Lunes, Setyembre 23, 2019

Karsib Writing



'The year of the cursive writing'


Sinu-sino dito ang natuto ng mabilisan sumulat nang dikit-dikit (o cursive para sa mga hindi nakakaintindi ng Tagalog na nagbabasa pa din ng Ubas na may cyanide)? Dati ang feeling ko, matanda na ang tingin sayo kapag marunong kang magsulat nang dikit-dikit. Sino kayang epal ang nag-imbento nun, no? Talagang ayaw nang hiwa-hiwalay ang letra eh! Gusto niya na magkakadikit ang mga letra tapos pakurba at pa-slant pa lahat ng sulat eh! Teka ba't ba ako nagagalit?!

Ang topic nating ngayon ay tungkol sa pagsusulat. Ewan ko ba noon kay ermat kung bakit big deal ang matuto ako ng magandang pagsusulat o penmanship na katawagan sa Ingles. Wala naman award noon na "Best in Penmanship" sa school para manalo ako. Ilang beses kayang napitpit ang mga daliri ko makapagsulat lang ng maganda. Mamaya ipapakita ko sa inyo ang sinasabi kong pagsulat ko sa kwaderno kung may makikita pa akong dating notebook ko sa baul. Noong una mukha talagang kinahig ang aking pagsulat pero dahil strict si Nanay eh nagawan ng paraan at di nga sa pagmamayabang ay gumanda ang sulat ko.

Hindi ako mahilig magsulat noon kaya naman parang kinahig na may tipus ng manok ang sulat ko. Natuto naman ako magdikit-dikit pero nung hindi na kelangan sa eskuwelahan ay hindi ko na din siya ginamit. Aaminin ko, na-enjoy ko siya nung simula dahil feeling ko, matanda na ako. Mas nakakatanda pa ng image ang karsib kesa sa pagiging tule ee. Ang karsib, pwede mong ipakita para patunayan na tumanda ka na. Eh pag tule ka, alangan naman ipakita mo si Manoy sa lahat ng nagsabing "supot!" sayo di ba?

Iba na ang panahon, ngayon ay nagsulputan na ang text at chat kung saan hindi na talaga kailangan ng sulat kamay. Maaari nating masabi na ito ay unti-unti nang nagiging "lost art" at dahil dito, papangit na nang papangit ang sulat ng tao. Siyempre dahil old school ako, hindi ako naniniwalang lost art ang pagkahig sa papel. Madami pa din akong kilala sa baranggay namin na magagaling gumamit ng lapis o bolpen. Si Mang Jun na nakilala ko sa dating tirahan namin sa Paranaque ang pinakamakisig na kubrador sa amin. Ang kanyang especialty ay siyempre jueteng at ending. Kukuha siya ng karton ng isang rim ng Marlboro at tutupiin niya ito nang pa-lengthwise. Ito ang kaniyang listahan ng mga taya, iskor at mga utang.

Aba hindi rin padadaig ang mga mahjongero't, mahjongera. Maglalatag sila ng Manila paper sa lamesa at yun ang kanilang sapin at listahan in one! Siyempre andiyan din si Ka Taba (hawig na hawig ni Bella Flores na may katabaan pero totoo ang kilay! Dagdag mo pa yung mga rollers na kulay pink sa kaniyang buhok) na napakagaling magsulat ng mga utang gamit ang kanyang Juday Spring Notebook - Juday in front, Wowie at the back!

Hangga't may tumataya....hangga't may umuutang....hangga't may essay part sa likod ng quarterly exam, hindi mamamatay ang pagsusulat.

Mabuhay ang Kilometrico!
Mabuhay ang Panda ballpen!
Mabuhay ang Tombow!
Mabuhay ang Apache!
Mabuhay ang Parker (wow ingatan mo yung ballpoint wag na wag ibabagsak)

Half Life Half Death - 'High School Life'

Ang pagsusulat ang isa sa mga basic skills na itinuturo sa ating mga bata. Maliban sa pagbabasa, pagtutula at pangungupit, ang pagsusulat ay binubuo ng mga mumunting hakbang para ma-master mo ng husto.

Siyempre dapat alam mo a ng tamang paghawak sa lapis. Madali lang sa akin itong step na ito. Gagamit ka lang ng tatlong daliri para mahawakan ang lapis.

Alam mo rin dapat kung hanggang saang mga linya ka lang puwedeng sumulat. Kung blue-red-blue ang papel e dapat hanggang doon lang sa tatlong linyang 'yun ang laki ng mga capital letters. Kung small letters naman e red-blue lang ang dapat sakop na linya. Ayan medyo palya na ako dito. Ewan ko ba pero lumalampas 'yung sulat kokahit hindi ko naman talaga pinapalampas kasabay ng pagpapawis ng aking noo ay ganun din ang pawis ng aking palad. Takte na yan pasmado! Minsan nakapagtatakang parang may sariling desisyon ang kamay natin at hindi natin mautusan nang maayos kung paano dapat gumalaw. Parating maliit ang butas sa letter B ko. Sumosobra sa haba angletter E. Parating butas ang papel kapag letter i. Nagiging number 5 ang letter S ko. Nakakabwiset! Nakakaiyak sa inis!! Ayoko na!

Ang lakas ko pa mang-asar na parang kinahig ng manok ang sulat ng kaklase ko pero mas masahol pa ang sulat ko sa kanya ee. Kahit bagalan ko pa yung sulat ko ganun pa rin. O sige medyo  magiging maayos naman pero pangit pa rin, gets? Inggit na inggit ako kay ermats noon kasi parang ang dali-dali sa kanyang magsulat ng maganda habang nagsusulatan sila ni erpats sa Saudi. Ayaw niya pa nga ipakita yung sinusulat niya dahil alam ko naman na naglalandian sila ni erpats sa sulatan nila pero sabi ko naman gusto ko lang tignan yung hand writing niya.

Totoo bang may kinalaman ang pagiging doktor sa pagkakaroon ng pangit na sulat? Buti pa yung kaklase ko, kahit may pagka-pangit siya e ang ganda-ganda ng sulat niya.

Naaalala niyo ba yung sa subject na Filipino at Ingles siyempre tanda niyo pa yung Rewriting at Original na Formal Themes. Bwiset na bwiset ako diyan. Sobrang nakakatamad talaga. Ilang beses mo isusulat ang bawat letrang karsib. Nakakaumay siya.

Yung isa naman Writing Workbook. Hasel din yan ee dapat magaya mo talaga ang sample letra na naka-print na. Meron pang step-by-step instructions na susundan mo para magaya mo talaga siya. Ayos na sana kung puro "v" at "u" lang ang letra sa workbook eh. Patay na kapag yung capital "K" at "Z" na haselicious talaga ee.

Ang magaling sa pagsusulat ng dikit-dikit eh mga babae. Ang ganda ng sulat nila pantay-pantay talaga. Minsan nga parang ang sarap lang tignan ng notebook nila ee. Akala mo sinukat talaga bawat letra at mabilog talaga.

May nag-magandang loob sa akin dati na kaklase kong babae. Tinuturuan niya akong makapagsulat ng maayos na dikit-dikit. Binigyan niya ako ng teknik. Eto ang pagtabingi ng notebook mo. Itatabingi mo siya para pagsulat mo eh automatic slant na. Ginawa ko naman pero kahit anong pagtabingi ko ng notebook eh diretso pa rin sulat ko at parang kinahig pa rin ng manok na pine-pressure ng lawin na mahanap na ang singsing.

Pero natuto rin ako ng magandang pagsusulat ito ang sample ng aking penmanship noong high school na ako at itinigil ko na ang cursive writing. Panay capital na ang sulat ko noon, minsan pag trip ko halo siya na maliit at malaking mga letra:

Ewan ko kung maganda sa inyo ang ganitong type ng aking pagsulat. 





Ngunit noong hindi na ako nagpapratice magsulat at magkaroon na ng trabaho eh bumalik na ulit sa kinahig na manok ang aking pagsusulat. Wala nang practice ee at nasa age na tayo na susulat ka na lang kapag may fifill-upan kang mga papel. Lahat kasi ngayon eh type written na sa kompyuter.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento