Huwebes, Marso 1, 2018

Madaling-Araw



'Ang aking saglit na kapayapaan'


"Feel the calm of the soft darkness, before the fast approaching rage of the light." -Jack Maico

5:44 AM

Hindi ko alam kung kaya ko pang matapos ang post na ito na hindi pa sinisinagan ng araw ang aking kwarto. Isa sa biyaya ng Diyos ang maramdaman nating ang payapang umaga sa madaling-araw. Kung meron lang oras sa isang buong araw mas gugustuhin ko ng dilat ng mas matagal sa madaling-araw. Tahimik at payapa. Isang kagalakan ang makita ang kalangitan na unti-unting nagpapalet-palet ang kulay hanggang sa maramdaman nating ang kalmadong umaga at ang malambot na sinang ng araw sa ating mga balat. Ang tanging maririnig mo lamang sa kasalukuyan ay ang huni ng insekto sa bukid at ang kapiterang nang-aakit ang pagpito sa pagkulo upang makapagtimpla ka ng masarap at humahalimuyak na aroma ng kape. Wala pang potpot ng pandesal, wala pa ang  tropang umaga, wala pa si mamang taho at kuyang naglalako ng isda na animo'y Pied Piper of Hamelin ng Barcelona pero ang sumusunod sa kanya ay ang dose-dosenang pusa na nanghihingi ng bituka ng isda kung sakaling may bumili. Wala pang ingay ng mga "miyaw", at aw-aw ng mga aso. Tulog pa silang lahat at tila naramdaman na rin ng manok ang kapayapaang ng madaling-araw at nakalimutan na niyang tumilaok. Kung pwede ko lang siyang alukin ng kape ay ginawa ko na.

5:54 AM

Sa madaling araw masarap gumising at mag-inat. Napakagaan ng pakiramdam sapagkat kalmado pa ang utak, masarap magmuni-muni at mag-relax bago ang panibagong pakikibaka sa limang araw na pakikipagbuno sa trabaho. Walang katumbas mag-unat ng tumatandang likod sa aming lumang tumba-tumba habang nakadekwatro at ninanamnam at humihigop ng bango ng aking kape. Walang kasing-sarap ang magpaputok ng hmmm....mga buto sa daliri at paa, at sa leeg dahil nakakarelax habang tumatama ang swabeng lamig ng hangin sa bintana mo. Kayganda rin pagmasdan ang pag-ikot ng mundo sa aking binatana habang pumipindot sa keyboard at pinipilantik ang mouse sa kompyuter. May oras na titingin ka sa iyong bintana na unti-unting nang nagliliwanag at kusa na lang naglalaho ang mga bituin at buwan at dahan-dahan na nag pasikayt ng Haring Araw sa Silangan, ang init na hatid ng bagong kinabukasan na nagdadala ng pag-asa sa bawat nilalang.

                                           Cat Stevens - "Morning Has Broken"

                  



6:01 AM

Sumilay na ang bagong umaga, ngunit sa di kawalan ay wala pa ang haring-araw.

At pagkatapos nito, tahimik na ang mga huni ng kuliglig sa bukid, nariyan na sila....yes sir! Nariyan na ang mga lintek at maiingay na sisira sa katahimikan ng umaga. Naglabasan na yung mga kapitbahay mo na habang nagwawalis sa kanya-kanyang harapan ay hindi maiiwasang may mapagkwentuhan, may mapagtsismisan. Kung puwede ko loang i-side swipe ang mundo na parang sa mga cellphone upang ibalik ang kalmadong madaling-araw ay gagawin ko. Narito na ang neigborhood, ang mga walismosa, mga pusang-gala, mamang magtataho "Tahoooooooo!!!", si Isda Man "Eiisdaaaaa kayo diyan, Isdaaaa!", at kung sinu-sino pa. Jampacked na ulet sa Barcelona High Street, maya-maya'y mala-impiyerno naman ang init. Hala, sige na at ala-sais na pala, kailangan nang makipagsiksikan sa bakery kasama ang mga taong nakapalupot ang tuwalya sa katawan na akala mo sa bakery maliligo pota. Bibili ako ng pandesal, keso, mantikilya at itlog. Tutal, tapos na rin naman ang salet na kapayapaan ko. Balik sa ingay. Balik sa riyalidad ng buhay. Balik sa totoong mundo. Mamaya na lang ulet, sa madaling-araw......... 

6:27 AM
-end-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento