Pages

Biyernes, Agosto 25, 2023

90s Lifeline: Ang Tren ng Buhay

'Maroon, Orange at beige yan ang kulay na orihinal na bagon sa LRT noon'


Taong 1997 pagkatapos ng aking 3rd year high school ay naranasan ko na ang pagsabak sa hirap ng pagcocommute papasok sa eskuwelahan. Nakatira kami noon sa San Andres Bukid, Manila pero dahil hindi na pinarerentahan ang aming bahay sa Tuazon st ay kailangan na naming lumipat ng bagong matutuluyan. Dito sa taon na ito iniwan ko ang panahon ng aking kabataan sa Maynila at ito na rin ang hudyat ng paghihiwalay ng aming mga kamag-anak. Dito ko namiss and aking mga pinsan at ang aking Tita Martha ang panganay nila nanay. Nakahanap kami ng bahay sa lungsod ng Paranaque sa Multinational Village kung saan katabi lang ng NAIA airport ang lugar. At dahil graduating na ako sa high school ay hindi na ako pinalipat nila ermats ng eskuwelahan kaya walang choice at kailangan maglaan ng oras para bumiyahe papasok ng eskuwelahan.

Ang LRT ang pinakamabilis at pinakareliable na transportasyon noon para makarating ka kaagad sa iyong pupuntahan. Bagama't maraming challenges sa unang taon ng aking transportasyon ay nasanay na rin sa araw-araw na pagpasok at pag uwi. 

Paano ko mailalarawan ang LRT noon?

Halos wala naman pagbabago sa Light Rail Transit mula sa stiff edges na kanilang hagdanan sa ibaba hanggang paakyat kaya pagdating ng tuktok habol hininga ka na lalo na kami na medyo tumatanda na ang edad. Marahil nga ay hindi ko na kakayanin mamanhik manaog sa hagdanan ng LRT sa ngayon. Alam mong nasa Pilipinas ka kapag nakita mo ang beige tiles na aapakan mo pagdating mo sa taas may lima o hanggang anim na stall na hulugan ng tokens sa gitna at sa gilid may booth na pinabibilhan ng tokens.Oo nga pala baka magtaka kayo na ang gamit kong salita ay "tokens" pa sapagkat noon tokens pa ang hinuhulog namin para makasakay ng tren hindi katulad ngayon na access cards at pag-swipe na ng cards ang ginagamit para makapasok ka sa loob. Token na kasing-laki ng piso ngayon pero makapal ng kaunti at may carving ng logo ng LRT.


'Kapag naabutan mo pa ang orihinal na token ng LRT malamang nirarayuma ka na'

Ang pinakamurang pamasahe na aking naabutan ay 6 pesos kung sasakay ako mula Baclaran at bababa ako ng Quirino station pero kailangan maglaan ka ng oras, mahabang pasensiya at mabilis na pagkilos sa pagsakay ng LRT dahil asahan mo na makapal ang tao para sa mga unang batch ng sasakay sa pagbukas ng LRT ng alas singko ng umaga. Pagdating naman ng aking uwian ay medyo maluwang na dahil yung mga nanggaling ng Monumento ay nabawasan na ang mga pasahero pagdating ng Vito Cruz at wala na sigurong mas susulit pa na pamasahe pauwi sa halagang "piso" hanggang Baclaran. Super tipid at sulit at maluwang pa kaya naman mas fresh ako pag-uwi kesa sa pagpasok. 

Kung ikaw ay maghihintay na padating na tren sa katanghaliang tapat sa kalagitnaan ng oras ng alas dos at alas tres dito mo mararamdaman yung common vibes ng antok at bagal ng oras at bagal ng pagdating ng tren. Nakakasakay ako ng ganitong oras tuwing periodical examinations namin kasi maaga kaming nakakauwi mula sa eskuwelahan. Sasabayan pa ng mga old songs na tugtugan sa LRT stations. Kadalsan kong naririnig ay yung mga kantahan ng Scorpion, "Wind of Change", Tiffany's, "All this time" at "Another day in Paradise" ni Phil Collins.

Sa totoo lang LRT's music on every stations are good for the old souls. I really feel the 80s and 90's vibe noon at the end of the 90s era. It was already 1998 going 99 when I have my first commute at natutong mag commute as part of growing up during the 90s. Pero, sa totoo lang hindi ko pa hilig ang mga ganitong tugtugan noon late ko na sila na-appreciate during my 30s. But as they said. "good music never dies" and it is hanggang maappreciate na lang natin sa pagtanda na maganda nga kung ikukumpara lang din sa mga usong kantahan sa kasalukuyan. 

Tuloy ang musika niyan hanggang nasa tren ka na pero medyo garalgal na at titigil ang musika kapag malapit na sa susunod na estasyon dahil magaannounce na... "Libertad Station, "Libertad station" sabay bukas ng mga pinto ng tren na animoy tunog ng tinanggal na oxygen mask at kumpul kumpol na tao ang maglalabasan. May tutunog naman na parang tunog ng modem mo sa loob ng computer noong 90s habang kumokonek sa Internet hanggang sa magsara muli ang pinto at tutuloy sa susunod na destinasyon pagkatapos nito mga kaunting paalala at balik na uli tayo sa musika... 

🎵 All this time 
All in all, I've no regrets
The sun still shines, the sun still sets
And the heart forgives, the heart forgets
Oh, what will I do now with all this time? ðŸŽµ


'Dito ako laging bumababa sa Quirino Station kapag papasok sa eskuwela'



Nasubok ako ng katatagan sa pagcommute, sa pagpasok at paguwi at sa pakikipagsapalaran sa pagsakay ng LRT. Ang ibig kong sabihin ay hindi lahat ng pagkakataon ay swabe ang biyahe may mga oras na susubukin ka talaga ng hirap para makauwi katulad na lamang ng mala-sardinas na pakikipagsiksikan tuwing rush hour. Yung hindi mo na maramdaman ang lamig ng aircon dahil sa sobrang jampacked na pasahero. Tagaktak ang pawis at basang uniporme pagkalabas ng tren sabay tatama sayo ang malamig na hangin sa labas kaya kadalasan sakit ang inaabot ko. Wala atang buwan na ako ay may trangkaso. 

'Ganito ang mga tugtugan noon sa Quirino Station habang naghihintay ng tren'

Isa sa mga hindi ko makakalimutan ay tuwing may mga pa-project ang school. Nalalapit ang Pasko noon at siyempre hindi mawawala sa mga panahong ito ang mga pa-project tungkol sa pagdisenyo ng mga parol. Nagawa ang aking parol at ara ng submission dito ko namublema ng husto kung paano ko isasakay ang malaking parol na ito sa loob ng malasardinas na LRT dahil siguradong mapipisat ito ng wala sa oras. Ito na nga ata yung pinaka cramming at crying time na ganap ko sa buhay dahil nabutas nga ang parol sa siksikan at nabawasan ang mga disenyo at wala akong choice kung di mag cram sa araw ng submission. Bumili ng materyales at inayos muli ang aking parol. Torture! 

Dumating din ang araw na muntik ko na sukuan ang pagbiyahe sa araw-araw. Dito sa araw na ito ako'y naging si Iron Man hindi ang superhero kundi ang patatagin ka ng super bagyo at binansagan ang sarili bilang Iron Man. Tandang-tanda ko pa na kumain muna kami noon sa gotohan kasi nga napakalakas na ng ulan, kumbaga pampainit lang sa pakiramdam at kadalasan ay nagkakayayaan talaga kami ng mga kaklase ko na kumain muna ng Goto at itlog sa Sinangag Food house bago magsi-uwi sa kanya-kanyang tahanan. Gumagabi na pero walang tigil ang pagbuhos ng ulan. Hindi pa uso ang cellphone kaya wala rin akong kontak sa aking nanay sa panahong yun. Tumila ang ulan, wala akong payong, wala akong kapote, wala ako kahit anong panangga sa ulan. Nilalakad ko lang talaga mula sa aming eskuwelahan hanggang sa Quirino station ng LRT. Nakarating ako sa paanan ng hagdan ng LRT ng hindi pa nababasa dahil tumigil ang ulan pero ang kamalasan tumigil na pala ang operasyon ng LRT dahil sa lakas ng ulan itinaas na ang signal ng bagyo sa pangalawang signal. Wala ka na rin makikitang jeep na bumabiyahe dahil unti-unti na tumataas ang tubig lalo na sa Taft Station. Kung meron man, punuan pati mga nakasabit nagpaka-basa na makauwi lang sa kanya-kanyang bahay.


'Isa pang kanta na kadalasang naririnig ko sa estasyon ng LRT noon ang kanta ni Debbie Gibson'


Habang sinusulat ko ang parteng ito ay nagkakaroon ako ng kaunting anxiety dahil nga sa kalagayan ko ngayon kasi alam kong hindi ko na ito magagawang muli ang maglakad mula Quirino Station hanggang pauwi ng bahay namin sa Multinational Village, Paranaque kasabay ng lakas ng ulan, ginaw at ngatog sa lamig at mga bahaing lugar na aking nadaanan na may kasamang kaba dahil noon ay maraming open manhole sa kalsada. Pagdating ko ng Baclaran aasahang may jeep na akong masasakyan ay nanlumo ako dahil walang bumabiyaheng Sucat Hi-way, sa isip-isip ko maglalakad na naman ako ng ilang kilometro pa bago makauwi sa home sweet home. Tuloy ang lakad ala Johnnie Walker keep on walking. Ramdam ko na talaga ang hapo pero sobrang drain nung nakita ko na hanggang baywang na ang lalim ng baha bandang NAIA dahil dadagdag pa yung pagod sa pagsikad sa malalim na tubig. 

Nakauwi ako sa wakas sa aming bahay pero parang binuhusan ako ng langit at lupa dahil pag uwi ko ay naglulutangan na ang aming mga gamit. Hanggang beywang na rin ang baha sa loob ng aming bahay. Isa ito sa mga hindi ko makakalimutan na nangyari sa aking buhay.

Malapit na ang graduation noon at naglalakad ako mag isang pauwi sa tapat ng De La Salle University sa Vito Cruz, Manila. Normal na araw galing eskuwela di ko inaasahan na may mangyayari hindi maganda sa akin. Habang malapit na ako sa paanan ng LRT ay pinaligiran ako ng pito hanggang walong kabataan mga pormang gangster na mga naka-alpombra. May isang humablot sa aking bag na rattan. Pinakita ng isa na may kutsilyo siyang nakatago sa kanyang likuran. Kinuha nila ang aking wallet, sumbrero at Benetton na relos na regalo sa akin ng nanay ko noong aking kaarawan. Pumalag ako pinagmumura ko sila para makakuha ako ng atensiyon sa tao pero ramdam ko na biglang may sumuntok sa aking mukha hanggang sa nagpulasan patawid sa kabilang kalye. Natatandaan ko na nanghingi ako ng tulong noon sa security guard ng KFC pero alam kong wala naman siya magagawa dahil hindi rin siya makakaalis sa kanyang poste. Inalalayan niya nalang ako makaakyat hanggang sa LRT. Mula doon akala ko tapos na ang pagkabog ng puso ko hindi pa pala. Habang naghihintay ako ng paparating na LRT ay nangangatog na ko sa takot lalo pa nung nakita ko sa bandang unahan ay sinundan pala ako dahil nga piso lang ang ihuhulog mo hanggang Baclaran ay pwede ka nang makasakay noon sa LRT. Dumating ang tren at sumakay ako ng LRT. Alam ko sumakay din ang mga damuho pero nasa magkahiwalay kaming bagon. Pagkababa ko agad ng Baclaran ay tumakbo na agad ako sa maraming tao , takbo ako hanggang Redemptorist para makasakay agad ng Sucat. Hindi na nila  ako nasundan at kinabukasan ay nakipag coordinate ako sa kaklase ko na may tatay na pulis at sinuyod nila lahat ng rugby boys na tambay sa Vito Cruz hindi ko lang alam kung kasama doon ang mga nangholdap sa akin. Hindi ko na nabawi ang aking bag, wallet at ang regalong bigay sa akin ni nanay. Ito naman ay isa sa mga action-packed ko na karanasan sa kalsada at pati na rin sa LRT. 

'At dito naman ako sumasakay pauwi kasi piso lang ang inihuhulog na token sa LRT at dito sa
saktong lugar sa larawan ako naholdap ng mga batang rugby boys'


Ilang beses na rin akong nadukutan sa LRT at ang kadalasan talaga ay relos hindi ko alam kung anong mahika meron ang mga mandurukot at hindi ko man lamang nararandaman habang ginagawa nila ang kanilang masamang gawain. Dito ko rin naranasan ang paghinto ng LRT dahil nasiraan ang nasa unahan namin na tren at halos isang oras kami na nakatigil lang. Pero pasalamat pa rin dahil hindi ko narasan ang maglakad sa riles kapag nasisiraan ang tren. 

Bagamat sa dami ng hindi magandang karanasan ay wala akong pinagsisisihan sa pagsakay ng LRT dahil ito ang pinakamabilis na uri ng transportasyon, malamig. komportable lalong lalo na yung mga tagpong pag akyat ko ng station platform eh may maluwag na train tapos maghihintay ng kaunting pasahero dahil napakaluwang pa habang natugtog ang Christmas songs sa buong station. Isa sa pinakamagandang vibes na aking naranasan. Para sa huling salita hindi ang LRT ang nagbibigay ng hindi magandang karanasan sa isang tao kundi ang kanyang kapwa tao. Sa mga pasahero ng tren mag-ingat sa mga mandurukot at para sa mga kababaihan mag-ingat sa mga manyakis.

Magandang gabi!

🎵 Say goodbyeA bond we'll make another timeBut don't be sorry if you cryI'll be crying too 
All this time ðŸŽµ





Lunes, Agosto 21, 2023

42


                         Taylor Swift voice: Everything will be alright if we just keep dancing like we're 42 ðŸŽµ

42. Forty-two. Kwarentay-dos. XLII at Quadraginta in Latin. 

Ito na nga narating ko na ang pinakadulong numero ng 6/42 Lotto bilang aking edad sa kasalukuyang taon.

42 rin ang jersey number ng isa sa paborito kong NBA player na si Jerry Stackhouse ng Philadelphia 76ers at Detroit Pistons.

Aba 42 rin ang jersey number ko sa basketball nung nakakapaglaro pa ko sa mga pa-liga sa aming barangay sa Paranaque kung saan laging tuyo ang jersey kasi hindi naman ako naipapasok. 

Eto kadiri, 42 pieces na bahagi ng katawan ni Osiris as in chop-chop  ang ikinalat sa Ehipto nung tinigok siya ni Seth. 

Sa mundo naman ng computer 42 days ang ibinibigay na araw bago ma-expire ang password sa Microsoft Windows domain.

42 is one of the title tracks of Coldplay's album in Viva La Vida

The Rockefeller Center of New York has 42 elevators that carry tenants and visitors up to the 66th floor.

In Japanese culture, the number 42 is an unlucky number because the numerals when pronounced separately—shi ni (four two)—sound like the word "dying" 

Pero ang pinakanagustuhan ko about the number 42 is about science fiction novelist Douglas Adams' “The Hitchhiker's Guide to the Galaxy,” because that number is the answer given by a supercomputer to “the Ultimate Question of Life, the Universe, and Everything.” They said 42 is everything - the meaning of life.

Maswerte nga ba ang number 42?

Aba'y hindi ko alam pero simula nung ilang beses akong sinabihan na ako'y seswertehin ay itinigil ko nang maniwala lalo na kapag may nagsasabi sa aking niyan tuwing Christmas Raffle at Christmas party dahil hanggang ngayon bimpo at kalan pa rin ang aking naiuuwi. Gusto ko sanang gamitin itong edad na to sa pagtaya ng Lotto tutal nasa dulo na ako ng numero nila baka sakaling mapagbigyan at baka naman maambunan na ng swerte. Wala naman sigurong masama kung tumaya ako sa loob ng taong ito. Pero minsan ayaw ko na lang din swertehin kasi parang no bearing naman kung lagi kang swerte nakakatamad rin kumbaga para kang isang lider na lagi na lang ikaw ang nasusunod at malay mo lahat ng kasuwertehan sa buhay may kapalit naman na kamalasan. Kaya okay na ko sa pagiging mid-card lang pero main character sa buhay yung tipong what comes around goes around pero hindi ka kinaiinggitan at hindi ka kinaiinisan. Saks lang. 

Sa totoo lang wala akong hilig sa mga materyal na bagay regaluhan mo ako ulit ng Good morning towel okay lang sa akin magagamit ko pa rin yan, bigyan mo ko ng set ng baso o kaya tasa pang kape malayo ka pa lang pumapalakpak na ang tenga ko lalo na kung "mug" kapag usapang kapehan wala akong talo diyan. Hindi na ako namimili ng kung ano man. Kapag nagkaka edad ka pala para ka na rin tinurukan ng anaesthesia wala ng nararamdaman kung ano man sabihin sayo, o kung anong marinig mong hindi maganda kasi mas marunong ka nang umunawa sa mga timawa o di ba rhyming. Habang tumatanda ka mas nagiging matured ang isipan mo puwera na lang sa usapang benteng bigas ni BBM at confidential funds ni Sara, at ang walang humpay na pagtaas ng mga bilihin. Pero kung marinig ko sayo na sabihan mo akong negro dahil sa aking pagbibisikleta eh ayos lang tanggap ko yan o kung sabihan mo akong Jacky malaki tiyan okay lang kukungfuhin lang kita ala Jacky Chan siyempre joke lang. Pero ganun na nga I just want peace, steady good health and prosperity in life. 


                                              American Authors - 'Best Day Of My Life'

As I grow old I begin to start appreciating simple things in life, like fresh satin sheets, malambot na unan sa aking paanan sa pagtulog, hugis hotdog na pang-akap, malamig na klima habang umiinom ng kape, ang pagmasid ng mga isda sa aking aquarium at mga love birds na nagtitweet-tweet sa umaga, mga asong nagpapakamot ng kanilang tiyan at yung amoy ng Downy sa mga bagong labada. 

Sabi nila ang pag trigger ng kemikal na Dopamine sa katawan na nanggagaling sa iyong hypothalamus ay isang happy chemical na nagbibigay-daan sa iyo na makaramdam ng kasiyahan, kagalakan at pagganyak o magkaroon ng motivation sa isang bagay na magbibigay saya sa isang tao. 

Sa ayaw man at sa gusto natin, ang ating kaarawan ay isang mabisang paalala sa mga kapalpakan o katagumpayan sa buhay. Pero sa taong ito titigilan na natin ang paghihimutok at magpopokus na lang siguro tayo sa mga bagay na magpapasaya sa atin ng hindi pa rin nakakalimot na tumulong o magbigay sa kapwa puwera lang yung mga nangungutang kapag akoy walang-wala. Nakakadagdag na rin kasi ng peleges at tigyawat sa mukha kapag matagal kang hindi kinausap sabay biglang bungad ay "pautang". Dumaan ang pandemic at natapos ito ni hindi man lang nangamusta pero sa unang mensahe sa tagal na hindi nakapag-usap, pautang. Hindi ko kailangan ng seasonal friends just to say we're friends. Nope, red flag yan sir, mam. 

Noon ayaw na ayaw ko makakita ng keyk, spaghetti, carbonara, lumpiang shanghai, ham, bacon, hotdog at Hagen Daz sa aming hapagkainan. At pinanggigigilan ko rin ang mga taong kumakanta sa akin ng 'Happy Birthday to you" ang gigil ko na may pagkagat ng ipin na parang asong ulol. Nakakapanting kasi ng tenga. Gusto ko pasakan ng bulak ang loob ng aking kaliwa at kanang tenga pero siyempre nakakahiya din naman ang pag effort ng kanilang pagkanta ng sintunadong Happy Birthday to me. Eto pa, ang isa hindi ko rin trip ay ang makakita ng mascot. Ayoko si Jollibee kasi mukha siyang spoiled brat na pinag-aral lang sa magagarang eskuwelahan para lang maghanap ng party at disco. Ayaw ko si McDonald dahil ayaw ko ng clown marami na niyan sa gobyerno, ayoko si Hamburglar kasi mukhang takas sa preso at lalong ayaw ko si Jack in the Box dahil mukha siyang villain clown killer sa isang horror movie. 


                                                The Innocence Mission - 'Happy Birthday'

Pero simula ngayon iaappreciate ko na lahat lalo na yung mga nag inject sa akin ng dopamine sa simpleng pagbati sa akin mula sa Facebook, X at Instagram. Sa sobrang busy nila sa kanilang mga buhay at kahit ilang work from home ang meron ka nakaalala ka kaya, Salamat. Sa sobrang busy niyo sa mga bebe niyo, jowa at bebe time hindi ka nakalimot na ako'y batiin. Salamat. Sa simpleng nakaalala dahil nakita niyo ang aking pagmumukha sa timeline at ako'y binati. Salamat. Aminin natin na sa tuwing ating kaarawan nagiging manipis ang ating damdamin sa mga ganitong panahon nalulungkot tayo kung hindi tayo nabati o kaunti lamang ang nakaalala sa atin lalo na kapag hindi tayo nabati ni secret crush sa Facebook. 

Pero eto na nga, meron lamang sapat na handa, wala akong programa para ipagdiwang ang birthday ko. Wala akong engrandeng pajama party o pool party, sleep over party o birthday sex party ganon pa man,  kahit siguro sa pinaka-payak na dahilan ay naging makabuluhan ang araw na ito para sa akin. Naging masaya ang aking kaarawan dahil sa mga bumati sa pamamagitan ng text, tawag, comment sa blog at messenger, sa X, instagram at syempre sa facebook. Nakakatuwa lang dahil kahit mga hindi ko personal na kilala ay bumati rin. At nagpapasalamat ako sa mga kontribusyon nila para maipalaganap ko ang blog na ito.

Special mention and thanks to you:

  1. Elvin Manuel
  2. Sir Santi Pido
  3. Mhariel Marquez
  4. Sir Sol Rellita
  5. Sir Joseph Verdida
  6. Marvin Josh Pata
  7. TL Kelvin Rosete
  8. Tin Clemente
  9. Christopher Alcantara
  10. Jhoan Santarin 
  11. Mark A. Garcia
  12. Arjay Legaspi
  13. Jervi Fallorina
  14. Mam Weng Rowena Estrada Simeon
  15. Sir Ronnie Sauler
  16. Jorene Abagon
  17. Fe Butingan
  18. Mr Dasmarinas Condrad Potpot Miane
  19. Joshua Torio
  20. Jhigz Memew Diego
  21. Inay "Mariah" Gerlan
  22. Sir Lodel Millo
  23. Miss MJ 
  24. Noreen Tiano
  25. Jay Emmanuel Kuya J Corral
  26. Paolo Prado
  27. Dys Lexia
  28. Mam Ellen Caraan
  29. Donna Elzee Vintola
  30. Gerrieca Adiong
  31. Tatay Crispino Ebrado
  32. Sir Gerry Atabay
  33. Duncan Villarosa
  34. Sir Sonny Tan
  35. Camille Go
  36. Paula Maricris Anacay
  37. Joy Nino Sarmiento
  38. Miss Thet Alcodia
  39. Chingky Fuentes
  40. Joy Joy
  41. Mari Ella
  42. Teacher Abegail Quino
  43. Teacher Gina Garcia
  44. Sir James Andrew Grasparil
  45. TL Carlo Calantuan
  46. Jojo Salvador
  47. Ghia Tomas
  48. Jay R Del Rosario
  49. Andrimel Velasco
  50. Tonee Amora Robles
  51. Kenneth Camerino
  52. Chris Herrera
  53. Paolo Capitulo
  54. Geneva Millena
  55. Jake Co
  56. Jaz Pandongon
  57. Borgie Tolentino
  58. Tita Merly Pagar Lim
  59. Wymark Gerodias
  60. Dixie Jane Lim
  61. Miss Dianne Gabrillo
  62. Apple Figueroa
  63. Janelle Dreu
  64. Felix Anora
  65. Karlo Teves
  66. Gino Paulo Bautista
  67. Tita Rebecca Adiong
  68. Jayson Baculod
  69. Katherin Pabale
  70. Mizter Kris Trinidad
  71. Tito Boy
  72. Miss Jaq Redesa
  73. Myra Fernandez
  74. Sir Reggie Bhoy
  75. Principal Esmie De Guzman
  76. Miss Kyla Carter
  77. Toffee Lim 
  78. Alexandra Nicole Real

Linggo, Agosto 13, 2023

Kwentong Tabi: The Tindahan Buyers


           'Sa tindahan ni Aling Nena maraming main character at villains


Sari-Sari store o tindahan. Sari-sari means iba-iba, kung anu-ano, lahat na naririto o sa mabilis na salitang ingles ALL IN, nandito na lahat.

Ito ang SM o Robinson ng mga batang lumaki sa kalye. Dito matatagpuan ang lahat as in lahat ng kailangan mo sa pang araw-araw na buhay. Mula sa bato ng lighter hanggang sa pinakamalaking diaper ay dito mo makikita at mabibili.

Pero bawat success ng isang tindahan ay naaayon sa mga mamimili. Kung mas kumpleto ang mga items ng tindahan yan marahil ang basehan ng marami ang suki. Pero ngayong hapon ay pag-uusapan natin ay ang mga katangian ng mga taong bumibili sa sari-sari store. Hahatiin natin sila at icacategorized at bibigyang pangalan para madali mo sila makilala.

1. KIDDIE APPRENTICE

Ito yung mga kakaahon pa lang sa incubator pero dahil malapit lang ang sari-sari store at hindi kailangang tumawid ay inuutusan na ng kanilang mga magulang para bumili ng kailangan sa tindahan. Nakalimutan ata ni nanay na hindi pa ganoon kahasa ang mga memorya ng mga kiddie apprentice natin kasi pagdating sa harap ng tindahan mabulul-bulol pa siya at nakalimutan na ang dalawang items sa tatlong pinapabili.

2. GARY V

Ang sabi kasi sa isang kanta ni Gary V "kung wala ka nang maintindihan", sila yung uri ng mga bumibili pero hindi mo maintindihan ang sinasabi kaya kailangan mong ipaulit ng ilang beses kung anong bibilhin. Hindi maintindihan kasi malalaki ang boses o bumubulong o di kaya ay kinakain ang salita.

3. TAPIS KING AND QUEENS

Ay nako kahit saang sulok ng Pilipinas mayroong ganitong bumibili mapa-probinsiya man o sa siyudad. Hindi mo alam kung meron pa bang mga panty at brief at mga nakatapis lang na tuwalya ang bumabalot sa katawan. Karaniwang binibili ng mga ito ay shampoo o di kaya sabon. Sila yung mga uri ng bumibili ng mga sachet na shampoo. Kapag napansin nilang wala nang natira sa sachet na ginamit ng buong pamilya kahapon hindi na sila magbibihis muli at magtatapis na lang at tatakbo sa tindahan. 

4. CHIKA MINUTE

Ay oo naman, hinding hindi ito mawawala sa tapat ng tindahan niyo minsan ikaw pa mismo ang nababahagian ng tsismis. Sila yung bibili tapos maya-maya kapag iaaabot mo na ang binili niya magsisimula na itong, "sinugod kagabi si Pepang ginulpi na naman daw ng asawa", at kung tipong marites din namin ang tindera hahaba na ngayon ang kwentuhan kasabay ng haba ng pila ng bumibili at kung nabitin bago magsara ang tindahan yung tipong kakaunti na lang ang bumibili tatambay pa yan para ituloy ang tsismisan. 

5. SUNOG BAGA

Kung gusto mo ng kapayapaan sa harapan ng tindahan niyo huwag na huwag kang magpapalagay ng sementadong upuan sa kaliwa at kanan dahil paniguradong magiging drinking session spot yan ng mga sunog baga. Tipikal na Pinoy build na ata ang mga tindahan na may tambayan habang may mga nagigitara at nagkukuwentuhan habang umuubos ng mga kornik na binili nila pero mas malala na ata yung dito may nagiinuman paniguradong maiilang ang mga bibili sayo kaya know what's do's and dont's sa style ng inyong one stop shop. 

6. THE HUMAN CALCULATOR

Kung makakaharap mo sila siguraduhing nakahanda na ang calculator. Ang mga uri ng tao na bumibili sa tindahan na maraming items na binibili pero sakto lang ang pera at gusto ipabilang kung magkano na ang kanyang mga napamili baka kasi hindi magkasya ang dalang pera. Minsan kabisado na rin nila yung presyo ng binibili nila kaya nga sakto na lang ang dala pero para makasigurado ipapakalkula na nila sa nagbebenta kung magkano na ang nakuha nila. 

7. PABILE O PAGBILHAN

Katulad ng mga pumapara sa jeep sa pagsigaw ng "para" at "sa tabi lang po" dalawa lang din ang wika ng mga bumibili sa tindahan it's either "pabile" para sa mga tsikiting at "pagbilhan" naman para sa mga adults. Meron ba pa kayong ibang naririnig sa pagtawag ng nagtitinda bukod sa pabile at pagbilhan? Pero mas klasik sa mga bata yung pagtawag ng mahabang,"Pabileeeeeeeeeeehhhhhh" na may kasamang katok ng barya.


                                                   Eraserheads - "Tindahan ni Aling Nena"


8. YOSI MAN

Ito ang nakakainis kaya maraming tindahan ang naglalagay na ng "No smoking" sa harapan ng kanilang mga tindahan dahil sa mga uri ng mamimiling ganito. Karaniwan mga kabataan, teenagers at mga walang pakialam sa buhay na ginagawang manok ang nagtitinda sa pagbuga ng kanilang yosi o vape. O di kaya ay bibili pa lang ng yosi doon magsisinda at ang unang buga ng usok ay kay manong o manang na nagtitinda, kaasar di ba? Kaya karamihan ng tindahan ngayon hindi na naglalagay ng nakasabit na lighter. Find your own pansindi. 

9. PAPER WRITERS

Maraming ganito kapag petsa de peligro na. Alam naman natin lahat na ang tindahan ang pinakamabisang takbuhan kung gipit ka na at kailangan muna mangutang ng mga "goods" na kailangan mo hanggang dumating ang suweldo. Paper writer kasi sila yung laging nagsasabi ng "palista muna,pards", "palista muna, mare" sabay ngiti pero lagi rin may baong kwento after nila makapangutang para maiba agad ang ihip ng hangin. Kadalasan kukumpletuhin muna lahat ng kailangan bago sasabihin "lista muna". Pero wala naman masama doon, tandaan lang na laging babayaran ang inutang at huwag hayaang ilista ito sa tubig.

10. UPDATERS

Ah ito ang malupit sila yung taga update ng mga bagong produkto na napapanood nila sa mga commercials. "Mare meron ka na ba nung bagong flavor ng Lucky Me Pancit Canton, yung ano?" alam nila na may bagong flavor pero hindi nila matandaan kung ano yun. Basta sila lagi yung naghahanap ng bago at naguupdate sa may-ari ng tindahan na mag bagong labas na produkto. 

11. THE ATHLETES

Kapag naman ang tindahan mo ay malapit sa isang basketball court, naku dapat doble ang orders mo ng delivery para sa mga cold refreshments katulad ng softdrinks at energy drinks hindi ko isinama ang mineral water kasi mas gugustuhin nila ang klasik na ice tubig sa mga basketball pustahan sa barangay niyo. Siguraduhin na malamig ang 1.5 na Coke o 1 litrong Pop Cola para ma-satisfy ang uhaw ng mga athletes na mamimili.

12. LOADING STATION

No, kung akala mo may kaugnayan ito sa mga nagpapaload sa tindahan mali po ang iyong hula. Sila kadalasan yung mga nauutusan na maraming items pero pagdating sa tindahan nagloloading at nakakalimutan na yung mga inutos na bilhin na kailangan na ingredients para sa ulam niyo. 

13. LOST TRAVELLERS

Sila naman yung mga nabudol ng Waze or Google maps. Kadalasan ang tindahan ang nagiging tanungan ng mga nawawalang motorista lalo na ang ating mga kapatid na delivery riders kasama na ng uhaw at gutom maghahanap ng tindahan para sa mabilis na pamatid gutom kasabay ng mga katanungan kung alam ba ninyo kung saan ang barangay na ito o kung ito na ba ang pangalan ng kalyeng tinutukoy ng kanilang gamit na app. 

 
14. 1x1 GANG

Ito mga grupo ng kabataan na nagkukuwentuhan at tambay sa balkonahe ng tindahan. Sila yung mga naghaharutan, magagaslaw at naguubos ng oras tuwing tanghaling tapat. Bakit 1x1? Sila kasi yung kadalasang kinaaasaran ng nagtitinda mas trip kasi nila yung maya't-maya bibili sila ng tigpipisong tsitsirya paisa-isa kapag naubos ate isa pa po, ate isa pa po, ate isa pa nga po. Kaya si ateng tindera nabwisit na kakabalik-balik, "Bilhin niyo na kaya itong isang plastik?"

15. I DON'T WANT TO MISS A THING

Walang kinalaman si Aerosmith pero sila yung mga tipong ayaw ma-miss ang isang scene sa pinanonood nilang teleserye kapag natyempuhan na nanonood din ang tindera ng kaparehas ng kanyang pinanonood at dahil medyo malayo ang nilakad ng bumili tatambay muna hanggang matapos ang isang scene at aalis lang kapag patalastas na. Asahan mo tatakbo pa yan ng mabilis pauwi huwag lang habulin ni brownie. 

Nagkaroon kami ng tindahan noon kaya kabisado ko na rin minsan ang mga character ng mga bumibili either a main character or a villain. May isang pagkakataon nga na kumakatok pa sarado ka na para lang bumili ng karayom di ko alam kung may kukulamin si ate o sadyang trip niya manahi ng gabi. Minsan may mga weirdo lalo na yung mga vandal boys na nagdodrowing o umuukit ng korteng tite sa balkonahe ng tindahan niyo. 

Sabado, Agosto 5, 2023

Ang Pagbabalik sa Blogging World


'Its better to be quiet than shit for life'


Para daw akong sa kanta ni Gary Valenciano, "nawawala, bumabalik heto na naman", ang sabi ko ganun naman talaga sa mundo ng blogosperyo minsan kang lulubog at minsan ka din naman na lilitaw, minsan kang magkakainteres pero kadalasan kang tatamarin. Maraming beses na rin akong nawala at bumalik sa mundong ito pero kahit anong mangyari nakakahanap ng paraan na pagpagin ang aking nangangalikabok at nangangalawang na panulat. Dito sa pamamagitan ng pagsusulat ako nahasa na magpalawak ng nilalaman ng kaisipan. Dito ako natutong magsarili, oh teka lang alam ko ang nasa isip niyo ang ibig sabihin kong magsarili ay bumuo ng magandang piyesa sa panulat ng wala akong inaasahang mga suhestiyong o tulong na gamit ang kaalaman ng iba.

Kaya sa lahat ng naging tagahangam umuunawa at patuloy na nagmamahal na aking mga onlyfans, Mahal ko kayo!! Natigil man ang paglalathala ng aking mga post ay nariyan pa rin yung mga lumang kaibigan na patuloy na sumusuporta at hindi niyo iniwan o inunfollow ang pahina higit sa lahat sa pagdaan man ng pandemiko. Salamat at nariyan pa rin kayo. 

"It's better to be quiet than shit for life", ang motto ko simula sa pagkabata, ang motto ng kuwago. Ang kuwago kasi kumokolekta ng ideya at tinitimbang ang sarili bago humuni kesa sa huni doom, huni dito na wala namang ritmo at tyempo ang hinuhuni. Sa pagsusulat dapat ay mas marami kang nakukuhang reactions kumpara sa likes. Sa blog na ito ako natutong magpatawa, mamilosopo, manakot, magpaiyak, magpakilig, magpagalit, magpa-excite, magtanong, at mandiri ang mambabasa kasi ultimo tungkol sa tae ay may naisulat tayo dito.Click mo lang itong "Jerbaks" at "Rated SPG: Kwentong Banyo" kung interesado kayo pero huwag niyo lang itatapat ang pagbabasa sa almusal, pananghalian, meryenda at hapunan baka bigla niyo akong i-unfollow. Huwag rin palang makakalimot sa aking especialty na ibalik sa nostalgia ang aking mambabasa.




Tinataon ko ang aking pagsusulat depende sa mood, sa panahon, sa okasyon at sa kung anong nauuso o napag-uusapan pero mas marami sa aking piyesang naisulat kung anong naisip ko pagka-gising, kung anong ibinulong ng isipan habang nakaupo sa trono ng inidoro at sa kung anong nakikita kapag ako ay lumalabas ng bahay. Totoo nga na kapag nasa loob ka ng maliit ng kuwadradong espasyo katulad ng banyo ay mas maraming pumapasok na ideya sa iyong isipan hindi ko alam kung bakit pero mayroon na sigurong pag-aaral dito kumpara sa pagkakaupo mo sa harap mismo ng kompyuter. Sa banyo kasi walang destruction depende na lang kung barado ang inidoro at unti-unti mong nakikita ang tae mo na umaangat sa bowl habang binubuhasan nakakadestruct talaga yun hanggang panaginip. 

Sa mga mambabasa ko kung meron, siguro naman ay naniniwala ka sa iba't-ibang kategorya ng aking naisulat kung nandiri ka sa Jerbaks at Kwentong Banyo, kinilig ka naman siguro sa Sentihan 101: Hanggang Saan Ako Dadalhin ng Aking Pag-Ibig?Ang Pag-ibig ay parang Bisekleta by Papadyak, Saan mo dadalhin ang pag-ibig?Kasiyahan 101: Ako minsan si Papa Jack

Binuksan ang time machine para sa mga nostalgic writings katulad ng aking likha na Junkfood Nostalgia: Wonder Boy (Where Art Thou?), Tsitsirya: Ang mga Junk Foods sa Buhay mo, Throwback Memories: Field Trip Reminiscence (PILTRIP)90's Nostalgia: Cartoons of your Time, Your Childhood Memories: BATIBOT, Super Throwback: Pinoy Klasik Komersiyal Ads and Tag lines Part 1 at marami ka pang babalikan na dadalhin ka sa panahon ng otsenta at nobenta.

Di rin natin pinaglagpas ang mga kwentong katatakutan na inilalathala natin kapag nalalapit na ang panahon ng Undas. Nakapagsulat din tayo ng mga nakakapanindig balahibong kwento katulad ng Halloween Special Throwback from 90'sUndas Specials: Ano Ang Nasa Dako Pa Roon?Araw ng mga Buhay?Aswang Association Inc, at Wag ka nang Humabol: Suicidal Boys and Girls Surviving Tips

Mayroon din naman tayong mga popular post at ito yung mga blogisodes na mas maraming nakapagbukas o nakabasa. Masasabi natin mas maraming nagkainteres basahin gaya ng Kaha de Lapis (Pencil Case)Kalye Games 101: Nasaan na ang Larong Pinoy?Millennial Lingo: Expressions! Expressions!Kenned Guds: Ang mga De-lata ng ating Kabataan, at Family Dinner Throwback Nobenta

Alam natin na marami na rin ang nagpahinga sa mundo ng blogging dahil nauso na ang bagong kinahihiligan ng karamihan ang vlogging kung saan gamit ang mga makabagong teknolohiya kagaya ng mga advance cameras katulad ng mga GoPro at mga drones. Ganito na nga ang uso ngayon dahil mas kaaya-aya nga daw kapag mayroong nakikitang virtual objects ang mga manonood hindi katulad nitong blogging na panay panulat lamang ang laman. Pero guess what I'm sticking with the way of writing just like the old soul that we are hindi naman tayo yung naghahanap ng maraming likes o viewers ito lamang pahina na ito ay para sa mga mahilig pa rin magbasa at sa mga naghahanap ng kaunting aliw sa pamamagitan pa rin ng pagbabasa. Mas gugustuhin ko na magsulat kaya magvideo maghapon sa daan para makahanap lang ng maicocontent, hindi tayo naghahanap ng kamalian sa kapwa para tanungin ang mundo ng social media kung sino ang nagkamali at sino ang tama sa isang senaryo sa batas trapiko sa mga kalsada, hindi tayo naghihintay ng madidisgrasyang nagbubunking sa Marilaque at ipopost sa social media. Sa mundo ng pagsusulat makakamit mo ang kapayapaan, tahimik na nagiisip at nagpapatawa sa mga makakabasa, Mas gusto ng writer na maglaro ang mga emosyon ng kanyang mambabasa sa sari-saring emosyon na mangingiliti, mananakot, magpapaluha, magpapatawa, mamamangha sa bawat damdamin. 

At eto na nga opisyal na nagbabalik ang inyong abang lingkod sa pagsusulat hindi ko lang alam kung hanggang saan, hindi ko lang alam hanggang kaylan. Pero isa lang ang gas na makakapagpatulo sa akin sa araw-araw sa paggawa ng mga piyesa ng panulat hindi ito Petron, di rin Shell, never na Total at hindi rin Phoenix Fuel at never na mga tsipipay na gas stations. Ang tanging kailangan ko sa pagsisimula sa kasalukuyan ay INSPIRASYON!

Sinsero, 

Jack Maico