'Maraming kwento sa likod ng bola'
Mga 80 porsiyento na naging kaibigan kong lalake ay nakilala ko sa basketball court. Bata, matanda at teenager sila kasi yung palaging laman ng court kahit sa kainitan ng tanghali noong hindi pa nauuso ang tinatawag na mga "covered-courts". Napakadali lang magkaroon ng kaibigan sa larong ito kahit tumambay ka lang sa court at magkulang sila ng isang tao para maglimahan ay pagkatapos ng larong iyon ay may instant 9 new friends ka na at hudyat na yun ng pagkakakilanlan sa isa't-isa. Kadalasan aalukin ka pa ng mga yan ng ice-tubig at kung pop cola ang pustahan ay kasama ka sa paghahati-hatian ng softdrinks huwag lang kakalimutan na humingi ng plastik sa tindahan.
Ilang galos, pilay, tapilok at bali na rin ng mga daliri ang aking naranasan sa larong ito. Kung hindi ka na-injury sa larong basketball ay hindi ka talaga naglalaro ng basketball.
BASKETBALL COURTS
Maraming basketball court na rin akong nalaruan, mula sa half-court, whole court, court na inaalikabukan, court na baku-bako ang lupa, court na semento at court na malapit sa tabing ilog. Wag lang mapupunta sa Victoria court dahil ibang basketball ang ginagawa doon, biro lang.
KARLO TEVES HALF-COURT
Sampung taon ako noong una akong nakapaglaro ng basketball sa bahay namin sa San Andres Bukid Manila, pero hindi pa ito yung bola na karaniwang laki na ginagamit sa basketball katamtaman lamang ang laki sakto lang sa basketball ring na binili ni erpats at kinabit sa garahe. Nakakapaglaro lang ako kapag walang mga sampay pero maski na walang sampay eh hindi rin ako nakakapaglaro ng maayos dahil sa mga alambre ng sampayan kaya ayun tiyaga-tiyaga lang at para pagpawisan lang dribol doon, dribol dito kapag sawa na kadi-dribol shu-shoot ko na ang bola pero ay, tangina tumama sa alambre pasok na sana. Buti na lang at mayroon akong kaklase na ang pangalan niya ay Karlo. Hindi naman naglalaro ng basketball si Karlo pero mayroon silang basketball court sa loob ng garahe nila, malaking garahe at sementado kaya feeling ko talaga ay masarap doon magbasketball. Nagpabili ako kay erpats ng Mikasa ito yung tatak ng bola na sikat noon at opisyal na gamit sa PBA. Siyempre pagkabili sa akin ay nagpunta na ako kila Karlo at nagpaalam sa kanila kung puwede ba akong makapaglaro. Pinayagan naman ako at duon ako unang nakapaglaro ng maayos. Buhat-bola ako kung shumoot, bato-bato tae nga lang pero ang saya-saya ko kapag pumapasok yung batong tira ko. Minsan sinusubukan ko sa malayo sa guhit ng 3 point line pero wala ee mahina pa ang mga maskels at puwersa ko noon kaya ayun kapyos muntik pang matamaan yung nanay ni Karlo pagbato ko nung bola. Kapag nandoon lang si Karlo ako nakakapaglaro noong sumunod hindi na ako pinayagan maglaro dahil lagi nang may naka-park na kotse kaya balik na naman ako sa garahe namin na panay sampayan.
SAN ANTONIO DE PADUA QUADRANGLE BASKETBALL COURT
Ay, dito marami akong kuwento. Siyempre isa sa pinakagusto kong subject noon eh PE dito kasi kami nabibigyan ng oras para makapaglaro ng basketball at nakakapagbanat ng buto. Sabi ko nga hindi pa uso ang covered court noon kaya nagtitiyaga kami sa init ng araw. Hindi mawawala yung pabidahan sa basketball. High school na ako nung time na ito at paborito ko pa rin ang larong basketball. Si Shoji isa sa magaling sa amin at varsity ng aming eskuwelahan. Ayan kung mababasa ni Shoji ito inaamin ko na maganda yung shooting form niya hindi mismo yung shooting skills niya ha yung bitaw lang ng bola kasi alam naman natin ngayon na mas shooter ako sa kanya, lol! Mahusay si Shoji para siyang import kasi black man siya (racist) I mean mukha talaga siyang import at tsaka may height din siya. Siya yung lagi kong kaasaran at bash mate kapag naglalaro kami ng basketball sa half court. Ang lamang niya lang sa akin ay lumalay-up siya ng kaliwa ako kasi hindi ko kaya yun hanggang kanang kamay na lay-up lang ang kaya ko at tsaka nakakapag tap-board pala siya yung tatapikin yung board ng ring sabay lay-up. Oo na hindi kasi ako nagantimpalaan ng tamang dosage ng Growee para sa larong basketball. Pero ayos lang kasi alam ko pa rin naman maglaro nito kahit di maka lay-up ng kaliwa o makapag-tap board man lang.
Ang pinaka hindi ko makakalimutang pangyayari sa basketball ay noong sumali ako sa Sports Club lahat ng high school na sumali sa club na ito ay hinati sa apat na team kung baga mini tournament lang para maipakita ang aming camaraderie at disiplina. Shet tandang-tanda ko noon nung kalaban namin sila Shoji sa team niyang Arkansas ay hindi ko makakalimutan na sa akin ang unang 8 points ng team ko. Bale ang score 8-0 panay fastbreak at lay-up ang score ko noon ee kaya siyempre medyo proud lang ng kaunti sa sarili kasi kahit marunong akong maglaro hindi ko aakalain na ako ang unang makakaiskor at sunod-sunod pa. Ang masama lang, pota talaga I'm in the game ee at alam kong makakaiskor pa ko sa mga susunod na possession namin ang kaso walang-hiyang yan biglang umulan kaya ayun kansel ang game. Sayang!
Uyy meron pa pala akong isang naaalala at kinikilig pa rin ako kapag naaalala ko. PE rin namin noon at wala kaming teacher sa PE kaya pinaglaro na lang kami ng basketball o kaya volleyball tapos yung iba tambay at kuwentuhan lang. Nagkataon na recess ng third year siyempre maraming manonood. Eto na, bola ng kalaban at itinira nila yung bola at na-rebound ng kakampi ko hiningi ko yung bola eh siyempre nakaharap pa ako sa kanya pagpasa niya sa akin pagkatanggap at pagpihit ko shet may tumawid pala sa gitna ng court mga babaeng third year. Taena, nabangga ko yung isa pero hindi ko napansin kung sino yun bale napaupo siya sa semento pero alam ko hindi naman ganun kalakas yung impact. Nag sorry ako na hindi ko pa rin nakikita kung sino siya inabot ko yung kamay niya at itinayo ko siya. Holy cow! nung nakita ko kung sino siya isa pala sa mga crush ko sa third year. Nung itinayo ko siya at magkahawak ang kamay namin marami na palang nakatingin at naghiyawan ng "Uuuuyyyyyyy"! Ayun hindi naman niya ako sinupladahan at nakangiti pa siya sa akin. Kilig to death talaga ako noon ee.. Ang sarap bumalik sa high school ng mga time na yun. Tropa siya ni Katya Santos kung kilala niyo si Katya ng Viva Hot Babes ngayon. Schoolmate namin siya dati. Third year siya at graduating naman kame sa St.Anthony School Singalong. Kung itatanong niyo yung itsura nung girl kamukha niya si Coleen Garcia.
SAN AGUSTIN ZONE 7, PARANAQUE HALF COURT
1997 nang lumipat kami ng bahay mula sa San Andres Bukid to Paranaque City. Hindi ko naman masyadong na-miss ang high school life ko kasi 4th year HS na ako nung naglipat kami ng bahay kaya doon na rin ako pinatapos nila ermats.
Sa Multinational Village kami nakatira sa Paranaque sounds like classy di ba? pero ang totoo niyan ay sa "gillage" lang kami nakakuha ng bahay na aming nirerentahan buwan-buwan. Sa loob kami ng village pero dun lang sa part na may mga barong barong at yan ay sa San Agustin Zone 7, dikit-dikit ang bahay dito pero hindi ako nahihiyang sabihin na squatter ito dahil mababait ang mga tao. Tatlong taon ko rin nakasama ang mga ka-basketbolan ko dito bago lumipat dito sa Cavite. Tuwang-tuwa ako kasi sa bahay na magkakadikit ay mayroong maluwang na puwesto ang basketball court sa gitna . Kalahating court lang siya pero okay na para makapaglaro ng maayos lagi ka nga lang maghuhugas ng paa pagkatapos magbasketball kasi paniguradong panay buhangin ka at kapag set na ang laro para kang nasa desert storm kapag kumakahig na ang mga tsinelas namin sa mabuhangin at maalikabok na court. Kaya minsan bago mag-umpisa ang halfcourt game eh kumukuha muna ang iba ng balde ng tubig para buhusan ang court kasi nagagalit yung mga may-ari ng bahay na malapit sa court dahil sa kanila napupunta ang alikabok. Hello nga pala kila Louie, Toto, Richard, Dodong, Fernan, Rico, Buboy, Tisoy, Boy Negro, Rommel at marami pang iba. Sabi ko nga sa inyo unang araw pa lang na ako'y naglaro sa court na ito marami na akong kaibigan.
MULTINATIONAL VILLAGE HOMEOWNERS COURT
Bilang teenager noon, ito ang pinakamasarap na weekend para sa akin. Sabado ng madaling-araw ay kakatok na ang mga kalaro ko sa aming pinto para sabihin na magbihis na ng panlaro at magjojogging kami papunta sa basketball whole court ng village. Gumuguhit lagi sa tenga ko yung tunes ng commercial ng Milo habang nagsisintas, "I'm getting ready, getting ready..." Hindi po sa pagmamayabang kasi meron talaga tayong pangmalakasan na edad kung saan hindi tayo agad napapagod at kahit maka-apat o limang set ka ng wholecourt game ay duon mo pa lang mararamdaman yung pagod. Eto rin talaga yung kalakasan ko sa larong basketball. Ang laro ko talaga ay panloob kahit maliit ako idol ko kasi talaga si Captain Lionheart Alvin Patrimonio ng Purefoods team sa PBA na ngayon ay Magnolia Chicken Timplados Hotshots. Trip na trip ko yung mga baseline jumper ni Kap at yung mga perimeter shooting niya at minsan kung mas maliit lang din ang bantay ko ay low-post ang inoopensa ko at gustong gusto ko kasi yung low-post at fake shot ni idol Alvin. Kapag kaya naman tumakbo ay kumukuha ako ng fastbreak at paboritong-paborito ko noon ang pag-steal sa inbound kapag ipapasa na unti-unti na aangat ang paa ko nun at tatymingan ko na yung pagpasa ng magiinbound. Pag nahuli syempre libreng lay-up titingin pa ko sa humahabol pero wala na lista mo na. "Okay, warning 5 na, tapusin na natin para makainom na tayo ng Pop Cola" -kahit Coke 500 talaga ang binibili.
I'm at my sweet 16 that time and this is my best performance in basketball lalo na pagdating sa mga pustahan cash man o softdrinks, kahit pa ice tubig pa ang pusta gagalingan natin para lang atin ang panalo. Masaya noon kasi jogging muna kami ang maririnig mo lang sa daan ay huni ng kuliglig. May time din na lakad lang tapos kwentuhan pa ng nakakatakot at may time din na hinabol kami ng aso may daan kasi duon na panay aso ang mga nakatambay pinili nila ang daan na yun kasi alam mo naman mga teenagers kahit noon pa mga thrill seekers.
Sa lahat ng nilaro namin sa court na ito ay minsan lang talaga kami natatalo kasi kabisado na namin ang mga laro namin alam kung sino ang tatakbo para sa fastbreak, kung sino ang may shooting at kung sino ang kayang depensahan ang scorer na kalaban. Nakakalaban namin madalas ang mga varsity players ng La Huerta high school at tsaka mga taga Olivarez. Natatandaan ko pa pala isang hapon biglang dumating sa court yung dating Ginebra player na si Leo Isaac ayun nakipaglaro siya sa amin at napasama ako sa larong limahan pero kalaban ko siya. Olats kami ang talas ng shooting ni Sir Leo sa three-point line pa lagi ang tira.
Ang dami kong alaala sa court na ito at lampas na ng sampung taon at hindi na ako nakabalik at hindi ko na alam ang bagong itsura ng court. Ni-reasearch ko at ang ganda-ganda na at covered court na rin.
CREDIT RIVERSIDE HALF COURT
Sa court na ito dapat matibay-tibay ang katawan mo kasi pagkatapos ng game talagang bibili ka ng salonpas. Dito sa credit lahat ng game ay pustahan kadalasan cash talaga minsan bente isang tao at 3V3 ang game. Malalakas ang katawan ng tao dito yung iba kasi sa construction nagtatrabaho kaya kapag natapikan ka ng bola sa kamay eh talaga nga naman mangangaray ka. Mahabang makitid na daan ang credit sa kaliwa mo ay palaisdaan at sa kanan mo naman ay open na ilog sa dulong daan doon nakatayo ang half court. Parang streetball sa Amerika ang itsura ng court nila sementado pero may harang ang kaliwang bahagi na yung parang harang sa streetball pero hindi masyadong mataas kaya minsan nahuhulog pa rin ang bola sa ilog. Sa kanang bahagi naman ay mga bahay na dalawang pulgada lang ang pagitan sa guhit ng outside ng court kaya puwede kang mabalandra sa mga pader ng bahay kapag tipong nagkaagawan at natulak ka sa sideline na ito mananakit talaga katawan mo kasi babalandra ka sa hollowblocks na hindi palitada ng bahay.
Olats kami palagi sa pustahan dito kasi madadaya ang kalaban lalo na sa iskoran kapag nakalimutan ang iskor binabawasan nila ang iskor niyo at sa kanila ang dinadagdagan. Wala kaming magawa kasi dayo lang kami at mahaba-haba ang tatakbuhin papunta sa safe zone puwera na lang kung gusto mong talunin ang ilog. Ilang beses na rin ako nawalan ng bola dahil nahuhulog sa ilog at tanda ko pa na akala ko ay kukunin ng bangkero at ibabalik sa akin ang bola pero hindi pala kinuha niya talaga ng tuluyan sabay sibat at paandar ng motor ng bangka. Pinaka worst court ever! Lol!
LIKOD-ILOG HALF COURT
Dito ako nakarami ng paltos bukod kasi sa alikabok prone area eh para ka rin naglalaro sa buwan kasi medyo baku-bako ang bato't semento. Pero masarap maglaro dito kasi dakot ko ang bola. Maliit lang na bola ang gamit namin maliit din kasi ang ring ng half-court na ito. Alas-kwatro ang laro dito at kapag kumpleto na ang anim na player sa tambayan puwede na kayo maglaro 3v3. Laging tatluhan lang ang players kasi hindi ganun kalaki ang espasyo. Yari lang sa kahoy ang board at nakakabit lang ang poste ng board sa sementadong gilid ng bakery kaya kapag nabalya ka paniguradong babalandra ka sa semento kaya panay "spot" o "outside shooting" lang ang ginagawa ko dito ayokong mag-layup kasi kapag sinabayan ka tutulpit ka talaga sa semento. Kahit ganito lang ang court na ito nagpa-liga pa nga si Toto Pandesal ang may-ari ng bakery para mas maraming bumili sa kanyang mga tinapay at mapansin ng ibang tao ang kanilang mga masasarap na tinapay. Kapag masyado nang maalikabok timeout muna kailangang diligan ang lupa para hindi masyadong naalikabukan ang mga nagpapamanicure at mga tsismosa sa kalapit na bahay. Hindi ko ikakaila na nanirahan kami sa squatter's area kasi napakasarap mabuhay dito at ang lahat ng tao ay may pakikisama. Ang hindi ko lang talaga gusto ay kapag nagkakalasingan na ang ilan sa mga goons kasi asahan mo na kapag nagtalo yan sa mga usapin nila maya-maya ay may magsisigawan na at naghahabulan na pala ng saksak. Yan lang ang ikinakatakot ko sa mga ganitong lugar. Di ko rin ikakaila na nagkaroon ako ng mga friends na adik. Hello friends! are you still alive out there?
IMUS SPORTS COMPLEX COVERED COURT
Nagtatrabaho na ako noon at nagtuturo sa kolehiyo nang makalaro ako dito sa covered court na ito. Naglaro ako bilang representative ng aming Faculty team laban sa aming mga students. Mga panahong kayang-kaya pa naman tumakbo ngunit nakakaramdam na rin ng kaunting hingal at mga pananakit ng katawan hehe. Arkilado namin ang court mula umaga hanggang gabi at isang linggo ito ginaganap kaya yung ibang students na sports minded eh tuwang tuwa at nakikita nila ang kanilang mga teachers and professors na nagbabanat ng buto sa loob ng court. Iba't-ibang games basketball, volleyball, table tennis, darts, at chess.
BARCELONA BASKETBALL COURT
Ito ang present day basketball court ko. Lumipat kami ng Cavite taong 2000. Dito medyo rough ang naging basketball life ko. I was 19 years old that year and siyempre bago medyo nakaranas lang naman ng kaunting pambubully pero ayos lang dahil naging kaibigan ko na rin naman ang mga players dito. Ilang henerasyon na rin ng kabataan ang nadaanan ko at yung mga maliliit na batang nagshoo-shooting lang noong taong 2000 ngayon eh ang lalaking bulas na. Ang tawag sa akin ng mga kalaro ko dito ay "Kittles", tinawag akong ganito dahil na rin sa NBA jersey na pasalubong sa akin ni erpats galing abroad. Siya si Kerry Kittles ang rookie ng team ng New Jersey Nets pero kalaunan mas tinawag nila akong "Skittles", dahil nga siguro maliit lang ako kasing liit at kasing-bilog ng Skittles. Nasa kolehiyo na ako ng mga panahong yan at bawat pag-uwi ko at kapag maliwanag pa ang langit eh diretso agad ako sa court baka sakaling maka-isang set pa ng game. Dito sa Barcelona ako nakaranas ng maraming injury sa kamay, sugat sa tuhod dahil nadapa, sa paa, daliri at maraming beses na tapilok. Mga tsinelas na wala pang dalawang linggo eh pudpod na. Hindi pa kasi uso noon ang magsapatos kami kapag naglalaro at hindi pa covered ang basketball courts namin mula Phase 1 hanggang Phase 4. Naranasan ko rin ang mga larong pustahan na nakakathrill kasi baka masisi ka kapag hindi ka nakakadepense at kapag hindi mo nasu-sureball yung mga libreng open shot mo. Pera nga kasi ang nakataya. Mula bente isang tao hanggang sa singkwenta isang tao. Meron naman na softdrinks ang pusta kapag wala talaga ice tubig na malamig lang ang katapat. Nakadayo na kami sa Cherry Homes, Shelter Town, Citta Italia at Primarosa.
Ang basketball court ang nagsilbing pangalawang tahanan ko. Dito ako natuto ng disiplina at pakikipagkapwa-tao, dito ako nagkaroon ng maraming kaibigan, dito ako natuto na hindi lang talaga panay height ang basketball pero mas lamang talaga ang may height pero hindi yun daan para hindi mo mahalin ang sports na ito, dito ako nagsunog ng kilay este ng balat noong mga panahong hindi pa uso ang mga covered courts, dito ako nagkakalyo at nagkapaltos, dito tumibay ang aking mga buto at alam kong hindi dito matatapos ang journey ko sa mga courts na ito at alam kong mas marami pa akong malalaruang ibang basketball court. Tumanda man o lumabo ang mga mata, rumupok man ang mga buto at mawala man ang pulso sa shooting, mamahalin at pipiliin ko pa rin ang larong ito. Ito ang aking kwentong basketball kung saan ang bawat basketball court ay may kwento.
Lumipas pa ang mga panahon. Nag iba ang hilig kong sports. Mas intense at mas maraming adventures.