Miyerkules, Setyembre 30, 2015

TaskUs Pet Lover's How To Save a Life: Operation Krusty



'Every life is precious.'

"You have not lived today until you have done something for someone who can never repay you."

'Saving One Dog will not change the world, but surely for that one dog. The world will change FOREVER.'


Buto't balat, halos bakat na ang kanyang ribs sa pagkapayat, nagmumuta, may sugat sa muka at pipilay-pilay nang makita ko ang asong ito sa labas ng aming opisina. Halos madurog ang puso ko nang makita ko siyang tuliro at balisa, hindi malaman kung saan pupunta, paikot-ikot at halatang nag-aalangan sa mga  taong lumalabas pasok sa aming building. Bahag ang buntot na nangangahulugang takot ang kawawang nilalang. Bago ako tuluyang umuwi pagkatapos ng aking shift ng bandang alas dos ng hapon, ay sinubukan ko siyang hanapan ng maipapakaen, dumiretso sa kainan ni Aling Pat ngunit tanging gulay na lang ang natira. Subukan ko sanang umakyat pa sa pantry ngunit mataba ang inyong lingkod at madali nang hingalin, kaya't sinubukan ko na lang sa Mini Stop makadiskarte ng kung ano mang puwedeng pamatid gutom niya.

Ito ang unang pagpapakaen sa kanya para maibsan ang gutom sa kanyang nangninipis na sikmura, Sinubukan ko ang "hot chix" na alam ng karamihang kainin. Pagkatawid, hinanap ko ulit siya pero hindi ko na nakita, umakyat muna sa taas upang magbawas at nagbaba-sakaling sa aking pagbaba ay makikita ko siyang muli. Nakita ko siya na malapit na sa entrance ng pintuan, inilapag sa harap niya ang pagkain ngunit bahag ang buntot na lumayo. Ang akala niya siguro ay sasaktan ko siya  o sadyang natakot siya sa muka ko. At dun ko nakausap ang isang sentinel at ang sabi niya "salamat, gutom na nga yan" at itinuro yung isa niyang kasamahan at sinabing kanya ang  asong iyon.

At doon ko siya sinubaybayan...

"Mabuti pa ang aso loyal ang tao hindi." Yan ay isang katotohanan na hindi mababali kailanman, kung puwede nga lang umibig sa isang aso. Biro lang! Pero kung pagiging loyal  nga ang paguusapan, gayong nalaman ko na siya ay pag-aari ng sentinel o guard sa aming pinapasukan, napansin ko, na kung nasaan ang kanyang amo sa dalawang building kung saan nakadestino ay naroon din siya pumipirmi at nagbabantay. Kadalasan mo siyang makikita sa ilalim ng mga kotseng naka park sa aming building. Tahimik na nag aabang kung sakaling lilipat naman sila sa ARC, pasunod sunod at nakabuntot  lamang. Makikita mo na determinado ang munting nilalang na mabuhay sa lansangan kahit alam nating sa kalagayan niya nuon na maraming sugat at paniguradong may nararamdaman na sakit sa katawan kasama na ang pagkapilay niya.

Naulit ang pagkakataon na nakita ko siya sa ARC building bago ako magbreak para maglunch, naroon lamang siya sa ilalim ng pulang kotse sa tindi ng init ng sikat ng araw. Hindi pa marunong kumain ng kanin ang ating munting kaibigan kaya't manok na lamang ang ibinigay ko sa kanya pagkatapos mag lunch sa pantry. Mula sa kanyang pagkakalugmok kung tignan na paghiga sa ilalim ng sasakyan, agad niya naman nginasab ito habang hawak ng dalawa niyang kamay. Duon ko nasabi sa sarili ko na may pag-asa siyang mabuhay dahil hindi siya tumatanggi sa pagkain. At dun ko na nga nakita na pinag-uusapan na siya sa TaskUs Pet Lovers Chatroom kung saan minsan nanonood lang ako ng chat, hanggang sa makita ko at nagtatanong sila kung may nakakita sa asong ito, sinigurado ko muna kung siya nga ang hinahanap nila, inilarawan at...... sakto siya nga ang kanilang hinahanap. Nabanggit ko na huli ko siya nakita sa ilalim ng pulang sasakyan na nakapark sa ARC Building at mula duon simula na siyang alagaan ng grupo at dito nakaramdam ng unti-unting pagbabago at ginhawa ang ating kaibigan.

.....at tinawag na nga natin siyang KRUSTY! Simula na ng kanyang make-over. Dumating ang mga tulong magmula sa pagkain,vitamins,pet treats,sabon,canned goods,at leash para hindi na pagala-gala si Krusty sa kalye, mahirap na at baka mahagip pa ng mga walang pasubaling driver sa daan.



Ang TaskUs Pet Lovers ay isang grupo sa aming kumpanya kung saan hindi lamang ang mga sariling mga alaga sa bahay ang binibigyang pansin at pinag uusapan. Hindi lamang pagpopost ng mga pictures at videos sa groups sa Facebook. Marami nang nagawang kabutihan ang  grupong nabanggit at aking sinalihan. Para sa akin, ito na yung pinakamagandang tulong na puwedeng maibigay ng isang nilalang, bakit? sapagkat buhay ang pinag-uusapan, ang layunin ng grupo ay bigyan ng pagkakataon mabuhay at bigyang kaukulang pansin ang mga asong pakalat-kalat sa kalsada na inabandona ng kanilang mga dating amo. Magmula kay "Minnie" stray dog ng Mini Stop na nahanapan ng owner ng grupo; kay TU ang asong laging sumasalubong sa mga empleyado sa entrance door ng TaskUs DeCastro Bldg at ang kasalukuyang nirerehab ng TUPL si Krusty.

Saan ka makakakita ng ganitong kumpanya kung saan binibigyang halaga ang buhay na mabuhay kahit sa sandaling panahon, ang makaramdam ng pagmamahal at importansiya. Kaya't mas lalo kong pinagmamalaki ang aming kumpanya, sa kanilang pamamaraan mas lalong maraming mapapahanga at mas maraming inspirasyon ang mabubuo dahil sa kabutihang taglay ng bawat miyembro. Isa lamang pagpapatunay na hindi lamang ordinaryong pasok-trabaho-uwi-sweldo sa halip ay tumutulong buhayin ang dahong nalalanta sa pait ng mundong ginagalawan ng mga stray dogs na ito. Saan ka makakakita ng  asong pinaliliguan ng empleyado habang nagtratrabaho, saang kumpanya ka makakakita ng kusang loob na  donasyon ng mga empleyado na nagbigay ng mga pakain at pet goodies? at saan ka rin makakakita ng tulong para dalhin at ipacheck-up sa beterinaryo ang asong kalyeng ito? 

TaskUs Pet Lovers - 'Helping hand to save life'
At mula sa kanyang mala kawayang katawan unti unti na ang pagbabago ni Krusty, tinutubuan na siya ng balahibo para maprotektahan ang kanyang manipis na katawan, at panalangin na rin ng lahat na mas kumapal pa ang kanyang balahibo at patuloy pa rin sana ang pagbibigay ng food donation para sa kanya. Ang bahag na buntot ay napalitan ng masayahing pagwagwag, masigla at payapa at malayang nakikisalamuha na sa mga empleyado ng TaskUs. Wala  ng sasarap pang makasagip ng buhay na ang akala  ng lahat ay wala ng pag-asa,  at kung  nakita mo at nasubaybayan mo sa simula  ang asong ito, mas lalo kang matutuwa sa laki ng pinagbago ng kanyang katawan. Kaya't maraming  salamat sa  TaskUs Pet Lovers na ka-isa ako sa grupo, maraming salamat din sa TaskUs na nagbigay pahintulot para makahanap ng pansamantalang bahay si Krusty sa loob ng isang kabinet sa likod ng building. At sana nga ay mas lalo maging malusog ang ating munting alaga, at matuloy din sana ang donation ng kanyang kennel.

Hindi lamang ako ang nasisiyahan sa tulong na inyong ginagawa, marami ring ibang tao ang natutuwa sa ipinapakita niyong kabayanihan. Kung makakapagsalita lamang ang mga asong ito ay taos puso ang kanyang pagpapasalamat dahil sa ikli ng itatagal ng kanilang buhay nakaramdam sila ng importansiya, pagtitiyaga, at higit sa lahat pagmamahal. Kabutihan ang  ipinakita, ay kabutihan din ang ibabalik ng Diyos para sa ating kumpanya. 

Mabuhay tayong lahat at sana'y ipagpatuloy nating lahat ang ating ginagawang pagtulong. Walang sanang magbago at walang bibitaw, malay natin balang araw baka magkaroon na tayo ng TaskUs Animal Rescue Shelter. :p

  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento