And the Lord said: 'Double pay dapat ang mga pumapasok ng Linggo' |
Itong pagsusulat sa blog post na ito ay aksidente lamang dala ang bigat ng ulo na pinahihirapan ng sipon at trangkaso ay napahinto't nakapagpaalam na makapagpahinga sa araw ng Linggo.
"Magpahinga sa araw ng Linggo" na kung iintindihin ng isang normal na nagtatrabaho ay magtatanong siya kung bakit hindi ka nga naman magpahinga ng Linggo, eh Linggo naman at araw talaga ng relaxation? Oo nga naman, maski nga naman ang Diyos ay nagpahinga noong siya mismo ang gumawa ng araw ng Linggo. Napagod siyang likhain ang buong uniberso kasama ang mga halaman, mga bundok, lawa, karagatan, himpapawid, ilog, burol, kagubatan at higit sa lahat ay tayong mga nilalang na inihalintulad niya at nililok niyang kapares ng kanyang katauhang may muka, ilong, bibig, mata, kamay, paa at higit sa lahat ay puso kung saan lahat ng emosyon ng tao ay nagmumula dito.
Nagagalak ang inyong taga-kwento dahil minsan lamang sa isang taon ang makapagpahinga sa tuwing araw ng Linggo pero ang consequence lang ng aking pagpapahinga ay may trangkaso. Tahimik at payapa ang umaga dahil ang lahat ay tanghali na gumising isang pagpapatunay na ang araw ng Linggo ay araw ng pagrerelaks ng katawang tao sa isang linggong pagkayod sa trabaho.
Daniel Boone - "Beautiful Sunday"
Lumabas ako't nagtali ng aking buhok para bumili ng pandesal, alas sais ng umaga. Tahimik ang paligid at papasikat pa lamang ang araw. Nagmasid-masid at wala pa gaanong mga taong naglalakad sa aming kalye ngunit sa aking paglalakad nariyan ang amoy ng pinipritong bawang na siguro'y isasahog sa sinangag, sa isang banda naman ay aroma ng kape ang iyong malalanghap at sa kabilang dako ay aking natanaw ang isang aleng nagpiprito at ang usok ng kanyang piniprito ay lumalabas sa kanilang bintana. Walang duda tuyo ang aking naaamoy. Sarap! Habang nauulinigan ko naman ang mahinang tugtog na pampasko ni Jose Mari Chan na "A Perfect Christmas" sa tabi ng nagpiprito ng tuyo. Napakinggan ko lang yun at sa dami ng nalanghap kong pagkain papuntang panaderya ay good vibes na ako.
Malulutong at maiinit na pandesal at palaman na Reno ay swak na umagahan na kasabay ng paghigop ng kapeng mainit ay ang tatapos ng aking umagahan at akoy babalik sa aking pagpapahinga kasabay ng pakikinig ng mga melodramang musika na karaniwang ating napapakinggan tuwing Linggo.