Lunes, Marso 2, 2026

Langit, Lupa, Impiyerno, Im..Im.. Impiyerno!

 

Isa sa pinakamasasayang alaala ko tuwing hapon ng dekada nobenta ay ang paglalaro with my kanto kids' friends. Kapag alas-tres na at naririnig mo pa yung 3 o'clock prayer habit sa TV, wala pang mga bata niyan sa kalsada. Maaaring yung iba ay pilit pa rin na pinapatulog kahit ang isang mata ay nakabukas at binabantayan ang kamay ng orasan hanggang mag-alas kuwatro. Matik kasi ’yan, pagkatapos mong magmeryenda pagsapit ng 4PM, ay puwede ka nang lumabas at makipaglaro sa ibang bata sa kalye niyo. Napakaraming imbentong laro ng mga batang Pilipino at puwede kayong magbotohan kung ano bang lalaruin niyo hanggang sa dumilim. Isa na riyan ang pag-uusapan ngayon: ang isa sa mga klasik na larong kalsada, "Langit, Lupa, Impiyerno". Paano nga ba laruin ito? Tara at talakayin natin dito sa ating munting tahanan ng nostalgia. 

Hindi ako super galing na maglaro ng Langit, Lupa, Impiyerno kasi hindi naman ako masyadong mabilis, pero mautak naman ako. Lamang dito ang player na maliksi kasi mahirap siyang tayain dahil lahat ng gusto niyang maging "langit" ay nagagawa niyang langit. Lamang din ang may galawang matrix at may balanse kasi kahit saan eh kaya nilang umakyat-puno ng mangga, pader na malumot o barbed wire na mayroon ang ibang tahanan noon. 

Ito ang larong Langit-Lupa. Para rin siyang "mataya-taya", pero hindi mo puwedeng tayain ang tao kapag siya ay nasa langit. Usually, ang "langit" ay kahit anong elevated na bagay sa paligid. Depende sa usapan ng barkada ang minimum height ng langit. Hindi naman para kumuha pa ng tape measure at sukatin kung hanggang saan ang taas ng langit. Sa amin noon ay dapat lampas sa tuhod ang elevated na bagat para ma-consider siyang langit.

"Bantay pares donle taya!" Bantay-pares ang tawag sa taya na ayaw umalis sa tabi ng tatayain niyang nasa langit. Hinihintay niya itong bumaba sa langit at pagkababang-pagkababa, tatayain na niya yung batang inaabangan niya. Kaya kung maghahanap ka ng langit na pupuntahan mo, eh huwag kang sasabit sa mga bakod dahil siguradong ikaw ang babantayan ng madayang taya. Hihintayin niyang mangawit ka sa kakasabit at sa oras na bumitaw ka, boom! Taya ka na at ikaw naman ang nasa impiyerno. 

“Langit lupa impyerno, im-im-impyerno!
Saksak puso, tulo ang dugo!
Patay!  Buhay!  Aalis ka na di-yan!”

The chant bago makapili kung sino ang magiging taya

Kung ikaw ang kumakanta nito at sa tingin mo’y ikaw ang matataya, puwede mong pahabain ang kanta para mailigtas mo pa ang sarili mo.  Dagdagan mo ng “Sinabi ba ng Diyos?  O-o!”  Kapag hindi pa rin gumana, dagdagan mo pa ng, “Sinabi ba ng lahat ng tao sa mundo?  O-o!”  Siguro namang nakaligtas ka na niyan.  Kapag hindi pa rin…ay ewan ko na sa'yo…pinanganak ka na talaga para maging burot.

Maibaaaaah….taya! Akyatan na kami sa bangketa para simulan ang larong langit-lupa.  Mayroon nang taya at ang langit namin ay sa magkabilang bangketa ng kalsada.  Siyempre, may limitasyon ‘yung langit namin.  Pagkakasunduan namin kung hanggang saan lang ang langit at hindi puwedeng lumagpas doon.  Tapos, mayroon pa kaming isang patakaran na kapag bumababa ka na sa bangketa, hindi ka puwedeng bumalik sa pinanggalingan mong bangketa.  Dapat doon ka na sa kabilang bangketa aakyat.  Kapag bumalik ka sa bangketang pinaggalingan mo, e ikaw na ang taya.  ‘Yan ang mga patakaran namin para maging mas “challenging” ang laro at para hindi naman lugi ang taya na mabuburot na siya.

Chud Festejo - Langit Lupa Impiyerno

Siyempre, sa tuwing may laro, hindi mawawala ang tinatawag na saling-ketket o saling-pusa. Sila ‘yung mga masyadong bata para makasabay sa amin, pero pilit na gustong makisali. Kapag hindi mo isinama, siguradong iiyak ‘yan, at kapag may nakarinig na nakatatanda na may umiiyak—lagot kami! Papatigilin ang laro at baka pauwiin pa kami. Kaya wala kaming magawa kundi isali sila bilang saling-ketket. Hindi sila puwedeng mataya dahil kunwari lang naman talaga silang kasali, at kadalasan hindi rin sila pinapansin ng taya.

Mayroon pa pala kaming pagkakasunduan na patakaran.  Eto ‘yung “no reaching” o mayroon.  Kapag may “reaching”, puwede kang abutin ng taya kahit nasa langit kami basta nakatapak pa siya sa lupa.  Ginagawa lang namin ‘to kapag walang mga saling ket-ket at magagaling lang ang mga kasali.  ‘Yung halos lahat ay may potensyal na maging lider ng grupo.  Shempre, ‘yung “no reaching” eh kapag nasa langit na kami, eh hindi na kami puwedeng abutin o hawakan nang taya.  Kahit ga-buhok lang ang lapit mo sa taya basta nasa langit ka hindi ka pwedeng tayain

Ang magagaling sa amin ay ang malakas na mang-asar sa taya (shempre kasama ko diyan).  Nilalabas pa ang mga kamay at paa na kunwari ay magpapataya.  Minsan, kunwari, itatapak ang paa sa lupa, pero kapag lumapit na ang taya, eh biglang babawiin ang paa. Kaasar di ba, burot ka na nga aasarin ka pa.

Sa larong ‘to, nakakabawi ang mga batang medyo hindi mabilis tumakbo; may kasama na kasing diskarte dito, eh.  Gagawa na ako ng ‘playlist’ ng mga matataas na lugar na puwedeng gawing ‘langit’.  “Bawal balik base!” – hindi kasi puwedeng umakyat ulit sa parehas na langit kapag hinabol ka, dapat sa panibagong langit ka aakyat (pero hindi ko naman pinroblema ‘to dahil mabilis akong tumakbo).

Sabay-sabay at nag-e-enjoy pang tumatakbo ang mga batang hindi first-time na taya, kasama ang mga asong nakikitakbo rin.  Ang mga sumusunod ang kadalasang ginagawang ‘langit’:

– Puno (aratiles, bayabas)

– Mahabang silya (ng mga tambay)

– Dyip (hindi bumiyahe ang lasing na mamang drayber)

– Halaman (na nakalagay sa paso)

– Hagdanan bago ang pintuan sa bahay ng kapitbahay (maraming natataya rito dahil napagbubuksan sila ng pintuan)

– Kable ng kuryente–‘yung nakatanim sa lupa (may takip na dilaw na plastik)

- Traysikel na nakaparada

– Gate (nabubulahaw ang kapitbahay)

Meron kaming special rule.  Kapag hindi sinasadyang natisod ang taya at naglanding sa langit, o napaapak ka sa langit pagkatapos mataya, puwede mong tayain ang mga nasa langit.  Riot na yan! 

Pero siyempre, ang mga mababagal tumakbo ay may kalalagyan din talaga.  Kapag nagkataong mag-isa ka lang sa langit, puwede kang bilangan ng taya (usually hanggang 10).  Bago matapos ang bilang, magdasal ka na sana na hindi ka niya mahabol, o may isang bayaning makikituntong sa langit mo.  Kaya kapag may mga magagandang chicks kaming kalaro, parati ko silang nililigtas eh.  Talagang pupunta ako sa langit nila o magpapahabol ako sa taya, tutal hindi naman niya ako kayang abutan e.  Pagkatapos ng laro, “Neng, painom naman ng tubig o…”  Da moves.

Ang kagandahan ng Langit-Lupa ay hindi nito kailangan ng mamahaling kagamitan o malawak na lugar—kailangan lang ay imahinasyon, liksi, kaunting diskarte at pagsunod sa napagkasunduang rules ng game. Dito nahahasa ang bilis ng pag-iisip at galaw ng mga bata, pati na ang pakikipagkapwa dahil kailangan ng pakikisama at minsan ay konting tawanan kapag may nadadapa o nadadaya sa pag-chant. Isa rin itong larong nagpapakita ng likas na pagiging malikhain ng mga Pilipino—kahit simpleng konsepto ng “mataas” at “mababa,” nagiging kapanapanabik na kompetisyon. Sa bawat sigawan, habulan, at tawanan, nabubuo ang mga alaala ng pagkakaibigan na hanggang pagtanda ay dala-dala pa rin.

Sa panahon ngayon na karamihan sa kabataan ay mas abala na sa online games at social media, nakakaaliw balikan at ikuwento ang mga larong tulad ng Langit-Lupa. Isa itong paalala ng mas payak ngunit masayang uri ng pagkabata—yung tipong uuwi kang pawis at marumi ang tuhod, pero busog sa tawa at kuwento. Ang Langit-Lupa ay bahagi ng kulturang Pilipino na nagpapakita ng ating pagiging masayahin, madiskarte, at palakaibigan. Sana’y maipasa pa ito sa susunod na henerasyon upang patuloy na marinig sa mga kanto ang masiglang sigaw ng mga batang naglalaro. 




Cindys Is The Placed To Be

 

Cindy's in the 1970s

Kung naaalala mo ba itong fast food chain na ito ay malamang na nangangaruy na ang tuhod mo o di kaya ay mabilis ka nang hingalin kung naglalaro ka ng basketball. Okay, let's confuse our Gen Z people again for this blog post. So, have you ever heard of Cindy's?  Siyempre, mapapailing ka lang diyan o di kaya'y sabihin mo sa akin, malay mo, at pakialam mo. Pero bago ka magtaray diyan, hayaan mo akong magkuwento tungkol sa isang fast food chain na minsan nagpasarap din sa panlasa ng mga Pilipino, at bilang dagdag-aral na lang din sa inyong mumunting isipan, ipakikilala ko sa inyo ang mas nauna pa kaysa sa Jollibee na nagsimulang negosyo bilang bakeshop hanggang sa naging fast food restaurant noong 1970s. 

Ang Cindy's ay alaala ng mga kabataang lumaki noong 1980s, mga abot-kayang pagkaing pampamilya, at amoy ng bagong lutong tinapay mula sa kanilang bakeshop. Nagsimula ito sa Tarlac noong unang bahagi ng dekada ’70, tinatayang 1971–1972, bilang isang bakery at panciteria bago tuluyang maging isang casual-dining at fast-food chain. Pagsapit ng dekada ’70 at ’80, mabilis na lumago ang Cindy’s at nakarating hanggang Metro Manila, kaya’t naging paboritong tambayan ng mga pamilya matapos magsimba, mga estudyanteng naghahanap ng meryenda, at mga barkadang gustong kumain ng mura ngunit masarap na pagkain.

Ang mga best-seller nito ang nagbigay ng tunay na identity sa Cindy’s: ang sikat na chicken barbecue na may kasamang java rice, malasa at juicy na burger tulad ng cheeseburger at chili burger, ang paboritong Filipino-style spaghetti at palabok na madalas ding inorder para sa mga handaan, pati na rin ang mga rice meal na gaya ng liempo, fried chicken, at pork barbecue. Halos kumpleto ang kanilang menu, di ba? Parang instant Inasal na may kasamang burger at spaghetti ng Jollibee at may java rice pa. 

Sa mga pagkaing ito, nakilala ang Cindy’s bilang tatak na naghalo ng lasa ng pagkaing Pinoy at ng mabilis na fast-food culture na lumalaganap noon sa bansa. Ngunit sa paglipas ng panahon, hindi kinaya ng Cindy’s ang matinding kompetisyon mula sa malalaking fast food tulad ng Jollibee at McDonald’s na agresibong lumawak at naging paboritong anchor tenants ng mga mall.


Cindy's Menu


Cindy's commercial in the 1980s

Unti-unting nawala ang Cindy’s sa Metro Manila dahil sa pagsasara ng maraming branches, at dito nagsimulang isipin ng marami na tuluyan na itong naglaho. Sa katotohanan, hindi ganap na nawala ang Cindy’s—nananatili pa rin ito sa mga matibay na balwarte nito sa Central Luzon, partikular sa Tarlac, kung saan patuloy na dinarayo ng mga loyal na kostumer. Sa Metro Manila at ibang probinsya, nanatili namang buhay ang Cindy’s sa alaala at nostalgia ng mga lumaki rito; maraming kuwento ang ibinabahagi online tungkol sa birthday parties, family dinners, at school merienda na ginugol sa kanilang mga kainan.

Bilang personal na karanasan, dinarayo namin si Cindy noon sa branch nila sa Pasay, malapit sa LRT station ng Libertad. Ang nagustuhan ko sa kanila ay ang kanilang spaghetti na Filipino style din ang panlasa na manamis-namis at ang kanilang palabok na isa sa kanilang mga best sellers. 

May mga panahon pa noong 2010s at 2020s na sinubukan itong ibalik sa Metro Manila, bagay na ikinatuwa ng mga matagal nang naghihintay. Kaya’t ang kwento ng Cindy’s ay hindi tungkol sa tuluyang pagkawala kundi sa pagbabalik sa pinagmulan—isang regional chain na natabunan ng mga higanteng korporasyon ngunit iniingatan sa alaala ng mga Pilipino.

 Mahal na mahal ng mga Pilipino ang Cindy’s; sa mga tapat na customer sa Tarlac at sa mga netizen na nagbabahagi ng kanilang alaala, patunay ito na ang Cindy’s ay may iniwang hindi matatawarang marka sa kulturang pagkain ng Pilipinas—isang paalala na ang tagumpay ng isang tatak ay hindi lamang nasusukat sa dami ng branches o benta, kundi sa mga alaala at kuwento na iniwan nito sa bawat kumain.




Linggo, Marso 1, 2026

Ang Simbahan ✝️

 

The photo was taken during the bike ride of the author in St. John the Baptist in Calamba, Laguna

Ang simbahan na nga ata ang isa sa pinakapayapang lugar sa mundong magulo. Sa bawat yabag mo, papasok sa malalaking pintuan nito, tila ba may biglang pagbagal ng oras—parang sinasabing sandali, huminto ka, huminga ka muna. Iwan mo muna sa labas ang ingay ng kalsada, ang busina ng mga sasakyan, at ang mabibigat na iniisip. Dito, ang katahimikan ay pahinga na may pagninilay. 

Pagpasok mo sa loob, sasalubong ang malamlam na liwanag na tumatagos mula sa makukulay na bintanang salamin. Naroon ang mahabang hanay ng mga upuan, ang altar na tila puso ng buong dambana, at ang nakatayong krusipiyo—paalala ng sakripisyo at pag-ibig na walang hanggan ng Panginoon. Sa gilid, makikita ang tabernakulo, tahimik ngunit makapangyarihan ang presensya. Isang maliit na sisidlan, ngunit naglalaman ng kabanalan—dito, mas ramdam ang pagninilay.

Sa isang sulok, may mga kandila na patuloy na nagliliyab. Ang kanilang apoy ay tila maliliit na dasal na umaakyat patungong langit. May mga kandelarya na puno ng tunaw na wax—patunay ng maraming pusong umasa, nagpasalamat, at nakiusap. At habang ikaw ay nakatayo roon, mararamdaman mo ang amoy ng kandila na dala ng hangin—isang halimuyak na hindi lamang basta amoy ng waks, kundi amoy ng pananampalataya. Para sa iba, ito ang amoy ng kandila para sa mga dasal para sa kaluluwa ng namayapa—mga bulong ng alaala, pagmamahal, at hindi malilimutang pag-ibig.

Makikita mo rin ang mga imahe ng mga santo; bawat isa’y may kanya-kanyang kuwento ng sakripisyo at himala. May ilan na may hawak na sanggol, may ilan na may hawak na rosaryo, at may ilan na tila nakatingin sa malayo—parang nakikiramay sa bawat panalangin mo. Sa may pintuan, may maliit na lalagyan ng banal na tbig. Isang dampi lamang sa noo, at tila ba may panibagong lakas na pumapasok sa iyong pagkatao.

Sa labas ng simbahan, may ibang anyo ng buhay. Naroon ang mga nagbebenta ng kandila, na maingat na inaayos ang iba’t ibang kulay—puti para sa pasasalamat, pula para sa kahilingan, dilaw para sa tagumpay. Sa kanilang maliit na mesa, makikita rin ang mga eskapularyo at rosaryo na nakasabit, tila naghihintay ng mga kamay na hahawak at pusong mananalangin. Sa simpleng hanapbuhay na iyon, may halong debosyon at pag-asa.

Sa simbahan, kanya-kanyang mga panalangin ang hinahatid ng hangin patungong langit. Mga panalangin ng pag-asa at kapayapaan, pangkalusugan at pinansyal; para sa sariling kaluluwa, paghingi ng kapatawaran, pagpapalakas ng espirituwal na pamumuhay, kaligtasan, paghilom ng kalungkutan, at kung anu-ano pang uri ng panalangin. May mga dasal na mahina lamang na bulong, may mga dasal na tahimik na luha, at may mga dasal na walang salita—ngunit lahat ay dinirinig sa katahimikan.

Demon Hunter - "Along The Way"

Kapag walang misa at tahimik ang paligid, maririnig ang mga ibon na humuhuni sa tahimik ng kapaligiran. Ang kanilang awit ay parang kasabay ng hangin na marahang dumadampi sa mga puno. Sa ganitong sandali, ang simbahan ay hindi lamang gusali—ito’y kanlungan. Isang lugar kung saan maaaring umiyak nang hindi hinuhusgahan, magpasalamat nang walang pag-aalinlangan, at humiling nang may buong pag-asa.

Sabi nila, ang simbahan nga raw ay hospital para sa mga makasalanan. Pumapasok ang mga tao hindi dahil sila’y perpekto, kundi dahil sila’y sugatan. Dito sila nagpapagamot sa kanilang espirituwal na pagkatao—ang paghugas ng dumi sa katauhan, ang pag-amin sa pagkukulang, ang paglapit sa liwanag matapos ang dilim ng nakaraan na gustong takasan. Kaya huwag natin sabihing, “Palagi ’yang nagsisimba pero masama naman ang ugali.” Hindi naman tayo nakakasiguro sa nagsabi noon na kung nagsisimba siya ay hindi siya nakakagawa ng kasalanan. Lagi tayong makasalanan. Nagsisimba tayo upang humingi ng kapatawaran. Wala namang kasiguraduhan na kung nakapagsimba ka ngayon, bukas, hanggang sa walang hanggan ay hindi ka na makakagawa ng kasalanan. Ang simbahan ay hindi gantimpala ng mabuti—ito’y tahanan ng mga patuloy na nagsisikap na magbago.

Sa huli, ang simbahan ay higit pa sa mga pader na bato at kisame na mataas. Ito’y tahanan ng pananampalataya, sisidlan ng mga lihim na dasal, at saksi sa bawat yugto ng ating buhay—mula binyag hanggang kasal, hanggang sa huling pamamaalam. At sa bawat paglabas mo ng pintuan nito, may dala kang kapirasong katahimikan—isang paalala na sa gitna ng ingay ng mundo, may lugar pa ring tahimik na naghihintay sa iyong pagbabalik.




Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads