'Gusto ko sana pangalanan siyang "aso" kaso binatukan ako ng Nanay ko.' |
Ang una kong pet nuon ay siyempre aso. Gusto ko sana pangalanan siyang "aso" kaso binatukan ako ng Nanay ko dahil napaka common naman daw ng ibibigay kong pangalan eh di sabi ko na lang, sige 'nay "dog" na lang pero bago niya ko kaltukan ulet eh sabi ko sa kanya "teka, teka di pa ko tapos...gusto ko siya bigyan ng pangalan na Doggie", uu Doggie kasi malapit sa pangalan ng mga idol kong singer na si Ogie da pogi at Snoop Doggie dog, gusto ko nga sana siya bigyan ng apelyido na Alcasid, Doggie Alcasid kaso baka madalwahan ako ng kutos ni ermat kaya Doggie na lang. Si Doggie, kasama ko ang Lolo ko nakuha namin siya sa Quezon City, sa mga kamag-anak niya duon. Kung ilalarawan ang aso kong ito, siya ay mataba, malusog, kulay brown pati ang ilong brown, mahaba ang buntot, siya ay babaeng aso at kung si Doggie man ay mawawala ay madali siya matagpuan dahil perpekto ang kulay puti at hugis bituin sa kanyang dibdib.
Nung paglaki ni Doggie siya ay naging galisin. Maganda pero galisin. Pero naalala ko, kahit galisin siya, madamin ang pumoporma sa kanya sa kanto, kahit yung mga asong may lahi. Naging masaya ang pagsasama namin ni Doggie, bilang aso at amo, ang ayaw ko lang sa kanya ay naging parang amazonang aso dahil naging cat-killer ang kumag. Ayoko rin kasi ng ganoon, hindi ko gusto maging kriminal ang alaga ko. Dahil alam kong puwede naman magkasundo ang aso't-pusa. Matapang si Doggie pero malambing, tuwing darating ka ng bahay akala mo artista ka eh, pupupugin ka ng halik na may kasamang haplos ng dila na para bang kung nagsasalita lang siya ay sasabihin niya ang ganito "amo binabati ko ang iyong pagbalik, alam mo ba na nalulungkot ako kapag hindi kita nakikita." Parang bagyo si Doggie, di mapigilan ang pagtalon, pagsampa, hagupit ng buntot sa galak at kita mo sa mga muka niya ang saya. Para talagang si Tazmanian Devil, ganun na ganun sumalubong. Kaya naman kung ikaw ang amo ni Doggie eh, talagang mawawala ang pagod mo kapag galing ka sa eskuwela. Nawawala yung pagiisip mo sa terror ng titser mo sa Math, yung supladanag titser mo sa Science na hindi mo matantiya ang muka dahil matandang dalaga, at yung titser mo sa Filipino na nagbebenta ng longganisa at hindi mo alam kung magkano na ang utang mo sa kanyang mga ibinebenta.
Sabi nga nila hindi lahat masaya, hindi lahat mararamdaman mo ang kagalakan na nadarama mo sa alaga mo. Patuloy ang paglipas ng panahon at tuluyan din silang mawawala sa piling mo. At darating at darating talaga iyon. At eto nga, ayokong maalala ang tagpong iyon. Nuong kame ay nasa San Andres Bukid, Manila, nakatira lamang ang inyong lingkod sa pa-upahang duplex na bahay kung saan magkakasama ang dalawang pamilya, kasama ang mga pinsanin at mga kapatid ng aking ermats. Dumating ang panahon na kailangan nang akuin ng may-ari ang aming tahanan para gawing business place. Nauna umalis ang aming pamilya at lumipat ng tahanan sa Paranaque,Manila. Duon naiwan ang aking aso sa aking mga pinsanin. Uwian ako mula sa aming bagong tahanan habang nag-aaral pa sa Maynila. Tuwing hapon, bago mag-uwian, dumadaan ako sa dating bahay upang bisitahin ang aking loyal na alaga. Ganoon pa rin naman ang kanyang sigla sa pagsalubong na ngayon ay may kasamang iyak na sa pagka-miss sa akin. Inaamin kong hindi ko mapigilan ang lumuha sa tuwing uuwi sa bagong tahanan, dahil dinig ko ang tahol niya kahit ako ay nasa kanto na ng lumang bahay. Hindi ko siya puwedeng dalhin sa bagong tahanan dahil una, maliit lang ang espasyo at wala siyang lulugaran, dikit ang mga bahay at maraming kabataan, at panigurado daw mag-iingay ang aking alaga dahil hindi sanay sa tao. At higit sa lahat wala kaming sasakyan para ihatid ang aking alaga sa bagong bahay.
May mga araw na hindi ako nakakadalaw sa kanya, lalo na nung final exams namin noong 4rth year hayskul, at lagi na kasing gabi ang uwian dahil praktis naman ng graduation at graduation din ng aming Citizen's Army Training. Halos dalawang linggo ko siyang hindi nabibisita. Isang araw maaga kaming pinauwi, last day ng exam at diretso agad ako sa lumang bahay upang sorpresahin ang aking alaga. Pagpasok ko ng lumang bahay, nakaramdam ako ng pagka blangko dahil walang Doggie na bagyo kung sumalubong, walang tumatahol. Tinanong ko agad ang aking Tita kung nasaan siya, at sinabi niya na nasa likod bahay ang aking alaga at matamlay. Binagsak ko ang aking bag at iba pang bitbiting pang eskuwela at agad tumakbo sa likod-bahay. Nakita ko siya na nakahiga lang sa sulok, pero nung nakita niya ako ay nagalaw-galaw ang kanyang buntot. Pumayat ang aking aso at nawala ang kanyang dating sigla. Hindi ko alam kung may sakit ba siya o may nararamdamang hindi maganda. Ang sabi lang ng aking tiyahin ay bigla na lang siyang nanamlay at hindi na kumakain. Inakap ko ang aking aso na buong higpit habang nangingilid ang mga mata ko sa luha. Sa isip ko kung puwede ko lang talaga siya isama sa bagong bahay ay talagang gagawin ko. Yung tagpong yun napakahirap umuwi at bumiyahe habang iniisip ko ang kalagayan ng aking pinakamamahal na alaga. Ang buong alam ko talagang nalungkot ang aking alaga. Kinabukasan bago ako pumasok ng eskuwela ay nakatanggap ako ng tawag mula sa aking tiyahin at sinabing wala na raw ang aking aso. Kinaumagan, nakita na lang nila ito ng walang buhay, walang sugat sa katawan o kung ano man. Nanduon pa rin ang iniwan nilang pagkain at walang bawas. Hindi na niya nakayanan ang lungkot. Wala na akong nagawa kung hindi umatungal ng iyak, labas uhog, wala na ang aking alaga at sinisisi ko ang sarili ko nuon dahil iniwan ko siya. Mula nuon ipinangako ko sa sarili ko na kapag mag-aalaga ulit ako ng katulad niya ay hinding hindi ko na siya ihihiwalay sa tabi ko. Iba magmahal ang mga alaga natin, kung alam niyo lang. Kung hindi ka pet lover, bakit hindi mo subukan para maramdaman mo ang sinasabi ko. Mas ramdam pa magmahal ang isang alagang hayop kesa sa tao. Yan ang tunay kong paniniwala. Ang hayop, pagalitan mo man o saktan mo dahil umebak siya sa loob ng bahay o umihi, hindi yan magtatanim ng galit sayo. Hindi ka niyan kakagatin kapag nakatalikod ka, samantalang ang tao, pagsabihan mo lang dahil sa maling gawain, maaaring bigyan niya iyon ng masamang kahulugan para magsimula ang hindi magandang pag-uunawaan.
Na-mis ko mag-alaga ng aso nuong ako ay nasa Paranaque, halos limang taon ang binilang bago lumipat dito sa Cavite at dito nakapag-alaga ulit. Malapit kasi ang aming tahanan noon sa bukid kaya yung maliliit lang na hayop ang naaalagaan ko. Naging likas akong mabait at magaan ang pakiramdam sa mga alagang hayop, bata pa lang sinanay na kami ng aming mga magulang rumespeto sa lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa mundong ito. Lahat ng humihinga, gumagalaw hayop man o insekto sabi ng aking mga magulang ay wala kang karapatan saktan ang mga iyan, dahil iyon daw ay gawa ng Diyos at sila ay parte rin ng mundong ito. At sa katunayan bago ginawa ang tao may mga nauna nang hayop ang nanirahan dito.
Ang sunod kong naging pet ay isang hamster. Ang hamster ay mukang daga, na mas malaki, mabalahibo at hindi sing kadiri ng daga.
Pinangalanan ko siyang "Yabadoodles" dahil yun ang suggestion sa akin ng kaibigan kong si Domex, hiphop yang tropa kong yan ang totoo niyang pangalan e Domeng, iniba niya dahil gusto niya may letrang "x" sa pangalan para daw dating tekno at para cool. E tangna eh diba pangalan yun ng isang toilet cleaner Domex, may tag line pa nga yun na "Domex kills all sickness causing germs" eh. Hahahaha! Pero naisahan ako niyan ni Domex, matagal ko rin naalagaan si Yaba at huli ko na nalaman kung saan galing ang pangalan niya. Yun pala ang ibig sabihin nun eh "yag-ba-doodles". Naloko ako nun a.
'Ganito ang itsura nuon ni Yabadoodles, pero malaki siya ng dalawang beses'. |
Naging close talaga kame ni Yabadoodles kasi talagang hindi siya family pet. Akin lang siya. Kung hindi ako nagkakamali, napanalunan ko ata siya sa tapat ng eskuwelahan namin. Chambahan ito kasi madalas ay sisiw ang premyo. Naaalala niyo ba yun? Yung kukuha ka ng papel at tatayaan mo yung board tapos pag binasa mo yung papel, makikita mo kung tumama ka. At kung tumama ka nga, eh ibibigay sayo ang makulay na sisiw.
Nung araw na yun, imbes na sisiw ay hamster ang ginawang premyo. Nanalo ako kasi star ang tinayaan ko at star nga an glumabas pagkabasa ko ng papel.
Ang bahay ni Yaba ay dating aquarium na ginawa kong bahay niya. Nilagyan ko ng mga lupa at kahoy-kahoy para mukang gubat kahit hindi ako sigurado kung sa gubat nga sila nakatira.
Isang araw, pagkauwi ko galing skul, ay nakita ko ang aquarium ni Yabadoodles. Wala siya dun pero ang pader ng aquarim ay may bahid ng dugo. Ayun, dun ako naiyak. Tinignan ko ang screen window namin at nakita kong bahagyang nakabukas ito. Doon sa screen window ay laging nakasilip si Muning, ang pusa kal(ye) ng kapitbahay namin.
I'll miss you Yabadoods ko....
Ayun na nga nuong narito na kame sa Cavite ay nagkaroon kame ng pagkakataon na bumisita sa mga pinsan ko na sa Bulacan naman sila napadpad pagkatapos ng paghihiwalay namin sa dating tahanan sa San Andres Bukid. Nuong araw na yun bisita lang talaga ang pakay namin at pasyal at hindi ko inaakalang magkakaroon ako ulet ng alagang aso. Binigyan ako ng aking tiyahin ng tuta, puting-puti sobrang kulay puti at malambot ang kanyang balahibo, maamo ang itsura at talagang pinili daw ito ni tita para sa akin. Dahil parang alam niya yung mga ugali ng tuta sa pitong anak ng kanilang asong si Gagay. Talaga nga namang tuwang-tuwa na naman ako sa galak pagka-uwi dahil meron na naman akong alaga. At alam niyo ba kung anong ipinangalan ko sa kanya. Siyempre bilang gunita sa aking asong sobrang loyal at mapagmahal, ibinigay ko sa kanya ang pangalan ni "Doggie". Walang hassle kay ermat dahil may mapupuwestuhan ang aking bagong alaga sa bahay. Sobrang bait nga ng asong ito, at sobrang napakalambing. Naging asong-bahay ang aking alaga, kaya kahit saan ako magpunta lagi lang siyang nakasunod sa akin. Foldng bed lang ang hinihigaan ko nun at kapag tulugan na eh talagang sasampa pa siya sa folding bed at duon pupuwesto sa aking paanan. At kapag gising na siya at ikaw ay himbing pa eh mararamdaman mo na lang na parang pinipinturahan na ang muka mo sa pagdila niya para gisingin ka sa umaga. Halos araw-araw ganito siya, kaya naman talagang sobrang mahal ko ang asong ito. Namana niya kay Doggie ang bagyong pagsalubong sa tuwing uuwi ka galing eskuwelahan noon naman ako'y nasa kolehiyo na.
'Garci' (tagpi) my blind dog. |
Nagkaroon pa ko ng bagong alaga ito ay bigay naman sa akin, maliit, matapang pero kaya naman kontrolin siya naman si Brownie. Naging magkasundo naman ang dalawa, pero hindi siyempre pagdating sa pagkain. Kailangan pag binigyan ang isa, yung isa din dapat. Tuwang tuwa ako dahil dalawa na ang sumasalubong sa akin na parang mga Tazmanian devils sa pagkaligalig. Minsan maitutumba ka na nila sa pagdamba sa iyo, dahil gusto nilang haplusin mo ang kanilang mga tiyan, ayan ung tinatawag na "belly rub" gustong gusto ng mga aso natin yan at yung kakamutin mo yung kanilang tenga.
Pero gaya ng sabi ko, hindi lahat nagtatapos sa kung ano ang nasimulan, may mga bagay talagang nagwawakas at iyan ang pinakamasakit sa mga pet lover na katulad ang mawalay uli sila sa akin dahil saglet lang ang buhay nila sa mundo. Nawalay sa akin ang puti kong asong si Doggie dahil na rin sa katandaan at halos walang taon ko siya nakasama bilang tapat na kaibigan. Lahat ng aking mga alaga ay may espesyal na lugar sa aming bakuran dahil hindi ako yung katulad ng iba na itatapon na lang nila ang kanilang alaga sa basurahan. ang turing ko sa kanila ay parte ng pamilya kaya para sa akin ay kailangan silang ilibing at alayan ng dasal. Si Brownie naman ay nagkasakit ng "epistaxis" ang walang pagtigil ng pagdugo ng ilong. Matanda na rin siya at hindi kinaya ang sakit.
'Cocong maliit' (March 8, 2014) |
Marami pa akong naging alaga dumating sa tahanan ang iba pang four legged friends sila Dugay, Sachi, Achi, Jok-Jok (na ipinagalan sa kontrobersiyal na mambabatas) at ang mga kasalukuyang kong alaga ay si Garci (mas kontrobersiyal) at Coco. Si Garci pang siyam na taon niya na, at alam kong balang-araw mawawalay din sa akin ang aking alagang puwede mong ihalintulad sa muka ni tagpi na may itim sa mata. Bulag na ang kanyang dalawang mata pero kabisado na niya ang bahay at hagdan. Malakas pa rin kumain at alam niya pa rin kung saan siya puwede dumumi. At pinangako ko sa sarili ko kahit ganito ang kanyang kalagayan ay hindi ko siya pababayaan. Si Coco naman, wala pang isang taon at bigay lamang ng aking estudyante noong nakaraang taon ng Marso 2014.
Pinaghalong kulay-itim at brown, maharot, maligalig at maaasahan sa pagbabantay ng bahay. Ang dami ko ring alagang pusa, labas pasok lang sila sa bahay pero araw-araw ko pa rin silang pinapakain. At binigyan na rin ng pangalan ang bawat isa. Si Hansel, Panget (ligaw na pusa, panget pero di na ngayon), Shadow, Bae, Singkit, Dilat, Oreng, Joaquin, Batik, Dayo (dahil dayong pusa), Putipoo, Dyoto (short for pidyoto at pinakamatakaw) at ang kuting na si Garo short for Kangaroo dahil ipinanganak siya na bali ang paa, kaya minsan tumatayo siya na parang kangaroo. Meron pa pala isang pares na love birds na nasa hawla at nakasabit sa aming loading station na pinangalanan naman na Ms.Grey at Christian. More love more opportunity na magkababy love bird siyempre.
Masarap talagang mag-alaga ng hayop e noh? Parang laruang hindi naman talaga laruan. Puwedeng kausapin pero hindi naman talaga nagsasalita. Alanganing mga katangian e noh? Ang saya-saya! Aw aw aw! Sis boom bah! Ikaw may mga kwento ka ba sa mga naalagaan mong hayop? I-share mo naman.
'The morning tweets of Christian and Ms. Grey'. |
'The ever-curious Hansel the cat'. |