Walking Down Memory Lane at My Childhood Place at San Andres Bukid, Manila, Part 2
The memorable Quirino Station on Taft Avenue to San Andres Bukid, all my suitcase of memories lives in here
Tampok sa huling kwento ang aking childhood memories sa aming kalye sa 2120 C Tuazon Street San Andres Bukid, Manila. I just want to bring back old memories using writing, and what are the special events and happenings in my life during the nostalgic days of the 80s and the 90s? So, here I am again for part 2 of this blog, my sharp memories as a weapon, and let my fingers do the talking.
Sa pagkakataong ito lalabas na tayo sa ating comfort zone, simulan natin sa kanto ng aming kalye. Isang malaking building ang nakatayo hanggang ngayon sa aming kalsada at kung aking natatandaan ay isa itong gas station ng Petron. I still remember those days na inuutusan pa ni tita mama yung mga pinsan ko na bumili ng gas para sa aming kalan para magluto. As a little kid with the purest innocence, takang-taka ako kung bakit nagdadala ng bote ng Coke si Kuya Arnold at dinadala doon sa kanto, tapos pagkabalik niya ay may laman na itong gas, minsan naman Coke talaga. Hindi ko alam paano ginagawa yun, napapawow ako kasi baka kako may sinasalukan silang gas doon sa kanto (hindi ko pa kasi alam ang proseso noon sa mga gas stations) ano bang pakealam namin mga bata noon sa ganyan hehe. Pagkalipas ng ilang taon nawala na ang gas station. Naipatayo ang isang malaking building at the beginning of the 90s era. Hindi ko alam kung para saan ang building na ito kung para ba sa construction, mga establisyementong pinagagawa para upahan ng gustong mag-negosyo or kung ano man. Pero tama nga dahil pagkalipas ng ilang buwan, sa ibabang bahagi ay marami nang establishments katulad ng bagong bakery, coco and lumber, hardware at mini palengke. Pero dahil mayroon kaming personal bakery along San Andres ay doon pa rin kami bumibili ng mga tinapay at pandesal. Mamaya ay paguusapan natin ang Virginia bakery.
Hindi ko makakalimutan naman si Aling Inday, mga kinse na lakad lang mula sa malaking building sa kanto ng aming kalye ay matatagpuan ang tagpi-tagping bahay nila Aling Inday sa bukana na katabi naman ng bahay-tindahan nila Aling Dely. May looban sa bahagi nila Aling Inday at matatawag nga natin itong slum area kung saan doon din nakatayo ang mga barong-barong. Sila Aling Inday ay nagtitinda ng bananacue, kamotecue, samalamig at kung anu-ano pang pang meryenda. May maliit siyang tindahan at dito ako unang nakabili ng paborito kong tsitsirya noon, ang Jack n Jill Mr Chips. Kapanahunan ng unang labas ng pinakabagong produkto ng Jack n Jill. Patok sa aming mga batang kalye ang tsitsiryang ito, P4.50 ang isa, bagong panlasa kasi sa aming ang "Nacho cheese", kumpara sa mga cheese flavored tigpipisong tsitsirya na nabibili ko kila Aling Meding. Mas masarap ang Mr Chips!
Ang tsika ang nagmamay-ari pala ng funeraria na katabi lang nila Aling Inday ay ang kanyang kapatid. Nagkaroon pa nga ng bali-balita noon na may bumangon daw na bangkay doon sa mga kabaong na naka display doon sa funeraria kaya sa tuwing dumadaan ako sa tapat ng funeraria ay kumakaripas ako ng takbo hanggang sa makalampas ako. Takot na takot kami ng mga kaklase ko nun kapag malapit na kami sa funeraria at palubog na rin ang araw paglabas namin sa eskuwelahan. Hindi ko alam kung totoo ba ito o may nakatulog lang na staff sa funeraria at biglang bumangon na parang zombie, hahaha.
Aling Inday and friends
Hindi ko alam kung anong taon, pero dumating ang trahedya sa kanto ng aming kalsada, nagsimula ang sunog kila Aling Inday dahil ata sa naiwang kandila, natupok ang buong bahagi ng bahay, funeraria at ang bahay-tindahan nila Aling Dely sa kanto. Pati kami ay naalarma dahil malakas ang hangin ng araw na yun kahit maganda ang panahon. Nagsimula ang sunog bago magpananghalian. Sa aking dinudungawan ay tumambad ang malaking apoy na dumidila sa mga kabahayan. Tinulungan ko na sila nanay na mag-impake ng mga damit, kagulo na talaga sa aming kalye at halos lahat ay nagtatakbuhan na at nagsisigawan ng sunog! sunog! sunog! Sa awa ng Diyos ay napatay ang sunog ng mga Chinese Fire Volunteers pero huli na ang lahat sa mga kabahayang malapit kila Aling Inday. Binaha ang aming lugar dulot ng tubig na nanggaling sa bumbero. Isa lamang yan sa aking mga trahedyang naexperience noong aking kabataan. Lumipas ang maraming, maraming taon ay napalitan na ito ng malaking market na puwede natin ihalintulad sa isang malaking ukay-ukay, ang "Neighborhood Wholesale".
My childhood panaderya, ang Virginia bakery
Magbukas man ang maraming panaderya sa aming lugar, iisa lamang ang aming pinupuntahan at naging suki na namin sa napakahabang panahon ang Virginia Bakery. Dito ako nakatikim ng mga klasik na tinapay mula sa pan de regla, kababayan, pan amerikano, pianono, eggpie, pudding, putok, spanish bread, cheesebread, choco fillings bread, sampalok, crinkles, macaroons, ensaymada at ang klasik siyempre na pandesal na hinango sa pugon at mainit-init pa na halos hindi mo mahawakan sa brown paper bag. Dito rin kami binibili ng maiinom bago pumasok sa school, iba-iba kung minsan yan ay yung klasik na Magnolia Chocolait, Hi-C, Sunkist orange, kapag may pera ay yung Zap orange na hugis triangle ang pack at syempre kapag tipid time ay Zesto. At para mayroon kaming extra snack ay binibili rin kami ng biskwit katulad ng Coolies, Chokies, Chocolate Wafer biscuits kung natatandaan niyo pa ay yung kulay gold ang wrapper at siyempre ang klasik na Marie biscuit na lima ang laman. Naging runner din ako noon sa pagbili ng pandesal tuwing umaga kapag napag tripan nilang pandesal ang almusalin, siyempre hindi mawawala ang mga palaman pero kadalasan ay yung tingi-tinging keso minsan sinaasabi ko ay one-fourth na keso o di kaya ay Reno liverspread or kung naubusan ng Reno ay yung kapatid niyang Rica liverspread, oh never heard of Rica noh? Nostalgic yan isama mo pa ang Gusto liver spread pero ang nakasurvive lang sa paglipas ng panahon ay si Reno na hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin sa lamesa ng mga Pilipinong nag-aalmusal sa umaga.
Ang crush sa bigasan store
Ayan lalarga tayo ng kaunti sa Virginia's bakery. Kapag uwian galing eskuwelahan bandang alas-singko y media ng hapon ay may sinusulyapan ako sa tuwing dumadaan sa tindahan ng bigas. Hays napakaganda niya, ang beauty niya ay maikukumpara sa kagandahan ng Italyanong babae, matangos ang ilong, maputi, makinis ang balat at parang noodles ng Lucky Me pancit canton ang buhok sa pagkaka-kulot. May-ari sila ng bigasan at tindahan along San Andres Bukid. Schoolmate ko siya pero high school na siya at ako ay nasa Grade 6 pa lamang noon. May pagkakataon na sumusulyap na wala siya at may pagkakataon naman na naroon siya at siya mismo ang nagbabantay sa tindahan. Pero siyempre hanggang crush lang talaga at hanga lamang sa angking kagandahan niya. Hindi ko rin nalaman ang pangalan niya ang part ng kwentong ito ay nagtatapos sa hanggang sulyap lamang.
ANAKBAYAN STREET - ang lugar ng matatapang!
Ang Anakbayan Streets naman ang lugar ng matatapang, a little Tondo town ng San Andres Bukid walang katinag-tinag. Kung aastig astig ka wag ka dadayo ng Anakbayan baka lumabas kang may tama ka ng pana.
St Anthony School, Batch 1998
Konting lakad pa at natatanaw ko na ang simbahan at ang aking eskuwelahan na magkatabi lang, dahil ang eskuwela ay isang Catholic school kung saan pag-aari ng mga pari. Ngunit bago tumuloy sa bandang kaliwa napansin kong wala na ang Manels Mart ang dating grocery store ng San Andres Bukid. Napalitan na lang ng kung anu anong food stalls. Sa bandang kanan naman at katapat ng Manels ay yung 7-11 convenient store na napakamemorable sa pagkakafriendzone ko nung hayskul. Maraming di nakakaalam na kaklase pero hindi ko na ikwekwento. Eh di sana ngayon Jack and Rose forever. Pero wala raw forever kaya di bale na lang. Katapat naman ng oldest 7-11 sa San Andres ay ang SEX or Sinangag Express. Isa ito sa hotspot ng Tropang Physics at Betchut boiz noong hayskul lalo na pag uwian. It’s SEX time lugaw, tokwa at arrozcaldo with egg at laman ang labanan. Pasarapan sa pagtimpla ng tamang anghang at asim. Sino ba naman ang di maglulugaw noon na sais pesos lang ang plain at sampung piso pag may itlog at lamang baboy. The best na food trip, araw-araw ginagawa sa uwian lalo na kapag tag-ulan. Pagkalipas ng maraming taon ay napalitan na ang Sinangag Express ng Chowking.
The Carpenters - Yesterday Once More
Ang oldest 7-11 sa San Andres Bukid, before I graduated from high school in 1998 ay nakatayo na ang 7-11
Isa sa espesyal na area sa aking childhood sa San Andres ay ang crossing ng Angel Linao street kung saan naroon ang aking paboritong Komiks stand noong dekada nobenta. Ang komiks ang pampalipas oras ng karamihan ng Pilipino noon mapa-bata man o matanda. Para sa aming mga batang kalye noong 90s ang paborito naming komiks ay ang famous na Funny Komiks kung saan ay may sari-saring kwento mula sa pamosong si Combatron, Niknok na naging Eklok, Pitit, Planet Opdi Eyps, Mr & Mrs at kung anu-ano pa. Napakasayang magbasa ng komiks noon habang iniintay mo sa susunod na Biyernes ang susunod na issue ng paborito mong kuwento sa Funny Komiks. Hindi lang pambatang komiks ang nasa comic stand nariyan rin ang pang-adult katulad ng Aliwan, Extra, Hiwaga, Tagalog Klasiks, Bata-Batuta at kung anu-ano pa. Nariyan din rentahan ng pocket books na ang mga tema ng kuwento ay tungkol naman sa pag-ibig, katulad ng Precious Heart Romance na kilalang kilala na brand ng pocket books noon. Hindi rin naman mawawala ang mga songhits sa mga gustong malaman ang liriko ng kanilang kinakanta. Ang sikat na Jingle songhits, Hothits, Solid Gold, at Minus One. Nariyan siyempre ang mga tabloid para kay lolo, tito at tatay na nag-aabang kung anong numero ang lumabas sa jueteng sa araw na iyon at kung anong pangalan ng kabayo ang nanalo sa karera sa Sta Ana race track or sa San Lazaro Hippodrome noon. Ngayon wala na ang aking paboritong comic stand sapagkat hindi na rin naman uso ang komiks. Napalitan na ito ng pharmacy at pawsnhop pagkalipas ng marami pang taon.
Pharmacy at pawnshop ang pumalit sa aking paboritong comics stand pagkalipas ng maraming taon
Then there's Smith Street along San Andres Bukid, Manila. Once a General Manager says in wrestling, "if you have grudges, settle it in the ring". My HS classmates says, "ano tapusin na natin to, diyan tayo sa Smith mamaya". In my high school memories with the tough kids, Smith St. is one hell of a punching ground. This used to be the place where grudges settle. Mula sa maliit na dayaan ng larong "one-three last" (money serial number adding game), tuksuhan na nagkapikunan, mga awayang girlfriend at kung anu-ano pa. Smith St. talaga yung saksi sa maraming rambol at sapakan. Sa kanto naman ng Smith street ang one stop shop na bilihan namin ng mga gamit pang eskuwela kumbaga National bookstore kaya wag ka mag-alala kung nakalimutan mo magpabili ng cartolina, art paper o graphing paper kay nanay kasi malapit lang ang bahay niyo sa Miannis. Nakakamiss ang Miannis na ang may-ari ay si Mang Filemon sapagkat kumpleto sila sa mga school materials. Sa tabi ng shop ay may extra business din si Mang Filemon ang 3M's pizza na lagi rin ako nagpapabili kapag meryenda time. Iba ang lasa ng 3Ms kumpara sa mga common na pizza na inilalako sa kalsada may kakaibang tamis at anghang at manipis lang ang crust nito kaya hindi nakakauyam. Sa tapat naman ng Miannis ay ang dating Minute Burger kaya sulit talaga tumambay sa Smith street may mga action packed na sapakan na may bilihan pa ng mga pagkain at instant tambayan. Nawala na rin ang Miannis at Minute Burger. Napalitan na ang Miannis ng Watson's Pharmacy at ang Minute Burger ay naging restaurant.
Kwentong Smith Street and Miannis ang one stop shop para sa mga school supplies
Sa kabilang bahagi naman ng Angel Linao makikita ang Jollibee. Mapapansin na mataas itong building na hindi karaniwan sa mga fast food chain na common infrastructure ng Jollibee sapagkat ito ay dating building ng AT&T. Ang AT&T ay dating provider ng telephone services noong dekada nobenta. May kaklase akong nakatira dito sa building at talaga nga naman nale-late pa siya sa klase kahit sampung hakbang lang ang layo ng gate ng school namin. Ang harapan naman ng Jollibee ay karinderya at mga bentahan ng mga santo, krusipiyo, bulaklak, novena booklets at mga sampaguita.
AT&T to Jollibee. The first Jollibee in San Andres Bukid
5 years old ako nang mag-umpisa mag-aral sa Fabella Kindergarten school sa Fermin St. Singalong Manila. I remember my KitKat lunch box na lagi kong dala-dala. Masarap sa Kinder ee magkukulay kulay lang kayo sa coloring book, kakanta-kanta, maglalaro, kakain habang naglalaro, tapos kakain na naman kapag recess pero noong unang araw atungal talaga ko sa iyak noong first time na iniwan ako ni ermats sa unang araw ng pagpasok ko sa school. I still remember that moment kahit 43 years old na ko ngayon and the teachers todo uto naman sa akin na hindi aalis si nanay at nasa labas lang daw siya. Sa kasalukuyan hindi ko alam kung naroon pa ang aking lumang kindergarten school.
My kindergarten years at Fabella Kindergarten school
Isa sa easy transportation para marating ko ang Vito Cruz Station ay ang pagsakay ng Dulo. Karamihan ng jeep ay nakapila lang sa gilid ng aming school kaya easy access at hindi nauubusan ng jeep. Nakatira pa kasi kami noon sa Paranaque at dito pa ako nag-aaral sa Maynila. 4th year na ako at graduating kaya hindi na ako pinalipat ng school. Easy ride kasi paglabas mo ng school may nag-aantay na jeep. Masaya dahil magkakasama kayong nauwi ng mga tropa mo, minsan naman ay nilalakad namin ito at dadaan sa Fermin street para mag meryenda ng paborito naming tikoy roll at isang malamig na Sarsi cola.
Pero may isang araw akong hindi makakalimutan dahil binulabog ako ng kilig nung nakasakay ko ang crush ko noong high school na sobrang kamuka ni Rica Peralejo. Nakasakay na ako sa jeep noon, ang alam ko examination day kaya maaga ang uwian, yung iba kong kaklase ay nagala pa kaya ako lang ang uuwi mag-isa. Lumabas siya ng school at tyempo naman na nakasakay na ako sa jeep para magpapuno. Shet eto na sumakay siya sa jeep na sinasakyan ko. Tangina kilig naman ako at hindi ko malaman ang i-aacting ko sa sarili ko. Nahihiya akong ewan, pagkakataon na ba para kilalanin ko siya? Baka suplada, baka hindi ako kausapin kapag kinausap ko, daming tanong sa isip. Bahala na. Mapagbiro naman talaga ang tadhana dahil wala talagang ibang sumakay at kami lang talagang dalawa. Magkaharapan kami at naiilang ako. Maya-maya pa ay biglang binuksan ni mamang driver ang radyo ng jeep sakto ang tunog eh Side A band:
♫ Tell me where did I go wrong, what did I do to make you change your mind completely♫
Magkakahalong emosyon na ang aking nadama noon hindi ko alam kung bubuka na ba ang bibig ko ngunit parang may epoxy akong ibinababad sa bibig para pigilan akong magsalita para makipagkilala sa kanya. Wala talagang sumakay hanggang sa aking pagbaba at kung puwede lamang ako batukan ng tadhana na yan ay ginawa niya na dahil walang nangyari at ang torpedong manunulat nito ay hindi man lamang siya nakausap hanggang sa aming pag-graduate. At diyan na po nagtatapos ang kabiguan ng aking kilig.
The one time kilig moment on a jeepney ride
Sa mga special places sa buhay natin meron din naman tayong tinatawag na troubled-places o mga lugar na hindi natin makakalimutan dahil may nangyaring hindi maganda o gusto na lang talaga nating makalimutan dahil nagkakaroon tayo ng trauma kapag naaalala natin. Ito ang Taft Avenue, Vito Cruz Station sa kasamaang-palad dito ako na-holdap ng mga kabataan, 8 kabataan na humila sa bag ko pero hindi nila nakuha ngunit ang wallet ko at relos ko ay hindi nakaligtas. Kinabukasan, at dahil ang tatay ng aking kaklase ay pulis, humingi kami ng tulog para i-raid ang lugar at dinakip lahat ng rugby boys na naroon pero wala dun yung mga kabataan na nangholdap sa akin. Na-trauma ako noon kasi hanggang sa pagsakay ko ng LRT ay may mga nakasunod sa akin. Nakapasok sila kasi sa Vito Cruz hanggang Baclaran, ang inihuhulog lang na token ay piso. Kabado ako pero nailigaw ko sila pagbaba ko ng chaotic place sa Baclaran. Nakauwi naman ako ng maayos pero sobrang kabado ako sa araw na iyon.
My not-so-happy moment happened in Vito Cruz Station
Tila napakasarap uli mag-aral sa aming eskuwelahan. Umuunlad na at napakarami ng pagbabago. Sosyal na dahil de-aircon na lahat ang classrooms. Suwerte ang mga kabataang nag-aaral ngayon diyan dahil maganda rin naman ang quality ng pagtuturo ng aming mga minamahal na guro. Mayroon na ring sariling covered basketball court at gymnasium.
A visit to my high school in San Andres Bukid, Manila back in 2018
Napakabilis ng paglipas ng mga taon at hindi ko namamalayan na napakarami na ng pagbabago, mula sa mga laro at maging ang mga kaibigan na nakasama kong bumuo ng magagandang alaala, mga daan, mga kalsada na nagsilbing mata natin sa ating paglaki. Napapangiti na lamang ako sa tuwing maaalala ko na minsan ako'y isang naging bata. Ngunit hindi na natin kaya pang ibalik ang mga panahon na nakalipas at kailangan na nating mahpatuloy sa buhay na tinatahak natin ngayon. At patuloy na lamang nating baunin ang mga masasayang alaala ng nagdaang panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento