Linggo, Hulyo 28, 2019

Uber Drayb





'Si Blue Blink, 2014'

Alam niyo gusto ko matutong mag-drive.

Inabot ko ang ganitong edad at lahat at sinabi nga ng Nanay ko na magkakwarenta na ako hindi man lang ako natuto mag-drive. Hindi pa rin ako marunong. Oo nga't wala naman akong sasakyan pero yun na nga, paano kung meron na? Aantayin ko pa bang magka sasakyan bago matutong magmaneho? Nahihibang na ba ako? Nainom ko na ba mga maintenance ko ngayong umaga? 

Eraserheads - "Overdrive"

Alam ko hindi naman kabawasan sa normal na pamumuhay bilang mamamayang Pilipino ang hindi marunong mag-drive. Well, sanay naman ako maglakad. Mag commute. Umangkas. Maghitch. Sumabit sa jeep. Mag LRT. Sumiksik sa mga PUV. Makipag-agawan ng upuan. Makipagsikuhan. Magdala ng barya sa umaga, sa hapon at sa gabi.

Pero sumasagi pa rin sa kukote ko na dapat na nga siguro akong matuto kahit motorsiklo man lang. Naranasan ko na kasing umangkas sa endurong motorsiklo na kasamahan ko sa trabaho ang nagmamaneho. Angkas sa kaibigan. Angkas sa kasamahan sa trabaho. Sa di gaanong kakilala. Sa bagong kakilala. Sa di kilala. Basta libreng sakay; angkas tayo diyan.

Ewan ko nga at bakit wala akong interes sa mga manibela. Marahil ay wala lang akong tiwala sa sariling kakayahan kung ako na ang kakabig nito. Ayokong ilagay sa panganib kung sino man ang magkamaling umangkas sa akin. Ayokong mabahiran ng dugo ang aking makinis  kalyuhing mga kamay. Isa pa, kawawa naman ang sasakyang mabubuntunan ng kamalasan ko. Kung ako'y mamalasin dapat ako lang. Ayoko na mangdamay. Dahil sanay na ako. Bihasa.

The End - "Drayb my DM" (from LA 105.9, sagot sa kanta ng Overdrive ng E-Heads)

Kung ako'y magmamaneho, kailangan ko ng mas makitid na kalsada. Mas masaya ata ang makipaggitgitan sa kapwa drayber. Yung tipong nasa Formula 1 kayo at lahat ay nakikipagunahan kay Michael Schumacher. Dapat walang traffic rules. Para kung sino man ang biglang tumawid, okay lang na masagasaan. Dapat pagbigyan ang lahat ng vendors magbenta sa kalsada lalo na sa rush hour. Nang sa gayon di mo na kailangan maghanap at magbayad ng parking area para mamalengke at sa kalsada na magtawaran.

Gusto ko matutong mag-drive. Subalit ito'y simpleng kagustuhan lang naman. Hindi isang matinding pangangailangan. Kaya't bago mangyari ang lahat, mabuti pang simulan ko munang hasain ang pagpadyak sa bisekleta. Hah!! Basta. 

Huwebes, Hulyo 25, 2019

Millennial Lingo: Expressions! Expressions!



'Filipino language evolved over the years and these are all the expressions that we've found'


Umiikot ang panahon at maraming bagay ang nauuuso kasama na rin dito ang ating mga pananalita, mga nabibitawang salita na nakakahawa at ginagaya ng iba hanggang maging viral.

Pero ano nga ba muna ang millennials?

Madalas natin itong naririnig ngunit ang karamihan sa atin ay hindi alam ang ibig sabihin nito. Ang mga millennials daw ay ang mga tang nabibilang sa generation Y o Net Generation na kung saan kinalakihan na ang paggamit ng kompyuter at Internet sa kanilang pang araw-araw na buhay. Para makasunod sa mga uso, nais din nating malaman ang mga pagbabago sa ating paligid kaya ang tanong ko sayo, Isa ka ba sa mga millennials na napag iwanan na pagdating sa mga nauusong salita ngayon? Ang ilan ay mga listahan sa mga patok at nauusong salita ng mga millennials na maaaring makatulong sayo upang ika'y makasunod at makaunawa sa kanila.

Alam na.

"Alam na" is short for "alam niyo na" or "now you know".  Ang expression na ito kung minsan ay nagpapahatid ng malisya dahil ito ay puno ng pagpapalagay o panghuhusga sa kapwa. Ang mgataong gumagamit ng pananalitang ito ay may ipinapalagay na negatibong bagay tungkol sa paksa.

Halimbawa:

"Uy mga pre nagpunta sila sa silong na silang dalawa lang."

"Ah, alam na."


Pabebe.

Paano kumain ng Mamon ang pabebe?

Nako eto maraming ganito bawat lugar ay may ganito. Ang ibig sabihin nito ay umarteng parang baby o magpa-cute. Maaasar ka minsan sa mga ganitong klase. Tulad din ng salitang Bae, naging popular ang pabebe dahil sa pabebe wave ng nauusong tambalan ngayon ang Aldub. Ang pabebe wave naman ay ang pa-cute o mahinhing pagkaway. May ibang kahulugan din ito para sa iba, kumbaga ay maarte o nagiinarte.

Halimbawa:

"Hindi daw makakasama si Jane sa outing bukas dahil lumalaki ang tigyawat niya sa ilong."

"Jusko nag-inarte? Masyadong pabebe ang ateh niyo."


Anyare/Ansabe?

"Anyare is short for "anong nangyari" while "ansabe" is short for "anong sinabi." Ayon kay Dr. Jovy Peregrino ng Kagawaran ng Filipino at Philippine Literature ng UP Diliman, ang mga Pinoy daw ay mahilig sa pagtanggal ng mga tunog o pantig ng mga salita mula sa isang salita upang gumawa ng mga pandiwa na mga shortcuts. Kapag may isang taong gumamit ng "anyare" hindi nila talaga tinatanong kung ano talaga ang nangyari sa halip ang katanungan nila ay kung bakit nangyari ang isang bagay.

Halimbawa:

*May nagpagupit ng bagong hairstyle at nakita ng barkada*

"Oh pre, anyare? sinong gumawa niyan, buhay pa ba? Hahahaha!"

Di ba puwedeng.....

Ang pagpapahayag na ito ay tumutukoy sa isang naunang pahayag at nag-aalok ng isang nakakatawang alternatibo.

Halimbawa:

"Boyfriend agad, di ba puwedeng close lang?"
"Kapag single, pangit agad, di ba puwedeng choosy lang?"

Peg

Ang salitang ito ay nagmumula sa pag-uusap na walang saysay at tumutukoy sa mood, estilo, o tema na pinapasok ng isang tao. Ang paggamit ng salitang "peg" ay tumutulong sa pagtingin sa kung ano ang iyong kinabibilangan.. Tumutulong din ito sa pagpapaliwanag at paghahatid ng iyong mensahe.

Halimbawa:

*Nagsuot ng cycling shorts at bakat si Manoy* -- "Wow Machete ang peg?"


Galawang Breezy o Hokage

Lolo Hokage

Ito nga daw ang makabagong termino para sa mga kalalakihan na pasimpleng dumidiskarte sa napupusuang babae. Maaaring nakuha ito sa salitang "breezy" na ang ibig sabihin ay mahangin, at ngayo'y nabigyan ng kakaibang kahulugan bilang pagpapalipag-hangin.

Halimbawa:

"Oyy nakita niyo ba yung video ni Chavit Singson kay Catriona, ang tanda-tanda na hokage pa rin ang lolo niyo. pota!"

"Galawang Breezy si Manong Chavit."

Edi Wow!

ekspresyon na parang sinasabi sayo ng kausap mo na "edi ikaw na!" kaya manahimik ka na. Ganern.

Halimbawa:

"Alam mo pare, kaya ko languyin ang karagatan mapuntahan ko lamang siya para malaman niya na totoo ang pag-ibig ko sa kanya."

"Eh di wow pre, ikaw na! bili ka na lang tiket sa eroplano pre gusto mo ba humiram?"

Walwalan

Kadalasan nababanggit ang salitang ito sa mga inuman. Nagmula ito sa mga salitang "walang pakialam", "walang pangarap" at "walang kinabukasan".

Halimbawa:

"Five-thirsty na, walwalan na!"

"Uuy tumama ka daw sa ending? Pa-walwal ka naman."
"Madali naman ako kausap eh, eh di sige, walwalan na!"

Push mo 'yan/ Push mo 'yan teh

This simply means "go for it". Kapag nais mong hikayatin ang isang tao o ipakita ang iyong suporta, ang pagpapahayag na ito ay angkop.

Halimbawa:

"Alam mo minsan parang gusto ko na ata magpakatiwakal."

"Push mo yan, teh!"

Tara G!

Kapag tinanong ka ng iyong kaklase ng "Ano tara"?" kadalasan ang isasagot mo Tara G! pero aminin ang alam mong sasabihin ay "Tara, lets go!" Pwes, ang tunay na ibig sabihin nun ay "Tara, GAME!" Hahahaha!

Halimbawa:

"Halikayo mga pare tutal babagsak lang rin naman tayo sa ating thesis ay magsayawan na lang tayo."

"Ayos yan, Tara G!"

"Kanina pa ako pikon na pikon sayo ee, magsapakan na lang tayo, anoh?"

"Tara G!"

Pag may Time

Ito ay kadalasang ginagamit upang gumawa ng mapagkumbabang kahilingan. Hindi nais ng mgatao na pasanin ang isang hinihiling nilang pabor, kaya idinadagdag nila ang ekspresyong "pag may time". Ito ay ginagamit din upang itulak ang isang tao upang gumawa ng isang bagay, at maaaring hindi ito tiyak na isang pabor.

Halimbawa:

"Tangina mo ka, puro ka nalang Mobile legends. Aral-aral din pag may time."

Chos

Ang "chos" ay pinaikling salita ng "echos", na marahil ay ang katulad na salita rin ng salitang "charot". Kapag ang isangtao ay nagtatapos sa isang pahayag sa terminong ito, siya ay hindi seryoso o nagsasabi lamang ng joke.

Halimbawa:

"Tumae na ako sa aking salawal. Hehe. Chos lang!"

"Nahuhulog na ako sa iyo. Chos!"

In Fairness

Ang salitang ito ay maaaring magkaroon ng parehong layunin bilang "talaga" at kadalasang ginagamit kapag hindi talaga ito kinakailangan. Ginagamit din ito minsan para purihin ang kapwa.

Halimbawa:

"In fairness, pumapayat ka ng super light lang naman."

"Uy, in fairness ha nasagot mo yung 1+1."

Beast Mode

Ang salitang ito ay ginagamit ng mgamillenials ngayon upang ipahiwatig na sila ay galit o naiinis. Posible raw magmula ang mga katagang ito sa video game na Altered Beast ng Sega, kung saan nagpapalit-anyo ang karakter dito at nagiging halimaw.

Halimbawa:

"Wow, araw-araw mukhang beast mode. Sa tagalog mukhang halimaw. Hahahaha!"

"Yung nanay mo hinahanap ka, beast mode na. Yari ka pagkauwi mo."

Eme-eme

Ito raw ay salitang beki na pamalit sa mga terms na hindi masabi o maalala. Noong dekada '80, ang ibig daw sabihin nito ay "any-any" o kung anu-ano lang. At nung dekada '90 naman, naging "anik-anik" at ngayon, "eme-eme" na!

Halimbawa:

"Anu na namang ka-eme-emehan yang ginagawa mo sa pagmumukha mo."

"Alam mo, lahat na lang ng ka-emehan nasasayo na!"

Ninja Moves

Nagmula raw ito sa mga "ninja" o mga warrior na mayroong kakaibang galing, bilis kumilos at diskarte na maisakatuparan ang kanilang misyon nang hindi masyadong napapansin. Kaya kung nakakantsayawan ka ng iyong mga barkada na nag nininjamoves, ibig nilang sabihin ay ikaw ay pasimpleng dumidiskarte ng di napapansin.

Halimbawa:

"Ayos ah, panay ninja moves ka sa french fries ng hindi namin napapansin ah."

"Wow numininja moves ka dun sa magandang beki tohl, ah."

Ginagawa Mue?

Anong pinagagawa mue, ha?

Ito yung mga bagay na weird na hindi alintana na ginagawa mo at nakikita ka ng mga kaibigan mo. Kaya kapag sinabihan ka ng "ginagawa mue" (na may tonong patanong at paloko) ibig sabiin ay may ginagawang kang ka weirduhan o kalokohan sa paningin nila.

Sabado, Hulyo 20, 2019

A Quick Throwback



'Time Machine Sunday'


Isang mabilisang throwback sakay na agad sa time machine at ibabiyahe ko kayo sa nakaraan sa pamamagitan ng pagsakay sa aking mga panulat.

Noong ikaw ay musmos pa, nagawa mo ba ang mga ito?

1.
Kumakain ka ba ng aratilis? Napakaraming aratilis noon ee bawat bahay ata mayroon nito at kapag nagutom ka kakalaro niyo tuwing hapon minsan pipitik ka na lang ng aratilis na nakadungaw sa bintana ng kapitbahay niyo. Madali lang ma-access ang prutas na ito hindi kagaya ng mangga o chesa na kailangan niyo pa ng mahabang patpat para makakuha nito.

2. Nagpipitpit ka ng gumamela para gawing soapy bubbles na hihipan mo sa binilog na tangkay ng walis tingting.

3. Pinipilit ka matulog ng nanay mo pag hapon at di ka papayagan maglaro sa hapon kapag di ka nakatulog. Usually pagkatapos ng Agila o Valiente o Anna Luna noon ay dapat tulog ka na. 

4.
Bilang kabataan na laking kalsada ay marunong ka magpatintero, saksak puso, langit-lupa, teleber-teleber at luksong-tinik.

5. Malupit ang childhood mo kapag meron kang Atari, Family Computer or NES.

6.
Noong naging teenager ka na may mga damit ka na U.S.E.D., Boy London, Cross Colors, Esprit, Blowing Bubbles at pag nakakakita ka ng Beach na damit eh naaalala mo si Richard Gomez. Siya kasi ang David Hasselhoff ng Pilipinas.







7.
Naging adik ka sa cartoons katulad ng Carebears, My Little Pony, Thundercats, Bioman, Voltes V, Mazinger Z, Daimos, He-Man at iba pang cartoons na hindi pa translated sa tagalog.







8.
Nanonood ka ng Shaider kasi nabobosohan mo si Annie at type na type mo ang puting panty niya, minsan dilaw. Tuwing Sabado ang palabas na ito at laging patalastas ang Snacku na tsitsirya siya naman ang bili ko nito sa tindahan ni Aling Meding.





9. Kung nanonood ka ng Shaider alam mo ang ibig sabihin ng Time Space Warp at di mo makakalimutan ang time space warp chant habang nababalot na si Shaider at ang halimaw na kalaban niya ng artificial smoke.

Time Space Warp ngayon din!

10.
Noong nag-high school ka na marunong ka mag Wordstar at nakahawak ka na talaga ng 5.25 na floppy disk. Natawa ko dahil naalala ko ang classmate ko na sinampal ng ganito kalaking floppy disk ng aking teacher. 

11. Kilala mo si Manang Bola at ang Sitsiritsit girls kasama na sila Luningning at Luginging

12. Inaabangan mo lagi ang Batibot at akala mo magkakatuluyan si Kuya Bodjie at Ate Sienna.

13. Sa Batibot, alam mo ang lyrics ng "Tinapang Bangus" at "alagang-alaga namin si puti".

14. Noong high school ka inaabangan mo lagi ang Beverly Hills 90210 kasi mga gwapo at magaganda ang bida dito. Tuwing Biyernes yan ng gabi.

15.
Gumagamit ka ng AQUANET para pataasin ang bangs mo. Ito rin yung tinatawag na Spraynet na kapag gumamit ka daw eh unti-unti daw nabubutas daw ang atmosphere ng Earth.










16. Meron kang blouse na may padding kung babae ka at meron kang sapatos na Mighty Kid kung lalake ka.

17.
Nangongolekta ka ng paper stationaries at mahilig ka magpapirma sa slumbook mo para lang malaman mo kung sino ang type ng crush mo. Para-paraan eh noh?

18.  Idol mo si McGyver at nanonood ka ng Perfect Strangers.

19. Eto pa klasik, six digit lang ang phone number nyo dati at tandang-tanda ko pa ang phone number ni crush.




20. Nakakatawag ka pa sa pay phone ng 3 bente-singko lang ang dala. Makikita mo talaga noon na may mga nakapila sa payphone ee. 

21. Cute pa si Aiza Seguerra bago pa siya maging maton at alamm o ang song na "eh kasi bata". 

22. Nanonood ka ng Eat Bulaga sa Channel 13 tapos nalipat sa RPN 9, tapos sa ABC 5 tapos sa dos at ngayon nasa GMA 7 na.

23.
Inabutan mo ba na ang Magnolia Chocolait eh nasa glass bottle pa na ginagawang lalagyan ng tubig ng nanay mo sa ref? May tatlong flavors yan eh ang chocolate, milk at orange.










24.
Meron kang pencil case na maraming compartments na pinagyayabang mo sa mga kaklase mo.

25. Noon mo pa hinahanap kung saan ang Goya Fun Factory.


26. Alam mo ang kantang "Gloria labandera".... lumusong siya sa tubig ang paa ay nabasa at ang "1,2,3, asawa ni Marie"....

27. Natuto ka magitara dahil sa kantang "More Than Words".

28.
Sosyal ka pag may play-doh ka at Lego at nag-iipon ka ng G.I. Joe action figures at iba pa ang mukha ni Barbie noon.



29. Inabutan mo pa yung singkong korteng bulaklak at yung diyes sentimos na square.










30. Meron kang kabisadong kanta ni Andrew E. na alam mo kantahin hanggang ngayon.

Andrew E. - "Banyo Queen"

31. Laging lampin ang sinasapin sa likod mo kapag pinagpapawisan ka. 

32.
Bumibili ka ng Tarzan, Texas, Big Boy, Bazooka bubble gum, tira-tira, at yung kending bilog na sinasawsaw sa asukal. Pero mas gusto ko yung Bazooka kasi may mini komiks sa balat niya.

33. Nanonood ka ng Madeline, Art jam, Silip, detek Kids, Pahina, Kokey, Hiraya Manawari, Math Tinik, Epol Apol, B1 at B2 at Bayani bago pumasok sa school lalo na kung pang-hapon ka.

34. Takot ka dumating ang year 2000 dahil sabi nila magugunaw daw ang mundo at yun ang tatawaging Y2K at pag dating daw ng year 2000 mawawala lahat ng powers ng mga appliances sa bahay niyo at mabubuhay ang mundo ng walang ilaw sa gabi.





35.
Maaga ka umuuwi pagkagaling sa school kase manunuod ka ng That's Entertainment o kaya Ang TV.

Kung alam mo ang lahat ng nasabi lagpas ka na ng 30 years old. Huwag na mag-deny tumawa ka na lang... di ba 75 centavos pa lang ang pamasahe sa jeep noon at mas masarap ang Mellow Yellow kesa sa Mountain Dew at Lift.

Wag pala kalimutan ang sayaw na Tony Tony Popony at ang boy band na Menudo. 



Laura Brannigan - "Name Game" (Tony Tony Popony)


I wish you had fun on this little throwback just the same as I did.

Miyerkules, Hulyo 17, 2019

Ciriaco Tuazon Street: A Walk Down Memory Lane



2120 C. Tuazon St. San Andres Manila: 'Sa kalyeng ito binuo ko lahat ng aking childhood memories'

Lumipas man ang panahon, madagdagan man ang ating edad sa mundong ito may mga espesyal na lugar pa rin ang ating hindi malilimutan lalo na kapag duon nailagak ang mga alaala ng ating kamusmusan.

1981, Ciriaco Tuazon St.

Dito sa taong ito at sa lugar na ito tumahan ang panahon ng aking kabataan. Isang simple at mapayapang kalye na matatagpuan sa pusod ng San Andres Bukid Malate, Maynila. Kakaunti pa lamang ang tao nuon sa aming lugar. Yung mga panahon na napakasarap pa maglalakad sa kalye dahil hindi pa ganoon karami ang masasamang tao at krimen noon. May mga krimen ngunit hindi nababalita ang aming lugar sa hindi magagandang gawain ng tao. Yung malaya kayong makapaglaro sa kalye mula tanghali hanggang ala-sais ng gabi. Oo, ala-sais ng gabi ang curfew naming mga bata, basta pagkalembang ng kampana ng simbahan ay hudyat na para magpaalam ka sa mga kalaro mo at para gawin mo na ang mga assignments mo kung ang uwi mo sa eskuwelahan ay alas-dose ng tanghali. Ito ring lugar na ito ay simbolo ng paggalang ng mga tao sa kalembang ng simbahan. Kapag narinig na namin ang kalembang ay maghihintuan ang lahat sa kani-kanilang puwesto, magsasign of the cross at mananalangin. Ito ang tinatawag na "Angelus". Ang iba naman sa aming lugar na amin ring ginagawa ay nagrorosaryo ang magkakamag-anak o pamilya tuwing Linggo ng ala-sais ng gabi. Walang magbubukas ng telebisyon o radyo hanggat hindi natatapos ang pagrorosaryo.

Tunay nga namang napakahabang taon rin naging tahanan ang kalyeng ito. Kabisado ko pa ang aming address sa loob ng 16 years na pananahan, 2120 C. Tuazon St. Ang kalyeng sinanayan kong lumakad gamit ang andador na binili sa akin ni tatay at nanay, ang mga kalye rin na ito ang nagpatatag ng aking mga binti mula sa paglakad at pagtakbo tuwing ako'y inuutusan sa tindahan nila Aling Meding, dito rin sa kalye na ito humalik ang aking tuhod sa semento sa pagkakadapa nung unang pagkakataon kong tinanggal ang extrang gulong sa likod ng aking unang pulang bisekleta, mga galos, sugat at hapdi na mararanasan ng isang batang kalye sa twuing siya'y makikipaglaro ng mataya-taya sa kanyang mga kalaro.

Dito sa aming lugar ay magkakakilala lahat ang tao maski sa ibang kalye pa sila nakatira. Naging magkakaibigan dahil magkakasama sa isang paaralan. Napakasarap umuwi galing eskuwela habang kayo'y sabay-sabay na naglalakad at nagkukuwentuhan at kantiyawan. Ito ang isa sa pinaka namimiss ko noong kabataan ko.

Kumpleto rin sa establisyemento ang aming lugar mula sa talipapa, barberya, mga tindahan, grocery katulad ng Manels Mart noon, clinic, dentist, mga panaderya, pawnshop, patahian, gas station, simabahan, paaralan, burger stands katulad na lamang ng Minute Burger, Burger Machine at noong meron pang Smokeys, meron ding mga manghihilot para sa mga katulad kong bata noon lalo na kapag nalalamigan at nasisinat. Tandang tanda ko pa si Mang Demet na aking manghihilot at Mang Inciong na mangugupit na punong puno ng mga hubad na kalendaryo ang maliit na kanyang barberya.

"Iho anong gupit?"

"3x4 lang po Mang Inciong."

Ang aming bahay ay duplex style ngunit mala-Kastila ang anyo. Ito ay inuupahan lang namin at dalawang pamilya ang nakatira. Ang panganay na kapatid nila nanay at kami at mga kapatid ni nanay at si Lolo. Bahagi lang kami ng bahay ngunit may pintong naglalagos sa bahay ng kapatid ni nanay. Napakasaya talaga kapag extended family kayo at kasama kong lumaki ang aking mga pinsan. Naaalala ko pa nng kaming magkapatid ay nakikipanood pa sa kuwarto ng aking mga pinsan dahil sila ay colored TV na at kami naman ay Sanyo na black and white pa ang pinanonooran. Mas masaya kasi manood ng may kulay kaya kami nakikinood lalo na kapag nakakatakot ang palabas sa Mother Lily's Regal Presents tuwing Lunes o di kaya ay Million Dollar Movies kapag Linggo pero minsan lang kami nanonood niyan kasi maaga kaming pinatutulog dahil may pasok na kinabukasan. Yung Regal presents nakakanood pa kami kasi pagkatapos lang yun ng TV Patrol ng bandang alas-siyete matatapos yun mga alas nuwebe sabay tulugan na, at minsan napapanaginipan pa naming yung mga nakakatakot na palabas kaya minsan kahit gusto mong umihi sa gabi ay natatakot kang lumabas ng kulambo mo.

Marami ring antique at muwebles ang bahay ng kapatid ni nanay. Isa na rito ang nagsisilakihang poon sa 2nd floor ng kabilang kuwarto. Sa kawarto na ito makikita ang pinakalumang gamit, mula lumang tumba tumba ni lola, mga antique na kabinet at aparador, ang lumang makinilya, at yung vintage na Singer brand na sewing machine yan yung may manibela sa ilalim na lagi kong iniikot kapag wala akong magawa. Hindi ko rin makakalimutan ang buntot pagi na nakasabit sa 2nd floor ng banyo na kwartong iyon. Ito daw ay proteksiyon para sa masasamang espiritu. Hindi ko rin naman makakaila na may mga espiritung nananahan sa aming lumang bahay sa San Andres, sapagkat sa twuing aakyat ka sa taas ay pawang pakiramdam mo na may mga matang laging nagmamasid sayo at bigla ka nalang kikilabutan.

Ang aming lugar ay napuno rin ng mga sikat na artista. Madalas mag-shooting dito ang gaya nila Ace Vergel at John Regala. Doon kasi sa dulo ng aming kalye at pag liko mo ay may mga barong barong na puwedeng gawing scene ng mga goons para makipagbugbugan ang bida kaya siguro gustong gusto ng mga producer ng pelikula na dito mag-shooting. Pero wag ka ang tapat ng bahay namin ay nakita kong naglalaro ang maliliit pang sila Claudine Baretto at Marjorie Baretto. May bahay kasi sila sa aming tapat at kitang kita sa aming bintana ang kanilang malawak na garden. Sa aming eskuwelahan naman noon ay may concert sa twuing araw ng Foundation Week at doon ko unang nakita si Jolens, oo si Jolina Magdangal, Ten Ten Munoz at Gino Padilla na kinanta ang "Close you and I" yan yung themesong ng isang sikat na tooth paste commercial.

Kabisado ko pa ang tirahan ng aming mga kapitbahay. Noong 1980s ay wala pa malaking building sa pinaka kanto ng aming kalye. Ang nakatayo pa doon ay gas station ng Caltex. Kaya naman minsan ay hindi mahirap bumili ng kerosene na aming ginagamit sa aming kalan. Karaniwan ay bote ng Coke minsan ang ginagamit pambili ng kerosene at minsan na rin akong nautusan na bumili nito. Naging runner ako ng mga kailangang bilhin mula sa bato ng lighter at sigarilyo ni Lolo hanggang sa mga sangkap katulad ng paminta, bawang, sibuyas, asin, ajinomoto, shampoo, sabon, methiolate, kandila, chichiria, softdrinks at kung anu-ano pa. At dahil hindi pa ganoon katalas ang memorya ko habang humahaba ang pinabibili nila ay ginagawan nila ako ng listahan hanggang tatlong item lang kasi ang kaya kong mamemorya.

"Nak, bumili ka nga muna ng paminta. Sabihin mo yung durog ha pamintang durog."

Sobrang gamit na gamit ang pagiging runner ko lalo na kapag Kapaskuhan siyempre maraming niluluto para ihanda sa aming Noche Buena at marami silang nakalimutang sangkap na bilhin sa palengke. Noon nga ang akala ko sa Coke 500 ay parang sa gas station na may isasalin lang na hose dun sa bote kasi pagkabili ng mga pinsan ko aba may laman na yung bote na kanina lang naman ay walang laman. Yun pala bagong bote yun. Hahahaha!

Kabisado ko pa ang tindahan sa kanto ang Hulinganga Store, kasunod nito ay ang bahay nila Catherine na mayroon ding maliit na tindahan na kaklase naman ng aking pinsan, sunod naman ay ang bahay nila Aling Senyang na punong puno rin ng mga santo at rebulto at marami din silang halaman, ang sumunod ay bakanteng lote at ang susunod ay bahay ng aking classmate ito yung bahay na nasabi ko kanina na pinaglalaruan ng magkapatid na Baretto. Sumunod ay apartment. Maraming nakatira dito at may mga classmate din ang aking pinsan na naninirahan sa mga apartment na yun.

Ang kahilera naman namin ay yung malaking building sa kanto. Sumunod na bahay ay kila Manimbo family isang buong gate ngunit maraming bahay sa loob. Ang susunod ay paborito ko, hindi siya bahay rentahan siya ng mga VHS tapes na sa tuwing weekend ay bumibisita ko para tumingin ng mga bagong labas.

"Tol, may bago ba kayong labas na Wrestling diyan?"

"Meron kaso nahiram na hindi pa naisosoli. Maganda yun Wrestlemania 8, yun ang latest."

"Sayang naman. Pa-reserve na lang kapag naibalik na."

Sumunod na bahay ay kila Merino. Alam ko may lahi ang nakatira sa bahay na ito at kras ko yung nakatira dito si Elizabeth. Ayieeehh. May kapatid siyang singer na laging kumakanta at parang may recording studio sa loob ng bahay nila.

Sumunod ay bahay namin ang 2120 C Tuazon st. Ang sumunod sa amin ay sila Mune at Kalot. Minsan sa kanila kami nakikitawag at nakikidial para tumawag sa telepono. Ito yung klasik na telepono yung iniikot yung numero para idial. Sumunod naman sa kanila ay ang bahay ni Alex Fernandez, isa siyang goons na pulis. Medyo siga kasi ang pulis na ito at minsan na rin na kinakatakutan sa aming kalye. Ayaw na ayaw niyang may pumaparadang sasakyan sa kanyang harapan kahit pa sa kabilang side basta sa tapat niya ayaw niya. Minsan ko rin nakita noong may pumaradang taxi at umalis ang driver para mananghalian sa dulong karinderya. Maya maya pa ay sinira niya ang side mirror nito at kitang-kita ko yun. Nagtago na lang ako sa takot. Ang sumunod ay ang bahay ni Aling Fe at Bokyo, si Bokyo na minsan ko ring nakalaro ng mga tau-tauhan. Ito yung klase ng laruan na puwede mo gawaan ng istorya, minsan pinag-aaway niyo ito sa di malamang dahilan depende kung anong kwento ng storya niyo kung bakit niyo pag-aawayin. Ang mga tau-tauhan rin minsan yung tinitira ng toy gun sa mga booth sa karnabal at kapag napatumba mo lahat ng tau-tauhan ay may libre ka, may libre kang tooth.... joke lang kanta yan ng Grin Department. May libre kang stuffed toy o di kaya ay mga candies.


Ang aming kalye ay nagmistulang alaala ng iba't-ibang klaseng trahedya. Nariyan ang mga alaala ng ashfall ng Mt.Pinatubo na umabot hanggang Maynila. Isang umaga ang akala namin ay umuulan na ng snow sa Pilipinas sapagkat pagkagising ng lahat ay mala kulay abo ang aming kalye, makapal na abo na tumakip sa mga winshield ng kotse. Nabalot ang mga bubungan at daanan ng abong ito na dulot ng pinsala ng pag aalburoto ng bulkan. Buwan ng Hunyo naman ang matinding pagbaha dulot ng mga bagyo. Hindi binabaha ng ganito ang aming lugar maliban na lamang sa malalakas na pag-ulan na tumatagal ng mahabang oras. Dito ko naman naranasan na isakay ako sa batya ng aking mga nanay at tita. Tuwang tuwa ako dahil akala ko talaga nasa beach na ko sa loob ng bahay. Taong 1995 naman ng nagkakaroon lagi ng shortage sa kuryente ang aming lugar at umaabot ang brownout ng mahigit walong oras kada araw. Nagkaroon din ng takot dahil laging sumasabog ang poste na malapit sa bahay tuwing mag-aalasais ng gabi dahil hindi kinakaya ng boltahe ng kuryente sa poste kapag sabay-sabay na gumagamit ng kuryente sa buong street namin nasakto pa kasi noon na magdi-Disyembre, ang lahat ng tahanan ay kaya pang maglagay ng Christmas lights sa bawat tahanan. May mga katatakutan ding kwento ang aking narinig katulad na lamang ng White Lady na hinahabol daw ng mga barangay tanod at lumusot daw ito sa aming harapang pintuan. Ang mga tita ko daw ay may nakitang malaking anino ng paniki na tumambad sa aming bintana.

Ang Street Viewer ng Google ay nagmistulang time machine para sa akin para balikan ang mga lugar na aking kinalakihan. Ang ilan ay mga biswal na larawan ng aming kalye at mga lugar na may espesyal na alaala sa aking puso.



Kanto pa lamang ng aming lugar ay sandamukal na ang mga alaala. Dati ay mahaba ang daan papunta sa amin pero ngayon hindi ko malaman kung parang bakit umikli na lamang ito. Nakikita ko pa sa kantong ito nang minsang makawala ang alaga kong aso at napagod ako sa kakahabol sa kanya para ibalik sa garahe. Ang balkonahe sa tindahan ng Hulinganga store na naging tambayan para uminom ng Fanta softdrinks at ang pagba-bike ko ng may dalawa pang gulong sa likod mula sa amin hanggang sa kanto. Sa isang larawan daming alaala.

The Carpenters - Yesterday Once More


Kapag tatawid kami sa kanto tatlo lamang ang purpose ko. Una kung pupunta ng Paco para samahang mamalengke si ermats na bitbit namin ang bayong, pangalawa kung magpapagupit ako kay Mang Inciong na nagsilbing barbero ko sa maraming taon. Mayroong bangkito sa labas para kung sakaling marami pang nakapila ay puwede kang umupo at pagmasdan mo muna ang mga kalendaryo niyang mga sexy celebrity chicks habang naghihintay at pangatlo ay kung kailangan ko na magpatahi at magpasukat muli ng aking cocky pants sa tatay na sastre ng aking classmate na si Montalban.


Naging tambayan ko rin itong kanto na ito dahil dito ko nabibili ang mga songhits, magazines at ang pinaka paborito kong Funny Komiks na tuwing Biyernes ang bagong issue. Pagkalabas galing ng eskuwelahan ng Biyernes ng hapon ay hindi puwedeng hindi ako dadaan sa magazine stand para bumili ng bagong issue. Hindi lang Funny Komiks ang nabibili dito sikat din ang Bata-batuta, Hiwaga, Extra, Aliwan, Holiday, Klasik at Pioneer. Ang katabi ng paborito kong magazine stand ay isang panaderya at puwede kang umupo dito habang nagmemerienda ng tinapay at nagbabasa ng binili mong komiks o diyaryo. Harap lamang ito ng aming eskuwelahan at napakadaling access para makabili ng mga babasahin. I miss the good ol days of komiks reading.


Sa tuwing uwian at kapag may natirang pera ang barkada ay nagmemerienda/tanghalian kami sa Sinangag Foodhouse, kilala sila sa mga silog variants o kung hindi kaya ng bulsa ay diyan lang kami sa katabing lugawan 20 pesos lang ay solb ka na lalo't kung umuulan, 25 kung gusto mo may itlog at may laman. Kanya-kanyang trip ng pagtimpla. Dito ko nalaman sa mga classmate ko na masarap pala kapag hinaluan mo ng hot sauce ang lugaw mo. Ang mga rich kids at kaya pa ang pera puwera sa pamasahe ay umoorder naman ng tokwa't-baboy. Isa ito sa pinakamasasayang alaala noong high school time ko.


This is Smith street along San Andres Bukid, Manila. Once a General Manager says in wrestling "if you have grudges settle it in the ring". My HS classmates says, "ano tapusin na natin to, diyan tayo sa Smith mamaya". On my high school memories with the tough kids, Smith St. is one hell of a punching ground. This use to be the place where grudges settle. Mula sa maliit na dayaan ng larong "one-three last" (money serial number adding game), tuksuhan na nagkapikunan, mga awayang girlfriend at kung anu-ano pa. Smith st. talaga yung saksi sa maraming rambol at sapakan.



My High School Alma Mater, St. Anthony School Singalong/ San Antonio De Padua. Nag-aral ako dito mula Prep hanggang makatapos ng 4th year high school. Lahat kami ay dito nag-aral mga pinsan at kapatid ko. Narito lahat ang pinakamakukulit, pinaka naughty, pinakamasasayang alaala na hinding hindi ko makakalimutan. Sabi nga nila High school is the best memory of your life. May simbahan ang aming eskuwelahan at tuwang tuwa kami noon kapag first Friday ng bagong buwan dahil yung afternoon classes ay wala na dahil kailangan lahat umattend ng school mass activity at maaari na kayong makauwi pagkatapos ng misa dahil saktong pagtapos ng misa ay uwian na. Napakasarap dahil Biyernes pa at walang pasok kinabukasan. Minsan ay dumadalaw pa rin ako sa aking eskuwelahan lalo na kapag Mahal na Araw at para makapag simba at gawin ang Station of the Cross dito.





Visita Iglesia 2017
Tila napakasarap uli mag-aral sa aming eskuwelahan. Umuunlad na at napakarami ng pagbabago. Sosyal na dahil de-aircon na lahat ang classrooms. Suwerte ang mga kabataang nag-aaral ngayon diyan dahil maganda rin naman ang quality ng pagtuturo ng aming mga minamahal na guro. Mayroon na ring sariling covered basketball court at gymnasium. 

The Beatles - In My Life



5 years old ako nagumpisa mag-aral sa Kindergarten school sa Fermin St. Singalong Manila. I remember my KitKat lunch box na lagi kong dala-dala. Masarap sa Kinder ee magkukulay kulay lang kayo sa coloring book, kakanta-kanta, maglalaro, kakain habang naglalaro, tapos kakain na naman kapag recess pero noong unang araw atungal talaga ko sa iyak noong first time na iniwan ako ni ermats sa unang araw ng pagpasok ko sa school. 




Sa mga special places sa buhay natin meron din naman tayong tinatawag na troubled-places o mga lugar na hindi natin makakalimutan dahil may nangyaring hindi maganda o gusto na lang talaga nating makalimutan dahil nagkakaroon tayo ng trauma kapag naaalala natin. Ito ang Taft Avenue, Vito Cruz Station sa kasamaang-palad dito ako na-holdap ng mga kabataan, 8 kabataan na humila sa bag ko pero hindi nila nakuha ngunit ang wallet ko at relos ko ay hindi nakaligtas.





Isa sa easy transportation para marating ko ang Vito Cruz Station ay ang pagsakay ng Dulo. Nakatira pa kasi kami noon sa Paranaque at dito pa ako nag-aaral sa Maynila. 4th year na ako at graduating kaya hindi na ako pinalipat ng school. Easy ride kasi paglabas mo ng school may nag-aantay na jeep. Masaya dahil magkakasama kayong nauwi ng mga tropa mo, minsan naman ay nilalakad namin ito. 



Pero may isang araw akong hindi makakalimutan dahil binulabog ako ng kilig nung nakasakay ko ang crush ko noong high school na sobrang kamuka ni Rica Peralejo. Nakasakay na ako sa jeep noon, ang alam ko examination day kaya maaga ang uwian yung iba kong kaklase ay nagala pa kaya ako lang ang uuwi mag-isa. Lumabas siya ng school at tyempo naman na nakasakay na ako sa jeep para magpapuno. Shet eto na sumakay siya sa jeep na sinasakyan ko. Tangina kilig naman ako at hindi ko malaman ang i-aacting ko sa sarili ko. Nahihiya akong ewan, pagkakataon na ba para kilalanin ko siya? Baka suplada, baka hindi ako kausapin kapag kinausap ko, daming tanong sa isip. Bahala na. Mapagbiro naman talaga ang tadhana dahil wala talagang ibang sumakay at kami lang talagang dalawa. Magkaharapan kami at naiilang ako. Maya-maya pa ay biglang binuksan ni mamang driver ang radyo ng jeep sakto ang tunog eh Side A band: 



♪♫Tell me where did I go wrong, what did I do to make you change your mind completely

Side A - Tell Me

Magkakahalong emosyon na ang aking nadama noon hindi ko alam kung bubuka na ba ang bibig ko ngunit parang may epoxy akong ibinababad sa bibig para pigilan akong magsalita para makipagkilala sa kanya. Wala talagang sumakay hanggang sa aking pagbaba at kung puwede lamang ako batukan ng tadhana na yan ay ginawa niya na dahil walang nangyari at ang torpedong manunulat nito ay hindi man lamang siya nakausap hanggang sa aming pag-graduate. At diyan na po nagtatapos ang kabiguan ng aking kilig.

Napakabilis ng paglipas ng mga taon at hindi ko namamalayan na napakarami na ng pagbabago, mula sa mga laro at maging ang mga kaibigan na nakasama kong bumuo ng magagandang alaala, mga daan, mga kalsada na nagsilbing mata natin sa ating paglaki. Napapangiti na lamang ako sa tuwing maaalala ko na minsan ako'y isang naging bata. Ngunit hindi na natin kaya pang ibalik ang mga panahon na nakalipas at kailangan na nating mahpatuloy sa buhay na tinatahak natin ngayon. At patuloy na lamang nating baunin ang mga masasayang alaala ng nagdaang panahon.