Sabado, Pebrero 6, 2016

Nine Lives Love and the Happy Meowmories



'As your pet gets older,  triple your love to them.'

"Time spent with CATS is never wasted."

Oh where, oh where, can my baby be?
The Lord took her away from me.
She's gone to heaven so I've got to be good,
So I can see my baby when I leave this world.


Eto.. ito na nga siguro yung mga panahon na natatabunan ako ng takot at pangamba. Ako kasi yung tipo ng tao na hindi makaalis-alis ng bahay kung alam kong merong hindi tama na nangyayari sa loob ng bahay. Ayoko ng may aalalahanin, iisip-isipin at magiiwan ng tanong sa isipan at  puso kapag mawawala ako sa piling ng aking mga kasamahan sa loob ng tahanan. Kasama na dito ang pag-aalala sa itinuring na naming pamilya...ito ay ang aming mga alagang hayop. Dito ako nababakla, dito nababading, dito ako natatakot sa tuwing mayroong matamlay na nilalang sa apat na kanto ng bahay na ito. Natutunan kong hindi lamang pala pagmahahal, pag-aalaga, sapat na pagkain ang kailangan kung gusto mong  mag-alaga ng hayop. Sa loob ng pagmamahal na yun ay kailangan mo rin ng sapat na medikasyon para sa kanila. Sa totoo lang ang una kong piniling kurso sa kolehiyo ay ang pagiging beterinaryo. Pero agad na pinunlaan ng batikos ang gusto ko maging, kesyo wala naman daw  talagang kita duon, walang pangarap na bubuo at hindi ka yayaman. Pero sa isip isip ko, hindi ko naman kailangan magpakayaman at ang tanging hangad ko lang naman sa buhay na ito ay makatulong sa mga nilalang na unang ginawa ng Diyos at pinabayaan at brutal na unti unting pinapatay ng mga tao. Masakit lang isipin na parang puppet na lang managasa ang iba nating kababayan sa kalye. Kahit puwede naman nilang pigilin ang bilis ng pagtakbo ng sasakyan nila ay tuluyan pa rin at walang awang sasagasaan ang kawawang nilalang sa daan. Tanong ko sa inyo? Alam ba nila yun na masakit? Alam ba nila na magkakalasug-lasog ang  mga katawan nila kung hindi kayo naiwasan? Minsan wala na rin tayong puso at wala na talaga. Merong ibang amo na mag-aalaga lang dahil gusto ng anak nila, kyut at maliit na tuta at masaya ang bata at kapag nagsawa na ang anak nila dahil malaki na ang aso at hindi na nakakapagbigay ng kasiyahan ay bigla na lang ididispatcha, ang malupit  niyan kadalasan sa highway pa iiwan, kung saan maraming siraulong driver na nagkalat, thrill seeker at malalakas magtrip. Ganito yung mga amo na dapat ay sinusunog din ang kaluluwa sa impiyerno. Pakiusap wag na lang po tayong mag-alaga kung ganito lamang ang inyong gagawin. Sana tayo mismong mga magulang ang magturo sa at ing mga anak na mali ang ganoong gawin at hindi  tama paglaruan ang hayop na katulad ng kuting na ishushoot mo sa imburnal, dadamputin ang hayop at ibabato bato. Putangina! nasan ang ginintuang aral na tinuturo niyo sa mga anak niyo? Dapat mga bata pa lang ay tinuturuan na natin sila bigyan ng importansiya ang bawat nilalang na gawa ng Diyos buhay man o hindi, hayop man, mga puno man o halaman. Turuan natin sila na bawat buhay ay mahalaga.

Dumating na naman sa akin  yung kalungkutan na nawalan ka ng kapamilya. Siyam na buhay ngunit di sapat para makapiling mo ang mga alaga mo ng pangmatagalan. Labinglimang taon! Labinglimang taon na pagtawag sa pangalan mo, labinglimang taon na paghagod ko sa ulo at pisngi mo, labinglimang taon na paghahasa ng matutulis mo ng kuko sa punong kahoy pagkatapos  mong makapananghalian ng paborito mong bangus. Ngunit sa labinglimang taon na yan, simula sa araw na ito ang lahat ng yan ay unti-unting maglalaho. Alingawngaw ng pag-meow  mo sa umaga para gisingin ang aming mga sarili, minsan ay sa bintana ka pa ng kwarto dadaan at mararamdaman ka na lang ng aking kapatid na katabi na niya sa  kama.

Taong 2001, ikaw ang pinakamataray na kuting. Parang teleserye rin ang naging buhay nila. May kapatid siya na Pikit ang pangalan at siya naman ay si Dilat. Magkagalet ang dalawang pusang ito at minsan di mo talaga mapigilan ang cat fight. Nauwi na lang lahat at umabot sa sitwasyon na hindi na nakapasok ng bahay ang isa. Sabihin nating siya ang naging alpha cat ng bahay at yung isang pusang kapatid niya naging stray cat ng subdivision. Pero buhay pa yung isa at malusog,  bumabalik balik para makikain. 

Nangyari na  rin na itinapon kita sa bukid at natatandaan kong umuulan ulan pa noon dahil nilantakan mo yung isang love bird na alaga ko rin. Sa galet ko sa'yo ay naihagis kita sa likod ng bahay pero naawa pa rin ako sa'yo dahil nangangatog ka sa lamig sa labas at bumalik ka pa rin sa amin. Nagkaroon ka ng maraming barakong pusang boyfriend at lagi kang umuuwing buntis kaya naman may mga naiwan ka ring mga anak na bumabalik balik din sa bahay para kumain. May pagkakataong hindi kami makatulog sa ingay niyo sa bubungan at tila naguusap kayo ng pusang barako sa bubungan at natatandaan ko ang mga tonong "nyaaaawwww" (now) "not nyaaaaawwww" (not now) hanggang sa nagpagulong gulong pa kayo sa bubungan at naglandian. Sweet din ng mga pusang ito.  Under the pale moon light pa kayo  nag-aanuhan. 

Ngunit itong mga nakaraang araw, antagal mong nawala. Baka kako nagtanan na siya. Hindi ka bumabalik sa oras ng kainan, hanggang isang araw lulugo lugo ka na lang at ayaw mo na kumaen. Siya din kasi yung reyna ng chichiria, malakas kumaen ng junk foods ang pusang ito. Hanggang sa mga sandaling ito  hindi ko talaga alam kung anong nangyari sa  kanya sa labasan. At kanina habang ako'y papaalis sa trabaho ay hindi ko napigilang lumuha dahil alam kong lumalaban ka. Pinilit mong maglakad ngunit hindi mo na talaga kaya. Hiniga na lang niya ang katawan niya malapit sa pinto. Ayun ang huling paghaplos ko sa ulo niya at binulungan kita na kung di mo na kaya ay magpahinga ka na. At yun ang sinasabing kong bigat ng pakiramdam na ayaw ko nang maulit ulit pa sa tuwing aalis ako ng bahay na ito. Gusto ko lahat kayo ay masigla, masaya dahil ang isip ko rin ang nangangamba.  At pag-uwi ko ngayon, pagbukas ng pinto sa akin ay binalot ka na ni ermats sa isang tela. 

Wala ka na pala :(






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento