![]() |
| 2013 Ultimate Burger Steak vs 2026 Ultimate Burger Steak |
Biruin mo ‘yon—biglang nagkaroon ng food review dito sa Ubas na may Cyanide. Hindi naman talaga ito ang usual na ginagawa ko. Mas sanay akong magsulat ng mga kuwento, musings, at kung anu-anong reflections tungkol sa buhay.
Pero siguro ganun talaga—may mga pagkakataon na ang simpleng pagkain ay nagiging tulay para balikan ang mga alaala.
This is a rare thing we do—but somehow, it felt right.Kapag naririnig ko ang salitang “ultimate,” dalawa agad ang pumapasok sa isip ko. Una, si Ultimate Warrior—ang childhood wrestling na kinabaliwan ng batang 90s na nasobrahan sa energy na ginagaya namin palagi ang entrance action na para bang sinapian kami ng isang kangkarot, takbo dito, takbo doon, pabuga-buga ng hangin at itinataas ang dalawang kamay na parang nagraraise the roof. Pangalawa, mas personal… ang tawag ko sa crush ko noong high school: “si ultimate crush.”
Kaya naman nang marinig kong nagbabalik ang Ultimate Burger Steak ng Jollibee, hindi lang siya basta pagkain—parang halo-halong nostalgia ang bumalik. Wrestling, kabataan, at mga simpleng kilig noong high school… tapos may kasamang amoy ng gravy, French fries na nakapaloob sa ilalim ng burger steak, itlog at ang sizzling na burger steak.
Back in 2013, the Ultimate Burger Steak was just another new addition to the Jollibee menu. But for me, it became something more—a marker of change.
I had spent seven years in the education industry, dedicating my days to teaching. My world revolved around classrooms, lesson plans, and shaping young minds. But life has a way of nudging you toward new directions.
Late quarters ng 2013, iniwan ko ang classroom at pumasok sa mundo ng BPO bilang isang agent. Isang malaking shift—mula sa tahimik na silid-aralan papunta sa mabilis, maingay, at 24/7 na industriya. At kasabay ng pagbabagong iyon sa buhay ko, inilabas din ng Jollibee ang Ultimate Burger Steak.
Napakalaki ng pagkakaiba ng dalawang trabahong pinagdaanan ko. Mula sa halos walang pahingang buhay ng pagtuturo—pagod sa klase, paggawa ng grades, lesson plans, at pati pagpaplano ng stage design tuwing may school events—hanggang sa biglang shift sa mas structured na routine sa BPO: pasok, uwi, kain, at tulog.
Sa totoo lang, mas hayahay ang buhay sa BPO kumpara sa dati. At hindi rin maikakaila—mas mataas ang suweldo. Kaya noong taong iyon, tuluyan ko nang iniwan ang pagtuturo at niyakap ang bagong direksyon.
Pero kasama ng pagbabagong iyon, may mga bagay ding nagbago sa katawan at lifestyle ko. Sa night shift environment, parang natural na mas maging malapit ka sa pagkain—lalo na sa gabi, kapag kailangan mong labanan ang antok. Doon na rin unti-unting nadagdagan ang bigat ko.
At siyempre, hindi mawawala ang comfort food ko—ang Ultimate Burger Steak ng Jollibee. Sa gitna ng adjustments, pagod, at bagong routine, siya yung naging extra favorite ko. Parang reward sa sarili pagkatapos ng mahabang shift. Isang simpleng pagkain na naging bahagi ng bagong chapter ng buhay ko.Naaalala ko noon—kada lunch break ko sa office, ito talaga ang automatic na ino-order ko sa Jollibee. Parang naging ritual na siya. Pagod sa trabaho, sabay reward sa sarili: Ultimate Burger Steak.
At oo, hindi naman maikakaila—napakasarap talaga ng kombinasyon. Yung juicy na burger steak, binababad sa rich na gravy, may kasamang fries sa ilalim, at topped with itlog. Kumpleto. Busog. Sulit.
Pero ngayon… medyo iba na ang kwento.
Kapansin-pansin na hindi na ganoon kalaki ang burger steak. Dati, halos kasinlaki pa ng palad ko—makapal, siksik, at ramdam mo yung “ultimate” sa bawat kagat. Ngayon, parang ang dating niya ay katulad na lang ng regular na burger steak size. Yung tipong kung magluluto ka sa bahay gamit ang CDO ulam burger, halos ganoon na rin ang laki—kaya medyo bitin, at sa totoo lang, parang medyo lugi sa presyo.
Pati yung fries, napansin ko rin na kumonti na. Hindi na siya ganoon ka-generous gaya ng dati na parang may bonus layer sa ilalim ng burger steak.
Ang nanatili na lang talaga mula noong 2013 Ultimate Burger Steak… yung itlog. Siya na lang yung consistent na paalala ng dating “ultimate” experience.
Hindi man kagaya ng dati ang expectation ng Ultimate Burger Steak, nanatili pa rin ang sarap—kulang nga lang sa laki at sa dating “wow factor” na una kong naranasan. Pero siguro ganun talaga. Habang nagbabago ang panahon, nag-iiba rin ang timpla ng mga bagay—mapa-pagkain man o buhay. Baka naman isisi pa natin 'to sa giyera ng Iran at Amerika, noh?
Sa kabila nito, hindi pa rin nawawala ang dahilan kung bakit ko ito minahal. Dahil higit pa sa lasa, dala nito ang mga alaala—ng pagod, ng pagbabago, at ng mga simpleng tagumpay sa araw-araw.
At sa bawat subo, kahit hindi na siya kasing “ultimate” tulad ng dati, sapat pa rin ito para ipaalala sa akin na minsan sa buhay ko, naging bahagi ako ng isang kuwentong puno ng risk, growth, at konting gravy sa ibabaw ng lahat.















.png)







