Isang umaga ng Sabado, dumating ng maaga ang ulan para kay Jorge. Alas singko pa lamang ng umaga, ngunit tila may tawag na gumising sa kanya — isang banayad na bulong ng ulan sa bubong, isang himig na tila nagsasabing, “gising ka na, may bagong araw na naman.” Di tulad ng mga araw ng pasok na laging kaladkarin ang antok, ngayon ay kusa siyang bumangon — walang pilit, walang pangamba. Tahimik ang paligid, ngunit sa kanyang dibdib ay may musika, isang awit ng katahimikan na hindi niya maipaliwanag. Walang bakas ng panaginip sa kanyang isip, ngunit parang may alaala ng langit na naiwan sa hangin. Ang bawat patak ng ulan ay tila nagkukuwento, mga salitang di marinig ngunit ramdam sa kaluluwa. Lumingon siya sa direksyon ng bintana; sa labas, nagliliwanag na ang langit — ang araw, pilit sumisilip sa mga ulap na tila nagtatampisaw sa ulan. Ang mga dahon ay kumikislap, parang pilak na sinag ng umaga, at ang hangin ay may halong lamig at pag-asa. Hinayaan niyang mabasa ng liwanag ang kanyang mukha. Sa sandaling iyon, parang tumigil ang mundo, parang ang lahat ay payapa, parang siya’y ipinanganak muli. Ang ulan, ang liwanag, at ang kanyang paghinga ay nagtagpo sa isang tahimik na panalangin. At sa gitna ng simpleng umagang iyon, na walang sigawan, walang karera, walang ingay ng daigdig — doon niya naramdaman ang biyaya ng pagising, ang ganda ng pagiging buhay, at ang hiwaga ng mga Sabadong walang hinihingi kundi ang pagdama.
Ngunit habang pinagmamasdan niya ang langit na unti-unting nililinaw ng araw, may biglang dumaan sa kanyang isip — isang alaala ng panahong siya rin ay nawalan ng pag-asa. Noon, tila hindi na niya makitang muling sisikat ang araw sa gitna ng unos ng buhay. Ngunit ngayon, habang nakikinig sa patak ng ulan na bumabati sa liwanag, napangiti siya. Naunawaan niyang minsan, kailangan talagang umulan upang mas mapansin natin ang araw. Na may mga bagyong dumarating hindi upang wasakin tayo, kundi upang paalalahanang may Diyos na marunong magpahinga ang kalangitan. Sa pagitan ng ulan at liwanag, natagpuan ni Jorge ang payapang paalala — na bawat paggising ay biyaya, at bawat Sabado ay isang paanyaya ng Maykapal na huminga, magpasalamat, at magsimulang muli.
Simpleng araw lamang yun para ka Jorge, dito maririnig ang mga hiyawan ng mga paslit sa lansangan, ang mga naglalako ng pang umagang agahan, nariyan na ang potpot pandesal at si mamang magtataho kaagapay din ng mga tindera ng puto, tinapay, kalamay, spaghetti, palabok at pansit. Tunay nga namang kaysarap gumising ng Sabado ng umaga — ang araw ng pahinga, ng mabagal na oras, ng halakhak at kape. Ang araw na panghugas ng ating mga pagod at pighati, ang araw na nagpapaalala na kahit gaano kabigat ang isang linggong nagdaan, may susunod at susunod na pahina pa rin para huminga.
Hinihele ng marahang pagpatak ng ulan ang Sabadong iyon — isang himig ng kapayapaan na tila nag-aanyaya sa kanya na magpahinga, makinig, at manahimik.Pumara, tumahan, humintot manalagin. Makinig ng radyo't namnamin ang musikang nababagay para sa kapayapaan ng umaga. Damhin ang malamig na hangin dulot ng mabagal na oras at dikta ng panahon — isang paalala na minsan, sa pagbagal ng oras, doon natin tunay na naririnig ang tibok ng buhay.
Kinabukasan ay Linggo — araw na ulit ng pasasalamat sa Maykapal sa isang linggong pinagdaanan, sa mga unos na napagtagumpayan, at sa mga liwanag na muling sumikat. At habang patuloy ang ambon sa labas, tahimik siyang ngumiti, buo sa loob ang dasal na sana, sa bawat pag-ulan, lagi rin siyang makatagpo ng dahilan upang magpasalamat.