Sabado, Oktubre 25, 2014

Halloween Special Throwback from 90's



Malapit na ang Undas, sayang wala ng Magandang Gabi Bayan Halloween Special :'(
Mga ilang araw na lang at malapit na mag Undas, ang araw kung saan dinadalaw natin ang lahat ng ating kamag-anak na namayapa. Ready ka na bang bumisita sa kanila sa sementeryo? Handa ka na bang umapak sa mabato at mabuhanging mga nitso. Nakabili ka na ba ng mga kandila at bulaklak na iaalay para sa kanila? Naayos mo na ba ang mga rekado at putahe na gusto nilang kainin nuong sila ay nabubuhay pa. Naihanda mo ba yan lahat? Mahigit isang linggo pa ang preparasyon mo para magawa mo lahat yan. At kung hindi, sige ka gusto  mong sila ang dumalaw sa iyo? Siguro sa akin ok lang, mga kamag-anak ko naman sila. Pero siyempre may limitasyon, ok na sa akin yung mga konting paramdam, wag na lang silang magpapakita at magsasalita sa tenga ko dahil madali akong makaramdam ng takot. Pero para wag na silang dumalaw at baka maligaw pa ang kanilang kaluluwa, ako na lang po lolo, lola, tita, tito ang dadalaw sa inyong mga puntod at mag-aalay ng pag-aalala sa inyo at dasal.

Kapag ka mga ganitong araw, lalo na kapag Halloween night ng Oktubre 31 hindi talaga maiiwasang magtakutan. Dahil daw naglalabasan ang mga kaluluwang ligaw sa lalim ng gabi at baka daw sumunod sa inyong kabahayan at duon na sa inyo tumira. Lahat daw ng mga tropang supernaturals naglalabasan kung saan, dahil ito ang kanilang kapistahan lalong lalo na kapag kabilugan ng buwan. 

Noong dekada nobenta para sulit ang takutan sa gabing madilim, mayroon kaming inaantay nna special edition ng palabas na yun sa TV. Ito ay ang MAGANDANG GABI BAYAN ni VP Ka Noli de Castro, hindi naman ganun kagabi ang palabas, alasais pa lang kumpleto na kame ng aking mga pinsanin at kapatid ko na nagkukumpulan na sa sofa with matching harutan at kilig habang pinanonood ang naturang katatakutan na edisyon ng programa. Talaga nga naman sa boses palang ni Kabayan matatakot ka na hindi katulad ngayon na pahahabain nya pa yung TeeVeeeeeeeeeeeeeeeee bago sabihin ang patrol. Medyo nakokornihan na ko sa kanya at "in na in" na rin siya sa mga buhay artista at buhay ni Kris Aquino sayang si Kabayan naimpluwensiyahan ata siya ni Korina Sanchez at Manong Ted Failon. 

Ok balik tayo sa topic, noong bata pa tayo napakadali nating disiplinahin. Isang sabi lang ni Nanay ng "....may mamaw diyan!", ay matatakot na tayo at susunod na sa kung ano mang gusto niyang mangyari. Kapag may panakot na tungkol sa multo. Otomatik na yun susunod ka sa kanila. Sa tuwing malapit na ang undas ay bigla tayong binabalikan ng ating pagkabata upang takutin sa mga aswang, kapre, white lady, duwende, tikbalang, masasamang espiritu at kung anu-ano pang mga bagay na hindi natin maipaliwanag.

Pero teka bago tayo pumunta sa MGB, ano nga ba talaga ang Halloween, All Saints Day, at All Souls Day? Bakit ba sa tuwing sumasapit ang okasyon na ito ay kailangan nating takutin ang mga sarili sa mga bagay na pinaniniwalaan nating nakakatakot?

Sa TV, halos lahat ng palabas sa huling Linggo ng Oktubre ay marathon ng mga nakakatakot na palabas. Biglang ipapanood sa TV ang Shake, Rattle and Roll na mayroon na yatang isandaang sequels. Ang tibay rin ng palabas na ito, nagsimula kila Manilyn Reynes, Aiza Seguerra at Roderick Paulate hanggang sa mga future na artista ngayon na kagaya nila Yasmien Kurdi, Erich Gonzales, Carla Abellana at Dennis Trillo. Nakalakihan na rin talaga nating mga kabataan ang horror series na ito dahil ito ay ika 15th edition na. Halos lahat ng channels ay pare-pareho ang tema - ang walang kamatayang nakakatakot na mga kwento ng mga namatay na nagbalik sa mundo upang patayin sa takot ang mga taong di pa namamatay.

Pero ito na nga, kahit pa pelikula yang mga yan. Itong kay Kabayan ay real life stories. Walang sinabi ang mga movies na kathang-isip lamang, ito totoo at kapana-panabik bawat kwento. Ang totoo, napakaraming dokyu at iba pang espesyal na pagtatanghal mula sa iba't-ibang shows mula sa iba't-ibang TV channels pero wala yatang tumapat sa MGB pagdating sa mga ganitong klaseng presentation. Ang hindi manood tatawaging "duwag" kaya kahit umuurong na ang bayag ko sa takot ay pilit ko pa ring hindi ipinapahalata. Ang malupit pa nito, pinapatay pa ang ilaw habang nanonood para mas "feel" daw ang mga istorya. Paksyet, siguraduhin mo dapat na hindi ka uminom ng maraming tubig bago mag-MGB para hindi ka magbanyo dahil tatakutin ka ng mga kasama mo pag nagkataon.

Sabi ko nga kanina, panalo sa boses si Ka Noli. May kung ano siyang angking talento upang maramdaman mo ang lahat ng kanyang sinasabi. Napakaseryoso rin ng muka at maniniwala kang totoo ang mga kuwento. Hayup din sa setting nila sa sementeryo na punong-puno ng mga tirik na kandila at usok mula sa fog machine. Tapos biglang mawawala si Kabayan na parang kaluluwa. Putangina haneeeppppp! Biglang mapupunta kung saan. Puta ayokong tumingin noon sa screen ng TV at baka may makita akong kaluluwa sa mga nitso. Iniisip ko kasi na maaari nilang magambala ang mga kaluluwa sa kanilang shooting.

Anu-anong mga kwentong kababalaghan ang naaalala mo sa MGB? Ito ang ilan sa mga episodes na napanood ko na hindi nagpatulog sa akin ng ilang gabi at hindi ako binigyan ng lakas ng loob upangmapag isa ng ilang araw.

Ang BLACK LADY sa ekuwelahan. Unique diba? unang beses ko ito narinig sa MGB, kadalasan kasi diba "white lady" ang ating naririnig. Dito siya nalaos sa kuwentong ito. Dito ang bida ang babaeng naka-itim. Binabanggit pa lang nakakapanindig-balahibo na, bakit kaya siya itim dahil panay poot at galit at paghihiganti ang nasa puso niya? Mas makapangyarihan ba siya sa mga puti? Ayon sa napanood, bigla na lang nagpapakita ang Black Lady sa mga estudyante habang nagkaklase. Sa murang edad ko noon, nasa isip ko na wala kang ligtas sa ganitong multo dahil kahit maraming tao at tirik na tirik pa ang araw nagagawa niyang magpakita. Ilang buwan din kaming hndi naghiwa-hiwalay ng mga kaklase ko sa pangambang baka makita namin ang itim na babae.

MANANANGGAL. Simula nang mapanood ko ag pelikula ni Bistek na Kumander Bawang, naniwala na akong may mga ganitong klaseng nilalang. Lalong pinatindi ng MGB ang paniniwala ko dito. Kahit sa aming lugar noon sa San Andres Bukid mapapansin mong may mga nakasabit na bawang ang mga bahay-bahay dahil sa paniniwalang may gumagalang manananggal. Nagsimula ito sa probinsiya dahil sinasabing ito daw ang pinanggalingan ng aswang na ito.

Napanood ko rin yung tungkol sa BARANG. Ipinakita kung paano ginagamot ng albularyo ang isang na-"barang". Ang barang ay mas matindi sa kulam. Makikita mo sa TV ang mga ipis, alupihan, gagamba at kung anu-ano pang mga bagay na galing daw sa mukha ng isang nabulungan na biktima. Naniwala rin ako sa barang, dahil na rin sa kwento ng aming titser sa PE na naranasan na niya ito. Kaya, huwag basta-basta magmumura lalo na sa ibang tao, lalo na kung di kayo close, dahil baka magsisi ka sa huli.

Kapag mga re-enactment pa lang matapang pa ko nun. Pero kapag mga actual videos na unti-unti na akong nagtatakip ng mga mata. At unti unti kameng nagdidikit ng mga pinsanin ko. Biglang nagtatabi-tabi. Pati ang mga magulang at mga tita at tito ko nakakaramdam ng pagtayo ng balahibo.

Madalas nambibiktima naman ang MASASAMANG ESPIRITU, kadalasan estudyante pa rin ang mga nabibiktima lalo na kapag liblib ang paaralan sa inyong probinsiya. Kuhang-kuha sa kamera ang mga batang nagwawala o mga "napopossess" ng mga engkanto o kaluluwang pinaniniwalaang nakatira daw sa tinitirikan ng eskuwelahan. Nag-iiba ang kanilang mga boses at nagsasalita sa ibang wika. Lumalakas din sila kahit hindi naman sila kumain ng spinach ni Popeye, at kailangang nasa apatna tao ang umalalay. Parang yung mga scenes sa "Exorcist". Klasik.

Natatandaan ko rin ang isang video na talagang hindi ako muling pinatulog sa kakaisip. Ito ay isang malabong imahe ng batang dumaan daw sa harap ng kamera habang ang isang programa sa ABS-CBN ay nagbabalita. Halos isang taon nakatatak sa isip ko ang eksenang iyon.

Marami pang ibang nakakatakot na kuwento pero ayoko nang alalahanin dahil natatakot na ako habang ito ay aking isinusulat. Marami pa akong kababalaghang kuwento pero next time na lang katulad ng "Mga Nawawalang Tsinelas sa Harap ng Pintuan ant mga nawawalang tao." Kulto naman daw ang may gawa nito. Noon daw wala ng tsinelas na iniiwan sa labas ng bahay halos lahat ng tsinelas nasa loob na g bahay at baka daw mabulungan. Pero next time ko na yan ikwekwento.

Noong ako ay bata pa, inaabangan namin ang Holloween Special ng Magandang Gabi Bayan upang makaramdam ng katatakutan. Ngayong matanda na, ang tanging multong alam kong dapat katakutan ng lahat ay ang multong gawa ng bawat sarili.

Narito ang ilang piling video ng MGB. Panoorin.









Walang komento:

Mag-post ng isang Komento