Nagbabago na rin yung mga gusto mo, pati na rin ang panahon na kinahuhumalingan mo. Dati, ang tanging hinahanap mo ay ang maalinsangang araw—yung init na kayang tunawin pati pagod, yung araw na parang hamon, na kapag mas tirik, mas gusto mong labanan. Panahon ng pawis, ng sigaw sa half court, ng tunog ng goma sa semento, ng bolang tumatalbog sa init ng tanghaling tapat. Panahon ng kabataan — walang kapaguran, walang iniintindi, basta may laro, tuloy ang laban. Kahit gaano kainit, kahit gaano kalayo, basta may kalaban, may dahilan para lumabas.
Pero lahat ng ‘yan, nagbago.
Ngayon, mas gusto mo na ang kalmadong panahon—yung tipong tumba-tumba weather, yung may bahagyang ambon sa labas, at ang tanging ritmo ay ang patak ng ulan sa bubong, na parang tinig ng katahimikan na matagal mo nang hinahanap. Hindi na ang hiyawan sa court ang musika mo, kundi ang pagpatak ng ulan, ang pagaspas ng kurtina sa malamig na hangin, at ang mabagal na pag-ikot ng oras sa pagitan ng isang tasa ng kape at isang mahabang buntong-hininga.
Dati, kailangan mong tumakbo para maramdaman mong buhay ka. Ngayon, sapat na ang paghinga. Dati, hinahanap mo ang araw para magliwanag ang mundo. Ngayon, hinahanap mo ang ulap, para makapahinga ang kaluluwa mo.
Totoo nga, mas gusto mo na ang tag-ulan kaysa sa nakakairitang tag-araw. Kasi sa ulan, may dahilan para manatili. May dahilan para magnilay, para maalala ang mga panahong dati mong sinasabing sayang kung hindi lalabas. Ngayon, hindi mo na kailangang lumabas—sapagkat natutunan mo nang ang kapayapaan ay hindi laging nasa galaw, minsan nasa paghinto rin.
Ang dating apoy ng kabataan, ngayo’y naging apoy ng katahimikan—hindi na sumasabog, kundi marahang nananatili sa gilid ng kama,sa init ng kumot, sa amoy ng bagong labang tela, sa bawat patak ng ulan na parang paalala: lahat ng bagay, nagbabago. At minsan, sa pagbagong iyon, doon natin tunay na nakikita kung gaano tayo lumalim, kung gaano tayo natutong mahalin ang tahimik na mga sandali.
Kaya hayaan mo ang ulan. Hayaan mo siyang bumagsak, dumampi sa bubong, at sabayan kang dumadaloy— sa bagong panahon ng iyong buhay, kung saan ang ginhawa ay hindi na sa pawis at laro, kundi sa pagkakaroon ng kapayapaan sa loob ng sarili.
Habang binabalikan mo ang nakaraan, may halong ngiti at lungkot sa mga alaala. Ngiti, dahil masarap balikan ang dati mong sigla. Lungkot, dahil hindi mo na kayang ulitin ang parehong lakas. Pero sa pagitan ng dalawang emosyon na ‘yan, doon mo makikita ang ganda ng pagtanda — ang ginhawang dulot ng pagtanggap, ang katahimikan ng pagkakaunawa na ang buhay ay hindi habambuhay paligsahan.
Ang dating laban, ngayon ay pagmumuni. Ang dating sigaw, ngayon ay pagbulong. Ang dating pagtakbo, ngayon ay paghinga. At sa bawat paghinga, tila ba mas nauunawaan mo kung gaano ka kaswerte na nandito ka pa — nakikinig sa ulan, nakamasid sa mundo, at marahang tinatanggap ang ritmo ng pagtanda.
Ngayon mo na-realize, ang kapayapaan pala, hindi mo laging mahahanap sa galaw — minsan, nasa paghinto. At sa paghintong ‘yon, natutunan mong pakinggan ang mga bagay na dati mong binabalewala: ang tiktak ng orasan, ang patak ng ulan, ang kalansing ng kutsarita sa tasa ng kape. Mga tunog ng katahimikan na dati ay nakakainip, ngayon, parang yakap ng panahon.
At habang binabalikan mo yung mga dati mong ginagawa, may halong ngiti at lungkot. Ngiti, kasi ang saya pala talaga noon. Lungkot, kasi alam mong hindi mo na mababalikan ng buo. Pero sa pagitan ng dalawa, nandun yung katahimikan ng pagtanggap — na hindi mo kailangang bumalik, kasi nandito ka na sa panahong marunong kang makinig, huminga, at tumigil.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento