'Nasaan na nga ba sila Mamang Kartero?' |
Tanghaling tapat. Ala-una y media ng hapon. Katatapos lamang ng pinanonood naming Bulagaan 88 kung saan isa sa segment ng Eat Bulaga at pagkatapos ng huling banat na joke ay maghahabulan para magbatuhan ng keyk sila Tito,Vic at Joey, Toni Rose Guida, Ruby Rodriguez, Rio Diaz, Anjo Yllana at Christine Jacobs. Ang Eat Bulaga ang isa sa pinakamasaya at entertaining na palabas noong dekada 80s, 90s at hanggang sa kasalukuyan. Kasabay nito ang masarap na pananghalian kong hotdog with UFC banana ketchup at rice. Pagkatapos pananghalian ay kanya-kanya nang puwesto sa sofa upang manood o di kaya ay humiga sa lapag na may banig. Pagkatapos ng EB ay Agila na. Kabisadong kabisado ko ang introduction song nito noon ee. Pero pag ganitong oras pinapatulog kami ng nanay namin para daw kami ay tumangkad at lumaki. Pero eto tayo ngayon lumaki lang at hindi tumangkad. So, icoconsider ko na kasinungalingan yun para lang manahimik tayo sa tanghali at hindi mangulit.
Habang nakukuha ko na ang antok ko ay biglang:
"Manimbooooooooo!" animo'y tono ng ni mamang magtataho ang pagsigaw. "Manimbooooooooo!" Ayan na si Mamang Kartero. Kapag walang ginagawa si nanay ay dali-dali na siyang tatambay sa aming bintana upang magtanong kung meron siyang padalang sulat galing kay erpats. Si Manimbo nga pala ay ang apelyido ng kapitbahay namin back in the 80s era. Ito ang karaniwang uri ng komunikasyon noon ang pagpapadala ng sulat na ipinapadala naman sa postal office na kapag may natanggap kang sulat ay si mamang kartero naman ang magdedeliver nito sa yo. Sabi nga ng mga seller "on-hand". Si Nanay ko every weekend yan nagpapadala ng sulat kay erpats na nagtatrabaho noon sa Saudi. Ito ang kanilang komunikasyon simula't sapul na isinilang ako at isinilang ang kapatid ko. Walang humpay ang drama nila sa sulatan at ako rin naman ay laging nakakatanggap ng sulat kay erpats mostly mga greeting cards mapa-birthday man o Christmas cards. Nagpapadala din siya ng mga print na robots na puwede kong kulayan ng crayola.
The Carpenters - Please Mr Postman
"Dumating na ba si Mamang Kartero?". Ito ang sambit ng mga matatanda ng aming kapanahunan. Halos araw-araw nag-aabang sa pagdating ni mamang kartero upang malaman kung may dalang balita mula sa mga kamag-anak, kaibigan at mahal sa buhay.
Si Mamang kartero kabisado ang lahat ng kaniyang destinasyon. At siyempre kilala at kaibigan ng lahat si mamang kartero. Wala silang bisikleta o motor. Naglalakad lamang sila bitbit ang medium size na sling bag kung saan naroon lahat ng mga sulat. Dito ko din napatunayan na hindi pa ganun kainit noon kapag tanghali. Hindi katulad ngayon kung maglakad ka sa panahon ng summer sa katanghalian baka hindi ka tumagal at mag-passed out ka sa init. Ngayon kasi nakakadehydrate na ang init ng panahon.
Natatandaan ko pa ang pangalan at mukha ng aming kartero siya si Mang Mario. May puting balbas, nakasalamin, nakapolong puti na nakatuck in sa khaki na pantalon at may shoulder bag siya kung saan naroon ang mga sulat. Naging bahagi na rin ang kartero ng ating buhay sa tuwing naghihintay tayo ng padalang sulat o greeting card sa ating mga minamahal na nasa malalayong lugar.
Ganitong klaseng envelope yung ating natatanggap kadalasan, mapa-card man o pinakasweet na sulat ng isang magkasintahan |
Si Mamang kartero din ang nilalapitan tuwing may problema na kailangan ng pagpapatunay ng isang katauhan at kaniyang tinitirhan. Sa mga tamad pumunta sa Post Office para mahulog ng sulat, si Mamang Kartero din puwedeng ikatiwalang ipahulog ang sulat.
Lumipas pa ang isang dekada hindi ko na nasilayan si Mamang kartero. Nasaan na siya? nasaan na sila? mayroon pa bang naghahatid ng sulat sa mga bahay? mayroon pa bang Post Office? May saysay pa rin ba ang pagsusulat sa panahon ngayon?
Mabilis ang takbo ng teknolohiya, nariyan na ang mga social media at email. Madali at mabilis na ang mga usapan, tsikahan, balitaktakan at balitaan. Isang click na lang at kung mabilis bilis ang Internet service mo ay puwede pa kayong magkamustahan sa pamamagitan ng mga webcam at video chat apps. Sa ganitong paraan hindi niyo na mamimiss ang isa't-isa kahit malayo man ang kanilang lugar.
Sa ganitong paraan hahanapin pa ba natin si mamang kartero? kailangan pa ba natin siya? may silbi pa ba ang post office?
Moonstar 88 - Sulat
Sa aking mga nabasa ay buhay pa ang Philpost o Philippine Postal Corporation. Puwedeng puwede pagkatiwalaan ang iyong liham at subok na makakarating sa paroroonan. Ang pahayag nila na kahit lumiit ang traditional letters/personal letters na ipinapadala sa koreo, umakyat naman daw ang bilang ng mga liham pangangalakal o yung mga business letters sa iba't-ibang porma. Sa katunayan ay hinihimok nila ang mga kabataan at publiko na ibalik ang kamalayan sa pagsusulat sa pamamagitan ng 'National Letter Day'. Ang liham ay naging bakas na ng panahon na maaaring isama sa paglikha ng kasaysayan. Sana nga ay maging matagumpay ang proyektong ito upang maibalik ang sining ng pagliham at madagdagan ang kasanayan sa pagsusulat.
Pero nasaan na nga ba si mamang kartero? maaaring nariyan pa rin sila pero hindi na sila gaanong pansinin o baka ay na-upgrade na rin ang paraan ng kanilang pagdidistribute ng sulat. Baka si mamang kartero ay nakamotor na o de-kotse na. Pero napakasarap pa rin balikan ang nakaraan kung saan nag-aantay ka ng sulat galing sa iyong sinisinta at yung galak at excitement sa pagbubukas nito. At dahil dito ay naaalala ko ang sulatan ng aking nanay at tatay noong nabubuhay pa ang aking tatay. Hanggang ngayon ay narito at nakatago kung saang kahon ang mga sulat ni tatay kay nanay.
Hanggang dito na lang ang post na ito.
Nagmamahal,
ubasnamaycyanide
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento