'Ang mga sugat at peklat na nagpapa-alala ng ating kabataan' |
Na-miss ko na naman mag-blog ng isang bagong mala-throwback na blogisode. Medyo matagal tagal na rin ang huli kong piyesa. Kaya let's go down memory lane ulet at tayo'y magkwentuhan.
Sabado. Mga alas-kwatro ng hapon. Ayan na, matataya na ako ni Bokyong baldog! Takbo, Takbo pa! Sige! Hapit lang ng hapit! Huwag mo akong bibiguin, Sandal Bida kong kulay pula! Ayan... parang bumabagal na si baldog...ay puke! Ayan na naman siya! Takbo! Sige pa! Pagod na ako! Hindeeee! Hindi pa! Mabuburot ka 'pag nataya ka sigurado dahil bano ka sa mataya-taya! Wag! Kang! Mag-pa-pa-ta-arekup!!!
Squiiirrrkkkkk!!!! Hinto ang lahat.
(a moment of silence)
ARAAAAAAAAYY!!!
Dagsaan ang mga kaibigan ko sa akin para palibutan at panoorin nila ako habang pinipigil ko ang dalusdos ng aking luha at sipon. Ang haba ng sugat ko at kulay tocino sa pula. "Huwag niyong sasabihin sa Nanay ko." Asa pa. Siyempre nakita na ako nung bata kong kapatid at ibinalita na agad sa bahay kung anong nangyari sa akin. Dali-dali at tumakbo na si Manang para kunin ako. Kumakandirit na ako pauwi sa bahay at nanginginig nginig pa ang binti.
Pagdating sa bahay ay naghihintay na ang nanay ko, hawak ang mini-palanggana at bulak.Siyempre nakatago ang malulupit na armas na siya naman talagang magpapaiyak sayo hanggang lumuha ka ng dugo. Bago ang lahat may mini-sermon muna yan bago ka kunin at i-torture - lines tulad ng "Ayan, lalampa-lampa ka kasi eh! Sinabi nang dahan-dahan sa paglalaro eh... (Puta 'Nay kung dahan-dahan akong maglalaro eh di lagi akong taya!) Pero siyempre sa isip ko lang yun.
Pagkatapos ng sermon at hahawakan na ni Manang at Nanay ang binti ko nang napakahigpit. At 'pag naka-lock na ang kapit nila, ayan na! ilalabas na nila ang mga demonyo sa buhay ko!
Ang unang test ay ang Agua Oxinada! Ito ang unang atake.Ipapahid ito sa sugat ko. Napakalamig sa simula, tapos kapag nakita mo nang bumula ang sugat mo, pumikit ka na at mag-imagine ng mga eksena sa Takeshi's Castle dahil papatayin ka agad neto sa hapdi. Nung first time kong nagamitan ng Agua Oxinada na yan ay nagwala ako at natabig ko ang lalagyan nito. Tumalsik ang laman at napunta sa buhok ni Manang.
Simula pa lang yan.
Merthiolate - heto ang second layer ng parusa. Mamula-mula ito at parang katas ng sili na mas magpapahapdi pa sa naunang naidulot ng Agua. Parang sinusunog nito ang sugat mo. In other words, "niluluto ang tocino" mo.
Betadine - haay sa wakas...ito ang pinakagusto kong stage dahil hindi ako nahahapdian sa betadine na yan. Kaso nga lang, yung tocino kong mamula-mula kanina ay magiging mukhang inadobo na may ginto sa paligid. Medyo kadiri ang kulay neto dahil parang black-gold ang tuhod mo.
Lahat ng batang ka-dekada nobenta ko ay dumaan sa tocino stage. Sa mga magulang na nagbabasa neto, kapag nagkatocino ang inyong mga anak ay huwag kakalimutang sabihin sa kanila ang pinaka-comforting na words habang nilalagyan mo ng alkohol ang sugat nila....
"Hala ka... lalabas na yung pari!"
Totoo ba yun? Na kapag bumubula pa ang Agua eh madumi pa sa sugat mo? Ilang beses ako nagtiis hanggang sa hindi na bumula yung Agua ee.
Kapag natuyo na ang sugat mo eh tatapalan na ng Mediplast ban eyd (band-aid). Palagi kong tinatakasan ang nanay ko sa pagpalit nito araw-araw. Hindi ko talaga ipinapaalala sa kanya para hindi niya matandaan. Eh ang sakit kaya tanggalin ng band-aid kapag hindi pa tuyo ang sugat mo. Ilang araw ko 'to papatagalin sa sugat ko para pagtanggal ko nito, swabeng-swabe at walang kasakit-sakit. Magmamarka nga lang ito sa balat mo na parang paikot na libag.
Ang mga sugat - ito ang nagpapahasel at nagpapasira ng momentum ng pag-e-enjoy sa kalye. Parating sumasaktong sa tuhod tayo nagkakasugat para talagang hindi tayo makakalaro sa labas. Pwede namang sugat sa siko o di kaya sa tenga.
Ang sugat ay isang marka ng pagiging batang kalye. Kumbaga sa frat, ito ang patunay na naranasan mong maging kawawa pero bida pa rin sa huli. Cool pa rin 'yun!
Automatic na kapag nasugatan ako e iiyak ako. Bata e. At parating nangyayari 'to kapag nagtatakbuhan. Sa di malamang kadahilanan, matitisod na lang ako at hahalik ang tuhod ko sa tigas ng semento sa daan, o kahit sa lupa pa yan. Namumula, may kasama pang lupa at buhangin, paramg tocinong may paminta. Sarap!
Meron pang isa. Rhea Rubbing Alcohol. Walang patawad sa mikrobyo!
Ang hapdi talaga ng alkohol! Bakit ba walang gumagawa masyado nung huhugasan nalang 'yung sugat tapos sasabunan? E hindi naman masakit? Eh uso na naman ang Lifebuoy noon ah. Ang Lifebuoy yung matinding ka-kompetensiya ng Tender Care at Safeguard noon ee. Anyway, gamit ang bulak e dadahan-dahanin pa ni nanay ang pagpahid ng bulak na may alkohol sa sugat ko. Tapos iilag-ilag pa ko na para namang maiilagan ko talaga 'yung alkohol. Uhmm! Hapdeeehh! Ihip ihip ihip (na nakakunot ang noo)!
Ilang araw pagkatapos kong masugatan e sisilip-silipin ko 'yun sa ilalim ng band-aid. Tapos e dahan-dahan kong tatanggalin ang band-aid hanggang sa makikita ko na lang ang mga kamay ko na binabakbak ang sugat ko. Ang sarap bakbakin! Sana may isang malaking sugat para babakbakin ko 'yun nang babakbakin maghapon! Pagkatapos ng umaatikabong bakbakan habang labas pa ang dila ay....
Balik na uli sa kalye para maglaro.
Game!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento