'Apat-sapat. Sapat sa umagahan,tanghalian, meryenda at hapunan.' |
Pumapasok sa trabaho si Francis ala-sais ng umaga. Siya ay isang masipag na empleyado at kailaman ay wala kang makikitang markang absent o di kaya ay lateness sa kanyang attendance, kahit pa sabihin nating tinanggal ng opisina ang incentive na anim na daan sa mga empleyadong walang absent o late kada isang buwan.
Subsob sa trabaho ang ating kaibigan, isa si Francis sa may magagandang rekord sa score cards sa kanilang kumpanya. Walang reklamo ang kanyang Team Leader at mga kasamahan sa kanyang pagtatrabaho maging ang mga kliyente nila sa Amerika ay natutuwa sa kanyang mga pagsagot at pagbibigay ng solusyon sa kanyang trabahong Email and Customer Support Specialist.
Alas diyes. Nagsilabasan na ang mga kasamahan niya sa opisina. Lunchbreak. Niyaya siya ng mga ito na mananghalian kila Aling Pats ang katabing karinderya sa building. "Sunod na ako, tatapusin ko lang itong mga pending kong emails, marami-rami pa eh. Panay urgent response kasi ito." wika niya.
Naiwan siya sa opisina. Pinaspasan niya ang trabaho. Unti unti nang umiinit at tumatanghali na at hindi na masyado kinakaya ng aircon na lamigan ang buong floor. Hinubad ni Francis ang kanyang blazer. Tinext na siya ng mga ka-opisina kung nasaan na siya. "D p t4p0s, n3xT t!m3 n4 lH4n6z. NwY, I'l jUzZt e4t mY b40N heR3."
Kinakailangan niyang ma-promote. Kailangan niya lng siguro ng magandang break. Baka nga sakaling ito na ang kanyang break.
Mula sa kanyang kinauupuan, kitang-kita niya na nagdidilim na ang langit. Dumukot sa pitaka. Binuksan. Tinitigan ang larawan ng mga anak. Binilang ang mga barya sa pitaka. Muling tinignan ang langit. "Wag kang uulan. Wag. Wag naman sana."
Kumalam ang kanyang tiyan, binuksan ang bukanang zipper ng bag. May isa pang pakete ng biskwit. Binuksan niya ito. Kinain. Tumungo sa water dispenser. Kinuha ang tumbler. Uminom ng tatlong tumbler ng malamig na tubig. Napadighay siya. Bumalik sa puwesto. Muling tinitigan ang nagdidilim na kalangitan.
Napailing siya, at nagsalita sa sarili. "Makisama ka naman." "Wag kang uulan. Wag ka sanang umulan hanggang mamayang uwian", muling binilang ang barya sa pitaka......
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento