Ngayon ko lang talaga nalaman at naintindihan ang salitang ito simula nang makapakinig ako ng sleep podcast sa Spotify, ang pangalan ng channel ay Sitio Bangungot, Kwentong Takipsilim at Aswang Diaries. I really feel comfortable during the night before sleeping and listening to my ear pods. The stories were real, yun ang inaadvertised nila sa podcast at totoong may mga lugar at mga petsa ang pangyayari ang ipinapadala ng mga sender. Minsan nakakatulugan ko talaga at bigla lang akong nagigising kapag nagkaroon na ng sigawan at hiyawan at kapag hinahabol na ng aswang ang mga characters. Dito ko rin nalaman ang mga terminolohiya tungkol sa aswang, mga salitang ngayon ko lang narinig at dagdag kaalaman ko tungkol sa kultura ng mga aswang. Kapag nakikinig ka ng podcast tila pumapasok ka talaga sa mundo ng mga aswang at kadalasan ang mga set-up ay probinsiya talaga samahan pa ng mga sound effects na talaga nga naman na kapag napapikit ka ay maiimagine mo yung isinasaad ng nagkukuwento. Magagaling din ang mga nagda-dub, ramdam mo talaga ang kanilang emosyon na totoong nangyayari at parang naroon ka na rin sa loob ng kanilang kwento. Dito ko unang narinig ang mga salitang salab at yanggaw at ito ang ating paguusapan ngayon sa Halloween episode ng Ubas na may Cyanide.
Ano nga ba ang Yanggaw?
Sa malalalim na gabi ng Visayas, kapag ang hangin ay tila may dalang mga bulong ng mga nilalang na di-nakikita, may isang salita na kinatatakutan ng marami—Yanggaw.
Hindi ito basta-basta kwento ng kababalaghan. Ang yanggaw ay isang alamat na may ugat sa takot, hiwaga, at pag-asa ng mga taong nakasaksi sa kakaibang pagbabago ng isang nilalang—mula sa pagiging tao tungo sa pagiging aswang.
Ang Yanggaw ay isang salitang nagmula sa mga lalawigan ng Kanlurang Visayas, partikular sa Capiz at Antique.
Ito ang tawag sa isang taong nahawaan o nagsisimula pa lamang maging aswang—isang yugto ng pagbabago kung saan ang dating tao ay unti-unti nang binabago ng sumpa o impeksyon ng aswang.
Sa ilang lugar, tinatawag itong “bag-ong yanggaw” — o bagong aswang.
Hindi pa ganap ang kapangyarihan nito, kaya madalas itong magkamali. Sinasabing ang taong may yanggaw ay nahawa sa pamamagitan ng pagkain, laway, o likido ng aswang.
Sa Antique, ginagamit din ang salitang “langgaw”, na literal na ibig sabihin ay suka — dahil sinasabing may kakaibang maasim na amoy ang taong may yanggaw.
Ang Yanggaw ay hindi lamang isang pangalan. Ito ay isang pagbabagong marahas at mapanganib — isang sumpa na sumisira hindi lang sa katawan kundi sa kaluluwa ng tao.
Ayon sa mga matatanda, narito ang mga karaniwang palatandaan:
1. Pagbabago ng gana sa pagkain
Biglaang pagnanasa sa dugo o laman ng tao. Sa una, hindi ito pansin, pero kalaunan, nagiging matindi—parang gutom na hindi mapawi.
2. Pagkawala ng kontrol sa sarili
Kapag lumalalim ang gabi, tila may ibang personalidad na lumalabas. Ang taong may yanggaw ay naglalakad mag-isa, umiiyak, o biglang nagiging marahas.
3. Pagbabago ng amoy at panlasa
Sinasabing ang katawan ng taong may yanggaw ay naglalabas ng amoy na parang suka o bulok na karne—isang tanda na may sumpa na sa dugo.
4. Pagpapasa ng sumpa sa pagkain
Kung sakaling nakain mo ang pagkaing hinaluan ng laway ng aswang, maaaring ito ang maging simula ng iyong pagkayanggaw. Kaya kung taga Maynila ka at bibisita ka sa mga probinsiya ng Kanluraning Visayas ay lagi kang mag-iingat sa mga inaalok sa iyong pagkain. Ang sabi nila ay masarap ang pagkaing may yanggaw. Kahit yung hindi mo kinakain na putahe basta nahaluan ng yanggaw ng aswang ay papatulan mo ito at mauubos mo ang pagkain at hihingi ka pa ng ikalawang o ikatlong round. Lagi mo raw hahanapin ang pagkain na niyanggawan ng aswang. Magiging obsessed ka sa pagkaing ito hanggang umepekto na sa iyo ang bisa ng yanggaw at tuluyang magbago ang iyong pag-uugali hanggang sa maging isa ka na sa ka nila. Isang bagong aswang!
Bagamat walang siyentipikong batayan, nananatiling buhay ang paniniwala sa mga baryo na ang Yanggaw ay isang nakahahawang kababalaghan—isang karamdaman ng kaluluwa.
Ang Yanggaw ay matagal nang bahagi ng mga alamat ng Kanlurang Visayas—lalo na sa Capiz, Iloilo, at Antique. Dito unang umusbong ang paniniwala sa mga bag-ong aswang na hindi pa ganap ang lakas. Sa Antique, ang salitang “nalanggawan” ay ginagamit sa mga taong pinaniniwalaang may sumpa ng Yanggaw.
Ang mga kwento tungkol dito ay ipinamana mula sa mga ninuno, na ginamit ang mga alamat hindi lamang bilang takot kundi bilang paalala sa kabutihan, pananalig, at pagkakaisa ng komunidad.
Batay sa ating pagsasaliksik at para may maikwento na rin sa ating mga mambabasa may isang pangyayaring naganap sa Cebu na niyanggaw noong 1994: (https://www.facebook.com/numrey0217/)
Ang kwentong ito ay hango sa totoong pangyayari
Ako si Renato hindi ko totoong pangalan, naibahagi ko na ang kwentong karanasan ng aking mga kapitbahay patungkol sa Panggabunan na isang Aswang at iyon ay si Aling Corazon. Hindi ko na iyon maikwento sa inyo rito dahil nanalo na iyon sa isang pa contest at kanila iyong ina-narrate sa kanilang channel.
Nang minsang napadalaw ako sa aking mga pinsan, at napag-usapan namin ang tungkol sa kwentong ibinahagi ko sa isang manunulat dahil ilang araw na rin akong naglalagi sa bahay.
Nagkwentuhan kami patungkol sa mga aswang pati na ang ipinasa kong kwento na nanalo pa nga, hindi na ito iba sa amin dahil dito sa lugar namin ay mayroon kaming kapitbahay at 'yon na nga si Aling Corazon.
Habang kami ay nagkukwentohan, ay biglang sumali sa aming usapan ang nanay ng pinsan ko. Bigla nitong nasabi na hindi lang iyon ang nangyari sa mga kwentong ibinihagi ko sa manunulat na kaibigan ko.
Dahil doon ay nagka-interes akong lalo dahil marami pa pala akong hindi nalalaman patungkol kay Aling Corazon, ayon sa kwento ni Tita hindi lang daw ang mga naikwento ko ang nakaranas sa panghahawa nila Aling Corazon.
Taong 1994, Northern Cebu.
Base sa salaysay ni Tita Amelia, hindi niya totoong pangalan. Buhay pa noon ang asawa ni Aling Corazon na si Mang Thomas, base rin sa karanasan ko sa matandang ito ay may taglay itong kakaiba, may karanasan din kasi ako sa matanda na hindi ko makakalimutan.
Balik tayo sa kwento ni Tita Amelia, ayon dito bantog daw talaga si Mang Thomas nong nabubuhay pa ito. Hindi na tiyak ni Tita kung sino ang mga naunang biktima nito dahil sa dalawang tao ang sangkot sa ginawa nitong panghahawa na humantong pa sa kani-kanilang kamatayan.
Una kong ibabahagi, ang karanasan ni Elena. Kapapanganak pa lang nito sa panganay nila, ang bahay na kanilang tinitirahan ay katabi lang ng bahay nila Aling Corazon.
Isang araw, habang wala ang asawa ni Elena na si Boyet lumapit daw si Mang Thomas sa babae at inalok ng de lata, nataon naman na nag-agahan si Elena. Nakahiyaan daw nitong tanggihan ang pagkain kaya tinanggap nito at kinain.
Lumipas lang daw ang ilang oras, namimilipit na sa sakit ng tiyan si Elena. Agad daw itong humingi ng saklolo sa mga kalapitbahay at ang tanging sumaklolo rito ay ang mag-asawang Corazon at Thomas, nagsisigaw pa raw si Elena dahil pinipilit itong dalhin sa ospital.
"Ayokong magpahospital, mamamatay ako ro'n!" ito ang naringgang sigaw ni Tita Amelia.
Kaya maraming tao ang nakiusyuso sa pangyayari, "Dalhin na sa ospital si Elena, baka nabinat ito sa pagkain ng sardinas," wika naman ni Mang Thomas.
"Hindi ako nabinat, ayoko magpa-ospital. Maawa kayo hinawaan ako ng matandang 'yan!" sigaw sabay turo nito kay Mang Thomas, ngunit walang naniniwala kay Elena o baka naman natakot madamay sa nangyayari.
Walang nagawa si Elena ng isama ito ni Aling Corazon sa ospital, mabuti na lang daw ay may isang matanda ang sumama rito. Pilit kinakausap ni Elena ang matanda na hindi siya nabinat bagkus ay niyanggaw ito ng matandang lalaki sa pamamagitan ng sardinas.
Naririnig pa ni Tita ang mga sinasabi ni Mang Thomas na talagang nabinat ito kahit nakaalis na sila Elena at ang dalawang matanda.
Ayon pa sa kwento, kahit nasa ospital na raw sila Elena ay paulit-ulit nitong sinasabi na ni-yanggaw siya at hindi nabinat. Nagmamakaawa rin daw ito sa matandang sumama sa kanya na 'wag siyang iiwan sa kamay ni Aling Corazon dahil tutuluyan daw ito ng matanda.
Lumipas ang mga oras, naisip ni Tita na puntahan ang bahay nila Elena. Naisip kasi nitong walang nagbabantay sa batang sanggol, pagdating niya sa bahay ay nandoon naman ang iilang kapitbahay nila para tingnan ang bata habang wala pa si Boyet dahil nasa trabaho pa ito.
Nang sumapit ang tanghali, nakita ni Tita si Aleng Dolores na pa-akyat sa lugar nila. Nagtaka si Tita kong bakit hindi nito kasama ang dalawa, kaya nilapitan niya ito at tinanong.
Marami pa raw gagawin ang matanda kaya niya iniwan si Elena, sumapit ang hapon nakauwi na si Elena at ilang minuto rin ang lumipas nakauwi na rin si Boyet.
Nag-iiyak si Elena na nagsumbong kay Boyet, nagdadalawang isip naman si Boyet kong totoo ba ang sinabi ni Elena. Para lubos na maniwala si Boyet ay dinala nila sa manggagamot si Elena, pagkauwi nila galing sa manggagamot ay iyak nang iyak si Elena. Sabi pa ni Tita ay tinudo raw ang pagyanggaw rito, una ang ginawa ng matandang lalaki pangalawa ay no'ng nasa ospital sila kasama ng matandang babae.
Ayon pa sa kwento ni Tita, hindi matanggap ni Elena and kahihiyan na kanyang sinapit ayaw nito tanggapin ang ibinigay ng mga matatanda. Nabalitaan na lang nila Tita kinabukasan na pumanaw si Elena, ang sabi ni Boyet dinamdam nito ang nangyayari na siyang dahilan para ito bawian ng buhay.
Dahil sa nangyari, nagwawala si Boyet bawat gabi sa labas ng bahay ng mag-asawang Corazon at Thomas. Kahit anong bintang nito sa mag-asawa ay hindi naman siya pinaniniwalaan ng karamihan, hanggang sa tahimik na lang itong lumisan sa lugar.
Ang sumunod na kwento, ay kapitbahay pa rin namin na si Mang Berting. Kilala ko ang mga anak niya ngunit hindi ko na maalala ang matanda dahil sa matagal na itong nangyari.
Mangingisda ang matanda at lasenggero, ang sabi pa ni Tita ibang tao raw ang balak yanggawin ni Mang Thomas noon at kapitbahay rin namin na babae.
Ayon sa kwento ni Tita, hapon iyon na humahangos paakyat sa lugar namin si Mang Berting galing ito sa pangingisda bitbit ang lalagyan nito ng isda.
"Lourdes, sayo na itong tagay," wika ni Mang Thomas sabay abot nito ng baso sa kainumang si Aling Lourdes na kilala rin sa lugar na manginginom.
Aktong tatanggapin na raw ni Aling Lourdes ang baso ng agawin ito ni Mang Berting, "Akin na muna Lourdes, uhaw na uhaw na kasi ako e ganitong matumal pa sa dagat kaya kailangan kong uminom makabawi man lamang sa pagod," wika nito at inisang lagok ang laman ng baso.
"Ang sabihin mo Berting, matakaw ka lang pagdating sa inuman hahaha," nasabi na lang ni Lourdes.
Hindi na lang daw umimik pa si Mang Thomas sa ginawa ni Mang Berting, ilang oras pa raw silang nag-inuman bago ang mga itong nagsiuwian.
Kinagabihan, bandang alas dose ng gabi ay nagsisigaw si Mang Berting. Namimilipit ito sa sakit ng tiyan, marami na itong pinainum ng gamot para sa sakit ng tiyan subalit hindi raw mawala-wala ang sakit nito.
Sumapit ang madaling araw ay nagsisigaw pa rin ito kaya naisipan na ng mga kaanak na dalhin ito sa ospital, nawala naman daw ang sakit nito ngunit ilang minuto lang bumalik na naman ang sakit niya kaya pinasuri nito ang tiyan ng matanda at ang findings ng doktor na sumuri rito ay may sugat ito sa sikmura dala ng pag-iinum.
Binigyan ito ng gamot para sa sakit nito at umuwi na sa bahay, mas lumala ang pagsisigaw ni Mang Berting. Hindi na rin ito nagkakain at puro daing na lang ang namumutawi sa bibig nito.
Hanggang sa may nagsabing ipagamot ito sa manggagamot, hindi naman nagdadalawang-isip ang pamilya ni Mang Berting at agad nila itong dinala sa manggagamot. Laking panlulumo nila dahil ni yanggaw si Mang Berting, ang sabi pa ng manggagamot ay hindi na raw matatanggal pa ang iniligay ng aswang dahil tinudo raw nito ang paglagay sa baso.
Ang sabi pa raw ng manggagamot sa mag-anak ni Mang Berting ay dalawa lang daw ang pagpipilian nito, kung tatanggapin nito ang pagiging aswang ay mabubuhay pa siya at kung hindi naman ay tiyak na kamatayan ang mangyayari sa kanya.
Hindi ito matanggap ng matanda, 'di bale ng mamatay siya kaysa lunukin ang pagiging aswang na walang magandang maidudulot sa kanya maging sa kanyang pamilya.
Hindi makapaniwala ang mga anak ni Mang Berting, bakit pati ang kanilang Ama ay dinamay sa kagaguhan ni Mang Thomas.
Kahit anong pagwawala ng mga anak ni Mang Berting ay hindi sila pinapansin ng mag-asawa at kahit anong pagpapahiya nila ay binabaliwala lang ng mag-asawa. Nang malaman ito ni Aling Lourdes ay nag-iiyak siya sa bahay nila, hindi nito akalain na balak pala siyang yanggawin ni Mang Thomas kung nagakataong wala roon si Mang Berting ay tiyak na siya ang mapapahamak.
Araw lang ang lumipas nabalitaan na lang nila Tita na pumanaw na nga si Mang Berting, halos gabi-gabi sa lamay ng matanda nagwawala ang mga anak ni Mang Berting may isang beses pa ngang muntik pasukin nito ang bahay ni Mang Thomas at balak patayin ang matanda mabuti na lang ay may mga taong umawat dito. Hindi na rin nagpapakita o kaya'y naglalabas ang mag-asawa.
Hanggang sa mailibing na si Mang Berting, ayon sa kwento ni Tita wala naman raw balitang kumakain ng tao ang mag-asawa, at hindi naman araw-araw nangyayanggaw ang mga ito. Kapag malapit lang daw ang Semana Santa ay ito ang panahong nanghahawa sila katulad na lamang sa mga nauna kong ibinahaging kwento.
Paano mo malalaman kung nakain mo ang pagkain ng Yanggaw?
Sinasabing ang pagkaing galing sa aswang ay may mga kakaibang palatandaan:
- May maasim o metalikong lasa, parang dugo.
- May amoy na hindi karaniwan, kahit bagong luto.
- Kapag kinain mo ito, maaaring sumakit ang tiyan o makaramdam ng biglang pagkahilo o init ng katawan.
May ilan pang naniniwala na kapag nilawayan o hinipan ng aswang ang pagkain, doon nagsisimula ang sumpa. Sa mas malalim na pagtingin, ang Yanggaw ay hindi lamang kwento ng takot—ito’y pahiwatig ng ating takot sa pagkawala ng pagkatao. Isa itong paalala na ang kasamaan ay nagsisimula sa maliliit na bagay: inggit, galit, o kagustuhang makamit ang kapangyarihan. At gaya ng Yanggaw, kapag hinayaan mo itong mamalagi sa puso mo, unti-unti ka ring nagiging nilalang na hindi mo na makilala.
Hanggang ngayon, ang Yanggaw ay patuloy na naglalakad sa mga kwento ng mga matatanda, sa mga pelikula, at sa bawat bulong ng hangin sa gabi. Sa mga baryo ng Visayas, hindi ito basta alamat—ito’y buhay na babala na may mga sumpa sa mundong di natin lubos nauunawaan. Ngunit higit sa lahat, ang kwento ng Yanggaw ay paalala: na kahit sa harap ng kadiliman, laging may pag-asa, at sa bawat sumpa, may kapangyarihan pa rin ang dasal, pag-ibig, at pananalig.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento