'Palamig muna tayo! |
"Tingaling-aling! Tingaling-aling! Tingaling-aling-dingdong!"
Alas-dos ng hapon ang palabas sa TV ay Valiente. Kapag narinig na namin ang bell ng ice cream ay maglalabasan na kame dala ang kanya-kanyang barya sa bulsa. Sa init nitong bansa natin eh pano ba naman tayo hindi maiinlove sa pagkain ng mga malalamig na pagkain o inumin. Malamig, matamis, malambot, masarap dilaan....masarap dilaan...masarap dilaan...
Magnolia ang una kong nakitang ice cream sa TV. Ito ang pinakasikat na sorbetes sa Pilipinas. Asul na plastic ang lalagyan ng Magnolia at madami siyang flavors. Paborito ko dito ang cheese flavor na ice cream dahil malalaki ang buo-buo niyang keso. Hindi ko alam kung "Ques-o" ang nilagay nila pero wala akong paki. Masarap talaga siya. Magnolia... mmmmmm.
Ice Pop |
Sino ba ang makakalimot sa sikat na sikat rin na Selecta Ube? Sikat ang Selecta Ice Cream no'n dahil latang ginto ang lalagyan nito. Siyempre hindi ko alam kung yun nga ba ang totoonng dahilan kaya siya sikat kasi uso na rin ang fake news noon ee, hahaha. Minsan talaga ay kung anu-ano ang sinasabi ko na akala mo'y siguradong sigurado ako. Pero mabalik tayo sa ating kwentuhang ice cream. 'Pag Selecta, ube agad di ba?
Presto Tivoli Ice Cream |
Wala akong pambili ng Tivoli nun kaya kapag may Presto Tivoli ang kaklase ko ay todo-sipsip ako sa kanya para lang makakagat kahit na isang beses lang. "Tol, pakagat nga...maliit lang..." Tapos kakagatin ko yung kalahati ng Tivoli niya. Solb.
Sa mga batang kalyeng katulad ko ay hindi makakatakas pagdating sa usapang ice cream ang "dirty ice cream", ang pinakamasarap na sorbetes sa daigdig. Walang tatalo sa rectangle na cart na may tatlong cylinder na timba. Chocolate, strawberry, cheese at sorbetero's choice. Iyan ang set-up. Hawak ni manong ang kanyang kililing na nakatali sa kanyang cart. Lagi akong nagpapaalam kay manong sorbetero kung pwede kong patunugin ang kanyang kililing (May ibang tawag ba dito? Para kasing tililing eh). Pumapayag naman siya madalas basta bumili ka lang ng may matamis na apa. Yun ang the best na apa ee. Kaso nga lang ay mas mahal yung matamis na apa. P2.50 yung murang apa at P5 naman yung matamis. Medyo hasel pero sulit naman. Kung gutom na gutom naman ako ay sa buns ko ipapalagay para sulit na sulit.
Celeste Legaspi - Mamang Sorbetero
Madami pang memories ang ice cream - mula sa pinipig hanggang sa popsicle na tatlo ang kulay, hanggang sa rocky road na nagmantsa sa brip kong Hanes na puti. Siguradong marami rin kayong mga alaala pagdating sa sorbetes ni manong at ng iba't-ibang klaseng ice cream.
Ice drop |
Tropikal na bansa tayo kaya kailangan talaga natin ng ice cream! Ang sarap nun ee yung malamig na chocolate na gumagapang sa lalamunan mo. Uhmmm sarap!
Chocolate, ube at cheese - itong tatlong 'to madalas na flavors ng ice cream ni manong. Ang sarap sigurong gamitin ng scooper niya noh? Klik-klik, klik-klik, kilik-klik. Ang sarap pakinggan nun ee. Scoop. Klik-klik. Lagay sa apa. Repeat 5 times hanggang mapasa-kamay mo na ang malamig pa sa jowa mong ice cream.
Paano bang pagkain ang gagawin ko? Didila-dilaan ko ba o kakagat-kagat ako? Alternate ba ang pagdila at pagkagat? Hihigupin ko ba? Pa'no nga kaya? Ang sarap ng apa! Tsaka tsismis lang naman yun di ba? na may kulangot daw sa dulo ng apa?
Pinipig |
Tuwing weekend, inaabangan namin si mamang sorbeterong may bitbit na styrofoam na kahon. Nakamagnet focus talaga ang mata ko habang binubuksan niya ang kahon at tatambad ang mga tinda niyang nakalapat sa diyaryo. Iba-ibang mga ice drop ang nandyan. Nakalimutan ko na ang brand names. Basta ang alam ko e may kulay orange na ice drop sa stick, kambal na chocolate ice drop sa stick, Tivoli, ice bukong may munggo, cheese-flavored ice drop sa stick, at marami pang iba. Pinapatanggal ko dati kay mama yung munggo kasi ayaw ko nun e. Higop ng natutunaw na parte. Kagat uli. Higop ulit. Paiikut-ikutin ng kamay ang ice drop. Sarap! tanggal ang init.
Sorbetes |
Hindi puwedeng matapunan ng ice cream ang mga damit natin. Tyempong parati akong natutuluan ng ice cream kapag naka school uniform ako. Recess palang sa umaga e puro kulay brown na yung nasa polo ko. Dugyotin ee. Tapos malagkit pa talaga 'yung palibot ng bibig at kamay ko e.
Minsan ginagawa ko rin flying saucer sa classroom yung takip ng Magnolia ko.
Isa pang dumadaan na kleng-kleng eh si Manong Pinipig. Kahit mapait ng kaunti ang tsokolate niya masarap pa rin ee. Kahit minsan medyo makunat na ang mga pinipig panalo pa rin ee. Pagdating naman sa ice buko na may munggo sa dulo, palaging ang mga matatanda ang kakain nun tsaka ibibigay sa bata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento