapag ginawa ito, hindi ka guguluhin ng mga espiritu at pagpapalain ka nila sa buong taon.
9. Huwag tumingin sa likod kapag umaalis ng sementeryo
Kapag tapos na ang pagdalaw, sinasabi ng matatanda na huwag kang lilingon habang paalis ng sementeryo. Baka raw may sumunod na kaluluwa at sumama sa iyo pauwi. Ang paglingon ay itinuturing na pag-anyaya sa mga espiritu. Ito'y mahahalintulad din sa mga pamahiin sa lamay. Huwag ka nang lilingon sa bahay na pinaglamayan kapag nakalabas ka na ng bahay.
10. Magdasal sa bawat pagdaan sa sementeryo
Kahit hindi Undas, marami ang nagdarasal o nag-aantanda tuwing dumaraan sa sementeryo. Isa itong simbolong ng paggalang at panalangin para sa mga kaluluwa ng lahat ng mga namatay — hindi lang ng mga kamag-anak kundi pati ng mga kaluluwang walang nagdadasal para sa kanila. Ang iba pa nga ay nagrorosaryo kasama ang pamilyang naiwan ng pumanaw. Kaunting kuwentuhan at pag-alala sa mga lumisan. Yan ang klasik na gawain ng mga Pinoy sa tuwing dadalaw sa ountod ng kanilang mahal sa buhay tuwing Undas.
11. Magpagpag sa 7-11
Sa 7-11 talaga? Isa ito sa pinakapopular na pamahiin. Sinasabing huwag daw diretso uuwi galing sementeryo dahil baka may kaluluwang sumama sa iyo. Ito karaniwan ang tinatawag na "pagpag" bukod dun sa pagkaing pagpag. Kaya ang mga Pinoy, bilang pag-iwas, dumadaan muna sa ibang lugar — gaya ng 7-Eleven, Jollibee, o kahit sa tindahan sa kanto — bago umuwi.
Ang tawag dito minsan ay “pambasag ng biyahe" o pagpag. Ang ideya: kapag nag-stop over ka muna, “nababasag” ang sumpa o ang koneksyon ng mga espiritu na posibleng sumunod sa iyo. Kaya ang lahat ng iyon ay naiiwan sa 7-11. Ewan ko ba kung ilang kaluluwa na ang naiwan at na-trap sa 7-11 at bakit hindi ito ginagawaan ng kuwento ng Gabi ng Lagim ni Jessica Soho, baka naman totoo o may mga nangyari na nagparamdam na mga kaluluwa't multo sa 7-11 dahil iniligaw sila dito? Pero minsan hindi naman ito talaga sadya ng tao, madalas kasi pag-Undas, mainit, maalikabok, at siksikan sa sementeryo. Kaya paglabas ng mga tao, gusto muna nilang magpahinga — bumili ng malamig na inumin, kape, o meryenda. Convenient ang 7-Eleven dahil bukas 24 oras, may aircon, at mura pa ang pagkain.Sa totoo lang, naging modernong “pahingahan” na ito ng mga galing sementeryo.Simple man sabihin, minsan gutom at uhaw lang talaga ang dahilan. Maraming Pinoy ang diretsong galing trabaho o biyahe bago dumaan sa sementeryo, kaya paglabas — ang unang bukas na kainan ay ang 7-Eleven!
Ang mga pamahiin tuwing Undas ay hindi lamang bunga ng takot o pamahiing walang basehan. Isa itong pahiwatig ng malalim na paggalang ng mga Pilipino sa buhay at kamatayan. Sa likod ng bawat paniniwala ay ang kagustuhang mapanatili ang koneksyon sa mga nauna sa atin, at ang pagnanais na huwag silang malimutan.
Sa paglipas ng panahon, maaaring magbago ang paraan ng paggunita — maaaring digital candles na sa social media, o online mass para sa mga yumao — ngunit nananatiling buhay ang diwa ng Undas sa ating mga puso: ang pagmamahal at pag-alala sa ating mga pumanaw.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento