Linggo, Hulyo 20, 2025

"Luhang Walang Tinig at Silang mga Nilalang na Walang Pangalan"

Sa bawat patak ng ulan na bumabagsak sa mga lansangan ng Pilipinas, may isang nilalang na basang-basa, giniginaw, at gutom na hindi kailanman ininda ng mundo—aso sa kalsada, tinatawag nating mga askal. Hindi niya pinili ang maging palaboy. Sa ilalim ng aspalto, sa gilid ng mga karinderya, sa lilim ng mga jeep, sa ilalim ng tulay, siya'y nakasuksok, nanginginig sa lamig, habang ang mga paa niya’y sugatan at ang tiyan ay kumakalam sa kawalan ng awa ng lipunan. Hindi niya alam kung kailan ang huling beses na may yumakap sa kanya, o kung kailan siya huling tinawag sa ngalan ng pagmamahal.

Kapag ang ulan ay bumuhos, tila ba sinasabayan nito ang kanyang iyak. Ngunit walang nakakarinig. Wala ni isang payong na iaabot. Sa halip, ang tangi niyang kasalo ay ang hangin ng pangungulila at ang tulog na gabing may kasamang takot sa paghabol ng mga asong mas malalaki, o sa pagdagit ng dog pound. Ang mga mahihinang hinagpis ng kanyang pag-iak kasabay ang pagtama ng malamig na hangin sa  kanyang sugatang balat at nalalagas na balahibo na animo'y impiyerno ang pakiramdam kaugnay ng pagkalam ng kanilang tiyan. Ang tanging komunikasyon nila sa tao ay ang panglaw ng kanilang mga mata at ang pagkawag ng kanilang buntot ay ay kanilang boses upang manghingi ng tulong sa kanilang pagkagutom ngunit mas lagi nating pinipili na bugawin sila papalayo dahil tayo'y nandidiri at natatakot.

Sa loob ng dog pound, hindi siya ligtas. Sa mga kalsada hindi rin sila ligtas. Hindi ito kanlungan kundi kulungan ng panghuling araw. Tatlong araw. Tatlong araw lang para sa pag-asa. Kung walang kukuha, kung walang magmamalasakit, ang hatol ay tiyak—euthanasia, o ang tinatawag nilang mercy killing. Pero anong awa ang kayang bumura ng buhay ng inosente? Paano naging mahabagin ang pagpatay sa isang nilalang na ang tanging kasalanan ay ang mabuhay sa maling lugar at maling panahon?

BAILEN - Stray Dog

May ilan sa kanila'y may sugat sa katawan, ngunit mas matindi ang sugat sa kaluluwa. Pinagsisigawan, binabatukan, binabato, sinasagasaan. May ilan na habang tumatawid, ay hindi man lang pinapansin ng motorista. Walang preno. Walang konsensya. Parang wala silang buhay. Parang wala silang karapatan. Walang ambulansiya para sa mga nilalang na ito at kung maka-survive man sila sa pagkakasagasa ay walang taong may pakialam na ipagamot sila at dalhin sa beterinaryo. Ganito kalupit ang tadhana ng mga asong walang pangalan. 

Hangad naming tuldukan ang delubyong ito. Sana'y dumating ang araw na wala nang dog pound na parang sentensiyang bitay ang pagbibilanggo. Sana'y wala nang mercy killing—dahil hindi kailanman naging awa ang pagkitil sa buhay. Nawa'y mahigpit na parusahan ang mga mapanakit sa mga hayop—mga pusong bato na walang malasakit sa pagdaing ng tahol at pag-iyak ng mga walang tinig. Nawa'y ang bawat driver ay matutong magmenor kapag may asong tumatawid, dahil kahit hindi sila marunong magsalita, may damdamin silang kayang masaktan, may pisikal silang katawan, laman at buto na kayang masaktan.

Ito ay panawagan, isang panalangin, isang sigaw mula sa puso para sa mga nilalang na inabandona ng lipunan. Hangga't may ulan na bumabagsak sa ating bayan, sana'y may liwanag na magsimulang sumikat para sa mga asong minsang naging kaibigan, bantay, at tagapagtanggol ng ating tahanan. Hindi sila basura. Hindi sila tanawin sa likod ng windshield. Hindi lang sila nagmimistulang drama bagama't kailangang tugunan ng pansin sapagkat sila’y may buhay, sila’y may halaga kahit sa kakaunting oras lamang nila sa mundong ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...