Sari-Sari store o tindahan. Sari-sari means iba-iba, kung anu-ano, lahat na naririto o sa mabilis na salitang ingles ALL IN, nandito na lahat.
Ito ang SM o Robinson ng mga batang lumaki sa kalye. Dito matatagpuan ang lahat as in lahat ng kailangan mo sa pang araw-araw na buhay. Mula sa bato ng lighter hanggang sa pinakamalaking diaper ay dito mo makikita at mabibili.
Pero bawat success ng isang tindahan ay naaayon sa mga mamimili. Kung mas kumpleto ang mga items ng tindahan yan marahil ang basehan ng marami ang suki. Pero ngayong hapon ay pag-uusapan natin ay ang mga katangian ng mga taong bumibili sa sari-sari store. Hahatiin natin sila at icacategorized at bibigyang pangalan para madali mo sila makilala.
1. KIDDIE APPRENTICE
Ito yung mga kakaahon pa lang sa incubator pero dahil malapit lang ang sari-sari store at hindi kailangang tumawid ay inuutusan na ng kanilang mga magulang para bumili ng kailangan sa tindahan. Nakalimutan ata ni nanay na hindi pa ganoon kahasa ang mga memorya ng mga kiddie apprentice natin kasi pagdating sa harap ng tindahan mabulul-bulol pa siya at nakalimutan na ang dalawang items sa tatlong pinapabili.
2. GARY V
Ang sabi kasi sa isang kanta ni Gary V "kung wala ka nang maintindihan", sila yung uri ng mga bumibili pero hindi mo maintindihan ang sinasabi kaya kailangan mong ipaulit ng ilang beses kung anong bibilhin. Hindi maintindihan kasi malalaki ang boses o bumubulong o di kaya ay kinakain ang salita.
3. TAPIS KING AND QUEENS
Ay nako kahit saang sulok ng Pilipinas mayroong ganitong bumibili mapa-probinsiya man o sa siyudad. Hindi mo alam kung meron pa bang mga panty at brief at mga nakatapis lang na tuwalya ang bumabalot sa katawan. Karaniwang binibili ng mga ito ay shampoo o di kaya sabon. Sila yung mga uri ng bumibili ng mga sachet na shampoo. Kapag napansin nilang wala nang natira sa sachet na ginamit ng buong pamilya kahapon hindi na sila magbibihis muli at magtatapis na lang at tatakbo sa tindahan.
4. CHIKA MINUTE
Ay oo naman, hinding hindi ito mawawala sa tapat ng tindahan niyo minsan ikaw pa mismo ang nababahagian ng tsismis. Sila yung bibili tapos maya-maya kapag iaaabot mo na ang binili niya magsisimula na itong, "sinugod kagabi si Pepang ginulpi na naman daw ng asawa", at kung tipong marites din namin ang tindera hahaba na ngayon ang kwentuhan kasabay ng haba ng pila ng bumibili at kung nabitin bago magsara ang tindahan yung tipong kakaunti na lang ang bumibili tatambay pa yan para ituloy ang tsismisan.
5. SUNOG BAGA
Kung gusto mo ng kapayapaan sa harapan ng tindahan niyo huwag na huwag kang magpapalagay ng sementadong upuan sa kaliwa at kanan dahil paniguradong magiging drinking session spot yan ng mga sunog baga. Tipikal na Pinoy build na ata ang mga tindahan na may tambayan habang may mga nagigitara at nagkukuwentuhan habang umuubos ng mga kornik na binili nila pero mas malala na ata yung dito may nagiinuman paniguradong maiilang ang mga bibili sayo kaya know what's do's and dont's sa style ng inyong one stop shop.
6. THE HUMAN CALCULATOR
Kung makakaharap mo sila siguraduhing nakahanda na ang calculator. Ang mga uri ng tao na bumibili sa tindahan na maraming items na binibili pero sakto lang ang pera at gusto ipabilang kung magkano na ang kanyang mga napamili baka kasi hindi magkasya ang dalang pera. Minsan kabisado na rin nila yung presyo ng binibili nila kaya nga sakto na lang ang dala pero para makasigurado ipapakalkula na nila sa nagbebenta kung magkano na ang nakuha nila.
7. PABILE O PAGBILHAN
Katulad ng mga pumapara sa jeep sa pagsigaw ng "para" at "sa tabi lang po" dalawa lang din ang wika ng mga bumibili sa tindahan it's either "pabile" para sa mga tsikiting at "pagbilhan" naman para sa mga adults. Meron ba pa kayong ibang naririnig sa pagtawag ng nagtitinda bukod sa pabile at pagbilhan? Pero mas klasik sa mga bata yung pagtawag ng mahabang,"Pabileeeeeeeeeeehhhhhh" na may kasamang katok ng barya.
Eraserheads - "Tindahan ni Aling Nena"
8. YOSI MAN
Ito ang nakakainis kaya maraming tindahan ang naglalagay na ng "No smoking" sa harapan ng kanilang mga tindahan dahil sa mga uri ng mamimiling ganito. Karaniwan mga kabataan, teenagers at mga walang pakialam sa buhay na ginagawang manok ang nagtitinda sa pagbuga ng kanilang yosi o vape. O di kaya ay bibili pa lang ng yosi doon magsisinda at ang unang buga ng usok ay kay manong o manang na nagtitinda, kaasar di ba? Kaya karamihan ng tindahan ngayon hindi na naglalagay ng nakasabit na lighter. Find your own pansindi.
9. PAPER WRITERS
Maraming ganito kapag petsa de peligro na. Alam naman natin lahat na ang tindahan ang pinakamabisang takbuhan kung gipit ka na at kailangan muna mangutang ng mga "goods" na kailangan mo hanggang dumating ang suweldo. Paper writer kasi sila yung laging nagsasabi ng "palista muna,pards", "palista muna, mare" sabay ngiti pero lagi rin may baong kwento after nila makapangutang para maiba agad ang ihip ng hangin. Kadalasan kukumpletuhin muna lahat ng kailangan bago sasabihin "lista muna". Pero wala naman masama doon, tandaan lang na laging babayaran ang inutang at huwag hayaang ilista ito sa tubig.
10. UPDATERS
Ah ito ang malupit sila yung taga update ng mga bagong produkto na napapanood nila sa mga commercials. "Mare meron ka na ba nung bagong flavor ng Lucky Me Pancit Canton, yung ano?" alam nila na may bagong flavor pero hindi nila matandaan kung ano yun. Basta sila lagi yung naghahanap ng bago at naguupdate sa may-ari ng tindahan na mag bagong labas na produkto.
11. THE ATHLETES
Kapag naman ang tindahan mo ay malapit sa isang basketball court, naku dapat doble ang orders mo ng delivery para sa mga cold refreshments katulad ng softdrinks at energy drinks hindi ko isinama ang mineral water kasi mas gugustuhin nila ang klasik na ice tubig sa mga basketball pustahan sa barangay niyo. Siguraduhin na malamig ang 1.5 na Coke o 1 litrong Pop Cola para ma-satisfy ang uhaw ng mga athletes na mamimili.
12. LOADING STATION
No, kung akala mo may kaugnayan ito sa mga nagpapaload sa tindahan mali po ang iyong hula. Sila kadalasan yung mga nauutusan na maraming items pero pagdating sa tindahan nagloloading at nakakalimutan na yung mga inutos na bilhin na kailangan na ingredients para sa ulam niyo.
13. LOST TRAVELLERS
Sila naman yung mga nabudol ng Waze or Google maps. Kadalasan ang tindahan ang nagiging tanungan ng mga nawawalang motorista lalo na ang ating mga kapatid na delivery riders kasama na ng uhaw at gutom maghahanap ng tindahan para sa mabilis na pamatid gutom kasabay ng mga katanungan kung alam ba ninyo kung saan ang barangay na ito o kung ito na ba ang pangalan ng kalyeng tinutukoy ng kanilang gamit na app.
14. 1x1 GANG
Ito mga grupo ng kabataan na nagkukuwentuhan at tambay sa balkonahe ng tindahan. Sila yung mga naghaharutan, magagaslaw at naguubos ng oras tuwing tanghaling tapat. Bakit 1x1? Sila kasi yung kadalasang kinaaasaran ng nagtitinda mas trip kasi nila yung maya't-maya bibili sila ng tigpipisong tsitsirya paisa-isa kapag naubos ate isa pa po, ate isa pa po, ate isa pa nga po. Kaya si ateng tindera nabwisit na kakabalik-balik, "Bilhin niyo na kaya itong isang plastik?"
15. I DON'T WANT TO MISS A THING
Walang kinalaman si Aerosmith pero sila yung mga tipong ayaw ma-miss ang isang scene sa pinanonood nilang teleserye kapag natyempuhan na nanonood din ang tindera ng kaparehas ng kanyang pinanonood at dahil medyo malayo ang nilakad ng bumili tatambay muna hanggang matapos ang isang scene at aalis lang kapag patalastas na. Asahan mo tatakbo pa yan ng mabilis pauwi huwag lang habulin ni brownie.
Nagkaroon kami ng tindahan noon kaya kabisado ko na rin minsan ang mga character ng mga bumibili either a main character or a villain. May isang pagkakataon nga na kumakatok pa sarado ka na para lang bumili ng karayom di ko alam kung may kukulamin si ate o sadyang trip niya manahi ng gabi. Minsan may mga weirdo lalo na yung mga vandal boys na nagdodrowing o umuukit ng korteng tite sa balkonahe ng tindahan niyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento