Lunes, Disyembre 22, 2025

Disyembre ng mga Alaala


Pasko na bukas ngunit sana'y pag gising ko ay Disyembre ng aking kabataan. Mayroon sanang isang portal na hihigupin ka patungo sa lumang Kapaskuhan ng iyong kabataan at paggising mo ay kumpleto pa yung mga mahal mo sa buhay. Napakasayang tambayan ang Pasko noong aking kabataan, Setyembre pa lang ramdam mo na ang malamig na simoy ng hangin ala sais pa lamang ng gabi. Mabilis na magdilim at pababa pa lamang ang haring araw ay animoy nagkikislapan na sa galak ang mga krismas lights sa aming lugar sa dating tirahan sa San Andres Bukid, Maynila. Hindi gaya ngayon na sa simpleng barangay ninyo ay bilang na lamang ang nagdedekorasyon at dahil na rin nga mahal na rin ang bayad natin sa kuryente. Nagiging praktikal na lang tayo at tila nawawala na  yung mga nakaugaliang tradisyon natin tuwing Kapaskuhan. Bilang mag-aaral sa elementarya na taglay ang kakulitan ramdam ko ang Pasko dahil sa regalo, Santa, reindeer, Philcite o Boom na boom, tsibog, softdrinks, christmas party at kung ano ano pang makapagpapasaya sa mga batang katulad ko noon. Sorry po Jesus dahil hindi ko pa po talaga alam ang  tunay na kahulugan ng Pasko, ang alam ko lang ay kaarawan mo. Happy Birthday to you! Pero siyempre nun lumaon nalaman ko na ang tunay na kahulugan ng Kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan at higit sa lahat ay kapatawaran.

Noon pagkatapos matunaw ang mga kandilang itinirik, mga panalanging tinipon ng hangin at ipinabatid sa langit para sa ating mga minamahal na namayapa at pagkatapos na pagkatapos isukbit ni Bonifacio ang kanyang itak ay unti unti na nating nararamdam ang haplos ng malamig na hanging amihan bago pa lumubog ang araw. Ilalabas na muli ni Toto ang kanyang pinaka tago tagong krismas karoling kit mula sa ilalim ng kanyang higaan. Unti unti nang lilinisin ni Toto ang kanyang mga munting laruan para makadiskarte ng kaunting barya mula sa kanilang pangangaroling. Ang kanyang mini tambol na yari sa lata ng Birch Tree na kung saan tinanggal ang takip nito sa ilalim at pinalitan ng plastik, tatalian ng goma at presto meron ka nang mini tambol. Ang diskarte naman noon sa paggawa ng tambourine ay kailangang pasensiyoso ka. Pasensiya ang kailangan at dapat tambay ka sa mga  mini balkonahe ng mga sari-sari store. Mag-aantay ka ng may nagsosoftdrinks at aantayin mong mabuksan ang soft drinks at kailangan mong makaipon ng tansan. Ngayong may sampung tansan ka na ay bubutasan mo ito sa gitna. Kung merong extrang alambre si Nanay sa kanyang mga sinampay ay puwedeng mong gamitin ito at mula sa pagkakabutas ng mga tansan dito mo isusuksok ang mga ito at ibibilog ang alambre. Presto! meron ka nang pandagdag na ingay sa pangangaroling ang tansan-made tambourine. Noon dapat ala-sais pa lang naguumpisa na kayo ang pangangaroling kasi minsan first-come first-serve kung sino ang nauuna sila ang unang nabibiyayaan ng barya. Kalaunan kasi kapag nagsawa na yung mga nagbibigay baka ang sunod niyo na  marinig ay "Patawad" na lang, pero kailangan mo pa rin mag "thank you, thank you" bawi ka na lang sa bandang dulo ".....ang babarat ninyo thank you!"

Bakit Mas Buhay ang Pasko Noon Kaysa Ngayon?

Kung tatanungin mo kung bakit parang mas maraming alaala ng Pasko noong dekada nobenta kaysa sa ngayon, marahil dahil noon ay mas payak, mas sabay-sabay, at mas sama-sama ang lahat.

Noon:

  • Ang mga bata’y naglalaro sa kalye, sama-sama sa pangangaroling, walang cellphone na pumipigil sa kanilang pagtawa.
  • Bawat kanto may parol, kahit gawa lang sa kawayan at Japanese paper. Hindi mahalaga kung magarbo—basta may liwanag.
  • Christmas party sa eskwela? Spaghetti, pancit, palitaw, at isang boteng softdrinks na pinaghahatian ng lahat. At kahit simpleng exchange gift na laruan mula Divisoria, ang saya ay totoo.
  • Ang mga magulang, kahit kapos, pinipilit maghanda ng Noche Buena. Kahit pansit, fruit salad, at isang hamon lang—sapat na para maging engrande ang gabi.
  • OFWs noon ay kakaunti pa, at halos buo ang pamilya sa hapag.
Linkin Park - My December

Ngayon:

  • Ang mga bata, bihirang makitang naglalaro sa kalye. Mas abala sa gadgets, online games, at TikTok kaysa sa karoling.
  • Ilan na lang ang nagpapailaw at nagdedekorasyon, dahil mas iniisip ang bayarin sa kuryente. Mas mura ang virtual lights sa screen kaysa tunay na bombilya sa bintana.
  • Ang mga handaan, nagiging kompetisyon ng sosyal na handa. Buffet, imported fruits, branded na hamon—pero madalas kulang sa init ng pagsasama.
  • Marami sa pamilya, hiwa-hiwalay na. OFWs na kailangang magpadala na lang ng balikbayan box, video call ang kapalit ng yakap.
  • Ang diwa ng pagbibigayan, natatabunan ng consumerism. Ang tanong ng mga bata ngayon: “Anong regalo ang makukuha ko?” at hindi “Kanino kaya ako magbibigay?”

Siguro dahil bata pa tayo, buo pa ang ating pamilya, at buo rin ang ating pananampalataya sa mahika ng Pasko. Noon, sapat na ang liwanag ng parol upang magbigay ng ligaya, sapat na ang maliit na barya mula sa pangangaroling upang magsabog ng tuwa. Ang mga bata’y nagkakaisa, ang mga kapitbahay ay parang kamag-anak, at ang bawat kanto’y may alingawngaw ng awit at tawa.

Ngayon, tila nag-iba na ang lahat. Mas malungkot, mas magastos, at mas mabigat ang mga iniisip ng matatanda. Wala nang ganoong karaming bata sa kalye, wala na ring ganoong kasigla ang mga tahanan. Bihira na ang karoling; bihira na rin ang mga ilaw na nagkukumpol sa gabi. Para bang unti-unti tayong ninanakawan ng mahika ng Disyembre.

Kaya naman sa bawat pagsapit ng Kapaskuhan, lagi kong dalangin:

Sana, kahit isang gabi lang, magkaroon ng portal na magbabalik sa atin sa Disyembre ng ating kabataan. Sa mundong buo pa ang ating mga mahal sa buhay. Sa panahong kahit simpleng lata, tansan, at alambre ay sapat na para maramdaman ang pinaka-dalisay na kaligayahan.

Disyembre na bukas—ngunit sa aking puso, hinding-hindi lilisanin ang Disyembre ng kahapon.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads