Miyerkules, Marso 11, 2015

Sa Madaling-Araw



'Payapang feels only in the break of dawn'
Madaling-araw.

Kung meron lang oras sa isang buong araw mas gugustuhin ko ng gumising ng mas matagal ay sa madaling-araw. Tahimik at payapa. Ang tanging maririnig mo lang ay ang huni ng mga insekto sa bukid.Ang ugong ng elektrik fan na anumang oras ay puwede nanng bumigay hindi dahil sa sira o may dipirensiya sa kanyang piyesa ito ay dahil sa bigat ng alikabok sa bawat elisi. Wala pa ang potpot pandesal, mga taong nagwawalis sa kanyan kanyang harapan na bawat pag-isrongka ng walis ay may kasamang tsismis ang mga bruha. Nasanay na sila sa ganung gawi ang mag-almusal ng mga tsika. Buti madaling-araw at wala pa sila. Wala pa si mamang taho na bawat pagsambit ng kanyang nilalako ay may landi minsan magkasabay at may islang "Tah-heeeeeeeeeeeeew", minsan naman ay magkahiwalay "Taaahhhh-heeeeeeeewwww", loko ka alam ko minsan ginagaya mo yan titigil sa harapan ng bahay niyo sabay magtatago ka at alam mo naman sa sarili mo na hindi ka bibili. At sa madaling araw ay wala pa rin ang naglalako ng isda sa Barcelona High Street, wala pa si Manong na animo'y Pied Piper Hamelin, hindi daga ang sumusunod sa kanya kungdi pusa. Oo malalaman mong papalapit na siya sa inyong bahay dahil ilang bilang ng "meoooowwwww" ang maririnig mo kapag sumisigaw na siya "isdaaaaaaa" "isdaaaa kayo diyaaaaaan", "isda kayo dihaaaaaaaa". At lalong hindi ko pa maririnig sa umaga ang bell sa tindahan namen ng load, pagka't minsan nakakairita na, yung ibang tao eh akala mo laging emergency kung pumindot. Isang pindot lang eh mainam nang pantawag sa akin, kaso minsan eh akala mo may isusugod sa ICU kung magpipindot e. Kahit nakita ka na, na paparating ka na sa harapan ng tindahan eh, talaga nga namang hindi titigil ng pindot hanggang sa makarating ka sa harapan niya. Ganitong pupungas pungas pa ko e baka maibuga ko mainit na kape na nasa aking bibig. Sabay sorry nabilaukan ako e. 

Sa madaling-araw masarap gumising sapagkat kalmado pa ang utak mo, masarap magmuni-muni, magrelax at makinig ng banayad na lakas ng radyo. Walang katumbas mag-unat ng likod sa aming lumang tumba-tumba habang nakadekwatro at nagkakape. Nakakagaan din kadalasan ng pakiramdaman ang pagharap sa kompyuter sa oras ng madaling-araw sapagkat marami kang makikitang ka-dramahan, kaartehan, kalandian at kung anu-ano pang anik-anik na kung anong bumalandra sa utak ng ilan e isusulat o ipopost agad sa newsfeed mo sa Facebook. Isa pang masarap sa madaling-araw eh ang mag-unat,magpaputok ng mga buto sa daliri, sa paa, at sa leeg dahil nakakarelax habang tumatama ang swabeng lamig ng hangin sa bintana mo. Kayganda rin pagmasdan ang pag-ikot ng mundo sa aking bintana habang pumipindot sa keyboard at pinipilantik ang mouse sa kompyuter. May oras na titingin ka sa iyong bintana na unti-unti nang nagliliwanag at kusa na lang naglalaho ang mga bituin at buwan at dahan dahan na ang pagsilay ng bagong Araw, ang init na hatid ng bagong kinabukasan na nagdadala ng pag-asa sa bawat nilalang. Nakakaakit ang pagbukang liwayway, ang pag-aagaw ng liwanang at dilim sa kalangitan. At pagkatapos nito, tahimik na ang mga huni ng kuliglig sa bukid, at nariyan na sila....oo nariyan na ang mga lintek na maiingay na sisira ng katahimikan sa umaga. Pangunguhan ng mga walismosa, mga pusang gala, mamang taho, si potpot pandesal at kung sino-sino pa. Sige na at magaalasais na pala kailangan nang makipagsisiksikan sa bakery at bumili ng itlog, mantikilya at keso. Tapos na rin naman ang saglet na kapayapaan ko. Balik sa ingay, balik sa mundong totoo, balik sa riyalidad. Mamaya na lang ulet ng madaling-araw.....

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento