'Noon dekada nobenta nakakaranas ang buong bansa ng halos 4-8 oras na rotating brownout' |
Summer, 1992
Dito sa aking kinauupuan ngayon kung maaari lamang sa isang pitik ng aking mga daliri ay magbabago ang atmosphere at maibabalik ko ang panahon ng dekada nobenta ay gagawin ko kahit pa sa panahon nag nagkukulang ng supply ng kuryente ang buong Pilipinas. Pero kung mangyayari yun baka hindi ko matapos ang blog post na ito dahil mawawalan nga ng kuryente.
Mga bandang alas siyete ng gabi:
"Nyaaay! Pota bran awt nanaman! Gabi-gabi no'n ay brownout, minsan bago mag-tanghali mamamatay na ang kuryente babalik ng alas-kuwatro o alas singko. Kapag gabi naman nawalan asahan mo umaga na babalik ang supply ng kuryente. Black out daw ang tawag kung sobrang tagal at sobrang laki ng sakop ng perwisyo. Para sa batang kalyeng tulad ko, walang pinagkaiba yun. Nakaka-iritang isipin na tumutulo ang iyong pawis at walang elektrik fan na sasagip sayo. Isa pa sa nakakairita eh yung lagi kang pagsasabihan ng Nanay mo na maglagay ng bimpo sa likuran mo para sipsipin ang pawis eh maya-maya naman ay nahuhulog ang panapin na iyon sa likod.
Bagama't tunay ngang nakakaperwisyo ang ganitong sitwasyon ay meron pa ding mga masasarap na ala-ala ang brownout days. Ating alamin ika nga ni Ka Gerry Geronimo.
1. Dahil sa brownout ay natutunan kong pwede palang idaan ang iyong daliri sa apoy ng kandila nang hindi ka napapaso. Puwede mo itong ipampasikat sa inyong mga batang pamangkin. Siguraduhin mo lang na naka-ready ang mga timba, tubig at ang mga kapitbahay niyo para sa sunog na parating.
"O-haaa.. O... O-ha... galeng no...panis!"
2. Dahil sa brownout ay muling nagbalik ang mga masasarap na laro sa dilim tulad ng taguan, cops and robbers at shempre pa ang klasik na bahay-bahayan sa gabi...hmmm (figurative meaning ng "maglaro ng apoy?")
3. Ang hirap matulog kapag brownout! Mas bwiset pa ito kesa sa Pritos Ring na hindi magkasya sa daliri!! Balat-kalabaw kasi ako kaya pag walang elektrik fan eh unti-unti akong natutunaw sa init at nagpapanic na ako dahil baka hikain ako. Pero huwag mag-alala! May teknik akong alam diyan. Habang nakahiga ka sa kama ay ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng unan mo dahil sigurado ay mayroon itong naiwang lamig. Ohaa di niyo alam yun noh? Kapag nawala na ang lamig nito ay baligtarin mo lang ang unan at tandaan! Presko na ulit sa kamay!
4. Generator - sa bawat pitumpung madidilim na bahay ay mayroong isang maliwanag na bahay na naka-generator. Vrrrrrrrrr....pugak...pugak... vrrrrrr!!!! Wow ang liwanag ng bahay eh di kayo na.
5. Lamok. Ang panahon na ito ay ang panahon ng piyesta ng mga lamok na 'yan. Halos maligo ako ng Caladryl tuwing brownout dahil andami kong kagat ng lamok.
Naalala ko naglalaro kame ng mga kasama kong batang kalye ng Streetfighter. Sonic boom!! Hadoukeeen! "Oh ako na susunod na titira ha" Hadu.............."Pucha bran awt na naman hindi umabot yung panira ko. Kuhanan na ng kanya-kanyang tsinelas yan at takbuhan na palabas ng bahay. Hasel talaga ang brownout pero hindi kame patatalo nuon at makakapag-isip pa rin ng pangontra sa hasel na 'to.
6. Taguan - magdasal ka na, na sana hindi ikaw ang maging taya sa pompyang niyo. Dahil kapag nataya ka, malamang burot ka na. Sa dilim ba naman ng paligid kapag brownout e malamang malulusutan ka palagi ay makakapag-base sila. Sa sobrang dilim eh mali ka pa ng mabu-bung kaya wala ka talagang pag-asang makataya. Kelangan mo mag-isip ng ibang gawin na lang na masaya at mahihikayat mo ang buong tropa para lang makaalis ka sa pagiging burot. Ang isang istayl e mag-aya ka lang ng...
7. Kwentuhang nakakatakot - dito bangka ang mga lider o kaya ang pnakamatanda sa grupo. Kailangang umihi ka na bago magsimula ang kwentuhan dahil kapag nagumpisa na at nailahad na ang lahat ng kwentong katatakutan eh magpapasama ka pang umihi dahil namuo na sa imahinasyon mo ang mga kababalaghan. Katakot takot lamang na pang-aasar ng mga kaibigan mo ang mangyayari sayo. Dito uupo kayo ng pabilog at magsisimula na ang kwento. Katulad doon sa opening ng paborito kong palabas tuwing Biyernes ang "Are You Afraid of the Dark". Habang tumatagal ang kwento e unti-unti na rin kayong nagsisiksikan at natatakot na. "Nung pagtingin ko sa likod ko ay bigla kong may nakitang...multooo!!!. Yan palagi ang nagiging ending ng kwento. Dahan-dahan sasabihin ang linya tapos manggugulat sa huli. Yan ang palaging istayl sa pagkwento ng nakakatakot at epektib naman saming mga bata dahil nagugulat talaga kami.
Yano - 'Kaka'
Hindi lang naman mga batang kalye ang lumalabas. Special mention rin ang mga nanay. Pagkakataon nila ito para ma-update sila sa mga bagong tsismis sa lugar. Parang CNN na naman sila nsa mga tsismis at balitang pinaguusapan nila. Kahit sa kabilang baranggay ay animo'y may mga radar at alam nila ang mga nangyayari. Jusko pati ang latest kila Juday at Wowie. Kung sino ang mga naghiwalay n amag-asawa, sino ang naputulan ng kuryente, sino ang drug addict, sino ang maraming utang na hindi pa nakakabayad at kung anu-ano pa. Walang makakalusot sa tsismisan ng mga nanay. Fiesta tsismis talaga kapag brownout kahit nilalamok.
Regal Presents na, tuwing Lunes yan eh pagkatapos ng TV Patrol. Tapos na ring maghapunan at nakahanda naman ang Snacku na binili ko kila Aling Meding. Automatic ko 'yung kakainin habang nakasalukbaba sa kakanood ng isa sa mga paborito kong palabas sa TV. Minsan kasi horror movie ang ipinalalabas sa Regal Presents na karaniwang and direktor ng palabas ay si Mother Lily.
"Ay anak ng animal!" sambit ng magaling na nanay. Ika-20 sunod na gabi niya na 'yang sinasabi (araw-araw na-s-surprise e noh?).
Lintik na bran awt. Wala na namang ilaw. Mainit na naman. Matagal na hintayan nanaman bago ko ulit maramdaman ang ihip ng ganging nagmumula sa aming lumang elektrik fan. Noon kasi tumatagal ang brownout ng mahigit 4 hanggang 8 oras.
Grade 3 ako noon. Gabi-gabi nalang namamatayan ng ilaw ang Kamaynilaan at paulit-ulit kong nararamdaman ang pagkapikon. Pano ko napapanood ang Baywatch and Doogie Houser MD? Talagang hindi pinroblema ang pag-aaral sa gabi ee.
Ang mga grupo ng tao, kadalasan, nasa tapat ng mga bahay nila. O nasa tindahan. O nasa loob ng dyip. Paulit-ulit na kuwentuhang hindi nakakasawa gabi-gabi. Haaayyyy....
Minsan kapag tinamaan ka talaga ng kamalasan e madadatnan ka pa ng ulan. Aba, ilabas na ang baraha! Kandila lang ang katapat at ready na ang pekwa, pusoy-dos, ungguy-ungguyan, at ang pinakasikat 1-2-3 pass! Kundi dahil sa brawn out, hindi sana ako natuto sa sugal.
Ang pinakahasel sa parte ng gabi-ang pagtulog. Automatic ko nang kukunin ang pamaypay naming kulay dilaw para ipaypay sa sarili ko habang natutulog sa loob ng kulambo. Swerte naman at minsan e may battery ang aming radyo at nakakapakinig ako ng mga sikat na programa sa AM stations.
Kaya noon kahit brawn out masaya naman dahil sa mga kwentuhan at mga laro. Sa panahon kasi ngayon mag brawn out man sa gabi mas pipiliin mo na lang magpaypay at mag-stay sa loob ng bahay dahil napaka-delikado na tumigil ngayon sa labas hindi katulad dati kahit dis-oras ng gabi malayang nakakapagpahangin ang tao sa daan at walang humpay ang tawanan at kuwentuhan hanggang magkaroon ng kuryente.
Ang pinapaka-paborito kong parte kapag nagkaroon na ng kuryente ay unahan kaming magpipinsan na hipan ang kandila at sabay sabay na maghihiyawan ang mga kapitbahay bilang hudyat na nagbalik na ang supply ng kuryente ng Meralco.