'Ang tito blogger ng Imus, Cavite' |
Hindi ko alam kung kailan ako unang nag-post dito pero 5 taong gulang na ang ubasnamaycyanide.blogspot na site!!
Sa totoo lang, hindi magtatagal ng ganito ang blog na ito kung hindi ako naging masaya o maligaya sa mga pinaggagawa ko. Noong una, itinayo ko ito dahil lang sa bored ako sa trabaho ko. Ayaw ko noon na magpost ng mga blog sa Facebook dahil nababasa ng mga boss ko yung mga sinulat ko (dahil minsan ko nang isinulat ang mga maling sistema niya sa pagpapatakbo ng isang eskuwelahan at ewan ko lang kung nabasa niya ito.)
Masaya maging blogger. Masarap. Maraming sorpresa. Basta. Hindi siya para sa lahat, pero doon sa mga matitiyaga at masisipag maraming rewards din naman ang makukuha sa pagiging blogger.
1. HINDI KA MABOBOBO
Kung wala kang trabaho. Kung wala kang tinatrabaho sa iyong trabaho. Kung wala kang pasok. O kung wala kang ginagawa sa mundo. Kung blogger ka, siguradong hindi ka mabobobo. Kasi kapag nagsulat ka ginagamit mo utak mo. Never ito naghihibernate. At kung bumisita ka naman sa ibang blogosperyo o blog sites ay marami kangmatututunan. Minsan pa nga, para sa akin, eto ang means ko para makabalita ng mga nangyayari sa mundo. Ano ba ang trending? Kung ano ba ang uso. Sino ang sikat at kung sino ang huling lumabas at na-evict sa Bahay ni Kuya. Pero dapat handa ka rin sa mga kritisismo ng iyong mga sinusulat lalo na kung medyo ma-pulitika ito o ma-relihiyon. Pero dito sa UNMC ay madalang ako magsulat ng mga puwedeng pagtalunan ng bawat tao. Ayoko ng ganun gusto ko ang lahat ay nakakarelate at dapat good vibes post lang tayo.
2. MAAAPRECIATE ANG TALENT MO
Kung ikaw ay isang photographer, pwede mong ipost ang mga litrato mo, mga kuha mo at tiyak akong mayroong magkokomento dito. Kung mahusay kang magsulat ng kwento, maraming blogger ang mambobola sa'yo na pwede ka nang magsulat ng mga articles tungkol sa isang washing machine, digital bidet, door bell, CCTV cameras at pati tabo. Kung mahilig kang magsulat ng tula aba pogi plus yan, may pagkakataon pang mainlove sa'yo ang mambabasa mo. Ang blog naman ay libre para sa lahat. Manunulat, photographer, artista, pulitiko, pokpok, tulak basta ba gusto mo magshare ng buhay mo sa mundo ay may kalayaan kang gawin ito. Sooner or later meron ding makakapansin sa talento mo hahaluan mo lang din ng pasensiya.
3. PANTANGGAL STRESS
Ano pa nga ba? Dito mo mailalabas lahat ng galit mo sa mundo. Sa boss mong inutil. Sa kaibigan mong aanga-anga. Sa mga kaaway na walang alam gawin sa buhay kundi bwisitin ka. Sa mundo, kung hindi mo kayang isigaw ang galit, dito mo ito mailalabas. Makakahanap ka pa ng kakampi. Merong mangangaral. pero karamihan naman sa kanila maiintindihan ka. Malalaman mo pang madalas na hindi ka nag-iisa. At syempre, maraming blogger din sa mundo na makulit.
Marami na rin akong ginawang ibat-ibang design ng FB cover page.
4. MAY MGA PERKS!
Ni minsan hindi pa ako nakakatikim ng libre dahil isa akong blogger, pero ang mga bloggers ay isa na ring target demographic ng ilang mga consumer brands. So kung sikat ka, puwede kang ayain para matikman ang pagkain nila para ireview mo sa blog mo. Madalas pa nga, mayroong mga tao na nagtatayo ng blog paral ang kumita. Di naman maitatanggi, meron naman talagang kumikita dito. Pero dahil traditional na blogger ako, itago sa bato, hindi ko gagawing business ang blog na ito. Ang punto ko lang naman, mayroongmga perks din ang pagiging blogger.
5. MARAMING MAKIKILALANG KAIBIGAN.
Ito na marahil ang dahilan kung bakit ako nagtatagal sa mundong ito. Marami akong nakikilalang mga bagong kaibigan dahil sa pagba-blog. Kahit pa sabihin nating tatlo o apat pa lang talagang ang nakikita ko, kahit sa mga kumento lang, at sa mga nababasa ko sa mga post nila, nagiging kilala at nagiging feeling close ako sa kanila. Palaging merong something na magkatulad kayo. Ang palitan ng kumento, mapupunta sa palitan ng numero. Di niyo na lang mapapansin nagkakape na kayo. At kung susuwertehin ka pa, maaaring dito mo rin makilala ang mamahalin mo at taong magmamahal sa'yo pang-habambuhay.
Kaya siguro, kahit na ilang beses akong mawala at hindi nakakapagsulat, palagi pa rin akong bumabalik. Masaya kasing maging isang blogger.
Ako nga po pala ay muling magpapasalamat sa lahat ng bumisita, nagbasa, nagfollow, naglike, dumaan, nagkomento, nag-ayang makipag-date, napadpad, umaway at nakipagdebate sa akin dito sa blog na ito.
Five years. Wow. Inuugat na ako dito sa blogspot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento