Sabado, Setyembre 13, 2025

Dream, Dream, Dream

May isang kaluluwang dumating sa purgatoryo. Pagkatapos ng mahabang paglilinis ng kaluluwa sa kanyang mga kasalanan sa lupa siya’y pinapunta sa tarangkahan ng langit. Doon, nakaupo si San Pedro, hawak ang malaking susi at tila ba sabik sa bagong tsismis.

San Pedro: “Anak, bago ka makapasok, saan ka nanggaling?” Nagsasalita si San Pedro sa lengguwaheng Aramaic pero naiintindihan ito ng bawat nakakausap niyang kaluluwa.

Kaluluwa: “Sa Pilipinas po… mahal kong bayan, pero kilala sa korapsyon, trapik, baha, at pulitika na walang katapusan.”

Napangiti si San Pedro, parang may tinatagong magandang balita.

San Pedro: “Hindi mo ba alam? Sampung taon nang binabaha ng yaman ang Pilipinas! Wala nang pulubi sa kalsada, wala nang trapik, walang baha. Ang ekonomiya? Isa sa pinakamabilis ang paglago sa buong Asya. Ang mga Pilipino? Lahat may disenteng trabaho. At higit sa lahat, halos wala nang krimen. Ang iilan? Sitcom na lang ang dating. Kaya nga’t ang matagal nang Chief PNP—si General Coco Martin! Ganda ng palakad, parang teleserye, pero sa totoo lang, seryoso at disiplinado.”

Namilog ang mata ng kaluluwa, halos mahulog ang panga.

“Diyos ko! Sino po ang naghatid ng ganitong milagro?”

Tumawa si San Pedro nang malutong.

“Anak, hindi mo ito paniniwalaan. Pero labinlimang taon nang pinamumunuan ng Republika mo ni President Nadine Lustre, at ang kanyang katuwang ay si Vice President Jolina ‘Krung-Krung’ Magdangal. Gusto sila ng masa eh, at aba’y tunay na women empowerment! Kahit tumatanda na si President Nadine, nananatiling maganda at matatag. At si Jolina? Aba, mukhang bata pa rin, parang hindi kumukupas ang glow!”

Kaluluwa: "putangina! talaga po ba?". Nagulat ang kaluluwa sa nabitiwan niyang pananalita.

San Pedro: "Nak gusto mong ibalik kita sa purgatoryo ng 200 taon? Mag-iingat ka sa mga nabibitawan mong salita dito sa langit Nagkalat ang mga "Ophanim" dito at dinig ka nila kahit gaano sila kalayo. 

Kalululwa: "Patawad po San Pedro, hindi lang po talaga ako makapaniwala sa inyong mga rebelasyon tungkol sa bansa ko. Paanong magiging presidente si Nadine Lustre at Jolina Magdangal, paano sila nagkaroon ng interes sa pulitika? at.. at.. si Coco Martin, chief PNP ng Pilipinas? "

Pero hindi pa tapos ang rebelasyon.

“Sa teknolohiya, anak, may bagong imbensiyon na rin! Ang mga cellphone ngayon, may magnetic guard na nakakabit sa palad ng tao—hindi na puwedeng manakaw o masnatch. At ang flashlight feature? Aba’y hindi na ordinaryong ilaw—laser na! Kaya kung maglalakad ka sa dilim, hindi lang maliwanag, kundi protektado ka pa. At sobrang baba na rin ng krimen sa bansa mo iho, sapagkat ang lahat ng tao sa bansa ay nakakaginhawa na sa kanya-kanyang buhay. Malapit na rin maungusan ng Pilipinas ang yaman ng bansang Luxembourg at ang kasiyahan ng buhay sa Netherlands at Denmark. Ibang-iba na ang Pilipinas.

Napaiyak ang kaluluwa, hindi makapaniwala sa mganaririnig ng kanyang mga tainga. Ngunit may tanong pa, medyo may kaba.

“Eh… may DDS pa po ba? May Marcos at Duterte pa?”

Tawanan ang sumabog mula kay San Pedro.

“Wala na, anak. Simula nang mawala ang kanilang pangalan sa politika, umangat ang Pilipinas. Wala nang DDS, wala nang bangayan, wala nang dilawan o pulahan. Iisa na lang ang kulay—kulay ng kapayapaan at pag-asa.”

At sa sobrang saya, halos kumanta ang kaluluwa: “Ang Pilipinas ay paraiso na rin!”

Tinapik siya ni San Pedro bago siya pumasok sa langit.

“Tandaan mo, anak: hindi lang lider, kundi lahat ng Pilipino ang nagising at nagkaisa. Kaya nga’t kahit dito sa langit, trending ang Pilipinas. Isang biro ng Diyos na natupad: ang dating pangarap, naging realidad.”

At doon, sa ilalim ng kampana ng mga anghel, naglakad ang kaluluwa papasok sa paraiso—dala ang ngiti ng pag-asa para sa isang bayang minsang sugatan, ngunit ngayo’y naging alamat ng tagumpay.

Everly Brothers - All I Have To Do Is Dream


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...