Anong akala n’yo — mga TODA at homeowners lang ang may asosasyon? Nagkakamali ka, kaibigan. Sapagkat dito sa Ubas na may Cyanide, may samahan ding di mo basta malilimutan — ang Aswang Association. Sila ang mga aninong gumagapang sa ating alaala, mga halakhak na humahalo sa huni ng kuliglig tuwing gabi. Sila ang mga bulung-bulungan sa kanto, ang mga kwentong ipinapasa mula sa matanda hanggang bata — mga nilalang na nagpatibok ng ating dibdib sa pagitan ng takot at pagkamausisa. Habang tayo’y lumalaki,kasama nilang lumago ang ating imahinasyon, na parang mga dahong sumasayaw sa hangin ng kababalaghan. At ngayon, tayo na ang mga dating batang nanginginig, na ngayo’y nakangiting nagbabalik-tanaw — sa mga gabi ng hiwaga, sa mga kathang naging alamat,at sa mga alamat na tila baga… totoo.
Malapit na naman ang Halloween — panahong bumabalik ang mga anino ng ating kabataan; ang mga kwento ni Lola tuwing gabi ng Undas, habang pumapailanlang ang amoy ng kandila at pinaghalo ng ulan at hangin ang takot at pananabik. Sa bawat sulok ng baryo, tila nagigising ang mga lumang paniniwala, at sumisilip muli ang mga nilalang ng dilim — mga kathang-isip para sa ilan, ngunit tila tunay para sa mga sanay makiramdam sa gabi.
Sa bansang arkipelago ng liwanag at anino, hindi lang mga tao ang nananahan. Sa likod ng mga puno ng mangga, sa ilalim ng mga tulay, sa lilim ng gabi — naroon sila.
Ang Aswang
Tahimik siyang gumagalaw sa tabi ng daan, dala ang gutom na di maipaliwanag. Sa araw, maamong mukha ng kapitbahay; sa gabi, nilalang na nangangarap ng laman. Sabi ng matatanda, maririnig mo raw muna ang tiktik — ang hudyat ng kanyang paglapit. Pero mag-ingat — kapag malakas ang tunog, ibig sabihin, malapit na siya.
Ang mga aswang — sila ang mga nilalang na hinugot mula sa pinakadilim na bahagi ng ating imahinasyon. Mga aninong gumagalaw sa pagitan ng panaginip at realidad, mga halimaw na binubuo ng takot, hiwaga, at dugo ng alamat. Kung mayroon mang asosasyon ng mga nilalang ng gabi, walang dudang sila ang nakaupo sa trono — ang mga Presidente ng Kadiliman, ang mga Heneral ng Silakbot. Sapagkat ang “aswang” ay di lamang iisa. Ito’y salitang sumasaklaw sa buong hukbo ng mga sumpa: ang mga mangkukulam na naglalagablab ang titig, ang bampira na uhaw sa pulang patak ng buhay, ang manananggal na sa gitna ng dilim ay lumilipad dala ang kalahating katawan,ang nagbabalat-kayo, ang mga tiktik, at ang mga halimaw na di maipaliwanag ng siyensya. Sa Quezon, tinatawag silang bal-bal o maninilong —mula sa salitang silong, sapagkat doon nila gustong manghuli, sa ilalim ng ating mga bahay, sa pagitan ng anino at ingay ng gabi. Kaya’t sinasabihan tayong takpan ang mga siwang ng ating sahig, lagyan ng Vulca Seal ang bawat bitak ng silong, upang hindi makalusot ang kanilang dila — ang dila na kayang umabot sa sinapupunan ng ina, upang sungkitin ang buhay na di pa nagigising sa mundong ibabaw. Dahil sa mga kwento ng matatanda, ang aswang ay laging gutom — sa apdo ng inosente, sa puso ng musmos, sa sigaw ng madaling-araw na di maririnig ng iba. At kung magbagong-anyo sila, sila’y nagiging pusa — itim, lihim, at mapanlinlang, o baboy-ramo, mabangis na tila galing sa kabundukan, o aso, ngunit hindi pangkaraniwang askal — malaki, maitim, at may matang kumikislap sa dilim, tila tagapagsalita ng mga puwersa ng masama. Maging noong panahon ng mga Kastila, isinalin ng mga prayle sa kanilang mga aklat na sa bansang ito, sa arkipelagong naliligid ng misteryo, ang aswang ang hari ng lahat ng nilalang ng gabi — ang nilalang na di mo kailanman gustong makita, ngunit palaging naroon, sa gilid ng iyong takot, at sa puso ng bawat alamat na Pilipino.
Ang Manananggal
Sa ilalim ng buwan, nahahati siya sa dalawa — katawan sa lupa, pakpak sa ulap. Lumilipad sa dilim upang maghanap ng sanggol sa sinapupunan, ngunit sa kabila ng kanyang anyo, may lungkot din siyang dala — sapagkat sa bawat paglipad, iniwan niya ang kalahati ng kanyang sarili. Buti sana kung manananggal lang ang lakas ng isang lalake —ngunit hindi ganon kasimple ang alamat. Sinasalaysay sila bilang nakakakilabot, nakakatakot — kauri man ng bampira, ngunit ibang anyo ang pinagkaiba. Kayang hatiin ang katawan mula sa bewang, ang itaas na bahagi’y nagiging malakas at mabangis, may pakpak na tila unang silwata ng gabi — parang silweta ng isang panaginip na nagngangalit, parang logo ni Batman na nagliliparan sa diwa ng dilim. Bago pa man maghiwalay ang laman, may ritwal —isang tahimik na seremonya ng pagpapanibagong anyo. Sa pelikula ng pananakot, laging may eksena na nagpapainit ng dugo: nagpapahid ng langis sa balat, parang pag-aalaga sa sarili, habang may naninilip sa bintana — ang matang sadyang susunod sa bawat galaw.At ang naninilip na iyon — madalas siya ang unang nabibiktima.
Pagdating ng oras, unti-unti siyang napapangit, dumudugo ang bibig, lumalapad at tumutulis ang mga pangil, ang mga kuko’y nagiging armas ng na animoy mga kutsilyo sa talas—at bigla — lilipad siyang parang ipinagbawal na nilalang, isang lumilipad na bangungot na naghahanap ng biktima sa gabi. Bakit hindi na lang siya mag-“holdap” sa blood bank? Isang biro sa gitna ng takot — baka pwede siyang mag-request kay Rosa Rosal. Ngunit sa alamat, may lunas na simple at tuwid: hanapin ang kaputol — ang naghihintay na bahagi ng katawan, laging naroroon sa bahay, parang nakatayo sa entablado, at isang pangkaraniwang sangkap lang ang kailangan.
Asin! Hindi anumang asin — hindi lang pangkanto, kundi ang alat na kayang hadlangan ang pagbabalik ng dilim. Budburan mo lang ang kaputol, hayaan itong malubog sa alat, at hintayin ang sikat ng araw — sapagkat sa liwanag, ang aninong iyon ay sunugin at susunog.Parang pagtanggal ng uod sa hardin — payak, malupit, epektibo. At minsan, hindi mo maipaliwanag bakit biglang sumasabog ang katawan pag sinikatan — baka chemical reaction, baka mahika, baka lang tamang panahon at araw. Ang manananggal, sa huling sigaw ng umaga, ay mawawala, habang ang lahat ng kakilakilabot na ritwal at alamat, ay mananatiling laman ng gabi at ng ating mga kwento.
Ang Tiyanak
Naririnig mo ba ang iyak sa gitna ng gabi? Wag kang lalapit, sapagkat hindi sanggol ang iyong sasalubungin. Ang tiyanak — kaluluwang naulila, nagbalik upang manlinlang at maghiganti. Sa kanyang tawa, maririnig ang poot ng isang inosenteng pinabayaan. Ang mga sanggol na hindi nabiyayaan ng tubig at salita — mga munting kaluluwang lumisan bago maligo sa biyaya, hinahaplos ng dilim at dinala sa mga gilid ng Limbo. Hindi ito lang kwento ng lungkot; ito’y mga aninong naglalakad sa pagitan ng aming mundo at isang malamig na piitan.Sinasabing doon, sa ilalim ng impiyernong hangganan, ang hindi nabinyagang mga anghel ay nagiging mga anyong hindi pangkaraniwan — mga tiyanak, na mistulang binyag sa poot at pagkukulang. May mga kwento ng mga munting tinig na hindi nagkaroon ng orasyon, kaya ang kanilang pag-alis ay nagbunga ng bayang hungkag at galit. May mga nagsasabing ang ilan ay naging anak ng kahihiyan: mga dinukot ng biro ng tadhana — aborted, pinutol sa sinapupunan — at sa ilang alamat, sila’y bumabalik, hinahanap ang mga gawaing nagiwan ng bakas. Hindi ito simpleng paghihiganti ng laman; ito’y hinaing ng hindi nasaksi, ng hindi nalamay na pag-iral.
Kung makakita ng tao ang tiyanak, nagmamaskara itong sanggol na payapa — malambot, mahinahon, at tila hindi nagdudulot ng takot. At sa sandaling ang kamay ay humawak at ang puso ay magtiwala, nag-iiba ang anyo: lilitaw ang tunay na layon ng anino, at ang biktima ay maaaring agawin ng malamig na dilim. Ito’y mga alamat na pumipintig sa gabi — hindi lamang para katakutan, kundi para paalalahanan:na ang mga pagtalikod, ang mga desisyong sinlaki ng mundo,ay nag-iiwan ng alon sa puso ng tao, at minsan—sa anyo ng anino—ay bumabalik.Sa dulo, ang kuwentong ito ay hindi lamang tungkol sa takot; ito’y paalala ng awa at pag-aalaga, na ang mga munting buhay ay nararapat ingatan at mapakinggan, upang hindi na muling maging alamat ang kanilang hinaing.
Ang tiyanak—hindi lamang nilalang ng takot, kundi kirot ng kasalanan ng lipunan. Sa bawat pagpatak ng luha ng ina sa unan, may isang kaluluwang nagiging anino, naghahanap ng yakap na di ibinigay, ng pagkakataong mabuhay na ipinagkait. Sa likod ng mga dasal ng kapatawaran, naroon ang mga buntong-hininga ng mga batang hindi nabinyagan— mga batang piniling huwag isilang, mga hinulog sa kadiliman ng walang muwang na desisyon. Sila’y bumabalik, ayon sa mga alamat, bitbit ang galit at dalamhati ng hindi nabigyang pangalan. At ang tanging pagkakakilanlan ay sinasabing, "Anak ni Janice!"
Krayola - Kamatayan
Ang Tikbalang
May ulo ng kabayo at katawan ng tao, nanglilito siya ng mga naglalakbay sa bundok. Isang maling liko, isang maling dasal — at paikot-ikot ka na sa kagubatan na bitbit ang takot at pangamba. Sabi nila, isuot mo raw ang damit mo nang baliktad, at baka matauhan si Tikbalang at hayaan kang makauwi. Ito ang taong-kabayo ng masukal na kagubatan nilalang na hati sa laman at alamat—bawat hibla ng kalamnan ay ginawang tula ng kalikasan. Anim na pandesal sa tiyan, tila inukit ng hangin at araw, at sa bawat hakbang mo’y yayanig ang lupa na parang sinasamba ang iyong pagdaan. Ngunit sa likod ng tikas at tangkad, may lihim na itinatago ang gabi— isang pagnanasa, isang sumpa.
Ang totoo niyan inggit ako sa katawan at tangkad ng tikbalang. Malaki ang pangangatawan at macho. Yun lang mukang kabayo. Iba ang trip ng mga ito, medyo makamundo dahil gumagala sila sa gabi at nangrereyp ng mga babaeng natutulog. Hindi pisikalan na reyp dahil ginagawa nila ito ng hindi sila nakikita at parang sa panaginip lang. The raped women will then give birth to more tikbalang. Ang tikbalang din ang gumagawa para maligaw ang ilang mga nasa bundok at forest areas particularly, mga mountaineers. Mapaglaro ang mga tikbalang sa tao, dahil may kakayahan silang pasukin ang isip ng tao para mag-imagine ng mga bagay na hindi totoo. Sometimes a Tikbalang can drive a person crazy. At kasabihan din ng mga lolo at lola natin na kapag umuulan habang tirik ang araw sa katanghalian, meron daw kinakasal na Tikbalang.
Ang Kapre
Sa tuktok ng punong balete, nakaupo siya —may tabako sa bibig, at mga matang nagliliwanag sa dilim. Hindi siya laging masama; minsan ay bantay ng kagubatan, ngunit kapag ginulo mo ang kanyang punong tahanan, asahan mong bubulong sa hangin ang kanyang galit. Parang usok ng gabi ang kanilang anyo—maitim, marumi, at nilulumot ng panahon, mga nilalang na ang balat ay kasing itim ng alkitrang nakadikit sa daan ng mga alaala. Sila ang mga kapreng tahimik na nagmamasid sa ilalim ng punong akasya, malalaki, malahigante, may tabakong sinisindihan ng apoy ng impiyerno, at mga matang naglalagablab na tila apoy ng kalungkutan ng daigdig. Sa dilim ng gabi, sila ang mga bantay ng lansangang nilimot ng tao, ang mga bata’y natatakot sa kanilang anino—“Umuwi ka na,” wika ng hangin, sapagkat sa gabing ito, ang mga kapre ay nagbibilang ng kaluluwang ligaw. Kung sakaling maligaw ka, at tila paikot-ikot sa iisang daan, huwag kang matakot— binaligtad mo lang marahil ang tadhana.
May saysay ang payo ng matatanda: baliktarin mo ang iyong kamiseta, at baka ang daan ay muling magtuwid. At kung hindi pa rin gumana, subukan mong baliktarin ang iyong salawal— hindi man ito nakatala sa Bibliya, ngunit sa mundong ginagalawan ng hiwaga,
minsan, ang kabaligtaran ang siyang daan pabalik sa katinuan. O kapre, nilalang ng usok at dahon, tagapaglaro ng tao’t tadhana, sa bawat sindi ng iyong tabako, may isang kaluluwang naguguluhan, at sa bawat hithit ng iyong ulap, isang lihim na kuwento ng gabi ang muli mong binubuhay.
Ang Duwende
Tahimik silang naninirahan sa tabi ng mga halaman, nagtatago sa mga batong may lihim na daigdig. May mababait, may mapaglaro — at may mapaghiganti. Kaya bago ka magtapon ng mainit na tubig sa damuhan o pinakuluang tubig ng Lucky Me Pancit Canton sa lababo, magpasintabi muna. Sapagkat baka may naninirahan doon. Sa lilim ng mga damong yumayakap sa lupa, may mga munting bundok na tila walang halaga, ngunit sa kanilang katahimikan, may mga matang nakamasid, mga di-nakikitang nilalang na nagbabantay ng hangganan ng daigdig ng tao’t engkanto. Diyan sila nakatira — ang mga nuno sa punso, maliit na hari ng lupa, tagapagbantay ng bawat yabag na walang pahintulot. Sabi ng matatanda, kapag natapakan mo ang kanilang tahanan, magiging mabigat ang iyong hakbang habambuhay— dala-dala mo ang sumpa ng kapilyuhan. Sakit na walang lunas, pagkawala ng mga minamahal, at pag-iisang hindi tinubos ng tadhana.
Kaya’t ako’y nag-iingat, dahil baka sa isang maling hakbang ay tuluyang mapatid ang manipis kong tali sa suwerte. Loveless na nga,
baka pati kapalaran ko’y tuluyang iwan ng hangin. Kung dadaan ka man sa kanilang tahanan, tumigil sandali, ibulong mo sa hangin— “Tabi-tabi po.” Isang paanyaya ng paggalang, isang panalangin ng kapayapaan sa pagitan ng tao at ng di-nakikitang daigdig. At kung sakali mang mapaglaruan ka, huwag mong kalimutan ang sinaunang ritwal: isang dasal, isang buhay na manok, isang patak ng dugo bilang handog ng paghingi ng tawad. Hindi ito mula sa Chooks-to-Go, hindi rin mula sa Jollibee— kundi mula sa puso ng paggalang sa lupaing kanilang minana. Sapagkat sa mundong ito, ang lupa ay may tainga, ang hangin ay may alaala, at ang bawat “tabi-tabi po” ay sambit ng paggalang sa mga nilalang na mas naunang huminga kaysa sa atin.
Wolfgang - Hiwaga
Ang White Lady
Sa tahimik na kalsada ng gabi, kung saan tanging ilaw ng poste ang naglalakbay, doon siya lumilitaw — ang multo ng alaala,
ang ginang na balot sa puting trahedya. Maputi ang kanyang kasuotan, parang ulap na bumaba sa lupa, o belo ng isang kasal na hindi natuloy. Ang kanyang buhok — mahabang anino ng kalungkutan, na humahaplos sa hangin sa bawat pagdaan ng dilim. Sabi nila, minsan siyang minahal, ngunit niloko, iniwan, o pinatay ng tadhana. At mula noon, ang kanyang puso’y nagmistulang lampara na walang sindi — umiikot sa daan, naghahanap ng liwanag na matagal nang nawala. May mga tsuper ng jeep at taxi na nagsasabing sumakay siya, at sa paglingon nila — wala na. May mga batang umiiyak sa dilim, sabay sabing may babaeng nakatayo sa ilalim ng punong acacia. Ngunit sino nga ba siya? Isang kwento lang ba ng matatanda upang takutin ang mga gala sa gabi? O isang kaluluwang umiibig pa rin kahit matagal nang patay ang dahilan?
Sa bawat simoy ng hangin sa dis-oras ng gabi, may malamig na yakap ng alaala, isang bulong ng nakaraan, isang sigaw ng pag-ibig na hindi natapos. At kung sakaling makasalubong mo siya, huwag kang tumakbo, sapagkat hindi siya halimaw — isa lamang siyang babae na humihingi ng dasal, ng alaala, at ng katahimikan na hindi niya natagpuan sa buhay.
Ang Mangkukulam
Ito pa ang isa sa pinaka nakakatakot, ang trip naman ng mga ito ay magbigay ng sakit sa katawan na walang kagalingan sa pamamagitan ng mga evil spells. Maaring gumamit sila ng litrato mo, buhok at mga bagay na pag-aari mo para ka nila makulam. Pero ang pinaka medium na ginagamit nila ay manika at karayom. Kung saan ituturok ang karayom sa manika at duon ka makakaramdam ng kirot at sakit sa katawan. Kaya yung mga selfie selfie mo sa Facebook nako ipagdedelete mo na at baka may maiinggit at ipakulam ka pa. Sa gitna ng gabi, sa ilalim ng buwan, doon nananahan ang mangkukulam — ang tagapagdala ng hiwaga at lagim, ang may kamay na marunong magtahi ng kapalaran. Tahimik siyang nakaupo sa harap ng kalan, may palayok na usok ang niluluto, halong luya, dahon ng bayabas, at abo ng mga lihim na hindi dapat malaman. Ang bawat bulong niya’y may katapat na kirot, ang bawat titig, may sumpang bumabalot. Sabi ng matatanda, huwag kang mangungutang ng loob sa taong may mga matang tila apoy, sapagkat ang kabayaran ay hindi salapi — kundi gabi ng lagnat, o bangungot na di mo matatakasan. May manikang yari sa basahan, may buhok na galing sa ulo ng pinag-initan, tusok ng karayom sa dibdib ng galit — ganito kumikilos ang poot na tahimik. Ngunit sino nga ba ang mangkukulam, kung hindi ang taong nasaktan nang labis? Ang pusong ginawang abo ng pagtataksil, ang kaluluwang tinuruan ng dilim dahil kinalimutan ng liwanag.
Sa bawat salitang “kulam,” may kwento ng paghihiganti, ng pag-ibig na nauwi sa pagkasuklam, ng isang pusong gustong gumaling, ngunit ang tanging gamot ay kapangyarihang masama. Kaya’t sa tuwing maririnig mo ang kanyang bulong, huwag kang basta manghusga. Baka sa likod ng usok at pagringas ng apoy, isang babae lang siya — na minsan, tulad mo, minahal nang totoo, ngunit sinuklian ng sakit na mas malupit pa sa alinmang sumpa.
Ang Mambabarang
Kung gusto mo ng kadiring paraan ng pagkamatay, dito ka kay aleng Mambabarang. Maihahalintulad mo sa kulam, pero gumagamit sila ng mga magical insects para saktan ang mga mabibiktima. Insekto na lalabas na lang sa ilong, bibig o kaya tenga, tiyan o puwet. Mga insektong katulad ng langaw, bangaw, bulate, gagamba, tipaklong, ipis at kung ano-ano pang creepy crawlers. Puwede ka ring tubuan na animoy mga pigsa sa katawan at mula duon maglalabasam ang mga isektong nabanggit. Sa pinakamadilim na sulok ng baryo, kung saan tahimik ang hangin at mabigat ang gabi, doon nakatira ang mambabarang — ang kapatid ng mangkukulam, ngunit mas mabangis, mas mapanganib, mas lihim. Hindi siya basta nagbubulong sa hangin, sapagkat ang kanyang sining ay laman ng buhay mismo — mga kulisap na alaga ng dilim, mga langaw, alitaptap, at uod na ginawang armas ng sumpa. Sa maliit na bote, nakatago ang galit; sa bawat taklob ng garapon, may sigaw ng paghihiganti.
Sabi ng matatanda, huwag kang magtanim ng sama ng loob sa taong marunong magparamdam sa hangin, sapagkat sa isang patak ng pawis o piraso ng buhok, maihahabi niya ang iyong kapalaran. Isang utos lamang ng kanyang isip, at lalangawin ang iyong dibdib, uusbung ang uod sa iyong laman, hanggang ang katawan mo’y maging tahanan ng kanyang galit. Ngunit tulad ng lahat ng nilalang ng dilim, may pinagmulan din ang kanyang poot. Minsan siyang nasaktan, minsan siyang niloko, minsan siyang nagtiwala — hanggang ang puso niya’y ginawang abo. At sa abo, ipinanganak ang sining ng barang, ang dasal na may ngipin, ang sumpang may hinga ng halimaw. Kaya’t sa tuwing maririnig mo ang kwento ng mambabarang, wag mo agad siyang husgahan. Baka siya ay tao ring umiiyak sa gabi, naghahanap ng katarungan sa mundong walang awa. At sa bawat insekto na lumilipad sa dilim, baka isa roon ang mensahero ng kanyang sakit — nagpapaalala sa atin na minsan, ang pinakamabangis na kulam ay ang sugat na hindi kailanman gumaling.
Ang Gabunan
Ang Gabunan ay isang uri ng Aswang na napakabangis at malakas, mabilis kumilos. Anyong malaking maskuladong lalaki. Ang nasabing aswang na itoy nagtataglay ng Mutyang itiman kaya nyang pabagsakin ng segundo lang ang 4 na tao at sa sobrang bilis nito nagbabalat kayo na tulad ng isang matipunong lalaki. Siya ang pinakamalakas na uri ng aswang. Sinasabing matalas ang pakiramdam nito kapag kabilugan ng buwan. Sinasabi din ng iba na ang gabunan daw ay tao na nagsangla ng kaluluwa sa demonyo!
Ang kwento ay mayroon daw gabunan na kayang pigilan ang pagkain ng lamang loob ng tao sa loob ng isang taon at nanatili na lamang itong kumain ng karne ng hayop. May mga mababait daw na gabunan ngunit kapag napuno ang kanilang salop ay mapipilitan silang mamulutan ng lamang loob ng tao. Ang gabunan ang pinakamalakas na uri ng aswang.
Nairud sa Wabad - Tabi Po!
Ang Berberoka
Ang Berberoka ay salita mula sa Kalinga Apayao na ang ibig sabihin ay isang nilalang pangtubig na ang pangunahing biktima ay mga mangingisda, na kanyang binibihag sa pamamagitan ng paghiga at pagharang sa daloy ng tubig sa mga lawa o ilog upang ito ay matuyo at lumabas ang mga isda.
Sa pusod ng lawa kung saan tahimik ang buwan, May nilalang na hindi tao, hindi rin isda’t halaman. Berberoka ang tawag ng matatanda,Higante ng tubig, gutom sa kaluluwa. Sa umpisa’y banayad ang kanyang galaw, Parang hangin sa ibabaw ng alon na walang tinag. Ngunit ‘wag kang palilinlang sa payapang salamin, Sapagkat sa ilalim, siya’y nag-aabang, naninibasib ng buhay. Hihigupin niya ang tubig, parang uhaw na daigdig, Hanggang sa magtaka ang mangingisda sa tuyo’t tigang na sapa. At sa pagtakbo ng mga hayop at tao papalapit, Ibubuga niyang muli—biglang baha, biglang lunod, biglang wala. Ang mga bangkay ay parang dahong nalagas, Lumulutang sa lawa, tinatangay ng malamig na ihip. Sino pa ang maglalakas-loob lumangoy sa gabi, Kung alam mong may matang nakasilip sa ilalim ng dilim? Sabi ng mga ninuno, huwag kang mag-ingay, Huwag kang magtapon ng asin o magbiro sa tubig. Sapagkat ang lawa ay may puso, at ang puso’y may galit—At sa kanyang lalim, nakapulupot ang berberokang naghihintay. Kaya sa tuwing dumaraan ka sa tabing-lawa Manahimik, magdasal, at huwag tumitig sa gitna. Dahil baka sa kislap ng buwan sa tubig, Makita mo ang ngiti ng halimaw—At iyon ang huling liwanag na masisilayan mo.
Ang Balbal
Ito ay isang halimaw na nagnanakaw ng mga bangkay sa punerarya o sementeryo para gawin hapunan. The "corpse-eater". Malakas ang kanilang pang-amoy sa mga bangkay na katawan. Meron silang matutulis na kuko at ngipin para sirain ang damit ng namatay. Since kumakain sila ng bangkay, sobrang baho ng hininga ng mga ito.
Ang nilalang na ito ay pinaniniwalaang kadalasang kumakain ng karne ng patay na tao. Ang Balbal ay pinaniniwalaang nagnanakaw ng patay na tao sa isang burol o kaya'y pagkalibing nito. Kung nanakawin ng "Balbal" ang isang patay, pinapalitan niya ito kadalasan ng puno ng saging. Ang puno ng saging ay pinaniniwalaang nagmimistulang tunay na katawan ng patay sa mga mata ng tao ngunit puno ng saging lamang ito. Maihahalintulad ang Balbal sa Aswang, Amalanhig, o Busaw, na mga nangangain ng katawan ng laman. Maituturing sila bilang mga pinakanakakatakot na mga halimaw sa bansa. Kaya’t kung akala mo sa kaluluwa ka lang matatakot tuwing may lamay, mas matakot ka sa Balbal.
Ang Amalanhig
Ang Amalanhig ay isa sa mga kilalang nilalang sa folklore ng Kabisayaan, partikular na sa mga isla ng Cebu, Bohol, Negros, at iba pang bahagi ng Visayas. Ito ay isang uri ng undead o patay na muling nabuhay na may kakayahang lumakad at habulin ang mga tao.Karaniwang hindi nagbabago ang itsura mula nang sila ay namatay Maaaring may mga tanda ng pagkabulok depende sa tagal ng kanilang kamatayan. Ang kanilang mga mata ay madalas na walang buhay o nakakatakot tingnan. Mayroon silang hindi natural na lakas at bilis. Gabi ang kanilang paggala at pag-atake sa mga tao. May tendensya na habulin ang mga taong nakakita sa kanila. Hindi sila tumitigil sa pagtugis maliban na lang kung mahanap nila ang kanilang target o may hadlang. Mabagal ang kanilang paggalaw pero hindi sila napapagod.
Ayon sa mga tradisyonal na kwento, may iba't ibang paraan kung paano nagiging Amalanhig ang isang patay:
- Mga Taong Namatay nang May Galit o Hinanakit - Ang mga taong hindi nakapagpatawad o may malalim na galit bago namatay ay maaaring maging Amalanhig.
- Hindi Wastong Paglilibing - Kapag hindi nasunod ang tamang proseso ng paglilibing o may nakulang sa ritwal
- Mga Taong Gumawa ng Masasamang Gawain - Ang mga taong nagkasala ng malaki sa buhay ay maaaring hindi makapahinga sa kamatayan
- Mga Namatay nang Hindi Natural - Mga taong biktima ng pagpatay, aksidente, o ibang hindi pangkaraniwang kamatayan.
Sa buong Kabisayaan, maraming mga kuwento ang naipasa mula sa henerasyong nakaraan tungkol sa mga nakakita o nakatagpo ng Amalanhig. Mga Kuwentong Probinsya, sa mga rural na lugar, madalas marinig ang mga testimonya ng mga magsasaka o mangingisda na nakakita ng mga kakaibang nilalang sa gabi.
Ang Sigbin
Ang Sigbin o Sigben ay isang nilalang sa mitolohiyang Pilipino na siyang lumalabas sa gabi at humihigop ng dugo ng tao mula sa kanilang mga anino. Sa ilalim ng buwan na parang luha ng langit, sumisilip ang nilalang na bihira mong makita— ang Sigbin, anak ng anino, alaga ng kadiliman, lumalabas lamang kapag ang gabi’y humihinga ng takot. Tahimik itong naglalakad nang paatras, ang ulo’y nakatungo, tila nagdarasal, habang ang buntot ay parang pamalo ng kamatayan, handang humampas sa sinumang magtatangkang tumingin. Ang kanyang balat, parang nilukob ng gabi, at ang kanyang amoy, sing-anghang ng apoy na walang liwanag. Sinasabing umiinom ito ng dugo ng bata,habang nilalaplap ang anino ng mga walang bantay na kaluluwa.
Ngunit higit sa halimaw, siya’y hiwaga— isang paalala na may nilalang sa mundong hindi mo maipaliwanag, mga aninong isinisilang ng takot at paniniwala, ng mga kwentong hinabi ng mga matatanda upang turuang matulog ang kabataan sa oras. Kaya kapag narinig mo sa gabi ang yapak na baligtad, o naamoy mo ang hanging may halong asupre at luha, wag kang lilingon. Isara mo ang iyong mga mata at manalangin, sapagkat baka ang Sigbin ay nariyan na, sumisinghot sa paligid— hindi ng dugo, kundi ng takot na iniwan mo sa dilim.
Ang Multo
Sa mga kuwentong-bayan sa buong mundo, ang multo ay espiritu o kaluluwa ng mga namatay na tao o hayop na nagpapakita o nagpaparamdam sa mga buhay pa. Sa pagitan ng katahimikan at hangin, may mga tinig na hindi tinatablan ng oras— mga buntong-hininga ng nakalipas, mga paang hindi na maririnig sa lupa. Sila ang Multo, mga aninong iniwan ng alaala, naglalakad sa hangganan ng buhay at gunita. Sa dapithapon, kung kailan nagiging ginto ang araw, at ang liwanag ay unti-unting nilulunok ng gabi, maririnig mo raw ang kanilang mga panaghoy— banayad, parang pagaspas ng dahon sa sementeryo, o bulong ng hangin sa lumang bahay na iniwan ng panahon.Hindi sila lagi’y takot, sapagkat minsan, sila’y mga pusong naghahanap, mga kaluluwang di nakatagpo ng pahinga, mga mata na muling lumilingon sa iniibig na iniwan. Ngunit kapag malamig ang simoy at biglang kumaluskos ang kurtina, kapag ang kandila’y pumatay nang walang dahilan, doon mo mararamdaman— na ang pagitan ng mundo at kabilang buhay ay manipis lang pala tulad ng usok,at ang bawat panginginig ng iyong laman ay yakap ng mga multong hindi pa nakakalaya.
Kaya kapag ika’y mag-isa sa gabi, at may maramdaman kang malamig na haplos sa iyong balikat, wag kang sumigaw, wag kang tumakbo— bumulong ka na lang ng, “Pahinga ka na.” Sapagkat baka ang dumalaw sa’yo ay hindi halimaw, kundi alaala lamang na matagal nang gustong makauwi.
Ang Bungisngis
Ang Bungisngis ay isang malaking higante na may isa lang mata sa kuwentong-bayan sa Pilipinas. Ito ay sinasabing naninirahan sa Meluz, Orion, Bataan, at Cebu at laging nakangiti o nangungutya. May anyong parang tao ito, at may malalaking ngipin na laging nakalantad. Kapag itinataas ang itaas na labi, halos matakpan na ang mukha nito. Mula sa magkabilang gilid ng bibig nito ay nakausli ang dalawang mahabang pangil. Ang kaisa-isa nitong mata ay nasa gitna ng noo, ngunit nababawi naman ito ng matalas na pandinig. Taglay din nito ang pambihirang lakas. Sa kuwentong Pilipino na "Ang Tatlong Magkaibigan – Ang Unggoy, Ang Aso, at Ang Kalabaw," nakayang buhatin ng dambuhala ang kalabaw at ihagis ito nang may matinding puwersa, hanggang sa lumubog ito ng hanggang tuhod sa lupa. Gayunpaman, sa kabila ng lakas nito, ang bungisngis ay madaling maloko at agad na natataranta. Sa kuwento ng Tatlong Magkaibigan, dahil sa mga panlilinlang ng unggoy, nauwi ito sa kamatayan ng bungisngis.
May engkanto sa batis, sirena sa dalampasigan, multo sa lumang bahay. Sa bawat kuwento, may aral na nakatago; sa bawat takot, may tradisyong nais ipaalala — na ang mga nilalang na ito ay hindi lang kathang-isip, kundi mga aninong nagbabantay sa ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Sa darating na Halloween, habang nagbibihis ang mga bata ng banyagang halimaw, maalala sana natin ang ating sariling mga alamat. Ang mga kwento ng mga ninuno natin — mga kuwentong isinilang sa apoy ng lampara, at nabubuhay pa rin sa ating guniguni. Sa huli, hindi lang sila mga nilalang ng dilim. Sila ay mga salamin ng ating takot, paniniwala, at pagka-Pilipino. At sa bawat aninong dumaraan sa dilim ng Oktubre, naroon din ang ating mga kwento — buhay, humihinga, at handang magparamdam muli. Kaya't alasan ang pakiramdam at laging magdadasal dahil isa rin sa kalaban sa pagtulog ang BANGUNGOT.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento