Biyernes, Disyembre 21, 2018

Yesterday Once More: Ang Pasko Noon at Ngayon



'Ang Pasko Noon at Ngayon sa Pilipinas'


Lumipas ang napakaraming taon marami ng mga pangyayari ang nagpabago sa buhay ng tao. Dala ito marahil ng patuloy na pag unlad ng lahat ng mga bagay sa ating kapaligiran.

Noon sulat lamang at wired telephone ang komunikasyon. Namimis mo ba si mamang kartero na isinisigaw ang apelyido mo sa tuwing may sulat kang dumating? Nakakamis din ang teleponong paikot mong ididial ang phone number na gusto mong tawagan. Pero ngayon bukod sa maari mo ng dalhin kahit saan ang tinatawag na cellular phone eh pwede ka pang mag-send ng mensahe o text messages.

Masarap na ring manood ngayon ng mga palabas sa telebisyon dahil puro high defnition na ang mga flat screen TV set na ating mabibili sa mga appliance store. Naalala ko noon yung TV namin na de pokpok kapag ayaw lumabas ang pictures sa TV frame at kapag panay linya lang ng alon ang makikita sa isang pokpok lang eh aayos na bukod pa sa black and white ang TV namin at de antenna pa. Gayundin sa mga sine at maging ang dating tinitipang mga makinilya o typewriter ngayon ay isang pindot mo na lang sa computer ay madali na ang komunikasyon. Lahat halos ng ating mga lumang teknolohiya ay nabago na, naging komersiyalismo na ika nga.

Maging ang selebrasyon natin ng Kapaskuhan na siyang nakamulatan nating araw ng kapanganakan ng dakilang manunubos na si Hesukristo ay naimpluwensiyahan na rin ng bagong mundo ng siyensiya, dahil parang isa na lamang itong ordinaryong selebrasyon, na bagamat naroon pa ang kasayahan ay tila ba parang wala ang dating tunay at ganap na diwa ng ating pagdiriwang na lilipas din pagkaraan ng maghapon.

The Carpenters - 'Yesterday Once More'

Dati, may mga nakikita tayong parol na nakasabiy sa mga bahay-bahay na mayroon pang mga kumukutikutitap na mga ilaw at Christmas tree, pero ngayon iilan na lamang ang mayroon nito. Madalang na rin ang mga batang nangangaroling na siyang tradisyon sa lahat halos ng panig ng mundo na naniniwala sa Kristiyanismo.

Naging tradisyon na sa mga Pilipino ang magdaos ng isang selebrasyon tuwing sasapit ang araw ng kapanganakan ng Panginoong Hesukristo. Hindi mawawala ang makukulay na kalsada, palamuti sa labas at loob ng bawat tahanan, mga handang pagkain para pagsaluhan ng pamilya. May iba't-ibang paraan ang bawat pamilyang Pilipino sa pagsalubong sa kaarawan ng Diyos. Ang iba'y nasa simbahan upang magpasalamat sa handog na ligaya at kaligtasan para sa kanilang pamilya, mayroon din namang mga pamilyang nagpupunta sa iba't-ibang lugar upang doon magdaos ng Pasko ay mayroon din pamilyang nasa kani-kanilang tahanan lamang na sabay sabay nagsasalu-salo sa hapagkainan at masayang nagbubukas ng ga regalo para sa bawat isa.

Sa aming pamilya noong dekada nobenta at nasa iisang tahanan pa ang bawat kamag-anak ay isang maligayang pasko ang laging bida. Hindi maaaring mawawala ang piniritong manok, ham at keso de bola sa la mesa at halu-halong putaheng pagsasaluhan naming magkakapamilya para sa Noche Buena. At kaysarap bilang musmos pa ay ikaw ang taga tikim sa tuwing may matatapos na putahe. Ang saya tignan ng may nag-iihaw, may nagpiprito, may nagpapaikot ng lechon, may nagagayat ng mga rekado para sa bawat ulam na niluluto habang kayong mga kabataan ay punung puno ng galak at laro habang  hinihintay ang gabi para salubungin ang Kapaskuhan at siyempre excited ka para buksan ang regalo mo. At pagdating ng Noche Buena mapapagod ang panga ng bawat isa hindi lamang dahil sa walang tigil na kain kun'di pati na rin sa walang katapousang kuwentuhan ng pamilya na tila hindi nauubusan ng mga bagay na pupuwedeng pag-usapan at kawilihan. Kuwentuhan dito, kuwentuhan diyan. Kain dito, kain doon. Kain mul kasabay ng walang tigil na kuwentuhan, ngunit titigil kapag bukasan na ng regalong makikita sa ilalim ng Christmas tree sa tahanan. Makikita ang ngiti ng bawat isa, habang isa isa na nilang binubuksan ang mga regalong natanggap nila. Sa mga ganitong pagkakataon masayang makatanggap ng mga materyal na bagay kahit pa anong presyo nio, maliit man o malaki dahil hindi lang ito isang bagay o gamit na iniregalo sa bawat isa; ito'y mga regalong mula sa puso dahil gusto ka nilang mapasaya.

The Carpenters - 'Merry Christmas Darling'

Fast forward. Pagdaan ng maraming taon, hindi na pala ako bata. Mahigit dalawampung taon na rin pala ang nakalipas noong huli kong maranasan ang ganiyang klaseng selebrasyon ng pasko sa aming tahanan. Noong ako'y bata pa, lahat ng pagkain sa lamesa ay unti-unti kong titikman lalo na ang paborito kong fried chicken ni Nanay. Pagkatapos ay makikipagkulitan sa mga pinsan at kapatid na kapwa ko kabataan, na tila walang katapusan ang tawanan at tila susulitin ang mga oras na kami'y magkakasama dahil pagkatapos ng Kapaskuhan, hindi na muli kami pupwedeng maglaro at magkuwentuhan na aabot ng madaling-araw. Pero ang pinakapaborito kong pa rte ng Pasko noong ako'y musmos pa ay 'yung bukasan ng regalo dahil tiyak kong kung hindi mga bagong kasuotan ang matatanggap ko, mga bagong laruan ang makikita ko pagkatapos kong pilasin ang balot ng mga regalo. Galak, tuwa, saya. Iyan ang aking nadarama noon tuwing Pasko.

Dahil ngayon, wala na gaanong masasarap na pagkain sa lamesa. Hindi na rin buo ang pamilya sa hapagkainan, kahit pa sa pagsalubong sa Kapaskuhan. Ngayon, wala na rin ang pinakapaborito kong parte ng kapaskuhan noong ako'y bata pa dahil wala na rin ang mga regalo sa ilalim ng Christmas Tree na tila lumisan na rin ang aming Santa Claus para mag-iwan pa ng mga regalo rito. Lungkot, sakit at luha. Iyan na ngayon ang nadarama ng karamihan sa tuwing sasapit ang Pasko.