May isang katotohanan sa buhay na ayaw nating pag-usapan habang malakas pa ang ating tuhod, masarap pa ang ulam sa hapag, at may laman pa ang pitaka. Isang katotohanang hindi kayang takasan ng mayaman, mahirap, sikat, hindi sikat, maganda, pogi, pangit ang ugali, mabait, maraming utang, at kahit iyong kapitbahay na feeling siya ang Boy Abunda ng buong barangay.
Lahat tayo ay mamamatay. Ito, capslock para mas intense, LAHAT TAYO AY MAMAMATAY!!
Ayan. Magandang pambungad, hindi ba? Parang imbitasyon sa kasiyahan na may kasamang lamay sa dulo. Pero huwag kang aalis agad sa pahinang ito. Hindi ito anunsyo ng burol, wala rin akong ibinebentang kabaong, at hindi rin ako nangangailangan ng paunang bayad para sa punerarya. Gusto lang nating pag-usapan ang isang bagay na siguradong darating sa ating lahat, pero madalas nating ipagpaliban sa isip dahil mas abala tayo sa pag-iisip kung paano makakaraos sa araw-araw.
Habang papalapit ang Undas 2026, muling mapupuno ang mga sementeryo ng mga bulaklak, kandila, panalangin, at mga pamilyang magtutungo sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. May mga magdadala ng pagkain, maglilinis ng nitso, mag-aayos ng lapida, at magtitirik ng kandila. May mga magkakamustahan ding kamag-anak na minsan lang magkita-kita, kadalasan kapag may namatay, may kasal, o may kailangang hiraman ng pera. But the sad reality sa karamihan ng mga Pilipino, nagkakaroon lang ng pagkikita-kita sa tuwing may namamatay sa pamilya; iyon ay sa lamay.
At sa gitna ng lahat ng iyan, magandang itanong: Kung alam nating mamamatay rin naman tayo, bakit parang kailangan nating magpakamatay sa pagod habang nabubuhay para lang magkaroon ng mga bagay na hindi na natin madadala kapag dumating ang ating huling araw?
KAPAG NASA KABAONG KA NA, WALA NANG PAKIALAM ANG KREDITONG HINDI MO NABAYARAN.
Isipin mo ang isang taong buong buhay na nagtatrabaho para mabayaran ang kaniyang mga pagkakautang. Puyat sa gabi, pagod sa umaga, kinakabahan tuwing may tumatawag na hindi nakarehistro sa telepono. Kapag may mensaheng nagsasabing, “Good day! This is a friendly reminder,” biglang nawawala ang pagiging mabuting Kristiyano. Napapadasal na lang siya ng, “Lord, ikaw na po ang bahala. Wala na po akong pambayad.”
May utang sa bangko, may utang sa kaibigan, may utang sa kapitbahay, may utang sa tindahan, at may utang pa sa taong nanghiram din naman sa iba. Ang kaniyang buhay ay parang isang mahabang palabas na walang katapusan, at ang bawat buwan ay bagong yugto ng seryeng pinamagatang Saan Na Naman Ako Kukuha ng Pambayad?
Pero paano kung dumating ang araw na wala na siya?
Wala nang tawag mula sa naniningil. Wala nang mensaheng may kasamang pagbabanta ng petsa ng pagbabayad. Wala nang kaba sa tuwing may kumakatok sa pinto.
Hindi dahil nabayaran na niya ang lahat, kundi dahil wala na siya sa mundong ginagalawan ng mga taong naniningil.
Pero sandali! Huwag naman nating gawing payo sa buhay ang mamatay para makatakas sa utang. Ang utang ay kailangang harapin habang nabubuhay, at ang mga pananagutang pinansiyal ay may kani-kaniyang legal na tuntunin. Hindi rin awtomatikong nawawala ang lahat ng usapin sa utang kapag namatay ang isang tao; maaaring may mga obligasyong haharapin ng kaniyang ari-arian ayon sa batas.
Ang punto rito ay hindi na walang halaga ang pagiging responsable. Ang punto ay huwag nating hayaang ang utang ang maging buong pagkatao natin. Hindi ka lang numero sa talaan ng pinagkakautangan. Hindi ka lang halagang nakasulat sa papel. At lalong hindi mo kailangang gugulin ang buong buhay mo sa takot na para bang ang halaga mo bilang tao ay nakadepende sa laman ng iyong pitaka. Hindi ka ipinanganak sa loob ng isang horror film, na laging may kinakatakutan at laging nasa suspense at thriller ang buhay dahil lagi kang nagtatago at hina-hunting.
Dahil sa huli, hindi naman kasama sa lapida ang talaan ng mga hulugang nabayaran mo.
At kung sakaling ilagay iyon ng isang kamag-anak sa nitso mo, sana man lang ay kasama ang salitang “Bayad na” sa pinakamalaking titik.
ANG YAMAN, ANG KOTSE, ANG KOLEKSIYON AT ANG IBA PANG KAYAMANANG HINDI MO MAISASAMA SA KABAONG.
May mga taong buong buhay na nag-iipon. Nag-iipon ng pera, lupa, alahas, sasakyan, sapatos, relo, laruan, lumang komiks, kagamitan, at kung anu-ano pang koleksiyon. May mga bahay na punong-puno ng gamit na halos hindi na madaanan ang sahig. May mga kabinet na hindi na mabuksan dahil baka may bumagsak na tatlong dekada nang koleksiyon.
May taong may koleksiyon ng mamahaling relo. May koleksiyon ng lumang komiks. May koleksiyon ng mga laruan mula pagkabata. May koleksiyon ng mga gamit na binili dahil sale, kahit hindi naman kailangan.
At may koleksiyon din ng mga resibo na hindi na mabasa ang tinta, pero itinatago pa rin dahil baka raw kailanganin balang araw.
Bakit? Dahil tayong mga tao ay may kakaibang talento sa pag-aari ng mga bagay. Minsan, hindi na tayo ang nagmamay-ari sa ating mga gamit. Ang mga gamit na natin ang nagmamay-ari sa atin.
Bumili ka ng mamahaling cellphone, tapos natatakot kang mabagsak. Bumili ka ng magandang sasakyan, tapos sumasakit ang ulo mo sa gasgas. Bumili ka ng bagong sapatos, tapos ayaw mong isuot kapag umuulan. Bumili ka ng koleksiyon, tapos bawal hawakan ng bisita dahil baka mamantsahan.
Parang ang buhay mo ay naging museo kung saan bawal huminga nang malakas.
Bago ka mag-comment ng hindi maganda, sinasabi ko lang na hindi naman masamang mag-ipon. Hindi rin masamang magkaroon ng mga bagay na nagpapasaya sa atin. Ang problema ay kapag ang mga bagay na dapat sana ay nagpapaganda ng ating buhay ay siya nang dahilan kung bakit hindi tayo makapamuhay nang maayos.
At kapag namatay ka na, sino ang gagamit ng mga iyon?
Ang mamahaling relo mo ay maaaring isuot ng anak mo. Ang kotse mo ay maaaring gamitin ng kapamilya mo. Ang koleksiyon mo ay maaaring ingatan ng isang taong may kaparehong hilig. Ang bahay mo ay maaaring maging tahanan ng susunod na henerasyon.
Pero ikaw? Hindi mo na kailangang mag-alala kung may bagong gasgas ang kotse, kung tumaas ang presyo ng gasolina, o kung may nangahas na maglagay ng basang basahan sa ibabaw ng koleksiyon mong matagal mong inalagaan.
At aminin natin, may kaunting komedya rito. Habang buhay ka, ayaw mong may humawak sa koleksiyon mo. Pagkatapos mong ma-tegi, ang pinakamalaking pag-aalala ng pamilya ay kung sino ang kukuha ng aparador, sofa set, telebisyon, at lumang bentilador.
May pagkakataon pang ang pinakamatinding labanan sa burol ay hindi tungkol sa kung sino ang pinakamalungkot, kundi kung sino ang uuwi dala ang magandang upuan.
Ang dating pinakamahalagang koleksiyon sa buhay mo ay maaari nang maging tanong sa hapag: “Sa akin na lang ba itong mga lumang gamit?”
Kaya habang may panahon, gamitin mo rin ang mga bagay na pinaghirapan mo. Yung mga damit mo ngayon na naka-plastik pa, gamitin mo na nang gamitin. Isuot mo ang magandang damit. Maglakbay kung kaya. Maglaan ng oras sa mga taong mahal mo. Huwag hintaying ang mga gamit mo ay maging pamana bago mo maranasan ang saya na dapat sana ay ibinigay nila sa iyo habang nabubuhay ka.
Dahil hindi naman kasama sa kabaong ang garantiya ng iyong telebisyon, ang susi ng kotse, o ang resibo ng binili mong koleksiyon.
At kung may maglagay ng susi sa bulsa mo bilang alaala, sana naman ay hindi iyon susi ng bodega na may nakatambak pang mga gamit na hindi mo na nagamit.
KAHIT ANG SAKIT, PAGHIHIRAP AT MGA PROBLEMANG GUMIGISING SA IYO SA GITNA NG GABI AY HINDI NA MAGIGING BAHAGI NG IYONG KARANASAN KAPAG WALA KA NA.
Ito ang bahagi na medyo mabigat, kaya itabi muna natin ang biro nang ilang sandali.
May mga taong araw-araw na nakikipaglaban sa karamdaman. May mga taong kahit nakahiga ay hindi makapagpahinga dahil sa kirot ng katawan. May mga taong kailangang magtrabaho kahit pagod na pagod na, dahil kapag hindi pumasok, walang pambili ng pagkain. May mga pamilyang kailangang pumili kung aling bayarin ang uunahin at kung aling pangangailangan ang ipagpapaliban.
May mga taong ngumingiti sa harap ng iba, pero pagdating sa kanilang kuwarto ay doon lamang nila nararamdaman na napakabigat pala ng lahat.
At kung minsan, naiisip natin na sana ay matapos na lang ang lahat ng problema.
Pero ang katotohanan, habang nabubuhay tayo, may posibilidad na may magbago, may dumating na tulong, may makilalang taong makauunawa, may matagpuang solusyon, o kahit may isang araw na gumaan nang kaunti ang ating pakiramdam.
Kaya hindi dapat gawing sagot ang kamatayan sa mga problemang maaari pang harapin at matulungan. Ang tunay na aral ay huwag nating ipagkait sa ating sarili ang pagkakataong makaranas ng mas magaan na bukas.
Dahil oo, may mga paghihirap na maaaring mawala kapag natapos na ang buhay. Ngunit kasama rin sa pagkawala natin ang mga posibilidad na hindi na natin mararanasan: ang tawanan kasama ang pamilya, ang paborito mong pagkain, ang biglang pag-ulan habang nagbibisikleta, ang amoy ng kape sa umaga, ang lumang kantang nagpapaalala ng kabataan, at ang simpleng mensahe ng isang taong matagal mo nang hindi nakakausap.
Minsan, hindi natin kailangan ng malaking pagbabago para maalalang may halaga pa ang buhay. Minsan, kailangan lang natin ng pahinga, kausap, tulong, o pagkakataong magsimulang muli.
Kung mabigat ang dinadala mo ngayon, hindi mo kailangang solohin ang lahat. Ang paghingi ng tulong ay hindi kahinaan. At ang pagkakaroon ng problema ay hindi nangangahulugang wala nang magandang naghihintay sa iyo.
Sa Undas, dinadalaw natin ang mga taong wala na. Ngunit habang naririto pa tayo, huwag nating kalimutang alagaan ang mga taong kasama pa natin—pati ang sarili natin.
ANG MILLION FOLLOWERS MO, SASAMA BA SA IYO SA KABAONG?
Sa panahon ngayon, parang sukatan na ng pagkatao ang dami ng followers sa social media. Kapag may isang milyong subscribers ka sa YouTube, daan-daang libong followers sa Facebook, at milyon-milyong views sa TikTok, para ka nang hari ng internet, para ka nang Internet action star. Bawat galaw mo ay may audience, bawat pagkain mo ay may dokumentasyon, bawat pagpunta mo sa banyo ay parang kailangan pang i-upload sa story. May mga taong hindi na makakain nang hindi kinukunan ng litrato, at may mga taong hindi na makapunta sa isang lugar nang hindi nag-iisip kung magandang content ba iyon. Minsan, hindi na natin alam kung nagbabakasyon ba talaga ang isang tao o nagtatrabaho lang siya bilang cameraman ng sarili niyang buhay.
May mga blogger, vlogger, content creator, influencer, at social media personality na talagang nagsisikap para makabuo ng pangalan sa internet. Pinaghihirapan nila ang kanilang content, nag-e-edit hanggang madaling-araw, nag-iisip ng magandang caption, nag-aabang ng engagement, at minsan ay halos magmakaawa na sa mga manonood: “Please like, share, and subscribe!” Para bang kapag hindi umabot sa target ang views, hindi na valid ang araw nila. Kapag viral, feeling celebrity. Kapag flop, parang gusto nang magpalit ng pangalan at lumipat ng barangay. At least sa blog na ito, hindi tayo namimilit magpa-like, subscribe at share kahit pa lampas sa sampung taon na ako nagsusulat, kung meron nakaka-appreciate siyempre may halong kilig, kung wala at dedma, ayos lang din naman kasi naniniwala akong may kanya-kanyang preferences ang tao, hindi mo mapipilit na kumain ang aso ng tinik at hindi mo mapipilit na kumain ang pusa ng buto pero puwede mong pilitin na kumain ang daga ng Dora Rat Killer, ibig kong sabihin yung mga naghahanap ng patibong o yung tinatawag nilang click bait para ma-notice ang kanilang content.
Pero naisip mo na ba kung ano ang mangyayari sa lahat ng iyan kapag namatay ka na?
Halimbawa, isa kang sikat na vlogger na may dalawang milyong subscribers. Bawat video mo ay may daan-daang libong views. Kilala ka sa mga mall, pinipilahan para magpa-selfie, at kapag nag-post ka ng picture ng almusal mo, may libo-libong taong handang magkomento ng “Sana all!” Kahit simpleng pag-inom mo ng kape ay nagiging content na may background music, cinematic shots, at dramatic voice-over.
Pagkatapos, dumating ang araw na wala ka na.
Biglang magiging tribute videos ang dating travel vlogs mo. Ang dating mga nakakatawang post ay magiging sentimental na alaala. Ang mga taong dating nag-aabang sa susunod mong upload ay mag-iiwan ng komento: “Rest in peace, idol.” “Hindi ako makapaniwala.” “Salamat sa lahat ng memories.” May mga magbabahagi ng pinakapaborito nilang video mo, at may mga gagawa ng compilation ng pinakamagagandang sandali mo sa internet.
Sa loob ng ilang araw, maaaring ikaw ang laman ng news feed ng marami. Isang linggo, dalawang linggo, marahil mas matagal pa, depende sa kung sino ka at kung gaano kalalim ang naging epekto mo sa mga tao. Pero paglipas ng panahon, babalik din ang internet sa dati nitong gawain. May panibagong viral challenge. May bagong influencer na sumikat. May bagong kontrobersiya. May bagong celebrity na pinag-uusapan. May bagong video ng pusang tumalon sa kahon na mas maraming views kaysa sa pinaghirapan mong documentary tungkol sa buhay mo.
At ang mga taong nagluksa sa pagkawala mo ay unti-unting babalik sa kanilang sariling buhay. Hindi dahil wala kang naging halaga, kundi dahil nagpapatuloy ang mundo kahit wala na tayo.
Siyempre, hindi ibig sabihin nito na lahat ay malilimutan ka pagkatapos ng isa o dalawang linggo. May mga taong nag-iiwan ng pangmatagalang impluwensiya, at may mga likhang patuloy na pinapahalagahan kahit matagal nang wala ang gumawa. Ang punto ay hindi permanente ang atensiyon ng publiko. Ang internet ay may napakaikling memorya pagdating sa mga trending topic, kahit ang tunay na pagdadalamhati ng mga taong nagmahal sa iyo ay maaaring tumagal ng maraming taon.
Kaya kung ang buong pagkatao mo ay nakasalalay sa dami ng likes, shares, views, at followers, nakakatakot isipin kung gaano kadaling magbago ang lahat ng iyan. Ang isang milyong followers ay maaaring maging numero na lamang sa isang lumang account. Ang mga videos mo ay maaaring manatiling online, pero hindi ibig sabihin na may manonood sa mga iyon araw-araw. Ang mga post mong pinagpuyatan ay maaaring matabunan ng panibagong content na wala ka nang pagkakataong mapanood.
At ang pinakamasakit na biro? Habang buhay ka, kinakabahan ka kapag bumaba ang engagement. Kapag wala ka na, wala ka nang pakialam kung bumaba pa sa zero ang reach mo. Wala ka nang kailangang habuling algorithm. Wala nang kailangang i-reply na comments. Wala nang kailangang i-edit na thumbnail. Wala nang kailangang i-post na “New vlog is up!” At lalong wala nang kailangang ipaliwanag kung bakit hindi ka nakapag-upload ngayong linggo. Ang tanging maiiwan mo lamang ay kung may pinasikat kang phrase katulad ng, "Hello vlog, welcome to my guys!"
Ang dating pinagkakaabalahan mong analytics ay hindi na magiging problema mo. Hindi mo na kailangang alamin kung bakit mas maraming views ang video ng ibang creator kaysa sa iyo. Hindi mo na kailangang mag-isip kung anong oras ang pinakamagandang mag-post. Hindi mo na kailangang makipagkompetensiya sa isang taong mas bata, mas sikat, o mas mahusay sa paggawa ng content.
Dahil sa huli, hindi mo madadala sa kabaong ang iyong social media accounts, subscriber count, blue check mark, monetization status, o earnings dashboard. Hindi ka rin bibigyan ng espesyal na puwesto sa sementeryo dahil mayroon kang isang milyong followers. Walang hiwalay na section sa langit para sa verified accounts, at sa pagkakaalam ko, wala ring customer support na puwede mong kontakin para mag-request ng extension sa buhay mo.
Pero huwag din nating maliitin ang halaga ng paggawa ng content. Kung ang blog mo ay nakapagbigay ng kaalaman, nakapagpasaya sa isang taong malungkot, nakapagbahagi ng kasaysayan, nakapagpaalala ng masasayang alaala, o nakatulong sa isang taong dumaraan sa mahirap na panahon, may kabuluhan ang ginawa mo katulad ng Ubas na may Cyanide (charing!). Hindi kailangang maging sikat habambuhay para masabing may naitulong ka sa mundo.
Ang tanong lamang ay ito: Kung bukas ay mawala ang lahat ng followers mo, likes mo, views mo, at online fame mo, may maiiwan pa bang dahilan para masabing naging makabuluhan ang buhay mo?
May mga taong hindi sikat sa internet pero minamahal ng kanilang pamilya. May mga taong walang followers pero laging hinahanap ng kanilang mga kaibigan. May mga taong walang viral video pero hindi nakakalimutan ang kabutihang ginawa nila. At may mga ordinaryong tao na hindi kailanman magiging trending topic, ngunit nag-iwan ng mga alaalang mas matibay kaysa sa anumang post.
Kaya sa mga blogger, vlogger, influencer, at content creator diyan, ituloy ninyo ang inyong ginagawa kung mahal ninyo ito. Gumawa kayo ng makabuluhang content, huwag lang mga fake content, parang awa niyo na, dahil maraming Pilipino ang nabibiktima at nabobobo dahil sa ginagawa niyong pekeng balita. Magbahagi kayo ng talento, kaalaman, katatawanan, at karanasan. Pero huwag ninyong kalimutang may buhay sa labas ng screen. Huwag ninyong hayaang ang algorithm ang magdikta ng inyong kaligayahan at ang bilang ng followers ang maging sukatan ng inyong halaga.
Dahil kapag dumating ang Undas at tayo naman ang maging pangalan sa isang lapida, walang saysay kung minsan tayong may isang milyong views kung wala naman tayong panahon para sa mga taong mahalaga sa atin.
Sa internet, maaaring maalala ka ng milyon-milyon sa loob ng ilang araw. Pero sa totoong buhay, mas mahalaga kung paano mo minahal at tinrato ang mga taong nakasama mo habang naririto ka pa.
At kung sakaling may gumawa ng tribute video para sa iyo, sana naman ay hindi lang ang dami ng subscribers mo ang banggitin. Mas maganda kung sasabihin nilang, “Magaling siyang gumawa ng content, pero higit sa lahat, mabuti siyang tao.”
Dahil sa huli, ang pinakamagandang legacy ay hindi ang account na may pinakamaraming followers. Ito ay ang mabuting bagay na naiwan mo sa mundo, kahit wala ka nang pagkakataong i-post iyon.
At kung may magtanong kung ilang followers ang kailangan mo para maging immortal, ang sagot ay simple: Wala. Kahit sampung milyon pa iyan, hindi ka bibigyan ng lifetime subscription sa buhay. Kapag tigok na, tigok na. No return, no exchange.
ANG KAMATAYAN BA ANG DAKILANG PANTAY-PANTAY?
Sa isang banda, oo. Maaari nating tawaging dakilang pantay-pantay ang kamatayan dahil walang sinuman ang may espesyal na kasunduan para makaiwas dito habambuhay.
Mayaman ka man o mahirap, sikat o hindi, may titulo sa pangalan o simpleng pangalan lang sa talaan ng barangay, pare-pareho tayong mortal.
Ang mayamang tao ay maaaring may malaking bahay, maraming sasakyan, at mga bank account na hindi kayang ubusin sa isang linggo. Ang mahirap na tao ay maaaring nakatira sa maliit na tahanan at nagbibilang ng barya bago bumili ng ulam.
Ngunit hindi kayang bilhin ng pera ang pagiging imortal.
Hindi maaaring makipagtawaran sa kamatayan gamit ang gintong kuwintas. Hindi puwedeng magpakita ng titulo ng lupa at sabihing, “Sandali lang, marami pa akong ari-arian.” Hindi rin puwedeng maglabas ng mamahaling kard at magtanong kung may puntos para sa dagdag na taon ng buhay.
Kung ganoon lang sana kadali, malamang ay may mga taong matagal nang nag-ipon ng puntos para sa walang hanggang buhay.
Pero may isang mahalagang pagkakaiba: hindi ibig sabihin na pantay-pantay tayo sa kamatayan ay pantay-pantay na rin ang buhay na ibinigay sa atin.
May mga taong may access sa mahusay na pangangalagang pangkalusugan, samantalang may mga taong hirap makapagpagamot. May mga taong ligtas sa kanilang tahanan, samantalang may mga taong araw-araw na nangangamba. May mga taong nabibigyan ng maraming pagkakataon, at may mga taong kailangang magsikap nang doble para lamang makakuha ng kaunting oportunidad.
Hindi binubura ng kamatayan ang mga hindi pagkakapantay-pantay na iyon. Hindi rin nito awtomatikong inaayos ang mga kawalang-katarungan sa mundo.
Kaya kung tatawagin nating dakilang pantay-pantay ang kamatayan, gawin natin iyon bilang paalala ng ating pagiging mortal, hindi bilang dahilan upang balewalain ang paghihirap ng iba.
Habang buhay pa tayo, may kakayahan tayong gumawa ng mga bagay na makatutulong upang maging mas makatarungan, mas maawain, at mas makatao ang mundo.
Dahil kung may isang bagay na dapat nating matutuhan sa pagiging mortal, iyon ay ang katotohanang hindi natin kailangang hintaying mamatay ang isang tao bago natin siya tratuhing may dignidad.
Hindi kailangang maging mayaman para igalang. Hindi kailangang maging sikat para pakinggan. Hindi kailangang nasa kabaong para sabihing naging mahalaga ang isang tao.
At hindi kailangang magkaroon ng malaking lapida para masabing may naiambag ka sa mundo.
NGAYON ANG TANONG, KUNG ALAM MONG HINDI MO MADADALA ANG LAHAT, BAKIT PARANG KAILANGAN MONG ANGKININ ANG BUONG MUNDO?
Ito ang tanong na gusto kong iwan sa bawat mambabasa.
Bakit tayo nag-aaway dahil sa maliliit na bagay? Bakit may mga taong handang sirain ang pagkakaibigan dahil sa pera? Bakit may magkakamag-anak na hindi nag-uusap nang maraming taon dahil sa lupa? Bakit may mga taong mas pinipiling manalo sa argumento kaysa mapanatili ang isang relasyong matagal nang nabubuo?
Hindi ko sinasabing dapat nating ipamigay ang lahat ng ating ari-arian, kalimutan ang ating mga pangarap, o tumigil sa pagtatrabaho dahil mamamatay rin naman tayo.
Hindi rin nangangahulugang walang silbi ang pera, bahay, sasakyan, koleksiyon, o anumang bagay na pinaghirapan natin. Mahalaga ang mga iyon. Nagbibigay ang mga ito ng seguridad, kaginhawahan, oportunidad, at saya.
Ang tanong ay kung ang mga bagay bang iyon ay ginagamit natin upang magkaroon ng mas makabuluhang buhay, o tayo na mismo ang nagiging alipin ng mga ito.
Mag-ipon ka. Magtrabaho ka. Mangarap ka. Bumili ka ng gusto mo kung kaya mo. Alagaan mo ang mga bagay na pinaghirapan mo. Bayaran mo ang iyong mga utang. Tuparin mo ang iyong mga responsibilidad.
Pero habang ginagawa mo ang lahat ng iyan, huwag mong kalimutang mabuhay.
Huwag mong hintaying maging matanda ka bago mo sabihing gusto mong makasama ang pamilya mo. Huwag mong hintaying may mamatay bago ka magpatawad, kung ligtas at makabubuti ang pakikipagkasundo. Huwag mong hintaying mawala ang isang kaibigan bago mo sabihing pinahahalagahan mo siya.
At huwag mong hintaying dumating ang araw na wala ka nang pagkakataon para gawin ang isang bagay na matagal mo nang gustong gawin, kung maaari mo naman itong simulan ngayon sa isang maayos at makatotohanang paraan.
Dahil sa huli, hindi lahat ng bagay ay nasusukat sa dami ng naipon mo.
May mga bagay na hindi mo mabibili: ang oras na nasayang, ang pagkakataong hindi mo sinubukan, ang mga salitang hindi mo nasabi, at ang mga sandaling hindi mo pinansin dahil masyado kang abala sa paghahanap ng susunod na bagay na gusto mong magkaroon.
Minsan, ang pinakamayamang tao ay hindi ang may pinakamalaking bahay, kundi ang taong may mga alaala ng pagmamahal, kabutihan, at makabuluhang pakikipagkapuwa.
At minsan, ang pinakamahirap ay hindi ang taong kaunti ang pag-aari, kundi ang taong kahit nasa kaniya na ang lahat ay hindi pa rin makuntento.
SA DULO, LAHAT TAYO AY MAGIGING ALAALA
Kapag dumating ang araw na wala na tayo, may mga taong iiyak. May mga taong magdarasal. May mga taong magbabahagi ng mga kuwento tungkol sa atin. May mga larawang muling bubuksan, mga mensaheng babalikan, at mga alaala na biglang magiging mas mahalaga kaysa noong naririto pa tayo.
Pagkalipas ng panahon, maaaring hindi na matandaan ng mga susunod na henerasyon ang lahat ng detalye ng ating buhay.
Baka hindi na nila malaman kung anong telepono ang ginamit mo, kung anong sasakyan ang minaneho mo, kung anong sapatos ang pinakahuli mong binili, o kung ilang piraso ng koleksiyon ang inalagaan mo.
Baka hindi na nila maalala kung ilang beses kang na-promote, kung gaano kalaki ang kinita mo, o kung ilang beses kang nanalo sa argumento sa Facebook.
Pero baka maalala nila na ikaw ang taong laging tumutulong kapag may nangangailangan. Baka maalala nila ang mga biro mong paulit-ulit na nilang narinig pero pinagtatawanan pa rin nila. Baka maalala nila ang pagkaing ipinagluluto mo, ang mga payong ibinigay mo, o ang mga pagkakataong pinili mong makinig sa halip na manghusga. Baka maalala nila na ikaw yung taong nagtatiyagang magpakain sa mga aso at pusa sa kalsada na napabayaan na umuulan man o umaraw.
At baka, sa simpleng paraan, may isang taong magsabi balang araw, “Mabait iyong taong iyon. Masarap kasama. Hindi perpekto, pero may puso.”
Hindi naman kailangang maging bayani sa aklat ng kasaysayan para magkaroon ng kabuluhan ang buhay. Hindi rin kailangang pangalanan ang isang kalsada, gusali, o silid-aralan para masabing nag-iwan ka ng marka.
Minsan, sapat nang may isang tao na naging mas magaan ang buhay dahil minsan ay naging bahagi ka ng kaniyang mundo.
At kung may pagkakataong maging nakakatawa ang lahat ng ito, heto ang huling biro: habang buhay ka, maaari mong ubusin ang oras mo sa pag-aalala kung ano ang sasabihin ng mga tao tungkol sa iyo. Pagkatapos mong mawala, ang ilan sa kanila ay maaaring abala na sa paghahanap ng kung saan makakabili ng mas murang bulaklak para sa susunod na Undas.
Kaya huwag mong gawing sukatan ng iyong halaga ang palakpak ng ibang tao.
Mas mahalaga kung paano mo ginugugol ang panahong mayroon ka.
Ang sabi nga ng batikang aktor na gumanap na Jesus Christ sa The Passion of the Christ na si Jim Caviezel:
Kaya ngayong Undas 2026, dalawin natin ang mga yumao. Ipagdasal natin sila. Alalahanin natin ang kanilang mga kuwento. At pagkatapos, umuwi tayo sa ating mga tahanan na may kaunting pagbabago sa paraan ng pagtingin natin sa buhay.
Dahil balang-araw, tayo naman ang magiging pangalan sa lapida, larawan sa altar, at kuwentong ikukuwento ng mga taong maiiwan natin.
At sana, kapag dumating ang panahong iyon, ang pinakamahalagang maiiwan natin ay hindi lamang mga ari-arian na paghahatian, kundi mga alaalang buong puso nilang maipagmamalaki.
Dahil sa mundong ito, maraming bagay ang maaari nating ipunin, bilhin, pag-awayan, at ipagmalaki.
Pero iisa lang ang buhay na mayroon tayo.
Kaya mabuhay nang maayos. Tumawa nang madalas. Magmahal nang totoo. At huwag kalimutang magbayad ng utang habang may pagkakataon pa.
— Ubas na may Cyanide

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento