Huwebes, Setyembre 3, 2015

Galawang 90's Throwback Memories Part 1



'Tohl, ikaw ano ang mga bagay na naaalala mo noong dekada nobenta? I-share mo naman sa comment box'


Time space warp ngayon din!

Eto na naman ako nananariwa ng mga alaala sa makalumang panahon, eto na nga yata ang bagong hobby  ko ang saliksikin ang mga taong nagdaan. Maaari mo akong ikumpara ang aking utak at memorya sa Yellow pages at mga Encyclopedia na hindi na muling nasilayan sa modernong panahon.  Sabihin mo nang ako si Mr. Throwback guy, pasensiya na at ito lamang ang kaligayahan ko ang maging historian sa nakaraan. Eh ikaw, tanong ko sa'yo masaya ka ba sa panahon mo ngayon kung saan kapag nag-joke na may halong kakornihan eh may parang tugon sa homily sa simbahan na dudugtungan ng "orayttt Rock and Roll to the world" puta anong kunek ng joke sa ganoong tugon? anong sense? Eh mas gugustuhin ko na ung slapsticks na pagpapatawa ni Dolphy at Panchito kesa sa ganyan. Mas mapapagulong mo pa ako sa kakatawa kapag sinasampal sampal na ni FPJ yung muka ni Boy Balisong sa  tuwing magsisiga-sigaan ito. Di rin ako natatawa sa pangungutya ng isang bakla sa kapwa tao niya para lamang makapagpatawa sa  live audience. Leche! tama bang pagtuunan ng pansin ang isang kawawang nilalang para kutyain at pagtawanan ng iba?  Ayoko talaga sa panahong ito. Ayoko!

Op! patalastas muna, isang makabagbag damdamin munang awitin ng Erasure.

Kaya eto, pipilitin ko na naman itong utak na ito na alalahanin ang mga galawan natin noong 80's to 90's. Paduguan ng memorya, ayos lang sanay na ako. Kung may mabibili nga lang akong Royco na noodles na hugis alphabetical letters ang noodles yuon ang mimiryendahin ko ngayon habang sinusulat ko ito. Sabay higop ng malamig na Fanta na ang flavor ay apple.

To'l ikaw anong naaalala mo noon? Share ka rin, mas okay kung mas marami tayong makokolektang datos mas masaya ang pagbabasa.

Ito ang aking sariling listahan ng aking mga naaalala:

*Kumakain ka ba ng aratilis?

Alatiris o aratilis kahit na ano pang katawagan nito alam ko siguradong nakakaen ka nito. Maraming katawagan sa bawat lalawigan, "saresa" ang tawag sa mga Kapampangan at ang ilan ay "mansanitas" sa bisaya, dahil siguro parang maliliit na mansanas. Noon kapag walang magawa sa  katanghaliang tapat eh paniguradong sa paghahanap niyo ng gagamba ng tropa eh maaagaw ang atensiyon niyo ng puno ng aratilis at doon eh magkakapitasan na ng bunga. Solve na merienda. Pero alam mo ba ang english ng aratilis tohl? Ang Ingles daw  nito ay "Kerson fruit" ewan ko paano naging Kerson may napadpad na naman bang Amerikano at siya ang unang nakadiskubre ng prutas na ito? Eh Amerikano ba yan si Kerson? di ko rin alam kung ano ang historya ng prutas na ito. Pero wag na natin masyadong pakaproblemahin ang mahalaga eh naging parte ang aratilis ng ating kamusmusan.

*Gumamela soapy bubbles.

Tohl, inuunahan na kita hindi porke't inilagay ko ang kulay plorerang gumamela sa aking tainga ay nangangahulugang beki na ako. Ang totoo gusto ko lang talaga gumawa ng bula/soapy bubbles mula sa dinikdik na gumamela. Puputol na ako ng tangkay at gagawing bilog at kapag handa na ang ating soapy bubbles na nasa taba ay puwede na tayong magpalobo sa pamamagitang ng  paghihip ng bula mula sa binilog na tangkay. Ang saya neto tohl, feeling fresh lalo na kapag dumadami na ang bula at dadampi sa iyong mukha. So soft, oh sooooo fluffy!

*Matulog ka!

Pero paano ka naman makakatulog noong panahon ng brownout, yung   araw-araw na laging otso oras na walang kuryente. Asan ang hustisya? Mainit, lalo na at paakyat ng paakyat ang oras ng katanghalian. "Hoy bata ka, matulog ka nga para lumaki ka!" Ah ganun 'nay, sinunod naman kita noon eh bakit hanggang ngayon pang-minions pa rin ang height ko? Aray ko 'nay! Tandang tanda ko nuon na galet na galet ang mga magulang natin kapag hindi tayo natutulog sa tanghali, dapat pagkatapos na ng Eat Bulaga o Student Canteen ng IBC 13 nananaginip ka na. Eh trip ko talaga yung opening theme song noon ng Valiente, kahit nakapikit na ako, napasabay pa tuloy ako sa kanta. Wapak! ng Spartan na tsinelas  tuloy ang aking naramdaman sa puwet! "Akala ko tulog ka na!" Pero ngayong matatanda na tayo ka hit gusto nating matulog eh hindi naman tayo makatulog, dahil na  rin siguro sa marami na tayong iniisip, katulad ng....  pag-ibig. Hugot!

*Saksak puso tulo ang dugo

Tol, hindi yan laro ng mga emotista, ito ang isa sa mga nilalaro namin ang Langit,Lupa, Im...Im... Imperno. Isa ito sa mga trip ko laruin tuwing weekend, kapag nagkatipon tipon na ang tropa sa kalye namin eh magdedecide na ang iba kung ano ang gustong laruin. Walang powers ang mga magulang magpatulog sa tanghali kapag weekend kaya sige lang sagaran ang laro hanggang ala-sais ng gabi. Dahil kapag ala-sais naman  ng gabi magtitipon-tipon naman ang pamilya para mag-rosaryo. Ewan ko lang ngayon kung may gumagawa pa nito, at pagkatapos  naman ng pagrorosaryo eh sabay sabay na kakaen ang buong pamilya. Masaya nuon kasi  extended ang pamilya namin, kung saan kasama ang mga pinsanin at mga kapatid nila ermats. Masaya kumaen ng marami, at sa hindi ko malamang dahilan gusto ko yung umiikot na bilog sa  gitna ng lamesa para hindi ka na  tumayo para ipaabot ang gusto mong ulam, kailangan mo na lang iikot. Ewan ko gusto ko lang siguro iikoot yun kasi maharot ako. Wapak! Spartan na naman! Ahoooo! Ahooooo! Ahuhuhuhu!

*Rainbow Brite

Oo! hindi ko ikinakaila na isa sa paborito kong cartoons noong dekada ay si Rainbow Brite. Yan ata ang lider ng LGBT groups. Ganito yung magagandang cartoons para bata ka pa lang matututunan mo na ang mga tamang gawain, si Rainbow Brite yata ang tagapamahala sa kalikasan, kasama ang kanyang sidekick na si Twink at ang kabayo niyang si Starlite (most magnificent horse in the universe) na mas makulay pa ang buhok kaysa kay Nina  ng ASAP. Ito na ata ang pinakamakulay na cartoons noong 90's kaya kung black and white ang telebisyon niyo di mo siya maeenjoy .

*Family Computer at Atari

Tanga tol, hindi yan sandwich maker. Yan ay FC o family computer na sinasalangan ng bala para makapaglaro ka ng video games sa  TV niyo, pero kelangan may splitter na tinatawag. Naadik ako di to lalo na yung putanginang Contra na yan, ah talagang nakakapag cutting classes pa ako nuon  (ssshhh wag kayo maingay hanggang ngayon di alam ni ermats) makapaglaro lang ng adiktus na Contra na ito. Ganito kaso  yung mga trip  kong laro ung barilan, ung ratratan, yung may tinatalong boss para makapag level up. Ewan, di ko alam pero wala talagang kurapan maski sinundo na ako  ni ma'am, nasabi ko pa "teka lang ma'am", pero natauhan ako ng si mam na nga pala iyon, akala ko  guni-guni lang. Buti na lang warning muna, bago bring parents. Thanks ma'am!

*Aquanet

Aquanet boys ka ba? Kung patigasan lang naman ng buhok noong high school champion tayo diyan. Bubudburan lang ng spray ng Aquanet muka  ka ng trolls, puwede mong gawin kahit ano sa bangs mo. Kanya kanyang hairstyle yan tohl, puweng brush-up, wavy o kachupoy. Yung kahit pa may signal no 3 na hindi pa rin nagugulo ang buhok mo dahil sa sobrang kapit ng Aquanet. Malupet, strong-hold talaga. Ang klasik na biro ng iba, "mahulog ang butiki, patay."

*Beverly Hills 90210

Poging-pogi ako sa sarili ko tol  kapag napapanood ko ito, kumbaga parang TGIS ng Pilipino. Lagi    kong napapanaginipan na ako si Luke Perry, ang heartthrob noong 90's. At kras ko di to si Shannen Doherty na lalong sumikat sa TV series na Charmed.

*Shaider

Ang tanong sino ba talagang gusto mo makitang umaaksiyon sa mga fight scene kalaban ang kampon ng kadiliman, si Shaider ba talaga o ang yellow polka dot bikini ni Annie? Joke lang walang polka dot pero talaga  nga naman kapag nakikipagbugbugan na si Annie sa mga halimaw eh napapawow ka, ang tanong ulet san ka napapawow, sa mga moves ba ni Annie o ikaw mismo ang gumagawa ng da moves mo. Op! op! san ka pupunta  kakaihi mo lang pupunta ka na naman ng banyo? Wag ganun tohl! Teka si Shaider nga pala ang pinaguusapan dito, si Alexis ang Pulis Pangkalawakan sino ba namang Batang 90's ang makakalimot sa  kanya. Nasaan na ang Blue Hawk? si Ida na di mo malaman kung anong kasarian, at si Puma Ley-ar naaalala mo pa ba? Time space warp ngayon din! Pagkatapos eh makikita   mo na lang si Shaider na nakikipagtunggalian na sa halimaw sa loob ng milyun-milyong dry ice at paghupa ng usok dapat tegi na ang kalaban. Sa  totoo lang manghang-mangha ako sa mga galawan ni Shaider, kaso wala na nilamon na ng panahon ang kasikatan nila kasama sila Mask Rider Black, Magma Man, Ultra Man, Bio Man at Mighty Morphin Power Rangers. Ano na ang napalet sa palabas sa tanghali? yung mga Passion passion de Amor na yan kaya kahit sa katanghaliang tapat nag-iinit ang mga kalalakihan, o di kaya eh yung drama sa siyete pagkatapos ng eat bulaga na parang di man lang nakapag almusal yung mga artista kung umakting. Olats na panahon!

*Payphone

Noon nakakatawag pa tayo sa payphone sa pamamagitan ng tatlong beinte singko lang ang dala. Ngayon kapag ibinayad mo ang tatlong beinte singko sa jeep o ipambili mo sa tindahan eh mahihiya ka na. Pero bakit ako mahihiya idol ko ata si Richard Reynoso sa kanta niyang "Tatlong beinte singko." Balik tayo sa payphone, nauso ito noon ng hindi pa umuusbong ang industriya ng cell phone, easy call pa noon ang pinakasikat. "Beep me" ang tawag sa text sa easy call. Nagkaroon ng payphone para sa madaliang pag transmit ng komunikasyon, yung mga walang  easy call o telepono sa bahay ay puwede silang makakonekta sa kanilang tatawagan sa pamamagita ng payphone na kadalasang makikita natin sa sulok sulok na bahagi ng ating mga komunidad, karaniwan akong  nakakakita nito sa tabi ng Mercury Drugs. Subalit nang sumikat na ang Nokia at kung anu-ano pa unti-unti nang nawala ang payphone, kasama na rin ang mga magsising-irog na magkaka phone pal na laging nakababad sa loob ng payphone, aba at naging hobby na ata. Marami akong kakilala na naglalandian sa pamamagitan ng payphone at imbis na makasingit ka ng tawag dahil may emergency eh kailangan hintayin mo pa ang landiang komunikasyon na  yun. Mabuti na lang din at wala na gaanong mga payphone. Buti naman.

*Pencil Case

Sikat ka sa klase kapag meron kang pencil case na maraming compartment, ipinagyayabang mo ito sa mga kaklase mo kapag nilalabas mo sa bag mo slow-motion with matching tunog ka pa ng spaceship na lumilipad pababa sa armchair mo. Sabay lapis lang kailangan mo, pero bubuksan mo pa rin lahat ng sisidlan sa pencil case na yun. Di mo lang alam na naging epal din tayo nung mga bata pa tayo. Pero wala pa naman sa isip natin yun, siguro lang dahil natutuwa ka lang sa kakaibang pencil case  mo. Korni kasi yung iba, kapag binuksan yung tunog latang pencil case...."ayyy ang korni naman ng pencil case mo, lapis lang ang laman, tsaka pagkabukas mo andun na ang lahat, hahaha!"

*Magnolia Chocolait

Ahhh eto ang the best, tandang tanda ko talaga ito dahil sa isang linggo dalawang beses nagdedeliver sa amin ng bote ng Magnolia Chocolait si Manong, naka owner type jeep pa sila nuon kapag nagdedeliver at umagang umaga, kaya naman bata pa ako sawang sawa na ako sa Magnolia, bago pa lumabas  yang mga Moo na yan at Chuckie. De bote ang deliver nito nuon at talaga nga namang nakakaipon kame ng maraming bote pagkalipas ng bawat isang buwan. Sobrang sarap at tamis ng Magnolia Chocolait at  hindi lang chocolate flavor ang inilalako sa amin dahil meron din milk flavor at orange flavor. 

*Tsinelas Thrills

O wag ka, dahil sa isang kulto na kumakalat nuon sa Luzon eh halos alas siyete pa  lang ng gabi wala nang tao sa kalsada at yung kadalasan na pag-iwan ng mga tsinelas sa labas ng bahay eh wala kang makikitang tsinelas na nakakalat sa bukana ng pintuan niyo. Bakit? dahil daw sa kulto na kapag naiwan mo ang kahit isang pares ng tsinelas mo ay dadasalan nila ito at sa paghimbing ng pagtulog mo ay gigising ka na animoy may tumatawag sa'yo, kumbaga "sleep-walking" gising ang diwa mo pero may kumokontrol sa'yo sa pamamagitan ng hipnotismo. At kapag natunton mo na ang lugar kung nasaan ang sinasabing kulto ay bigla na lang daw papalakulin ang ulo mo. Ayun tegi ka. Ewan hindi ko alam, pero kinatakutan talaga namin ito maski sa barangay namin nuon eh nagkaroon pa kame ng miting kay chairman na lagi daw ipasok ang mga tsinelas sa bahay. Eh nagkataong nakatapak ako ng tae nuon pauwi, magagabi na at hindi ko na mahuhugasan dahil sarado na sila Ka Puring, sila lang kasi ang may poso sa barangay. Ah, iwan ko na lang, bahala na. Kinaumagahan andun pa rin naman yung tsinelas, syempre andun pa rin yung tae, so hindi pala kumukuha an gkulto ng tsinelas na may tae. Hahahaha!


Eto naman ang ibinahagi ng ating mga kaibigan:


Mula kay Gee ng Gen.Trias,Cavite




* Tuwing umaga ung folding bed ginagawa kong bahay tapos harangan ng karton pinaka pintuan nung 4yr old ako

* Yung hagdanan na ABCD game kung yung tipong ididikta ng taya kung san kang hagdan pupunta hanggang sa malipag mo isang paa mo sa based sa baba ng taya sabay akyat sa A ulit.

* Sumpitan - ginagamitan ng straw at munggo or bungga puno sa tapat kung anu makita na pwede.

* Mag-bike tuwing hapon at makipag habulan sa may aso.

* Tumikim ng katas ng santan pag tag bulaklak na kasi matamis. haha!

* Mag unggoy unggoyan arong baraha sa hapon.

* Maglaro ng sungka.

* Larong pelet gun.

* Nakikipaglaro sa mga lalake ng TXT tipong sailormoon lahat ng txt.

* Larong POG

* Jolen jolen tipong maglalagay ng butas sa lupa at doon i shoot.

* Dampa gamit ang palad na may pwersa ng hangin upang makarating sa based ang goma ng paunahan sa kalaban.
* Leron-leron sinta kapag mabilis ka matindi ka.

* Daddy and mommy we can love one - laro sinasayaw isa isa kapag naituro na ang magkamali out.


Mula kay Jacq ng Cavite






* Paglalaro di mawawala bilang musmos. Lahat ng pang-girly games ang hindi makakalimutan.

* Love team ni Marvin at Jolina!

* Ang paborito kong jackstones at mga exhibitions nito.



Mula kay Millet ng London,England





* Yung gumamela pinipitas namin sa kapitbahay dahil ayaw ni lola ng gumamela sa harap ng bahay nya anyways hindi gumagana ung gumamela.

* Aakyat kami ng puno ng mangga tas bibilu ng toyo or alamang sa tindahan or kukuha sa kusina ng lola ko ng bagoong.

* Aakyat ng puno ng duhat, rambutan, macopa tas pag maxadong marami kami nakukuha binebenta namin sa mga kapitbahay.

* Around 3/4 pm dadaan kami sa bahay namin para magmeryenda after meryenda laro ng sepa, tagutaguan (aakyat kami ng puno para di kami makita)

*Pag maayos pakiramdam ko... nakakalakad or takbo ako papunta sa bukid maliligo mga kaibigan ko sa irrigation ako nanonood lang.

* Mamimingwit kami sa fish pond ng walang paalam.



Mula kay Paula ng Manila





* Sweetcorn na tsitsirya

* Larong patintero sa hapon

* Paborito ko ang TV show sa gabi yung Okatokat.



Teka, teka bago pala magtapos ang unang parte ng post ito, wag din kalimutan ang sayaw at kanta ng tony tony popony at ang bandang kinakiligan ng mga nene ang bandang masarap i-ulam, ang Menudo.

Sana ay napangiti at napasaya ko kayo sa pag-alala at pagbalik tanaw natin sa dekada nobenta. Kita-kits sa part 2.

Magandang gabi!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento