From the root word "papak".
Na-miss ko ang pagpapak ng kung anu-ano lalo na sa mga panahong ito na nasa haybol lang tayo at patuloy tayong hinehele ng kaboringan, nakakamis ang mamapak. Nakakaubos kasi ito ng oras pero masaya naman ang tiyan ko. Pwede akong matae maya-maya pero hindi ko muna iisipin yun dahil mas matimbang pa rin ang lasa ng Birch Tree Powdered Milk na nanunuot sa dila at lalamunan ko.
Hindi mawawala sa ating mga batang lumaki sa kalye ang mga gawaing ito. Isa ito sa mga top 5 habits ko noong uhugin pa. Kung hindi sila naglalaro nanonood ng TV, malamang ee nakatambay sila sa kusina at nag-iimbak ng mga pagkaing puwede nilang papakin sa loob ng isang oras, hanggang sa magsawa ang kanilang mga sikmura sa pagda-digest. Tempting kasi ang lasa.
Anu-ano nga ba ang madalas nating papakin noong araw? Eto ang listahan ko.
1. Asukal
Masarap, malasa, madaling hanapin. Sino ba namang bata ang hindi nagpapak niyan? Kaya nga eto meron akong diabetes ngayon, lol. Kadalasan, bago lagyan ng tubig ang tinitimplang juice o Milo ee sisimple muna ng dalawa o tatlong kutsaritang asukal para kainin. Tapos maya-maya e mapaparami ka na ng kuha, hanggang sa tamarin nang tapusing ang pagtitimpla ng Tang.
"Tang*** kang bata ka inubos mo na yang asukal".
PS: Hindi ako nagpapak ng asukal kapag iba ang kulay, ayoko kasi lasa nung brown na arnibal.
2. Milo o Ovaltine
Ay kung papakan lang din ang usapan sigurado akong walang batang 90s ang hindi nakagawa nito. Mas masarap ang Ovaltine para sa akin, mas malalaki kasi ang granules nito at mas maganda ang pagkakulay brown. Pero minsan pagkatapos mamapak eh iisa pa ako pero hindi ko papapakin titimplahin ko ito at ilalagay ko sa freezer. After 2 or 3 hours tsaraaaannnnn meron na akong brain freeze na Ovaltine o kaya Milo. Kukuha ako ng kutsara sabay didikdikin ko ang nagyeyelong tsokolate sa baso, sabay uhmmmmm instant halo-halo, saraaappp! Ginagawa ko ito lalo na kapag summer.
3. Leche Flan
Nakakatikim lang ako nito kapag may mga okasyon ee, wala akong pakialam kung matamis ka at masisira ang mga ngipin ko Ang importante makain kita lalo na 'yung ilalim na parte mo!
4. Cerelac
Ito ang isa sa mga pinag-aawayan namin ng nakababata kong kapatid. Tuwing naghahanda si nanay niyan ee kinakalahati ko na bago pa mapunta sa kapatid ko. Isa ito sa masarap papakin.
5. Halo/Mixture
Eto kapag naiiwan ka sa kusina puwede ka maging instant chemist. "Ilang porsiyento kaya ang Milo? Ang Ovaltine? Ang Asukal? Lagyan ko na rin kaya ng Sustagen? Ay teka baka puwede lagyan ng kaunting Tang? Ay final na Birch Tree na lang! Siguro puwede ko rin lagyan ng tatlong kutsaritang tubig para mag-iba ng konti ang texture!"
Walang oras na pinipili ang pagpapak. Puwedeng pagkagising pa lang, habang nanonood ng Crayon Shin-Chan, bago kumain ng tanghalian, pagkatapos kumain ng tanghalian o kahit ano pang oras yan.
Frozen Banana Ice Cream + MILO
Pero ang pinakadabest talagang papakin eh ang kombinasyon ng Milo, powdered milk at asukal. Paghahaluin mo lang yan sa isang maliit na mangkok at solb na. Pagkatapos mo pumapak nito ee maymaiiwan pa talaga sa singit-singit ng ngipin m at parang bungi ka. Minsan nakakaloboso kami lalo na sa umagahan kapag papasok ng school kasi si nanay ang nagtitimpla sa amin ng mainit na maiinum, "teka lang parang kakabili lang natin sa grocery ng Milo ahh, bakit parang nakalahati na agad", siyempre dedma lang kami kay nanay at nagpapahalatang inaantok pa kami hanggang sa makalimutan niya na lang na kalahati na lang ang Milo.
Mayroon rin naman ulam na mahilig naming papakin. At alam kong lahat kayo pinapak niyo rin ito imposibleng hindi. Ito ang ha? Hotdog. Pagkalagay pa lang sa mesa ng nanay ko eh naka-abang na ang mga tinidor naming mag-uutol. Medyo pumapayag ang nanay ko kapag pumapapak kami ng hotdog kasi totoong pagkain naman yun pero siyempre hindi pa rin puwedeng ubusin lahat at kailangang magtira ka para sa kanin mo.
"Ooopsss, may naaalala ako naglagay nga pala ako ng malamig na milo sa ref." Masarap itong panulak pagkatapos kumain ng ulam na hotdog. "Aaaaahhh (dighay) sarap!"