Sabado, Hunyo 6, 2020

Ang Kwento ni Piknik


'Piknik the pregnant cat'


Mas lalo kong minamahal ang aking ina. Mas lalo kong natututunan ang kahalagahan ng isang ina ang kanilang pisikal na paghihirap upang mailuwal ka sa mundong ating ginagalawan. Naging bokal ako sa social media bilang isang tunay na mangingibig sa pag-aalaga ng hayop partikular na rito ang mga aso at pusa. Hindi ko mawari ang awang aking nararamdaman sa tuwing may mga nakikita akong mga hayop na inabandona at pinabayaan na lamang ng kanilang mga pet parents na magpagala-gala na laman sa kalsada. Para sa akin ay animo'y katumbas na rin ito ng pagligaw mo sa isang batang musmos na hindi niya alam kung saan siya magpupunta at kung paano siya makakahanap ng pagkain. Kaya naman sa tuwing may nakikita akong mga kuting sa mga gilid ng kalye o malapit sa basurahan ay aking inaampon at dinadala sa bahay. Sa kasalukuyan mayroon akong dalawang inampon at inalagaan, ang mga pangalan nila ay 'Potchie' na nakita ko sa damuhan ng gilid ng kalsada ng Buhay na Tubig na tapat ng Shelter Town Subdivision. Malaki na si Potchie pero nabulag ang isa sa kanyang mata, sapagkat dumadaan talaga sila sa isang matinding sakit katulad ng sipon bago sila umusad sa kanilang normal na kalusugan. Yan ang natutunan ko sa matagal na pag-aalaga ng pusa. Hindi ko naagapan ang kanyang mata dahil sa pagluluha at noo'y mucus na lumalabas sa kanyang mata na naninigas at ito ang nagdulot ng kanyang pagkabulag. Ang isa ay si 'Dayo', pinangalanan ko siya ng ganito dahil tila napadpad lamang siya sa likod ng aming bahay. Si Dayo ay galing sa bukid sa aming likod bahay. Tatlong araw rin bago ko siya nakuha sa likod. Hindi ko agad siya kinuha dahil nag-uuulan ng panahon na yun at madulas sa likod-bahay. Pagkatapos ng tatlong araw akala ko ay wala na siya sa likod dahil hindi ko na naririnig ang kanyang matining na pag-ngiyaw. Pero nabuhayan ako ng loob kagaya ng pagsikat ng araw sa umaga. Buo ang paniniwala ko na siya yung narinig ko. Sinuong ko ang matataas na damuhan sa likod bahay para mahanap ko siya. Dahan-dahan din ako sa mga madudulas na bahagi ng batuhan dahil dito umuusad ang aming tubig na itinatapon galing sa aming kusina. Sinuong ko rin ang mabahong kanal upang makita siya. Sa awa ng Diyos ay nakita ko siya na nakaupo sa ibabaw ng basag na hollow blocks. Mas tumining ang kanyang pag-ngiyaw nung nakita niya akong papalapit sa kanya. Tumalon siya sa hollow block na yun at dahan-dahang lumapit sa akin. Masaya ako nang araw na yun dahil alam kong nakasagip ako ng buhay kahit pa buhay ng isang kuting ay mahalaga sapagkat ipinaubaya sila ng ating Mahal na Diyos para alagaan natin at para hindi pahirapan sa mundong ito. 

'Siya si DAYO, dayo dahil napadpad lang at naligaw sa likod bukid pagkatapos ng bagyo'


'Siya naman si Patchie na inampon ko noong Nobyembre 2019 sa gilid ng kalsada ng Buhay na tubig'

'Eto na si Patchie ngayon ngunit nabulag ang kanyang isang mata dahil sa matinding sipon at pagmumuta'



Si Piknik ay matagal na sa amin, taong 2018 siya ipinanganak. Hindi pa ako naooperahan sa aking puso ay kasama na namin siya dito sa aming bahay. Piknik ang ipinangalan ng aking kapatid dahil ito yung mga snacks na palagi naming kinakain. Ang kapatid niya ay si Nova at Cheesecake, cheese cake dahil kakulay siya ng lemon square na cheese cake. Namatay ang kanilang kapatid na si Pringles dahil na rin sa matinding sipon. Minsan talaga hindi natin sila lahat maisasalba. Napaka sensitive ng isang buhay ng kuting. Madali silang magkasakit kagaya lang din ng mga maliliit na anak, o mga sanggol na ating inaalagaan ganun din sila ka-sensetibo. 

Si Piknik yung isa sa pinakamalambing na alaga. Siya yung sumasalubong sa umaga sa hagdanan pa lang para manghingi ng kanilang pagkain na cat food na biskwit. Alam kong nanghihingi dahil nakasanayan na nila ito sa umaga. Titingin sila sa supot ng kanilang cat food na nakasabit at sabay-sabay na magngingiyawan. Ganito palagi ang sistema sa aming paggising. Nariyan ang bubunguin ng kanilang ulo ang legs mo para magpapansin. Minsan kakapit sa paa mo. Madugo talaga kapag naglambing at nagharot ang pusa kaya dapat malaman mo ang mga bagay na ito kung sakaling binabalak mo na mag-alaga ng pusa. 

Demon Hunter - "The End"

Dumating ang araw at nagkalaman ang tiyan ni Piknik. Parang ikaw lang din na taong buntis. Minsan ay tamad na tamad siyang tumayo para kumain. Kadalasan naman ay gutom na gutom. Tatlong buwan din ang itinagal ng paglaki ng kaniyang tiyan. Sumobra ang laki ng kaniyang tiyan na ikinatakot namin dahil dumating na sa pagkakataon na hindi na siya makatayo. Binilhan namin siya ng kahon para tahimik siyang manganak at para walang ibang pusang umuusyoso sa kanya habang siya ay umiire. Isang linggo rin siyang nasa kahon lang at walang kinakain. Panay inom lamang siya ng tubig. Inilagay ko siya sa bakanteng kwarto sa gabi. Naaawa ako dahil hindi siya kumakain at baka manghina siya at hindi niya kayanin ang pag-ire. Alam kong malakas na pwersa ang kakailanganin upang mailabas niya ang mga anak niya. Nag-isip na rin ako na tumawag o itext ang veterinarian na kakilala ko kung nag-ooffer sila ng "caesarian" services para sa pusang manganganak. Naghintay pa kami ng ilang araw. Kinaumagahan nailabas niya sa buong isang araw ang tatlong anak niya pero wala nang buhay ang lahat. Yung isa ay deform pa nga. Sa mga oras na yun ay malaki pa rin ang tiyan ni Piknik at wala pa rin siya ganang kumain at ang bilis ng kanyang paghinga at tibok ng kanyang puso. Aaminin ko na natatakot ako dahil ayaw kong mawala sa amin ang isang napakalambing na pusa. Dalawang araw ang pagitan at may nailabas muli siyang anak niya ngunit kagaya ng nauna ay wala na itong mga buhay. Ang aking palagay ay nakablock yung isang anak niya na na-deform kaya hindi tuloy-tuloy ang paglabas ng kanyang mga anak na ikinadulot ng pagkamatay nito lahat. Pagkatapos nun ay hindi pa rin siya kumain. Makalipas ang isang araw ay lumabas ang huling anak niya na kulay puti. Sa wakas ay buhay ito at sa pagkakataong ito ay lumiit na ang kanyang tiyan. Ang buong akala ko ay malusog ang huling anak niya na lumabas. Pagkalipas lang ng tatlong araw ay namatay rin ito.

'Paumanhin po sa mga larawan. Sila ang mga kuting na anak ni Piknik na bago pa lang ilabas ay wala nang buhay'




Naniniwala ako na mayroon din depression ang mga pusang nanay dahil makikita mo sa kanya yung lungkot at hirap na pinagdaanan niya sa panganganak. Anim na anak niya na walang nabuhay. Sinusundan niya ako bitbit ang plastik na pinaglagyan ng kanyang mga anak na walang buhay at kahit sa wilang tao ay ipinaliwanag ko sa kanya na wala ng buhay ang mga anak niya. 

Napakabisa talaga ng pagdarasal. Sa tuwing ako ay matutulog ay sinasama ko ang mga hayop kong maysakit sa aking pananampalataya at pasalamat ako sa Diyos dahil nakukuha ko ang mga kasagutan. Hindi man natin lahat sila maisalba ay masaya akong nabuhay sa Piknik at narito pa rin sa aming piling, nagpapalakas at may gana nang kumain. Alalahanin rin natin itong natutunan ko sa aking beterinaryo na kapag hindi kumain ang pusa ng tatlong-araw ay maaaring malagay na sa kritikal ang kanilang buhay. Paano pa kaya ang mga pusang-kalye di ba? 

Kaya't hanggat may nanay tayo ay isipin natin yung pisikal na hirap na kanilang ibinigay para sa atin upang tayo ay iluwal sa mundo. Isipin natin lagi na ganito nila tayo kamahal sapagkat sa tuwing lalabas tayo sa kanilang sinapupunan ay kalahati ng kanilang buhay ang nakasugal. 

Respeto para sa mga kababaihan. Respeto sa ating mga nanay at respeto na rin sa mga alaga nating hayop. 

Ito ang kwento ni Piknik. 

Miyerkules, Mayo 27, 2020

Burger stand ng Bayan: Minute Burger

 'your nostalgic burger stand, since 1982'


Hello, isang mabilisan lang at flex ko lang itong meryenda ko ngayon. Kung nostalgia rin lang naman ang pag-uusapan, isa ito sa pinkamatatagal nang burger stand sa Pilipinas. Ang MINUTE BURGER. Bata pa lang ako at nasa San Andres Bukid pa kami nakatira ay lagi akong binibilhan o pinapasalubungan ni nanay ng burger na ito. Sa tuwing magkakasakit ako at ipinahihilot ako kila Mang Demet sa aking mga lamig sa likod ay hindi kami uuwing wala akong masarap na burger. Si ermats naman ay palaging silvanas ang inoorder o minsan ay noodles. Yes, meron silang noodles noon sa kanilang menu. Kung sa pasarapan lang naman ay hindi patatalo itong Minute Burger sa burger ng McDo o Jollibee. Mas lalong naging malasa ang burger nila at makakapamili ka ng mas maraming flavor ng burger mo. Mas nadagdagan ang kanilang menu sa burger at maging sa hotdog sandwiches. 

Though the minute burger is just a franchise restaurant, nakakasiguro naman na malinis ang food quality ng mga iniluluto nilang pagkain even though they were consider as a kind of street food restaurant. Ang pinaka da best strategu ng burger stand na ito ay yung kanilang "buy one take one". The price is somehow cheap relative to the quantity and the quality of the food. Ang isang order ay nagkakahalaga ng P58, ibig sabihin P29 each lang ang isang burger kumpara sa presyo ng burger ng Jollibee, KFC or McDonalds mas makakamura ka nga naman at masarap pa. Bago sa panlasa at madaling maka-hooked sa panlasang Pinoy. Sabi ko nga hindi sila patatalo pagdating sa kanilang mga special sauces and ingredients. Hindi katulad nung isang burger diyan na isang kagat eh tinapay lahat. Dito sa pagkagat mo ay kasama ng tinapay ang karne, ang keso at ang sauce depende sa kung anong flavor ng inorder mong burger. 

Parokya ni Edgar - Ordertaker

Ang Minute Burger stand ay tambayan ng mga pagod at kauuwi lang sa trabaho na nais magpasalubong sa kanilang mga love ones, tambayan at hintayan ng mga may jowa, isama na rin natin ang single, tambayan ng taong nag-eemote tuwing umuulan at kakain muna yan ng burger habang nageemote sa pagpatak ng ulan, tambayan kasi maganda yung nagluluto. Ang problema lang sa kanilang ambience ay sobrang init dahil walang electric fan or airconditioners at dahil na rin sa kanilang frying steam na nasa gitna ng burger stand. Medyo mabagal ang service crew pero naiintindihan naman natin yun dahil minsan iisa lang ang kanilang tao kaya natatagalan ang order kapag dumarami na ang tao. Kaya kung gutom ka at maraming tao ay masusubukan talaga ang pasensiyang mong maghintay. Pero diyan ka naman magaling di ba? ang maghintay? Sa dami at sa lahat ng transcation ngayon ay pila system hindi ka pa ba masasanay mag-antay?

Napakasarap ng aking inorder na Burger Pizza na buy one take one kasama na rin nung Bacon Hotdog. Sulit ang pagbibisekleta para maka-order. Sinuwerte rin dahil walang bumibili sa oras ng aking pag order. May nakikita akong mga post na malinamnam din daw yung Black Pepper burger at Sea Food burger. Oh di ba? napakarami ng pagpipilian. Bili na sa pinakamalapit na Minute Burger stand. 

At para mas matakam ka, narito ang ilang mga larawan.



















































Narito po ang ilang mga satisfied customer comments ng ating Minute Burger:









Sabado, Mayo 23, 2020

Nostalgic Machines: Betamax/VHS

'Ganitong-ganito ang betamax na uwi ni erpats galing Saudi.'


"Ayan na simula na, huwag na kayong maingay! ayan na....o kalaban 'yan... ay hindi... kakampi pala... proooot!"

Puta may umutot ambaho naman.

Masarap manood sa VHS o Betamax, laging enjoy kahit hindi maganda ang napiling bala, basta you're comfortable at your home. Noong panahon natin wala pa ang mga VCD at DVD. Sino ba ang nagpauso ng mga yan? Dahil sa inyo eh nagsarado ang mga rentahan ng beta at VHS sa may amin! Habang sinusulat ko ito ay tinititigan ko ang Betamax unit namin na nag-iipon na ng alikabok sa loob ng compact stereo na naiwan ni erpats. Haaay bumabalik na naman ang masasayang memories. 

Nauso ng husto ang pagrerenta ng bala ng betamax. Magpapamember ka tapos ayan na. Tuluy-tuloy na ang pagrenta kada weekend. Lagi akong hindi naisosoli on time dahil likas lang akong tinatamad. Pero ni minsan ata ay hindi ako nagbayad ng overdue payment dahil yung manager eh kaibigan ko yung anak niya na batang kalye din. Ano di ba noon pa man uso na ang palakasan system. 

'Betamax tapes'

Sa rentahan ay may drama section, action section, comedy section, romance section, horror/suspense/thriller section at siyempre sa may likod ng parte ng bidyo city ay may Scorpio Nights section o bomba section kung saan naghihintay ang mga suki kong sina Amanda Paige, Aya Medel, Katrina Paula, Priscilla Almeda, Rita Avila, Alma Concepcion at iba pa.

Pag-uwi sa bahay ay nagmamadali na akong umakyat ng kuwarto. Pagpasok sa kwarto ay BAM! Kandado agad ang kuwarto. Ay sandale. Bukas ulit ng kwarto. Punta muna sa banyo, kuha ng lotion para makinis ang balat at hindi nagda-dry, O-ha! Dadalhin ko ang lotion sa kwarto ulit para dun magpakinis ng balat. Ayan. Lock na ulit. And then, isasalang na ang bala. Ayan, nakatitig na ako sa TV. Siyempre kapag maganda na ang eksena ay....

Tok! tok! tok!

Puta pindot agad ng pause.

"Sandale" Ayan na bubuksan na nga ee!"

Sira ang session.

Buti na lang may rewinder kami.

'Ang dakilang Rewinder'


Ang betamax ang pinaka sikat na kasankapang-bahay natin noon na nagpalibang at nagpasaya sa atin sa bawat pamilya sa kanya-kanyang bahay. Ang betamax tapes ang rektanggulong bala na may mahabang film sa loob. May sticker na papel sa isang gilid para dun ilagay ang title ng pelikula. Kung sa maaayos na rentahan ka umarkila eh naka-typewriter ang sulat ng title nito pero kung sa pipitsuging rentahan ka eh sinulat lang ng may-ari gamit ng pentel pen ang title. 

Nanghihiram kami palagi ng mga pinsan ko sa aming kalye sa Tuazon sa San Andres Bukid, Maynila ng mga betamax tapes. Masaya nga kami dahil kapitbahay lang namin ang nagpaparenta. Bahay lang siya na nilagyan ng bookshelves ang isang kwarto para lagayan ng mga betamax at  tadaaahhh!! Isang video rentals na siya. Ang nagbabantay eh si Unique, ang kapitbahay kong kalaro ko sa tatching. Kapag maglalaro si Unique sa labas eh ang kuya niya ang tumatao. Suki na kami dito sa video rentals nila. Lahat ng WWF events eh sa kanila namin hinihiram katulad ng Royal Rumble, Summerslam at ang grand daddy ng wrestling pay-per-view events ang Wrestlemania. Masaya ako dahil ang ganda at ang linaw ng kopya kapag wrestling. 


Sandwich - Betamax

Siyempre dumating din ang VHS, ang upgraded version ng betamax. Ang DVD ng VCD. Mas marami kang malalagay na pelikula. Tatlo ata kasya dito eh. Pero ang pinakamagandang lamang ng VHS sa betamax eh ang rewinder1 Ewan ko lang ha pero ang alam ko eh walang rewinder ang betamax. Sa mismong betamax player mo siya i-rerewind at ang bagal ng prosesong yun.

Video Home Service ang ibig sabihin ng VHS. Hindi ko alam kung bakit kailangang mag-evolve ng betamax into a VHS. Pinalaking cassette tape ang betamax. Pinalaking betamax ang VHS. Bakit bamas malaki? Para mas maraming mailagay?

Isang araw sa pag-uwi ni erpats galing Saudi eh may dala siyang betamax player. Tapos may binili rin siyang mga bala syempre. Voltron! Looney Tunes! All the Marbles! Ilang ulit din naming pinanood 'to pero hindi nakakasawa. Parang may sinehan sa bahay! Nakakamiss talaga lalo na kapag weekend at manonood kami. Usually, cartoons ang pinapanood namin.

'VHS tapes'


Paglipas nga ng panahon e napalitan ng VHS ang betamax at sa VHS nagsimula gumamit ng rewinder. Lumaon pa ang panahon nagsara ang video rentals nila Unique at dito na kami nagsimulang mag-arkila sa Video City. Halos lahat noon ay may branch ng Video city eh at sikat na sikat noon ang ganitong business pero unti-unti itong nanamlay simula ng palitan ng VCD at DVD. 

Ang RA Homevision ang isa sa sikat na rentahan noon na nauna pa sa Video City


Iba pa rin talaga kapag betamax at makalumang player. Yung maiinis ka dahil yung hinahanap mong bala ay nasa hiraman, pagbalik mo uli ay nahiram ng iba at dito rin nauso ang "reserved". "Uyy kapag bumalik na paki-reserve mo na sa akin."| Yung sasabikin ka bago mo panoorin dahil kailangan munang irewind ang film bago mo mapanood ang umpisa. Yung mayayamot ka dahil hindi mo alam kung sa bala yung dahil o yung player mo kasi mukhang marumi at tumatalon ang picture ng TV screen mo. Yung matutuwa ka dahil HD ang pagkakuha ng rekord dahil napakalinaw. 

Ito ang panahon ng Betamax at VHS.

(Kinain ng VHS player ang bala):

"Tok! tok! tok!"

"Naku, sandali poooooo!"

Linggo, Mayo 3, 2020

Quick Heat Escape: Mamang Sorbetero

'Palamig muna tayo!


"Tingaling-aling! Tingaling-aling! Tingaling-aling-dingdong!"

Alas-dos ng hapon ang palabas sa TV ay Valiente. Kapag narinig na namin ang bell ng ice cream ay maglalabasan na kame dala ang kanya-kanyang barya sa bulsa. Sa init nitong bansa natin eh pano ba naman tayo hindi maiinlove sa pagkain ng mga malalamig na pagkain o inumin. Malamig, matamis, malambot, masarap dilaan....masarap dilaan...masarap dilaan...

Magnolia ang una kong nakitang ice cream sa TV. Ito ang pinakasikat na sorbetes sa Pilipinas. Asul na plastic ang lalagyan ng Magnolia at madami siyang flavors. Paborito ko dito ang cheese flavor na ice cream dahil malalaki ang buo-buo niyang keso. Hindi ko alam kung "Ques-o" ang nilagay nila pero wala akong paki. Masarap talaga siya. Magnolia... mmmmmm.

Ice Pop


Sino ba ang makakalimot sa sikat na sikat rin na Selecta Ube? Sikat ang Selecta Ice Cream no'n dahil latang ginto ang lalagyan nito. Siyempre hindi ko alam kung yun nga ba ang totoonng dahilan kaya siya sikat kasi uso na rin ang fake news noon ee, hahaha. Minsan talaga ay kung anu-ano ang sinasabi ko na akala mo'y siguradong sigurado ako. Pero mabalik tayo sa ating kwentuhang ice cream. 'Pag Selecta, ube agad di ba? 

Presto Tivoli Ice Cream

Wala akong pambili ng Tivoli nun kaya kapag may Presto Tivoli ang kaklase ko ay todo-sipsip ako sa kanya para lang makakagat kahit na isang beses lang. "Tol, pakagat nga...maliit lang..." Tapos kakagatin ko yung kalahati ng Tivoli niya. Solb. 

Sa mga batang kalyeng katulad ko ay hindi makakatakas pagdating sa usapang ice cream ang "dirty ice cream", ang pinakamasarap na sorbetes sa daigdig. Walang tatalo sa rectangle na cart na may tatlong cylinder na timba. Chocolate, strawberry, cheese at sorbetero's choice. Iyan ang set-up. Hawak ni manong ang kanyang kililing na nakatali sa kanyang cart. Lagi akong nagpapaalam kay manong sorbetero kung pwede kong patunugin ang kanyang kililing (May ibang tawag ba dito? Para kasing tililing eh). Pumapayag naman siya madalas basta bumili ka lang ng may matamis na apa. Yun ang the best na apa ee. Kaso nga lang ay mas mahal yung matamis na apa. P2.50 yung murang apa at P5 naman yung matamis. Medyo hasel pero sulit naman. Kung gutom na gutom naman ako ay sa buns ko ipapalagay para sulit na sulit. 


Celeste Legaspi - Mamang Sorbetero

Madami pang memories ang ice cream - mula sa pinipig hanggang sa popsicle na tatlo ang kulay, hanggang sa rocky road na nagmantsa sa brip kong Hanes na puti. Siguradong marami rin kayong mga alaala pagdating sa sorbetes ni manong at ng iba't-ibang klaseng ice cream. 

Ice drop

Tropikal na bansa tayo kaya kailangan talaga natin ng ice cream! Ang sarap nun ee yung malamig na chocolate na gumagapang sa lalamunan mo. Uhmmm sarap!

Chocolate, ube at cheese - itong tatlong 'to madalas na flavors ng ice cream ni manong. Ang sarap sigurong gamitin ng scooper niya noh? Klik-klik, klik-klik, kilik-klik. Ang sarap pakinggan nun ee. Scoop. Klik-klik. Lagay sa apa. Repeat 5 times hanggang mapasa-kamay mo na ang malamig pa sa jowa mong ice cream. 

Paano bang pagkain ang gagawin ko? Didila-dilaan ko ba o kakagat-kagat ako? Alternate ba ang pagdila at pagkagat? Hihigupin ko ba? Pa'no nga kaya? Ang sarap ng apa! Tsaka tsismis lang naman yun di ba? na may kulangot daw sa dulo ng apa?

Pinipig

Tuwing weekend, inaabangan namin si mamang sorbeterong may bitbit na styrofoam na kahon. Nakamagnet focus talaga ang mata ko habang binubuksan niya ang kahon at tatambad ang mga tinda niyang nakalapat sa diyaryo. Iba-ibang mga ice drop ang nandyan. Nakalimutan ko na ang brand names. Basta ang alam ko e may kulay orange na ice drop sa stick, kambal na chocolate ice drop sa stick, Tivoli, ice bukong may munggo, cheese-flavored ice drop sa stick, at marami pang iba. Pinapatanggal ko dati kay mama yung munggo kasi ayaw ko nun e. Higop ng natutunaw na parte. Kagat uli. Higop ulit. Paiikut-ikutin ng kamay ang ice drop. Sarap! tanggal ang init. 

Sorbetes

Hindi puwedeng matapunan ng ice cream ang mga damit natin. Tyempong parati akong natutuluan ng ice cream kapag naka school uniform ako. Recess palang sa umaga e puro kulay brown na yung nasa polo ko. Dugyotin ee. Tapos malagkit pa talaga 'yung palibot ng bibig at kamay ko e. 

Minsan ginagawa ko rin flying saucer sa classroom yung takip ng Magnolia ko. 

Isa pang dumadaan na kleng-kleng eh si Manong Pinipig. Kahit mapait ng kaunti ang tsokolate niya masarap pa rin ee. Kahit minsan medyo makunat na ang mga pinipig panalo pa rin ee. Pagdating naman sa ice buko na may munggo sa dulo, palaging ang mga matatanda ang kakain nun tsaka ibibigay sa bata. 




Sabado, Marso 28, 2020

Papakan Blues

'Naranasan mo 'bang mamapak?'



From the root word "papak".

Na-miss ko ang pagpapak ng kung anu-ano lalo na sa mga panahong ito na nasa haybol lang tayo at patuloy tayong hinehele ng kaboringan, nakakamis ang mamapak. Nakakaubos kasi ito ng oras pero masaya naman ang tiyan ko. Pwede akong matae maya-maya pero hindi ko muna iisipin yun dahil mas matimbang pa rin ang lasa ng Birch Tree Powdered Milk na nanunuot sa dila at lalamunan ko.

Hindi mawawala sa ating mga batang lumaki sa kalye ang mga gawaing ito. Isa ito sa mga top 5 habits ko noong uhugin pa. Kung hindi sila naglalaro nanonood ng TV, malamang ee nakatambay sila sa kusina at nag-iimbak ng mga pagkaing puwede nilang papakin sa loob ng isang oras, hanggang sa magsawa ang kanilang mga sikmura sa pagda-digest. Tempting kasi ang lasa.

Anu-ano nga ba ang madalas nating papakin noong araw? Eto ang listahan ko.

1. Asukal

Masarap, malasa, madaling hanapin. Sino ba namang bata ang hindi nagpapak niyan? Kaya nga eto meron akong diabetes ngayon, lol. Kadalasan, bago lagyan ng tubig ang tinitimplang juice o Milo ee sisimple muna ng dalawa o tatlong kutsaritang asukal para kainin. Tapos maya-maya e mapaparami ka na ng kuha, hanggang sa tamarin nang tapusing ang pagtitimpla ng Tang. 

"Tang*** kang bata ka inubos mo na yang asukal".

PS: Hindi ako nagpapak ng asukal kapag iba ang kulay, ayoko kasi lasa nung brown na arnibal.

2. Milo o Ovaltine

Ay kung papakan lang din ang usapan sigurado akong walang batang 90s ang hindi nakagawa nito. Mas masarap ang Ovaltine para sa akin, mas malalaki kasi ang granules nito at mas maganda ang pagkakulay brown. Pero minsan pagkatapos mamapak eh iisa pa ako pero hindi ko papapakin titimplahin ko ito at ilalagay ko sa freezer. After 2 or 3 hours tsaraaaannnnn meron na akong brain freeze na Ovaltine o kaya Milo. Kukuha ako ng kutsara sabay didikdikin ko ang nagyeyelong tsokolate sa baso, sabay uhmmmmm instant halo-halo, saraaappp! Ginagawa ko ito lalo na kapag summer. 

3. Leche Flan

Nakakatikim lang ako nito kapag may mga okasyon ee, wala akong pakialam kung matamis ka at masisira ang mga ngipin ko Ang importante makain kita lalo na 'yung ilalim na parte mo!

4. Cerelac

Ito ang isa sa mga pinag-aawayan namin ng nakababata kong kapatid. Tuwing naghahanda si nanay niyan ee kinakalahati ko na bago pa mapunta sa kapatid ko. Isa ito sa masarap papakin.

5. Halo/Mixture

Eto kapag naiiwan ka sa kusina puwede ka maging instant chemist. "Ilang porsiyento kaya ang Milo? Ang Ovaltine? Ang Asukal? Lagyan ko na rin kaya ng Sustagen? Ay teka baka puwede lagyan ng kaunting Tang? Ay final na Birch Tree na lang! Siguro puwede ko rin lagyan ng tatlong kutsaritang tubig para mag-iba ng konti ang texture!"

Walang oras na pinipili ang pagpapak. Puwedeng pagkagising pa lang, habang nanonood ng Crayon Shin-Chan, bago kumain ng tanghalian, pagkatapos kumain ng tanghalian o kahit ano pang oras yan.

Frozen Banana Ice Cream + MILO


Pero ang pinakadabest talagang papakin eh ang kombinasyon ng Milo, powdered milk at asukal. Paghahaluin mo lang yan sa isang maliit na mangkok at solb na. Pagkatapos mo pumapak nito ee maymaiiwan pa talaga sa singit-singit ng ngipin m at parang bungi ka. Minsan nakakaloboso kami lalo na sa umagahan kapag papasok ng school kasi si nanay ang nagtitimpla sa amin ng mainit na maiinum, "teka lang parang kakabili lang natin sa grocery ng Milo ahh, bakit parang nakalahati na agad", siyempre dedma lang kami kay nanay at nagpapahalatang inaantok pa kami hanggang sa makalimutan niya na lang na kalahati na lang ang Milo. 

Mayroon rin naman ulam na mahilig naming papakin. At alam kong lahat kayo pinapak niyo rin ito imposibleng hindi. Ito ang ha? Hotdog. Pagkalagay pa lang sa mesa ng nanay ko eh naka-abang na ang mga tinidor naming mag-uutol. Medyo pumapayag ang nanay ko kapag pumapapak kami ng hotdog kasi totoong pagkain naman yun pero siyempre hindi pa rin puwedeng ubusin lahat at kailangang magtira ka para sa kanin mo. 

"Ooopsss, may naaalala ako naglagay nga pala ako ng malamig na milo sa ref." Masarap itong panulak pagkatapos kumain ng ulam na hotdog. "Aaaaahhh (dighay) sarap!"

Biyernes, Marso 27, 2020

Lagnat

'Noon yakapsule at kisspirin lang ni nanay ang kasagutan sa ating mga lagnat'


Lagi na lang akong nilalagnat tuwing tag-ulan. Madalas naman ako mag-take ng vitamins at kumain ng gulay (french fries - gulay yun di ba?) pero sa tuwing maambunan ako, sasakit na agad ang ulo ko tapos uubuhin na tapos sisipunin na tapos ayan na, lagnat na ang kasunod pero hindi covid-19 ha kasi hindi naman nauso ang ganyang sakit noong panahon ko. Saglit lang ang magkasakit noon isa o dalawang araw lang ay gumagaling na ang aking ubo at sipon. Hindi nakamamatay ang lagnat noon hindi katulad ngayon na parang nag-evolve sa pinakamatinding sakit ang lagnat. Pero kahit simpleng lagnat lang noon ay hasel pa rin. Bigla kang mawawalan ng ganang kumain. Kahit anong sarap ng paksiw at crispy pata eh hindi mo maipasok sa bibig mo ang kutsara at nasusuka ka na agad bago pa ibigay sayo ang pagkain mo.

Isang beses ay binigyan ako ng Nissins Ramen Noodles na may itlog. Ito daw ang klasik na pampagaling ng lagnat. Masarap naman ang pasok niya sa simula. Pagkatapos ng 30 minutos ay isinuka ko rin.

Tuwing may lagnat ay iisa ang gamot ni nanay para sa akin yan ay yung Vicks Vapor Rub. 'Pag nilalagnat, Vicks. 'Pag may almuranas, Vicks. 'Pag uhaw, efficascent oil.

Ako lang ba ang tao sa mundo na hindi marunong magbasa ng thermometer hanggang ngayon? Ang gamit kasi ngayon eh digital na hindi katulad ng nakagisnan kong thermometer kung paano ba malalaman ang tamang temperatura ng iyong katawan. Ewan ko ba, hanggang ngayon ay hindi ko makita kung saan nakalagay 'yang mercury na yan. 

'Old-skul thermometer'


Lagnat, isa ito sa mga dahilan para mag astang prinsipe at prinsesa ang mga tsikiting. Kahit anong irequest mo, susundin ni nanat, tatay at manang. Daig mo pa ang naglilihi. Nag-b-boses kawawa ako 'pag maysakit at walang pang two seconds eh nasa tabi na ng kama ko si mama. Lahat ng hingin ko ee ibibigay talaga. Pwede ka pang magpabili ng bagong laruan!

"O sige anak, pagkagaling na pagkagaling mo ha kakain tayo sa labas at pupunta tayo sa Fiesta Carnival para bumili ng laruan. Basta, magpagaling ka ha."

The National - Cold Girl Fever

Kulang pa ang tatlong araw na absent kapag may lagnat ka. Nakaratay ka lang sa kama mo at tuwing gabi ay nagigising kang umiiyak dahil kung anu-ano ang nakikita mo sa dilim. Parati kasi akong nalulula noon at hindi ko naman ma-explain kay mama kung bakit. Pagkatapos nun ay maghahanda si mama ng palangganang may bimpo at maaligamgam na tubig at pagkapiga sa bimpo ay isasalpak na 'to sa noo ko. Gustong-gusto kong naririnig ang tunog ng pagpatak ng tubig galing sa pagkakapiga sa bimpo. Plok plok plok. Hmmmm sarap! Maya-maya ay kukunin niya ang thermometer at ilalagay sa kili-kili ko. Ang alam ko lang talaga ay may color red sa thermometer. Kapag super color red ba ay pwede kang mamatay?

Kinaumagahan, para akong sinakluban ng kalungkutan habang nakaharap sa mesa. Hindi ata ako maisasalba ng hotdog sa lamesa sa kalungkutang ito. Sa tanghalian, mainit na tinola, sinigang, sinampalukan, at kung anu-ano pang pagkain na may sabaw ang nakahain para sa akin. Mukhang masarap ah! Pero hanggang tingin lang yun dahil hindi ko maintindihan kung bakit hindi gumagana ang panlasa ko. Pati yung sawsawan ko ng aking isda na toyo at suka ay iba ang aking pang-amoy. Wala rin akong gana kahit pa sabihin ng utak kong masasarap ang mga niluto ni mama. Badtrip!

Neo Aspilet! Hehehe! Sarap papakin nito ee! Alam mong para talaga sa mga bata ee noh? Masarap ang lasa, iba't-iba ang kulay, puwede pang nguyain. At ang Tempra? Sanay na ko sa lasa niyan. Papatakpan pa sa akin ni nanay ang ilong ko habang binibigyan niya ako ng isang kutsara ng kulay na violet na gamot. Sabay higop, lunok, tubig! Paiinumin din niya ako ng kalamansi juice. Hay sarap ng buhay-prinsipe.. Ganito yung buhay noon kapag may lagnat ka pero sa panahon natin ngayon kung magkakalagnat ka, ay nako di bale na lang.

Lunes, Marso 23, 2020

Tips for a Happy Lockdown Pilipinas

Ano ang mga maaaring gawin sa loob ng bahay?


Naasiwa ako sa title ng blog post na ito pero sa ngayon yan talaga ang riyalidad na iisip-isipin mo kung paano ka magiging masaya sa loob ng bahay sa loob ng isang buwan o kung madadagdagan pa ba ang ating staycation sa ating mga home sweetie home. Sa totoo lang hindi ko inaasahang mabubuhay ako sa ganitong pagkakataon pero here we are we all need to give is our contributions by staying at home, do the social distancing, wash our hands, stay healthy, offer prayers and help others as long as we can para matapos na ang bangungot ng Covid-19 na ito. Alam naman natin na ang lahat ng ito ay pansamantala lamang and all will be restored at the right places.

Sa mga matitigas ang bungo at hindi talaga kayang tumigil sa loob ng bahay, magbibigay ako ng ilang mga tips kung paano mo gagawing productive ang sarili habang nananatiling masaya hanggang matapos ang lockdown na ito:

SPIDERMAN CLEANS HIS WEB.
















Ang sabi nga ng ibang influencer na niroromanticize ang virus na ito sa pamamagitan ng pagpuri nila na nakahinga na daw ang mundo sa polusyon dahil wala nang mga sasakyan ang bumabiyahe sa ating mga kalsada at kakaunting kalat na lamang ang napoproduce ng tao sa lansangan, baka ikaw naman eh puwedeng mag-agiw agiw sa mga kisame ng inyong bahay. Walang halong biro pero ito yung mga type ng kalat o dumi sa ating mga kabahayan na napapabayaan natin ng ilang taon dahil hindi naman tayo madalas tumitingala sa ating mga kisame. It's time for you to hawakan ang walis at simulan na magtanggal ng mga agiw. 

GALAWANG ADORABLE HOME












Kung nilalaro mo ang app na ito puwede kang makakuha ng ideya kung paano magiging productive ang lockdown at makakapagbanat ka pa ng buto. Sa app maaari kang bumili ng mga kagamitan para mapaganda ang loob ng bahay ang gusto ko lang isuggest ay use your creative imagination katulad sa adorable home kung saan mo ilalagay ang gamit na ito, saan mo ilalagay ang gamit na ganyan. Kumabaga home decoration maaari kang magbago o maglipat lipat ng kagamitan at para mas ramdam mo ang adorable home app maaaring irekord ang relaxing background songs ng app at patugtugin habang naglilipat lipat ng mga kagamitan. Kung trip mo maglagay ng pusa order ka sa akin marami ako. 

COLLECT PICTURES/MEMORIES

Ito yung mga panahon na maaari kang mangalkal ng mga old pictures inside the box and it's time for being nostalgic. Hanapin ang mga baby pics, school pics nuong elementary ka at highschool and try to remember things from the past and walk down memory lane. Ito rin yung panahon para makapagbonding kayo ng mga tao sa bahay especially parents mo o kung may lolo't-lola ka pa. Magtanong ka ng mga bagay ng mga masasayang alaala na hindi mo na masyadong maalala. "Look at my mole." Wag lang kakalimutang magmask dahil baka ikaw ay sipunin sa alikabok at katakutan na may covid-19.

MISSING THE BEACH? BUILD A BEACH!

Isa sa sakripisyo nating mga empleyado sa panahon ngayon ay ang pagbabakasyon sa mga magagandang beaches sa ating bansa. Puwede ka pa rin naman magtampisaw sa tubig. Maaaring ilabas ang mini swimming pool na ginagamit mo noong bata ka pa, o mini swimming pool na binili mo para sa mga junakis mo. Ilatag ito kung malawak ang garahe at umastang nasa piling ng dagat. Magtimpla ng malamig na iced-tea, mag-ihaw ng barbecue at magbathing suit kung kinakailangan at huwag kalilimutan ang shades. Magpatugtog ng mga tugtugan katulad ng "Roses" ng Chainsmokers basta yung mga pang summer na vibes. Panigurado hindi mo na mamimiss ang dagat.


Franco - Better Days


BOOKWORM SAVES THE DAY
















Kung gusto mo naman dagdagan ang mga kaalaman ay maaaring magbasa ng mga libro. Panahon na para basahin yung mga librong binili mo na hindi mo pa kailanman nabubuklat. O kung walang libro sa bahay ay maaari ka rin naman magbasa online. May mga nadodownload na PDF books mayroon ka rin makukuha na audio books ito yung pakikinggan mo lang ang narrator at ikaw ang babasahan ng mga impormasyon o kuwento. 

PETS TIME!
















Matagal ka na nilang hinihintay ma-solo at kung mayroong pagkakataon ito na yun. Nawawalang bisa na ang kuwento duon sa Secret Life of Pets dahil makakasama na nila ang kanilang mga tagapag-alaga 24/7. Makipagkwentuhan ka sa mga aso mo o sa pusa itanong mo kung anong masasabi nila sa breakup ng Jadine. Huwag kalilimutan ang belly rub sa aso at cheek rub naman sa mga pusa. They are the happiest during this lockdown kaya wag silang biguin at paliguan araw-araw at gupitan ng kuko si muning para hindi ka olats kung kayo ay maghaharutan. Give them the best treats you can give. 

IT'S OKAY TO DAYDREAM 
















Minsan talaga napapatulala tayo sa kawalan at nakakapag-isip tayo ng kung anu-ano. Okay lang yan wag lang mag-overthink ng negative things. Think of a happy thoughts, remember the best days of your life. Isipin mo at alalahanin ang mga taong naging espesyal sa buhay mo na lumisan na, mga pets na nagpasaya sayo simula nang nag-alaga ka ng hayop sa bahay simula noong bata ka pa. 

LISTEN TO THROWBACK TUNES


















Alam ko naman na may mga personal song choice tayo sa ating mga buhay-buhay. Why don't you play them and think of a throwback memories na kaugnay ng kantang yun. Yung tila bang mapapangiti ka na lang kasi naalala mo yung first crush mo nung highschool kasi itong kanta na ito yung idinedicate mo sa kanya noong Foundation day niyo sa song request booth. Oh di ba nakakagaan ng feeling at nakakalimutan mo pansamantala ang kaguluhan sa mundo. Salamat na lang talaga sa musika at nakakapagpagaan ng ating mga damdamin ang bawat ritmo ng hindi sumasabay sa mundong magulo at mapanakit. 

 Ito lamang ang mga simpleng tips ko para hindi ka na lumabas ng haybol. Kalimutan mo muna ang lahat ng personalidad sa labas, lahat ng mga gawain sa labas. Ituon mo muna ang sarili mo sa kaligtasan na rin ng mga kasama mo sa bahay. Hindi naman ito panghabambuhay na ganito na lang tayo. Alam kong mahirap pero tulungan ang sarili at makakaahon din tayong lahat sa delubyong ito. Panandalian lang ito, pagsubok lang makikita mo uli ang girlprend mo, ang boyprend mo hindi ka niyan ipagpapalit sa virus at ikaw pa rin ang uuwian niyan at pipiliin ka pa rin sa araw-araw. Mararamdaman mo pa rin ang hangin sa labas, ang lagaslas ng tubig sa dagat ang paghampas ng alon sa ating mga katawan, wag kang mag-alala makikita mo pa rin yung mga taong may utang sa'yo sa opis at sana nga mabayaran ka na nila pagkatapos nito. Pagkatapos nito makakaorder na rin ako ulit ng lumpia kay Nanay Ling kasabay na rin ng napakasarap na suka nito. Tiis lang. Kapit lang. Pagkatapos nito kahit tumira ka pa sa kalye okay lang. 

Mag-ingat ang lahat. Magiging maganda ang Abril-Disyembre para sa lahat. Mahal pa rin tayo ng Panginoon!


Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...