Tuwing dumarating ang huling linggo ng Oktubre, tila may kakaibang simoy ng hangin. Hindi ito dahil malamig na panahon o dahil papalapit na ang Undas, kundi dahil sa mga batang biglang nagsusuot ng costume — mula sa mga bampirang labas ang tiyan, hanggang sa mga prinsesang may suot na tsinelas ng nanay nila. At siyempre, bitbit nila ang pinakasikat na linya ng panahong ito: “Trick or treat!” Pero ano nga ba, naging kultura nga ba ng mga Pilipino ang pag-ti trick or treating? Tara pag-usapan natin yan.
Pero saan nga ba nagsimula ang tradisyong ito? At paano naman ito napunta sa ating mga kalye sa Pilipinas kung dati naman ang tanging binibisita ng mga bata kasama ang kanilang mga magulang tuwing Oktubre ay ang sementeryo, hindi ang kapitbahay?
Ang “trick or treating” ay may malalim na ugat sa mga sinaunang kaugalian ng mga Celts sa Europe — partikular sa pagdiriwang ng Samhain (binibigkas na “sow-in”). Ginaganap ito tuwing Oktubre 31 bilang tanda ng pagtatapos ng ani at pagsisimula ng madilim at malamig na panahon — na para sa kanila ay panahon din ng mga espiritu. Ang Celts ay isang uri ng tribe na matatagpuan sa Central Europe at sakop nitp ang mga bansang France, southern Germany, Austria, and Switzerland.
Naniniwala ang mga Celts na sa gabi ng Samhain, bumabalik sa mundo ang mga kaluluwa ng mga patay. Upang hindi sila gambalain ng masasamang espiritu, nagsusuot sila ng kakaibang kasuotan (para magtago o makipag-blend sa mga multo) at nag-aalay ng pagkain sa mga pintuan bilang “peace offering.”
Ayun! Doon pala nagsimula ang konsepto ng pagbibigay ng pagkain o treats sa mga “espiritu.”
Paglipas ng panahon, nang pumasok ang Kristiyanismo sa Europa, naging All Saints’ Day at All Souls’ Day ang selebrasyon. May isang kaugalian noon na tinawag na “souling”, kung saan ang mga mahihirap ay kumakatok sa mga bahay para humingi ng tinapay kapalit ng panalangin para sa mga kaluluwa ng mga yumao. Medyo malapit na ito sa “trick or treat,” ‘di ba? Pero imbes na candy, tinapay at dasal ang kapalit.
Fast forward tayo sa Amerika — doon tuluyang naging Halloween tradition ang trick or treating. Sa halip na tinapay, candy na ang kapalit, at sa halip na kaluluwa, mga batang naka-costume na ang kumakatok sa pinto. Dito na rin nagsimula ang mga katatakutang characters katulan nila Jason Vorhees ng Friday the 13th at Michael Myers ng Halloween series. Naging tradition ng katatakutan ang Halloween sa Amerika hanggang sa kumalat na ang tradisyong ito at abutin din ang bansang Pilipinas. Siyempre ano pa nga ba, malaki talaga ang impluwensiya ng bansang Pilipinas sa Amerika di ba?
Ngayon, balik tayo sa Pilipinas. Noong unang panahon, kapag Oktubre 31, ang tanging “trick” na alam ng mga bata ay kung paano makalusot sa mahigpit na titang ayaw magpalaro ng mga natutunaw na kandila na tinulos sa loob ng gate o di kaya ay sa altar. Ang “treat”? Eh ‘di yung Kopiko o Marie biscuit kapag may lamayan o di kaya ay ang inihahandang biko, pichi-pichi at ginataan na sinasabing paborito ng ating mga mahal na namayapa especially ang ating mga lolo at lola. Minsan nga nag-aalay pa ng sigarilyo noon ang mga tita ko para sa lolo ko. Sa isip ko hindi ba nila alam na isa yun sa dahilan ng kamatayan ni lolo, ang sigarilyo? Gusto ata nila maging double dead si lolo. Joke!
Nang pumasok ang impluwensya ng Western culture, lalo na sa mga private school at malls, dahan-dahan nating niyakap ang Halloween bilang “costume party day.” Ang mga batang dati’y nagbibihis lang ng puting t-shirt tuwing Undas, biglang naging mini Dracula, Elsa, o zombie na may eyeliner ng nanay.
Ngayon, sa mga gated subdivisions, uso na rin ang trick or treat. Siyempre di naman natin tradisyon yan kaya madalas ang nangyayari ay patawad ang nakukuha na sagot ng ating mga kiddos na naka costume. Hindi naman kasi tayo nasanay na mag stock ng kendi at tsokolate sa bahay di ba, at kung meron man ay para yun sa personal. Pero may mayayamang subdivision naman talaga na sinusuportahan ang ganitong ganap.
Hindi rin papahuli ‘yung mga magulang na mas ganado pa kaysa sa mga anak. “Anak, bilisan mo! Yung bahay na may skeleton sa gate , imported ‘yung candy at tsokolate nila!”
Kung tutuusin, wala talagang “trick or treat” sa orihinal na kulturang Pilipino. Ang pinakamalapit natin diyan ay ang pangangaluluwa — isang lumang tradisyong Pilipino kung saan ang mga tao ay kumakanta sa bawat bahay upang mangalap ng pagkain o alay para sa mga kaluluwa ng mga yumao.
Ang pagkakaiba lang, sa pangangaluluwa, spiritual at solemn ang tema; sa trick or treat, costume at candy overload. Pero parehong may kinalaman sa mga kaluluwa at sa kabutihang magbigay.
Kung tutuusin, medyo ironic nga — dati, pagkaluluwa ang pag-uusapan, tahimik at madamdamin; ngayon, nakangiti at may dalang pumpkin bucket na.
At kung may tunay na “trick” sa trick or treat sa Pilipinas, ito siguro ‘yung mga tatlong batang sabay-sabay na babalik sa iisang bahay — kasi nagpalit lang ng costume para makakuha ulit ng candy!
O kaya naman ‘yung mga nanay na sinasabing, “Sa anak ko po ‘yan,” pero sila ‘yung kumukuha ng tsokolate para may baon kinabukasan.
Sa huli ang “trick or treat” ay patunay na kahit saan galing ang isang tradisyon, kayang-kaya itong tablan ng halong Pinoy creativity at pilyong katatawanan.
Dahil oo, kahit wala sa kasaysayan natin, ginagawa pa rin nating masaya, makulay, at minsan — medyo OA pero wholesome — ang Halloween.
Sapagkat sa bawat bahay na pinuntahan, sa bawat candy na nakuha, at sa bawat halakhak na ibinahagi — naroon pa rin ang tunay na diwa ng pagiging Pilipino: mahilig sa saya, sa kwento, at sa konting kalokohan.
Kaya mga kids, Happy haunting oopss kay John Wick pala ang mga katagang yan, mga kids Happy Trick or Treating!

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento