Sa unti-unting pagbuka ng aking mga mata sa kamang aking hinimlayan sa haba ng gabi, eto na naman ang pakiramdam na wala ka sa aking tabi. Malayo sa'yo. May buwan at bituin na diyan habang ako'y nasisilaw sa sinag ng araw sa aking bintana. Almusal ko, hapunan mo.
Ang katotohanan ay nakakapagod na, mas makapangyarihan ang sakit na nararamdaman kaysa sa mala-impiyernong ngalay na bumabalot sa aking likod. Pagod na ako at marapatin na ako'y mamili kung ipagpapatuloy ko pa ba ito o diyan na lang na kasama ka. Ngunit mas malala pa ata sa sakit na kanser na, palaging hindi ikaw ang pinipili ko. Ngunit ikaw ang palaging gamot sa kanser na pinili ko, paulit-ulit mo pa ring tinanggap ang desisyon ko, sapagkat naiintindihan mo na kailangan ko itong gawin para sa pamilya ko at para sa kinabukasan natin. Isangdaan at isang beses kitang tinatanong, "kaya mo pa ba?", "napapagod ka na ba?", pero paulit-ulit mo ring ibinibgay sa akin ang sagot...."kayang-kaya."
Sheena Easton - Telefone (Long Distance Love Affair)
Pero tama ka naman eh. Masaya na tayo sa simpleng Sweet Corn at Vinegar Pusit na nabibili natin sa tindahan ni Aling Meding na tigpipiso lang. Olats lang kapag may nahalong tatlong piraso lang ang laman. Minsan Cheepee lang talaga katapat mo at Boogeyman Crunch ang sa akin. Tanggap na natin na tatlong beses sa isang ta on lang tayo manood ng sine. Eh kasi may torrent naman di ba? Masaya na tayo sa pa-torrent-torrent lang. Pero mangiyak ngiyak tayong dalawa nung nawala ang Pirate Bay buti na lang at nasagip tayo ng Kickass. Palihim akong aakyat sa puno ng niyog na diresto sa bintana niyo at duon tayo manonood ng mga dinownload natin. Nakatalukbong tayo ng kumot habang ilaw lang ng monitor ng computer ang makikita. Masaya yun ee. Sa tuwing meryenda, magluluto tayo ng Instant Lucky Me Pancit Canton pero mas gusto mo yung kay Kim Chui yung Pancit Shanghai na green eh amoy ihi ng kabayo naman ang sauce. Pero ok lang trip mo yan eh. Ang makulit pa dun ayaw mo na kainin natin agad at pipigilan mo ako sa unang subo at sasabihin mo sa akin na piktyuran muna natin tapos ipopost sa Facebook at Instagram. Iisip pa tayo nun ng cheezy captions at kilig na kilig ka sa tuwing may nagcocomment na mga kaibigan ko na "breezy boy" ako. Naknamputs pero ayos lang basta sa ikakasaya mo.
Naalala ko rin na lagi kang bumibili ng Snacku sa tuwing manonood tayo ng sa kwarto niyo. Kapag napuno ng namuong flavor sa daliri mo isusubo mo sa bibig ko at ganun din naman ako sa yo. Hanggang sa hahalikan mo ko, hahalikan din kita, huhubaran mo ko, huhubaran din kita, magkikilitian at mag...........(long bleeeeeppppppp). Hanggang sa makalimutan natin kung sino talaga yung pumapatay dun sa pelikula. Tapos magtatanong ka sa akin kung sinong pumatay. May panahon ding tumatambay tayo sa Mini-Stop kasi gusto mo mag Chillz. Magkukuwento ka. Magkukuwento ako. Tawa lang tayo ng tawa hanggang di natin namamalayan na tinatawanan na rin tayo ng buwan at mga bituin. Uuwi na, sasakay tayo ng jeep, at hindi ka papara ng jeep hanggat walang tao sa unahan. Kunyare may sarili tayong kotse at driver natin si koya jeepney driver. Tapos pagkauwi mo isang minatamisan na halik ang ibibigay ko sa'yo sa ulo, sa ilong at sa labi. Tapos magpapabebe wave ka habang naglalakad paurong di mo napansin na nauntog ka na sa pinto niyo. Pagkatapos nun, bukas na lang ulet for new adventure.
Kahit ganito lang ang buhay, irewind ng paulet ulet hindi ko ipagpapalet sa mga unique adventure. Pero kung ikaw ang kasama at papalarin ayos na ayos.
Para tayong may sariling mundo. It's just you and me against the universe. Wapakels sa sasabihin ng ibang tao. May mga sarili kayong puso kaya gumawa kayo ng sarili niyong love story.
May kumagat na lamok at sinabing tama na ang pagmumuni-muni. Bukas gigisng na naman akong malayo sa'yo. Gabi na diyan, umaga pa lang dito. Breakfast ko, hapunan mo....
Hanggang Skype na lang uli ang pag-ibig na ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento