May kakaibang lamig ang Disyembre noon—hindi lang dahil sa amihan na humahaplos sa balat, kundi dahil dala nito ang isang uri ng saya na ngayon ay parang alaala na lamang na may bahagyang kirot sa dulo. Sa kalye namin, bawat umaga ng Disyembre ay nagsisimula sa amoy ng nag-iinit na gata para sa bibingka at puto bumbong sa kanto. Tumatakas ang usok mula sa bilao, para bang nanunukso na,
“Malapit na, Pasko na talaga.”
Noong dekada nobenta, ang lamig ng hangin ay kasabay ng init ng komunidad. May mga batang naglalaro ng teks, holen, tirador sa bawat lansangan kahit nanginginig ang kamay, tuloy pa rin ang saya. Ang ibang bata ay naka sweater na animoy wala sa Pilipinas ang porma. Ang bitbit nilang pangarap: makapag-ipon ng bente pesos para sa bagong laruan o fireworks na mabibili kay Aling Meding. Simpleng panahon, simpleng ligaya. Sa dilim ng gabi, dahan-dahang sisindi ang mga parol— hindi LED, hindi programmable, kundi parol na yari sa papel de hapon, bombilya sa loob ay ayos na at puwede nang isabit sa pintuan ng kabahayan o di kaya'y bintana.
Liwanag na pinagpasa-pasahan, parang pag-asa na hindi kailanman nauubos. Ang radyo naman, paulit-ulit ang tugtog: “Sana ngayong Pasko…” o kaya naman ay “Kumukutikutitap.” At kahit sintonado ang kapitbahay na kumakanta, walang umaangal, dahil gano’n talaga ang Disyembre— puno ng amats ng nostalgia, kahit malamig lang na tubig lang ang iniinom mo kahit pumipiyok ang birit ay tanggap yan ng mga tagapakinig dahil sa nostalgia na dala nito.
Sa mga kalsadang halos putik ang daraanan sa mga probinsiya sa Pilipinas lumalakad kami papuntang simbang gabi, nagpapainit ng palad sa sariling hininga. Ngunit sa bawat yapak, parang may kasabay na musika— ang pagkikipagkwentuhan, ang hagikhikan, ang simpleng paniniwala na kapag kompleto ang siyam, matutupad ang hiling. At sa hapag ng Noche Buena, hindi kailangan ng engrandeng handa. Kahit pansit, tinapay, at isang boteng sarsaparilla, kumpleto na ang mundo. Sapagkat ang Pasko noon ay hindi nasusukat sa presyo, kundi sa presensiya— at sa presensiya ng bawat isa, mainit kahit malamig ang gabi.
Ngayon, iba na ang Disyembre. Mas makulay ang ilaw, mas maingay ang mundo, pero mas kalmado ang damdamin noon. Minsan, hinahanap ko pa rin ang lamig ng Disyembre ng dekada nobenta yung lamig na may halong lambing, yung lamig na walang pangamba, yung lamig na may aakap pang mga magulang sa espiritu ng pagmamahalan at pagbibigayan tuwing araw na pinanganak ang Dakilang Manunubos na si Hesukristo. Ngayon kulang na ang pamilya nabawasan na ang init ng walang hahawak na bigkisa sa kalamigan ng Disyembre.
Kaya tuwing hahampas ang simoy mula sa hilaga, napapapikit ako nang sandali. At sa maikling sandaling iyon, para akong bumabalik sa lumang kalsada namin— kung saan ang mga parol ay papel lang, ang mga batang nilalamig sa simoy ng hangin pero masaya, at ang Disyembre… ay hindi lang malamig, kundi buhay na buhay ay puno ng kulay at pagmamahal.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento