Sabado, Marso 24, 2018

Isa Munang Palataspas



'Palaspas by the window'


Isa munang pampaantok.

Ang pananampalataya ng isang tao para sa akin ay hindi nasusukat sa kung ilang beses ka magsimba. Kung anu-anong berso ng gospel at mga palamuting quotes na ipinopost natin sa Facebook. Kung anu-anong dasal ang nagagawa mo, kung anu-anong pagpapahirap sa sarili sa pamamagitan ng penitensiya at pag-aayuno dahil hindi naman talaga naququantify ang faith natin sa Kanya as long as naniniwala ka sa Kanya at kinakausap mo siya sa kahit anong paraan na alam at kaya mo.O baka naman kapag kinakausap nga natin siya sa simabahan ay panay kahilingan lamang ang ating ipinagdadasal? Tandaan mo na hindi siya si Prinsipe K ng Okay Ka Fairy Ko na pagbibigyan lahat ng kahilingan mo, hindi mo siya napulot sa isang bote at hihimashimasin para humingi ng tatlong kahilingan. Siya ang Dakilang Lumikha, Ang Walang Hangganang Pag-ibig at Ang Umpisa't Katapusan. Lahat tayo'y magbabalik sa kanya sa pagdating ng panahon.

Hindi ko rin alam pero ang mga katanungan nila para sa akin ay paano daw ba ako magbabalik loob sa Diyos? Wow ha! Teka.... bakit naman? Kamukha ko na ba si Hell Boy? Hindi naman kasing-pula ng Johnson's floor wax ang aking mga balat para magmistulang kampon ni Satanas ah? Ganun na ba katulis ang sungay ko para tanungin niyo ako ng ganyan? Sir/mam hindi po sungay ang matulis sa akin. 

Alam ko naman na monthly lang ako nakakabisita sa simabahan. Mas madalas akong dinadala ng aking mga paa sa tagayan ni San Miguel at siya lang ata ang santong nakikilala ko. Minsan naman ay nagagawi rin ako sa tayaan ng Lotto, o sa bilihan ng porno. Kaya marahil ay hindi pinagpapala ang aking kapalaran dahil sa mga nababalot na kademonyohang ito.

Ewan ko ba pero nagawi naman ako sa Simbahan noong Pebrero 14 upang magpalagay ng krus na abo sa noo kesa magpakasilaw sa mga pulang bagay na katulad ng mga lobo't, mga rosas. Hindi ko pinili ang matatamis na tsokolate dahil wala naman akong matatanggap at wala din naman akong pagbibigyan. Hiniling ko na lang na sunduin ko ng mga pulang kabayo na luabas sa isang bote at magpahatak papalayo mula sa simbahan dahil naduwag ako't gusto ata ni padre na ibaon ang krus sa aking cerebrum. Namemersonal ata si Father at may galit at diin ang pag-ukit ng krus sa aking noo. Kulang na lang iyon umusok at umikot ang aking mga ulo at maghahalakhak ng walang dahilan sa loob ng Simbahan.

Pero alam niyo hindi ko naman talaga kelangan magbalik kay Bro este sa Diyos pala. Dahil hindi naman talaga nawala ang loob ko. At para maniwala kayo magpapapako ako sa krus sa darating na Semana Santa at magpapahagupit ng latigo at kadenang pang thugz sa aking likod. Siyempre biro lang yun. Kapag ginawa ko yun parang sinabi ko na rin na titigil na ang korapsyon at political dynasty sa ating bansa.

Huwag kayong maniniwalang malapit na sunugin ang kaluluwa ko sa impiyerno. Tsika lang yun. Hilig ko lang talaga ang paglalaro ng apoy. Naiingit ako sa mga taong tinu-toothbrush at ipinangmumumog ang apoy, sumasayaw na may umiikot na apoy, naglalakad ng nakayapak sa apoy at yung mga taong kayang pasuin ang kanilang mga sarili ng hindi nasasaktan. Aliw na aliw ako sa mga ganyan at kadalasang makikita mo sa mga katulad ng Pinoy Got Talent o Tarantadong Pinoy este Talentadong Pinoy. Pero infairness na sa kanila diba, hindi sila mahihirapang mag-adjust kung sakaling hindi sila sa langit magupunta.

At sa mga darating na Linggong ito para mas mapalalim ko ang aking pananampalataya, ako ay mag-aayuno. Alam kong hindi ito gaanong sakripisyo kung tutuusin. Sa mahal ng presyo ng mga pagkain ngayo'y aban'y mapipilitan ka talagang bawasan ang iyong nilalamon. Ay pota , teka may Food Forward nga pala, pero ayos lang papapakin ko na lang yung mga gulay at ibibigay ko sa gustong magkaron ng kasalanan yung mga karne. Pero pangako talaga ibahin niyo ko dahil hindi ko kakainin lahat ng klase ng karne sa panahon ng ayuno. Hindi ako titikim, kahit singhot, kahit kalabit. Kahit yung karneng masarap pisilin, iiwasan ko.

Pagpalain nawa ako.

Isa pa, kailangan din daw magbawas ng sakripisyo. Kailangan gayahin ang Tagapagligtas na namuhay ng simple at payak. Well, wala naman talaga akong kapasidad para maging maluho. Hindi naman siguro luho ang magpagupit kung saan nagpapagupit si James Reid di ba?

Pero sana maging sapat na muna ang tanging paraan ng pagsisisi na alam ko. Ang maging mabait, ang magsakripisyo, at laging magsuot ng karusunsilyo tuwing gagawa ako ng isang blog post na kagaya neto.

Huwebes, Marso 1, 2018

Madaling-Araw



'Ang aking saglit na kapayapaan'


"Feel the calm of the soft darkness, before the fast approaching rage of the light." -Jack Maico

5:44 AM

Hindi ko alam kung kaya ko pang matapos ang post na ito na hindi pa sinisinagan ng araw ang aking kwarto. Isa sa biyaya ng Diyos ang maramdaman nating ang payapang umaga sa madaling-araw. Kung meron lang oras sa isang buong araw mas gugustuhin ko ng dilat ng mas matagal sa madaling-araw. Tahimik at payapa. Isang kagalakan ang makita ang kalangitan na unti-unting nagpapalet-palet ang kulay hanggang sa maramdaman nating ang kalmadong umaga at ang malambot na sinang ng araw sa ating mga balat. Ang tanging maririnig mo lamang sa kasalukuyan ay ang huni ng insekto sa bukid at ang kapiterang nang-aakit ang pagpito sa pagkulo upang makapagtimpla ka ng masarap at humahalimuyak na aroma ng kape. Wala pang potpot ng pandesal, wala pa ang  tropang umaga, wala pa si mamang taho at kuyang naglalako ng isda na animo'y Pied Piper of Hamelin ng Barcelona pero ang sumusunod sa kanya ay ang dose-dosenang pusa na nanghihingi ng bituka ng isda kung sakaling may bumili. Wala pang ingay ng mga "miyaw", at aw-aw ng mga aso. Tulog pa silang lahat at tila naramdaman na rin ng manok ang kapayapaang ng madaling-araw at nakalimutan na niyang tumilaok. Kung pwede ko lang siyang alukin ng kape ay ginawa ko na.

5:54 AM

Sa madaling araw masarap gumising at mag-inat. Napakagaan ng pakiramdam sapagkat kalmado pa ang utak, masarap magmuni-muni at mag-relax bago ang panibagong pakikibaka sa limang araw na pakikipagbuno sa trabaho. Walang katumbas mag-unat ng tumatandang likod sa aming lumang tumba-tumba habang nakadekwatro at ninanamnam at humihigop ng bango ng aking kape. Walang kasing-sarap ang magpaputok ng hmmm....mga buto sa daliri at paa, at sa leeg dahil nakakarelax habang tumatama ang swabeng lamig ng hangin sa bintana mo. Kayganda rin pagmasdan ang pag-ikot ng mundo sa aking binatana habang pumipindot sa keyboard at pinipilantik ang mouse sa kompyuter. May oras na titingin ka sa iyong bintana na unti-unting nang nagliliwanag at kusa na lang naglalaho ang mga bituin at buwan at dahan-dahan na nag pasikayt ng Haring Araw sa Silangan, ang init na hatid ng bagong kinabukasan na nagdadala ng pag-asa sa bawat nilalang.

                                           Cat Stevens - "Morning Has Broken"

                  



6:01 AM

Sumilay na ang bagong umaga, ngunit sa di kawalan ay wala pa ang haring-araw.

At pagkatapos nito, tahimik na ang mga huni ng kuliglig sa bukid, nariyan na sila....yes sir! Nariyan na ang mga lintek at maiingay na sisira sa katahimikan ng umaga. Naglabasan na yung mga kapitbahay mo na habang nagwawalis sa kanya-kanyang harapan ay hindi maiiwasang may mapagkwentuhan, may mapagtsismisan. Kung puwede ko loang i-side swipe ang mundo na parang sa mga cellphone upang ibalik ang kalmadong madaling-araw ay gagawin ko. Narito na ang neigborhood, ang mga walismosa, mga pusang-gala, mamang magtataho "Tahoooooooo!!!", si Isda Man "Eiisdaaaaa kayo diyan, Isdaaaa!", at kung sinu-sino pa. Jampacked na ulet sa Barcelona High Street, maya-maya'y mala-impiyerno naman ang init. Hala, sige na at ala-sais na pala, kailangan nang makipagsiksikan sa bakery kasama ang mga taong nakapalupot ang tuwalya sa katawan na akala mo sa bakery maliligo pota. Bibili ako ng pandesal, keso, mantikilya at itlog. Tutal, tapos na rin naman ang salet na kapayapaan ko. Balik sa ingay. Balik sa riyalidad ng buhay. Balik sa totoong mundo. Mamaya na lang ulet, sa madaling-araw......... 

6:27 AM
-end-