|
'Pagbilang ko ng sampu nakatago na kayo, isa....dalawa....' |
Araw ng Biyernes. Huling araw ng pasok. Walang sisidlan ang saya dahil bakasyon na, magulo ang utak ko hindi dahil huling araw ng eskuwela, maligalig ang mga nerve cell sa utak ko dahil hindi ko malaman ang aking gagawin sa naiisip ko pa lang na mga laro na nasa aking ulap ng imahinasyon. Dalawang buwan ng pagiging batang kalye na naman ito. Wantu sawa sa pagiging taong-grasa sa kalye. Hindi ko maikubli ang excitement, pag-ring ng bell eh harabas na sa pagtakbo sa exit ng gate ng eskuwelahan, hila-hila ang istroller at bitbit ang kuwadradong pulang baunan na may tatak ng logo ng Kitkat. Gusto kong magsisigaw sa tuwa at yung mga kaklase ko eh kala mo eh nakawala kameng lahat sa isang mental hospital. Kanya-kanyang takbo, kanya kanyang uwi! Eh sino ba namang bata ang hindi magiging masaya sa bakasyon? Eto yung mga panahon na wala kameng ibang aatupagin kung di ang maglaro at mag-aksaya ng oras sa labas ng bahay tuwing umaga at hapon. Iisang kalye lang kame ng aking mga kalaro, isang mahabang kalye, malawak, maluwang at puwedeng maging haven ng pagtatakbuhan, tambayan, taguan ng isang batang katulad ko.Okay lang din siyempre sa aming mga magulang dahil eto na yung pinaka consolation prize ng mga bata sa loob ng maraming araw ng pagpasok sa eskuwela. Mula dito eh sasagarin namin ang aming pagka musmos, walang pakealam sa araw, no pansin sa oras at puro laro at minsan nood lang ng cartoons ang aming inaatupag at kapag nagutom ay bibili ng pagkain at softdrinks sa tindahan. Ang kaso wala ka ng baong pera nun eh. Ang ibang bata madiskarte nariyan ang tutulong sa mga gawaing bahay o di kaya ay magpapabunot ng puting buhok kay lolo at lola na sa bawat makukuhang puting buhok, ang kapalet ay bentsingko sentimos. Walang tapunan ng buhok nun dahil pagkatapos ay magbibilangan kung ilan ang puting buhok na nakuha at kapag nabilang na kukurba ka na ng barya sa kanila. Andiyan din naman ang mga shoe shine boys, bago pumasok sa trabaho ang mga tatay at kuya eh papakintabin muna ang sapatos, ba-brushin at lalagyan ng floor wax, este Kiwi. Suwertehan lang din talaga kung minsan kung mabibigyan ka o hindi, eh tayo naman eh naghihintay lang at alam na naman nila yun. Hehehe!
Malaki na ang pinagbago ng henerasyon ngayon at dumami na rin ang mga adik, oo adik pero hindi sila yung mga katulad sa kalye na nangtitrip at sumisinghot ng rugby at acetone, sila yung adik na tago sa loob ng mga computer shop at sa madaling salita mga adiktus sa mga online games.
Dito sa Ubas na may cyanide babalikan natin ang mga pinakasikat na larong Pilipino ang panahong punong-puno pa ang mga kabataan sa lansangan at mga araw na napakasayang pagmasdan. Yung tipong uuwi ka lang ng bahay para kumain at kapag maghahating-gabi na, naku! Pawisan at ang dungis-dungis mo na. The best yun kasi di ka nila pagagalitan, bakasyon naman. Ganun ang buhay bata NOON. Pero ngayon? Puta naglalakihan ang mga tiyan sa kakaupo sa computer shop at walang pawis na tatagaktak sa kanilang mga katawan upang mabanat at maexercise ang kanilang mga buto. At paniguradong bata pa ang mga yan eh maagang magsisilabuan ang mga mata dala ng radiation sa kompyuter. Pero di ka na magtataka eh, kasi ba naman pati ang mga magulang eh nababaliw rin sa mga online gaming. Haha! Bato-bato sa langit ang tamaan sapul! Basta ako para sa akin mas masaya pa rin ang mga orihinal na la rong Pinoy at sa pamamagitan ng blog na ito sana'y makatulong at maibahagi ko sa mga kabataan ngayon.
SIPA
Hep! hind ito na nasa isip mo na bayolenteng laro hindi sipaan o tadyakan. Kung nagkaroon ka noon ng subject sa Physical Education, kasunod na lintek na Gymnastics na yan, ang sipa ay tinatawag ding Sepak Takraw sa Indonesia at Sepak Raga naman sa Malaysia. Pagalingan ang laro na ito, isa ka lamang na magpeperform sa harap ng iyong mga katunggali, bawal kasi magsabay at baka magkabangaan kayo. Napakadaling makita neto sa lansangan nuon, ang sipa ay yari sa mga punit-punit at makukulay na plastik at isang takip ng bote o tansan lang ang kailangan. Nilalaro ito sa pamamagitan ng paghahagis at pagsipa gamit ang paa, siko o iba pang parte ng katawan. Kapag sumayad sa lupa ang tansan, ibig sabihin ay tapos na ang laro. Narasan ko maglaro neto mga Grade 3, kapag recess o di kaya ay pagtapos ng klase puntahan lahat sa playground at dun ang tambayan ng mga Sipa all-stars. Kung sa all star ng PBA merong slam dunk at three point shot competition sa sira meron ding exhibition andito ang tinatawag na "Black Magic o sipang kabayo". Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagsipa muna kung sa kanan ka mag-uumpisa mga tatlo o limang sipa, tatalon at sisipa ka sa ere na gamit ang kaliwang paa na pabaliktad na animo'y sipang kabayo ang itsura. Kaya ang mga kabataan noon ay maliliksi dahil na rin sanay ang mga katawan sa pagtatalon talon at nagagalaw lahat ang katawan. Tunay nga namang napakasarap maglaro ng sipa.
TAGUAN
"Taguan-taguan sa kabilugan ng buwan". Isang larong sikat sa mga lalawigan ng Pangasinan, Nueva Ecija at Pampanga, ito ay hango sa larong Ingles na ang tawag ay hide and seek. Magandang maglaro nito sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na halamanan. Kahit ilang tao puwede sumali kahit yung buong baranggay niyo, ang kailangan lamang ay may tukuyin na "taya".
Pero sino nga ba ang hindi nahumaling sa larong kalye na ito? Alam kong bawa't isa sa atin ay maraming magaganda at di malilimutang alaala tungkol dito. Isa ito sa pinakapaborito kong laro nung ako'y bata pa. Mas maganda maglaro siguro nito sa probinsiya dahil maraming matataguan, kasi kung sa siyudad ka maglalaro nito, san ka magtatago? sa sulok sulok na mapapanghi at swerte mo pa kung makatapak ka ng ebak talagang lalabas ka sa pinagtataguan mo eh at okay na ma-"pung" o mataya.
At eto karaniwan ang sinasabi ng taya habang nakaharap siya sa pader o poste habang nagtatago ang iba:
Tagu-taguan
Maliwanag ang buwan
Wala sa likod
Wala sa harap
pagbilang ko'ng sampu
Nakatago na kayo
Isa
Dalawa
Tatlo...!!!
Malas ko lng neto kasi ewan ko ba kapag nilalaro namin eto noon lagi akong napapaebak at napipilitan akong lumabas sa aking pinagtataguan. Hahaha! Time first!
BIHAGAN
Ito ang pinakaunang laro na hinati ang klase sa mga grupo, iniisip ko na sa pagkakataong iyon, masisimula kong makilala ang mga kaklase ko bilang freshman ng high school. Sa larong ito, una ko nang nakilala kung sino sa kaklase ang bibo sa paglalaro, kung sino yung tahimik lang at kung sino yung sigaw ng sigaw. Dito ang lahat nagkausap, nagkakilala, nagsigawan, naghawakan, at nagpalitan ng pawis ang bawat isa.
Kailangang madiskarte ka sa larong ito at kung ikaw na lang ang natatanging survivor at nabihag na ang iyong mga ka grupo. Dapat hindi ka pahuli sa takbuhan at kailangang mong ma-touch ang mga bihag na nakahilera sa pinahabang scarf o panyo para madali mo silang matouch. Kapag nagawa mo kasi iyon puwede na ulet makalaya ang nabihag ang balik sa base at reset na naman ulet ang bihagan. Medyo hardcore kasi ang larong ito parang Touchdown ng NFL at ilang beses na rin ako nasiraan ng bulsa ng polo ng uniporme at ilang butones na rin ang nalagas. The best game for boys! astig!
TUMBANG PRESO
Ito yung may isang taya sa harapan at kayo ay nasa base (isang guhit sa lupa na di ka yo puwedeng lumagpas), kailangan mo ng tsinelas kahit hindi Havaianas o Crocs at isang lata ng Alaska! Oo Alaska dahil walang Carnation noon puro Alaska at Bearbrand lang ang mga nakalatang gatas. Sa paglalaro ng tumbang preso ang taya ay nagbabantay sa kanyang lata na huwag tamaan ng tsinelas ng tumitira, nasa loob ng bilog ang tsinelas at kapag walang nakatira nito ang pinakamalayong tsinelas sa bilog ay siya ang magiging taya, kapag tinamaan mo ang lata at ito ay tumayo ikaw ang taya, kapag tinamaan mo ang lata at tumumba ito puwede mo nang angkinin at ipakilo, (de joke lang). Kapag natumba ito dapat dali dali kayong kunin ang tsinelas ninyo bago maitayo ang lata ng taya at maabutan kayo ng taya na wala sa base. Para siguro sa hindi naglaro nito parang nalilito sila, mag COC ka nalang letse! Pero mas masaya ito kung sa kalsada lalaruin, pinakamagandang pambato na tsinelas ay "Spartan"- bakit Spartan? - kasi matibay, matigas at mabigat. Kung may pagkakataong kang pitikin ang tsinelas ni ermats yun ang gamitin mo para kapag dumating yung oras na ipampapalo sa iyo medyo manipis na.
Minsan sa larong ito hindi rin alintana ang tinatawag na "onse" o uhog na tumutulo sa ilong, mas pokus siyempre ang konsentrasyon kung paano patutumbahin ang lata.
SYATO
Hindi sa fliptop rapper ipinangalan ito, ganyan na talaga yan. Ito ay sa dalawa o higit pang manglalaro pero di dapat lalampas ng anim at mas maganda kung dalawa o apat lang kayo, team A and B ang dapat maglaro grupo man o indibidwal, ito ay ginagamitan ng dalawang stik na kawayan, kahoy o rattan, gagawa ka ng butas sa lupa na korteng bangka, at dito mo ilalagay ang iyong maliit na stick, paliliparin mo ang maliit na stik na ito gamit ang malaking stik, ang kalaban naman ay siya ang sasalo sa maliit na stik, at kung masalo mo ang stik ikaw na ang titira o kaya out na yung tumira, kung hindi mo nasalo ang stick, pulutin mo ito kung gaano kalayo ito napadpad at magmula doon ay ihagis mo para tamaan ang malaking stick, kapag tinamaan mo ang stick ay out na ang tumitira, kapag hindi sa next stage na aabot ang laro, papaluin ng tumitira ang maliit na stick gamit pa rin ang malaking stik at pupulutin mo ulet ito, ihahagis ulet sa tumitira ngunit ngayon papaluin na ng tumitira ang maliit na kahoy, kapag tinamaan ang maliit na kahoy, magbibilang ang tumitira gamit ang malaking stik, pagkatapos ng pagbibilang, iyon ang score mo, and next step pa ay ang paglagay ng maliit na stik para lumipad sa ere at sabay paluin ito, kapag hindi tinamaan ang stik ay out na ang tumitira, kung tinamaan ang stik at lumayo, magbibilang ulit ang tumira gamit naman ang maliit na stik, dapat abutin ka ng 200 points para matapos ang laro, ang unang makapuntos ng 200 points ay siyang mananalo, parehong titira ang dalawang group at kung parehong nakaabot sa 200 (overtime) itutuloy ito sa 300, ang parusa sa natalo ay papaluin ng nanalo ang maliit na stik ng 3 beses o kung ilan sila, at magbuhat sa distansiya ng stik ang talo at sisigaw ng "sssssssssiiiiiiiiiaaaaaaatooooooo" na walang tigil hanggang sa makarating sa butas ang haba ng rules and regulation ng larong ito.
PIKO
Halos lahat ng batang Pinoy mapa-lalake man o babae ay marunong mag-piko. Kapag nilagyan mo ng T sa dulo yung piko ibang laro na yun at iyon ay hindi sa kalye ginagawa. Haha! Joke lang. Madaming klaseng piko, may standard na piko, yung tatlo single steps at dalawa double steps at buwan. Kailangan mo ng bato o pinagbasagan na plato bilang bato mo (ang tamang bigkas ay baa-to). ihagis mo ang bato mo sa steps at ikaw ay pumunta at bumalik sa base. Kailangan mo makumpleto ang lahat ng steps at kapag nakumpleto mo ang lahat ng steps ay may karapatan ka ng magka "bahay" ang bahay ay sa pamamagitan ng paghagis patalikod sa piko at kung saan dadapo ang bato ay doo ang bahay mo (maliban lang sa buwan, sa labas at sa kaban) hindi puwedeng tapakan ng kalaro mo ang bahay, at dalawang paa naman ang puwede mong tuntungin sa bahay mo, kung hindi pa kayo naglaro ng piko sa buong buhay niyo ay hindi kumpleto ang inyong kabataan. Maliban na lang sa mga hindi inabot ang mga larong ito dahil extinct na at wala ka na gaanong makikitang mga batang naglalaro sa kalsada tuwing hapon.
HOLEN O JOLENS
Hindi ito si Jolina Magdangal alam kong muka siyang paslit pero naglaro nga din siya ng larong holen nung kabataan niya. Pero ang sabi karaniwan panlalake ang larong ito di katulad ng piko at syato puwede ang lalake at babae, dalawang klase ang alam kong laro dito, yung isa ay para kang nagogolf at may 4 to 6 na butas sa lupa at may base., ang umpisa ng laro at magpapaligsahan kayo kung sino ang mas malapit sa base pagkatapos ihagis ang holen magmula sa unang butas, ang pinaka objective ng laro ay kung sino mas mabilis makakumpleto i-shoot sa mga butas (parang golf nga di ba?) sa pamamagitan ng paghagis gamit ang kamay.
TRUMPO
Kailangan mo ng konting skills dito tol, karamihan ng naglalaro mga lalake, patagalan ng pag-ikot ng trumpo ang labanan dito . Ang siyang huling umiikot pa rin siya ang magwawagi. Pagkatapos ng larong trumpo sa hapon, takbo sa tindahan ni Aling Meding at duon naman magmimiryenda. "Turon po!"
TEKS
Di na u so ang tex ngayon, ito ay parang isang maliit na baraha ngunit iba't iba ang naka printa sa harap at kulay gray na papel ang likod, usong uso ito sa barangay namin, parang sugal na may maliliiit na card na may nakalagay na illustrations sa isang pelikula, cartoon character na sina Voltes 5, Mazinger Z, o kaya cartoonized drawing na pelikula ni FPJ. Parang kara o cruz kung sino ang nagiisang kakaiba sa pagtapon ng tatlong baraha ito ang panalo. Actually hindi pagtapon, papitik paitaas ang galawan.
MORO-MORO
Parang bihagan din ang larong ito. Ito ay pabilisan ng takbo o habulan ng dalawang grupo, may sari-sariling homebase at alternate na naghahabulan.
PATINTERO
Isa sa sikat na laro noong kabataan ko, ang kailangan mo lang ay isang malaking espasyo katulad ng kalsada at mga 8 to 10 na katao. Susukatin ng larong ito ang bilis , liksi at talas ng atensiyon ng manlalaro, at ang kakayanan nilang maglaro hindi bilang mga hiwalay na indibidwal kundi bilang isang nagkakaisang koponan.
Kailangang makalagpas ang mga bangon sa lahat ng linya mula sa una hanggang sa dulo at makabalik muli sa lugar na pinagsimulan ng hindi sila natataya. Ang mga taya naman ay magbabantay, isang tao sa bawat linya, at pipigilang makalagpas ang mga bangon sa pamamagitan ng paghuli o pagtaya gamit ang tapik o pag-abot ng kamay sa harap na bahagi ng katawan.
JACK EN POY
Puwede mo ito laruin kahit saan kalsada man o loob ng bahay pero dapat kumpleto ang mga daliri. Marami kasing biktima na mga Batang 90s kapag bagong taon sa pagpapaputok ng high powered na mga paputok ayan tuloy ang iba di na makakapag Jack en Poy.
Bato, gunting, papel alam mo naman siguro ang larong ito. For sure ginagamit pa rin ito ngayon sa mga decision makings hahaha yung tipong may gustong gawin ang tropa pero nagtutulakan at di alam kung sino ang gustong gumawa. O Jack en Poy muna para magkaalaman na kung sino gagawa.
May lyrics at tono yan habang pinapagpag ang kamay, memorize ko pa: "Jack en Poy, hali-hali hoy!; sinong matalo, siya'ng unggoy!" "O gunting ako papel ka. Talo ka! Ulol kita mo ba showers ako (tubig ulan) kakalawangin yang gunting mo!"
Itigil niyo yan mag Hoola Hoop na lang tayo!
HULA HOOPS
Makukulay na bilog na yari sa plastik na kasya ang buong katawan kapag inilagay ito sa bewang. Larong babae + bakla na may gumamela pa sa tenga. Pagalingan at patagalan ng pag ikot ng hula hoops sa bewang.
LUTU-LUTUAN
Isa na siguro sa pinaka popular na laro ng mga Nene noon bukod pa sa manika. Simple lang ang kailangan sa larong ito. Kung may pera kayo ay maaaring makabili ng cooking toy set sa palengke o kaya malls. Makabibili ng mga laruang kagamitan sa pagluluto na yari sa plastik tulad ng kutsilyo, pinggan, kaldero, kalan at iba pa. Meron ding plastic na sunny side up na itlog, plastik na hotdog, iba't-ibang uri ng plastik na gulay at kung anu-ano pang plastik na pagkain. Puwede mo rin isama yung mga gulay na may magnet na nakadikit sa pinto ng refrigerator ninyo. Maaari ding maglaro nito gamit ang ilang plastik na lalagyan na mapupulot sa tabi-tabi tulad ng plastik containers at kung anu-ano pa. Para naman sa sahog o sangkap ng lulutuin "kuno" ay maaaring makakuha ng mga dahon sa tanim na bulaklak ni nanay, basta't huwag lamang papahuli sa kanya at iligpit ang mga kalat pagkatapos maglaro.
BAHAY BAHAYAN
Kadalasan ay magkaugnay ang larong ito sa isa pang laro, ang bahay-bahayan. Kung may bahay, s'yempre may pamilya (malimit ay tatay-tatayan, nanay-nanayan at anak-anakan ang drama sa laro) Pero wag delikado na ang maglaro nito ngayon sa kasalukuyang panahon. Masarap ang larong role playing katulad ng isa kong kaibigan na si..... Hmmmmnnnn (na kinahiligan ang mag role play).
SAWSAW SUKA
"Sawsaw jowa, ang mahuli patay." Biro lang
Simpleng laro pero nakaka thrill, gamit ang hintuturong daliri at nakabuyangyang na palad, kakanta ng "sawsaw suka ang mahuliiiiii.....taya" sabay sasara ang palad na parang Venus fly trap kailangang di mahuli ang daliri at the end of the tune, pag nahuli ikaw naman ang taya at ikaw naman ang magbubuyangyang ng palad mo.
Pero isang paalala lang, huwag na huwag gagamitin ang hintuturong daliri sa pagdouble ng tap sa katawan ng iyong kalaro lalo na kapag babae, dahil iba ang ibig sabihin nito. Kung gusto mag-aya maglaro magsalita at sabihing, laro tayo ng sawsaw suka friend, sabay dun ka mag-double tap gamit ang hintuturong daliri.
DAMPA
Palad games pa rin ito. Laro kung saan ikukurba ng mga kalahok ang kanilang palad na pa rang kweba, kailangan nilang ihampas ang kamay sa sahig at makabuo ng hangin para gumalaw ang lastiko (rubber band), merong finish line. Kung sino ang mananalo, makukuha nito ang lastiko ng kalaban. Pero easy lang sa posisyon ng paglalaro 'toy at nakikita ang jingle balls mo kasi wala kang brip.
Sa kabila ng lahat dahil sa gusto nating mga tao na mas mapadali ang ating mga gawain, unti-unti ding umuusbong ang pag-unlad ng teknolohiya. Ito ay kung saan gumagamit tayo ng mga makinang nagsisilbi nating mga alipin. Noon wala pang washing machine, vacuum cleaner, cooking stove at dry cleaner na tumutulong sa paglinis ng ating mga tahanan. Lahat ng mga paglilinis noon ay sarili nating ginagawa tulad ng pagwawalis, pag-iigib ng tubig, paglalaba at pagsisibak ng kahoy upang magamit sa pagluluto. Dahil mas sumisimple na ang mga gawain nating mga tao, ito na rin marahil ang dahilan kung bakit mas tumatamad ang mga tao lalo na ang mga kabataan n gating panahon. Marami na sa mga kabataan ang nalululong sa mga kalayawan at halos hindi na maiwasang pansariling kagustuhan. At dahil napakadali nang tapusin ang mga gawain ay mas tumataas na rin ang mga panahong walang magawa ang mga tao kung wala na talaga ay iiwasan nalang ang pagkabagot sa pamamagitan ng paglalaro. Paglalaro lalung lalo na sa paggamit ng kompyuter, isang makabagong teknolohiya sa panahon ngayon. Ang mga usong laro tulad ng Angry Birds, DotA, Farmville, Cityville at Gamehouse games ang mga iilan sa mga kinawiwilihang laruin ng mga kabataan ngayon. Kailangan mo lang umupo at gamitin ang iyong mga kamay upang makapaglaro nito. Maaari ka ring humanap at magkaroon ng kaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng social sites tulad ng Facebook at Twitter. Sa umuunlad nating pamumuhay at gawain, halos lahat na ng mga ginagawa ng tao ay pinapatakbo na ng kompyuter at halos lahat ng tao ay dumedepende nalang sa paggamit ng kompyuter, ngunit alam naman nating ang lahat ng pag-unlad at pagkasira ay kagagawan naman nating mga tao na lumikha ng mga bagay na ito.
Hindi din naman maiiwasan natin maiiwasan ang paglaro ng makabagong laro ngayon kaya ang pinakamahalaga lamang sa lahat ay ang respeto sa sarili, tamang pagpipigil at matalas na pang iintindi.