Linggo, Mayo 24, 2026

“WHEN YOU PLAY THE GAME OF THRONES"— Ang Senado ng Pilipinas sa Panahon ng Power Struggles

 


Sa mundo ng Game of Thrones, hindi sapat ang pagiging matino, matalino, o maingay. Ang tunay na laban ay nasa likod ng mga mesa, bulungan, alyansa, at pagtataksil. At minsan, habang pinapanood mo ang nangyayaring sarswela sa Senado ng Pilipinas ngayon, mapapatanong ka:

Parang Westeros na ba ang Pilipinas?

Sa gitna ng isyu kay Ronald "Bato" dela Rosa, sa impeachment case ni Sara Duterte, at sa biglaang pag-angat ni Alan Peter Cayetano bilang Senate President, tila mas bagay minsan ang quotes ni Cersei, Tyrion, o Littlefinger kaysa sa official Senate press releases. Kaya ito ang ilan sa mga quotes na galing sa paborito nating Game of Thrones at susubukan nating i-connect sa mga kaguluhan at issues sa Pilipinas. 

“When you play the game of thrones, you win, or you die.” — Cersei Lannister

Ganito marahil ang pinaka-akmang quote sa kasalukuyang political climate. Sa totoong buhay, walang dragons. Pero may have political survival. Habang umiinit ang impeachment proceedings laban kay Sara Duterte at hinahati nito ang Senado, nagkaroon din ng dramatic leadership shift kung saan naging Senate President si Alan Peter Cayetano. Nagkaroon ng kanya-kanyang alyansa ang mga senador at nagtagumpay ang isang grupo na mapatalsik sa kanyang upuan ang dating Senate President na si Tito Sotto. Plano na nga ba ito at paghahanda ng majority group para ibasura ang impeachment case ng kasalukuyang Bise Presidente? They tried the Senate coup, and they succeeded in seizing the power back to the side of senators na panig kay Sara Duterte. 

Tandaan natin na hindi ito simpleng “change leadership” lang. Isa itong paalala na sa pulitika, walang permanenteng kaibigan — permanenteng interes lang.

Sa Game of Thrones, ang trono ay hindi basta inuupuan. Inaagaw ito. Pinagpaplanuhan ito. Pinoprotektahan ito.

At sa Senado, parang ganoon din.

“Chaos isn’t a pit. Chaos is a ladder.” — Petyr Baelish

Sa bawat krisis sa gobyerno, may mga politikong bumabagsak… pero may mga umaakyat, may kapangyarihan na pinag-aagawan na parang tug-of-war. 

Habang lumalala ang issue tungkol sa ICC warrant laban kay Bato dela Rosa, may mga kampo na lalong tumitibay, may mga alyansang nagbabago, at may mga personalidad na muling nagiging sentro ng kapangyarihan.

Parang sinabi ni Littlefinger:
"Hindi problema ang kaguluhan. Opportunity to."

Sa Pilipinas, ang political chaos ay parang hagdan. Kung sino ang marunong umakyat habang nagkakagulo ang lahat — siya ang mananatili sa taas.

“Power resides where men believe it resides.” — Varys

Ito ang pinakamapait na katotohanan sa politika. Ang kapangyarihan ay hindi lang nasa posisyon. Nasa paniniwala ng tao.

Kaya kahit may impeachment, kahit may warrant, kahit may batikos — kung may sapat na suporta, narrative, at loyalists, nananatiling makapangyarihan ang isang pulitiko. Pilit na tinutuwid ang halos halatang baluktot na pagkakamali.  Ito ang dahilan kung bakit hati ang sambayanan:

* May naniniwalang political persecution ang lahat,
* May naniniwalang accountable ito.

Sa huli, ang tunay na laban ay hindi lang legal; laban ito ng perception.

“The North remembers.” — House Stark

Sa Pilipinas, mahaba ang memorya ng publiko… pero minsan maikli rin, minsan naman kahit na alam nilang tama ang nasa kabilang panig ay pilit na kumakampi sa alam naman nilang mali. 

* May mga hindi nakakalimot sa war on drugs.
* May mga hindi nakakalimot sa corruption allegations.
* May mga hindi nakakalimot sa mga namatay.
* At may mga hindi rin nakakalimot sa tingin nilang “ginawang kabutihan” ng mga dating administrasyon.

Kaya kung may hearing, bawat privilege speech, bawat Senate vote —hindi lang ito tungkol sa present.

Ito ay digmaan ng mga alaala. Patutsadahan ng mga nagawang mali katulad ng pagpatay, malakas na ebidensiya ng korapsiyon vs.  katarungan daw sa mga napatay na drug addict at ang pag-aakusa sa VP ay isa lamang political persecution. Ganito ang hidwaan ng tao araw-araw sa lahat ng social media platforms. Sino nga ba talaga ang tama? At sino nga ba talaga ang may pagkakamali?

Razorback - "Wakasan"

Ben & Ben x SB 19 - "Kapangyarihan"

“A lion does not concern himself with the opinion of sheep.” — Tywin Lannister

Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming pulitiko na tila hindi na natitinag sa social media outrage.

Sa Game of Thrones, ang makapangyarihan ay hindi agad sumusuko sa ingay ng bayan.

At sa Pilipinas, habang nagbabangayan ang magkabilang panig online, tuloy pa rin ang negotiations sa loob ng kapitolyo. Tuloy pa rin ang alliances. Tuloy pa rin ang positioning para sa darating na halalan ng 2028.

Sa pulitika, minsan ang totoong laban ay hindi nasa kamera — nasa likod ng saradong pinto.

“The things I do for love.” — Jaime Lannister

Sa Game of Thrones, madalas gamitin ang loyalty bilang dahilan para gawin ang mga bagay na alam mong mali, delikado, o laban sa batas. Hindi dahil tama — kundi dahil “kaalyado mo.”

Parang ganito ang naging dating ng issue kay Robin Padilla at sa umano’y pagtulong niya kay Bato dela Rosa na makaalis sa Senado habang may umiinit na usapin tungkol sa ICC warrant. Ayon sa ilang ulat, sinabi ni Robin na “nakisabay lang” si Bato sa kanyang sasakyan palabas ng Senado, at itinanggi niyang tinulungan niya itong “tumakas.”

Pero sa mata ng publiko, hindi lang ito simpleng “ride home.” Sa politika, perception is power. At dito pumapasok ang isang malupit na katotohanan ng Game of Thrones:

“When loyalty becomes blind, justice becomes negotiable.”

Hindi ito official GOT quote — pero parang bagay na bagay sa nangyayari.

Sa Westeros, maraming karakter ang gumawa ng questionable actions dahil sa utang na loob, pamilya, o political alliance. Si Jaime para kay Cersei. Si The Hound para sa hari. Si Varys para sa “realm.”

At sa Senado ng Pilipinas, mukhang umiiral din ang parehong kultura:
"Protect your allies first, answer questions later."

“A good act does not wash out the bad, nor a bad act the good.” — Stannis Baratheon

Ito rin ang isa sa pinakamabigat na aral sa GOT. Kahit hindi sa Senado nangyayari ’yan sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Halimbawa, puwedeng may nagawang mabuti ang isang tao noon. Puwede may mga naniniwala pa rin sa kanyang intensyon. Pero hindi ibig sabihin noon na exempted na siya sa accountability.

Sa issue nina Robin at Bato, hati ang opinyon ng tao:

* May nagsasabing loyalty lang iyon,
* May nagsasabing obstruction of justice iyon.

At iyon ang problema kapag ang batas at politika ay nagsimulang mag-overlap; nagiging blurred ang linya ng “kaibigan” at “pananagutan.”

“Every hurt is a lesson, and every lesson makes you better.” — Syrio Forel

Ito marahil ang pinakaakmang Game of Thrones quote para sa naging drama ni Pia Cayetano matapos niyang sabihing tila walang nangumusta mula sa ilang kapwa senador habang nagkakagulo at may putukan sa Senado. Kalaunan, may mga senador mula sa minority bloc na nagsabing nag-message naman sila sa group chats at nangumusta sila noong insidente. 

Sa Westeros, hindi lang espada ang ginagamit para lumaban — emosyon din.

At sa Senado ng Pilipinas, minsan mas malakas pa ang drama kaysa sa debate.

Maraming netizen ang hindi kumagat sa drama ni Pia Cayetano dahil wala man lang daw itong luha at naturalmenteng sandamakmak na memes na naman ang kumalat sa araw na iyon. Naroon ang takot ng senadora, pero wala na nga sigurong nakakatawa sa pag-iyak-iyak niya kapag napatunayan na ang lahat ng ito, kasama ang putukan, ay scripted lang ng mga majority bloc senators para patakasin si Bato dela Rosa sa Senado. Sapagkat kung hindi siya makaalis ng Senado sa madaling-panahon ay tiyak na mapoposisahan at aarestuhin siya nang di-oras at makakapiling niya si Rodrigo Duterte sa The Hague na ngayon ay nililitis sa kasong Crimes Against Humanity. 

The common people pray for rain, healthy children, and a summer that never ends.” — Ser Jorah Mormont

Ito siguro ang pinakaangkop na Game of Thrones quote para sa mga Pilipinong araw-araw na nakatutok sa drama ng Senado — parang nanonood ng teleserye, debate show, at political chess match nang sabay-sabay. Ang iba, binitawan na ang panonood sa mga paborito nilang Korenovelas at lagi nang nakaabang sa bagong update na nangyayari sa mundo ng pulitika. Kagaya ng, "Maiimpeach na ba si Sara Duterte?", "Haharangin ba ang impeachment?",  "Mahuhuli na ba si Bato Dela Rosa at madala na kaya sa The Hague para litisin?", "Anong update sa reklamo ni Robin Padilla sa Ethics Committee sa pagsigaw ni Kiko Pangilinan?", "Planado nga ba ang kaguluhan at barilan noong May 13 sa Senado?". Maraming katanungan pa rin ang pumapaimbabaw at gustong magkaroon ng kasagutan ang taumbayan. Sapagkat sa kanilang mga damdamin ang bulong ay "nandito na tayo sa exciting part", lalo na kung ikaw yung matagal nang humihiling ng "Good Governance". Masusuplong na ba ang mga dapat masuplong? O patuloy pa rin silang maghahari-harian at patuloy na mangungulimbat ng ating mga salapi sa kaban ng bayan?

Habang naglalaban ang mga kampo nina Sara Duterte, Bato dela Rosa, Robin Padilla, at mga Cayetano, ang ordinaryong Pilipino nasa Facebook, TikTok, X, at YouTube:

* nag-aaway,
* nagde-debate,
* nagde-defend,
* nagka-cancel,
* at gumagawa ng kanya-kanyang bersyon ng “katotohanan.”

Parang Westeros din:
Hindi lang ang mga hari at senador ang may digmaan, pati ang mga tao sa lansangan.

“The wheel is turning.” — Daenerys Targaryen

Ito rin ang cycle ng pulitika sa Pilipinas.

* Ngayon sila ang magkakampi.
* Bukas magkakaaway.
* Ngayon sila ang minority.
* Bukas sila ang majority.
* Ngayon sila ang inuusig.
* Bukas sila ang makapangyarihan.

At habang umiikot ang “wheel” ng kapangyarihan, umiikot din ang emosyon ng sambayanan.

Kaya bawat hearing, impeachment issue, leadership change, o Senate drama, hindi na lang ito basta balita. Naging national fandom na ito.Ang mga tao ay mayroong sariling theories, heroes, at villains. Palitan ng maanghang na salita sa social media, kampihan, murahan at insultuhan. What have we become? Hindi naman dati ganito ang siste ng pulitika sa Pilipinas. Walang sumasamba sa pulitiko. Kapag mali ang pulitiko sa panahon noon, walang pros at cons; walang nagbubulag-bulagan; nagtataingang-kawali para ipagtanggol ang kamalian ng pulitikong iyon. Sa halip ay lahat tayo ay kaisa, pero ngayon lumalakas ang loob ng mga pulitiko dahil na rin sa suporta ng tao, kaya kapag gusto nilang gumawa ng masama ay hindi na sila nagdadalawang-isip dahil alam nilang kontrolado nila ang mga taong tagasuporta nila. 

Pero habang abala ang lahat sa panonood ng political Game of Thrones, may isang tanong na tahimik na bumabalik:

Habang naglalaban sila para sa trono… sino ang lumalaban para sa ordinaryong Pilipino?




Biyernes, Mayo 22, 2026

Pinoy Names and Humor

 


Pagkasilang mo dito sa mundo, may dalawang bagay na hindi mo kontrolado:

- Kung gwapo ka ba sa mga baby pictures mo at..

- Kung anong pangalan ang trip ng magulang mo habang naka-confine sa ospital. 

At dito nagsisimula ang isa sa pinaka-underrated comedy genres sa Pilipinas: ANG MGA FILIPINO GIVEN NAMES.

1. Saan nga ba nagmula ang pangalan ng mga Pinoy?

Bago tayo naging bansang puno ng mga Princess Mae, Jhun Carlo, Babylyn, Jennifer at Buboy, dumaan muna ang Pilipinas sa mahabang history ng impluwensya mula sa iba’t ibang kultura. Kaya kung mapapansin mo, halo-halo talaga ang tunog ng mga pangalan natin. May Spanish, may American, may Chinese influence, may local native roots, at minsan may halong “favorite artista ng nanay mo noong buntis siya.”

2. Noong Sinaunang Panahon, maikli at maka-kalikasan pa ang mga pangalan

Bago dumating ang mga Kastila, simple pero malalalim ang mga pangalan ng mga ninuno natin. Kadalasan, inspired ang pangalan sa:

May mga pangalang tulad ng:

  • Dayang
  • Lakan
  • Dula
  • Dumakulem
  • Magat
  • Ligaya
  • Amihan
  • Hiraya
3. Dumating ang mga Kastila dito at naging "Maria", "Jose" at "Mariano" ang mga pangalan ng mga Pinoy. 

Noong sinakop tayo ng Spain nang mahigit 300 years, malaking pagbabago ang nangyari sa pangalan ng mga Pilipino. Dahil Katoliko ang mga Kastila, maraming Pilipino ang pinangalanan batay sa mga santo, biblical figures at religious titles. Kaya sobrang common ng mga pangalan na ito hanggang ngayon:
  • Maria
  • Jose
  • Antonio
  • Rosario
  • Pilar
  • Carmen
  • Francisco
  • Juan
  • Diomedes
  • Miguel
4. At dito rin nagsimula ang dalawang pangalan na nagsisimula sa Maria at Jose, katulad ng: 
  • Maria Cristina
  • Maria Josefa
  • Maria Remedios
  • Jose Mari
  • Jose Miguel
  • Jose Luis
5. Dumating ang mga Amerikano. Dito, naging sosyal ang English names.

Noong American period naman, pumasok ang English names at Hollywood influence. Kaya nagkaroon ng:
  • John
  • Robert
  • Jack
  • Michael
  • Jennifer
  • William
  • Christine
  • Grace
  • Pamela
6. At dito rin nagsimula ang obsession nating mga Pinoy sa letrang H. Ang mga English names na sinasamahan ng letrang H kung saanman maisingit. Katulad ng: 
  • Jhon
  • Jheff
  • Jhen
  • Jhunifer
  • Jhunel
  • Mhae
  • Jhoanna o kaya Johanna
  • Mhabel
7. The rise of Pinoy creativity. 

Dito na pumasok ang tunay na Filipino naming culture. 

Mahilig kasi tayong:

  • mag-combine ng pangalan,
  • magdagdag ng unnecessary letters,
  • gumawa ng unique spelling,
  • At gawing “mas sosyal” ang ordinaryong pangalan.

Kaya nagkaroon ng:

  • Maricris
  • Jennilyn
  • Jomarie
  • Carljohn
  • Rodeliza
  • Jhonalyn
  • Bhoyet
  • Jhay-Ar
  • Jhemerlyn

Parang bawat pangalan may sariling plot twist.

8. Influence of showbiz on pop culture. 

Yun bang kapag yun ang ipinangalan sa'yo ay instant sikat ka na rin. Hindi rin maikakaila na malaking factor ang TV, pelikula, at celebrities sa pangalan ng mga Pilipino.

Kapag sikat ang artista, siguradong may ipapangalang baby sa kanya.

Kaya noong iba’t ibang panahon, dumami ang:

  • Sharon
  • Vilma
  • Jolina
  • Claudine
  • Rico
  • Judy Ann
  • Dingdong
  • Alden
  • Romnick
  • Marian
  • Manilyn
Goo Goo Dolls - "Name"

9. At siyempre, ang legendary "Lyn" era sa mga pangalan ng kababaihan. 

Parang dito mo talaga masasabi na Filipina ang isang tao kapag may pangalang may "lyn" sa hulihan. 

May panahon talaga sa Pilipinas na parang:

“Kapag walang ‘lyn,’ kulang ang pangalan.”

Kaya nagkaroon ng:

  • Jocelyn
  • Jennilyn
  • Analyn
  • Roselyn
  • Cristylyn
  • Marilyn
  • Jhunelyn
  • Rizalyn
  • Pepalyn
  • Babylyn
  • Gwendolyn
10. Hindi  rin papahuli sa Pinoy ang mga pangalang paulit-ulit. 

Isa pa sa mga pinaka-Pinoy na naming traditions na halos exclusive yata sa atin ay ang mga pangalang inuulit. Hindi kumpleto ang isang barangay kung walang:
  • Jun-Jun
  • Mac-Mac
  • Bong-Bong
  • Ting-Ting
  • Bing-Bing
  • Mon-Mon
  • Jo-Jo
  • Len-Len
  • Mae-Mae
  • Yan-Yan
  • Ken-Ken
  • Kang-Kang
  • Ling-Ling

At somehow… sobrang normal nito sa Pilipinas.

11. Tunog "older names pero mukhang bata" phenomenon. 

Sila naman yung mga nabigyan ng pangalanag maka-luma pero hindi bagay dahil nasa teenager stage pa lang ang ating mga kababaihan na may older names, like: 

  • Fe
  • Maria
  • Linda
  • Marites
  • Mercy
  • Belen
  • Mathilda
  • Gloria
  • Nida
  • Luz
  • Nenita
  • Lita
  • Odette
  • Erlinda
May male version din nito, like: 
  • Javier
  • Juan
  • Lito
  • Francisco
  • Tony
  • Agustin
  • Arturo
  • Crisanto
  • Demetrio
  • Gregorio
  • Jose
  • Jorge
  • Ricardo
  • Conrado
12. May mga pangalan din naman na random English words. Dito nagiging exciting sapagkat legit na may pangalang: 
  • Blessing
  • Sweet Peach
  • Cherry Pie
  • Happy
  • Lovely
  • Sunshine
  • Girlie
  • Hope Christian
  • Mercy
And somehow all of these names are normal lang sa nakakarinig, walang nagrereact. 

13, Puwera na lang kung medyo out of this world na ang pangalang ibinigay sa mga anak. Yung sobrang unique na puwedeng mapangiti, maging talk of the town kapag narinig ang mga ganitong pangalan. May ilang totoong pangalan sa Pilipinas na naging viral dahil impossible silang maimbento ng normal na tao. Wag ka, totoong may mga ganitong pangalan:

  • Spaghetti 88
  • Macaroni 85
  • Sincerely Yours 98
  • Drink Water
  • Lord Voldemort
  • Princess Disney Love
  • COVID Rose
  • COVID Bryant
  • Hypertext Markup Language
Yes, may pangalan talagang HTML, hindi ko lang alam kung web developer ba talaga ang tatay o favorite subject noong high school or college. 

14. The "JR." Culture

Sa Pilipinas, parang family heirloom ang pangalan.

Kapag tatay mo:

Roberto

Automatic may:

  • Roberto Jr.
15. Meron di namang nicknames are completely different from the real name

Ito ang isa pang national talent natin.

Real name:

Maria Cristina Angela Dela Cruz

Nickname:

Bing

Real name:

Ferdinand

Nickname:

             Bong

Paano naging Bing? Paano naging Bong?

Walang nakakaalam.

Parang may secret council ng mga tiyahin na nagde-decide ng nicknames.

16. Bakit yung ibang magulang mahilig sa mahahabang pangalan?

Dahil gusto natin unique. Kaya minsan may batang:

John Mark Anthony Christian Gabriel Sebastian Dela Cruz III

Unang nagsulat sa exam:
ubos na oras.

17. May mga pangalan naman na pangmatanda na puwede ring pang-social class clues sa pangalan.

Hindi natin inaamin, pero meron talagang “tunog sosyal” at “tunog kanto.”

Tunog sosyal:

  • Sebastian
  • Isabella
  • Javier
  • Lucia
  • Andres

Tunog Pinoy 90s:

  • Jhunboy
  • Bongbong
  • Junemar
  • Bhoyet
  • Girlie Mae

Sa Pilipinas, ang pangalan ay hindi lang simpleng pangalan. Madalas, isa itong buong kuwento ng pamilya, halo-halong impluwensya ng kultura, at minsan resulta ng sobrang creative na pag-iisip ng mga magulang habang nasa ospital. Ang iba, galing sa family history; ang iba naman, inspired ng paboritong artista, singer, basketball player, o bida sa Mexican telenovela. Minsan naman, obvious na pinagsamang pangalan ng nanay at tatay, o kaya simpleng “trip lang” dahil maganda raw pakinggan. Kaya huwag ka nang magulat kung may makilala kang Jhun Jhun, Baby, Macmac, Princess Mae, o isang pangalan na may matinding “Bong Revilla action star” energy. At oo, kahit si HTML. Dahil sa Pilipinas, normal lang ang mga pangalang minsan nakakatawa, minsan confusing, pero sobrang memorable. At habang binabasa mo ito ngayon, malamang somewhere out there, may bagong panganak na batang malapit nang pangalanang:

Ping Guerrero at Pining Garcia.




Linggo, Mayo 17, 2026

Kwarentay-Singko (Part 1)

 


Hindi po tungkol sa baril ang susunod kong post. Sa tuwing may naririnig kasi tayong Espanyol na bilang at natapat sa "Kwarenta'y-singko" eh baka iniisip nila na tungkol sa baril ang ating isinusulat. Hindi po, hindi po tayo marunong magpaputok; marunong tayong magpaputok pero sa ibang bagay, oops! dirty mind. Marunong tayong magpaputok ng firecrackers, kayo talaga. At dahil diyan sa edad na ’yan, narito na naman tayo para ilaglag ang sarili sa post na ito. Ayos lang, kaunti lang naman ang talagang nakakakilala at sumusubaybay sa blog na ito, tsaka doon sa mga taong kilala ako sa totoong buhay, alam na nila ang ilan sa mga ikukuwento ko. 

Matalas pa rin naman talaga ang alaala at isa ’yan sa mga maipagmamalaki ko, kaya marami akong naisusulat dito sa Ubas na may cyanide. Naaalala ko yung mga events sa buhay ko na tumatak sa akin. Kaya samahan niyo ako sa post na ito at tayo'y magkukuwento mula noong kabataan ko. 

AGE 1

May picture ako ng 1st bday ko na nasa loob ng isang maliit na space ng aparador na regalo ni Tatay kay Nanay. Yung aparador na yun ay napakatagal na. Mula sa San Andres Bukid, Manila, ay dinala iyon hanggang sa paglipat namin sa Parañaque hanggang dito sa Imus, Cavite. Old style na aparador, siguro that was a gift from the 70s ni erpats kay nanay. Gamit pa ang lumang kamera, ang kuha sa akin at ang malupit doon ay it was printed on wood na hanggang ngayon ay nasa aming mga baul. Yung aparador last two years lang bago namin ipinasira. Hanggang nawala sa amin si Nanay noong 2024 ay talagang hindi niya muna pinadispatcha dahil sobrang sentimental din ang aking nanay, lalo na at regalo iyon ng aking tatay. 

AGE 5

Nakuwento na lang sa akin na napakaiyakin ko raw simula nang pumasok ako sa kindergarten.Gusto ko raw na lagi kong katabi si Nanay o si Tita kahit sa loob ng classroom dahil kapag umalis daw sila sa aking tabi ay aatungal ako sa iyak. I still remember the Magnolia Chocolait ay yung amoy ng kulob ng aking placemat sa loob ng lunch box. During my bike rides, binisita ko yung Kindergarten school ko, and I really felt the nostalgia, and I shed a tear.

AGE 6

Patuloy ang iyakan kahit nasa Preparatory level na ako sa St.Anthony School. My first teacher is Mrs. Wilma Baile. Ito yung mga time na hatid-sundo ako ni Nanay sa school, yung time na tatambay siya sa school with her friends na mga magulang din para sa mahabang kuwentuhan habang inaantay ang dismissal. Dito rin unang nakapag-uwi si Nanay ng mga brochure niya sa Tupperware. Siyempre, may ibang nanay na hindi lang marites ang inaatupag kundi may business din. 

AGE 7

Grade 1 with Mr Ong. Pero ang hindi ko makakalimutan ay si Michael Ramirez, na classmate kong pinahamak ako dahil napagbintangan ako na ang nagtapon ng kinusot na papel sa harap habang nagsusulat sa blackboard ng lesson namin si Mr. Ong. Aba'y ako ang itinuro kahit hindi ko naman ginawa. Ang ending, pinalahad ang palad ko, sabay palo ng kahoy ng ruler sa palad. Eh kakaahon ko lang galing sa iyakan ng Kinder at Prep. Parang bumabalik tuloy yung agony ng pagiging iyakin ko, lalo na't napagbintangan ka lang, napalo ka pa, tawanan pa ng mga classmates mo. Like, kingina niyo, no!

AGE 8

Dito na nauso ang haircut na 3x4 gupit binata. Ang paboritong barbero, si Mang Insiong, sa kanyang pinakamaliit na barberya na parang single restroom lang ng Shell Gas Station. Pero kahit maliit, tadtad ’yon ng kalendaryo at poster na mga bold ng Japanese girl at kung sino-sinong babae. Panghakot ’yon ni Mang Insiong sa mga kalalakihan para magpagupit sa kanya. Ang hairstyle ng gupit ko ay mala-Alvin Patrimonio, may bangs, mukhang bunot sabay 3x4. 

AGE 9

Advise ko si Mrs. Sakay at ang subject na hawak niya ay Science. Dito ko natutunan ang uri ng ulap, cirrus, nimbus, stratus at cumulus. Ang precipitation at kung paano nabubuo ang ulan. How an organism changes, including plant life cycles (seeds to flowers) and animal life cycles (metamorphosis, eggs to adults. Mas siyentiko ang life ko sa edad ko na ito. 

AGE 10

From siyensiya to tuli. Yes, ganap na kong binatilyo. Puwede nang makabuntis, sabi nila. Oh, ’wag ka, ang nagtuli sa akin ay may patnubay at gabay, sponsorship ng doktor na tatay ni Miss Sunshine Dizon. Ito na siguro yung sosyal na nangyari noong kabataan ko. Haist, salamat naman. Hindi ako tinuli; depukpok lang ang gamit. Buti hindi sa albularyo, dahil sa ospital ako dinala, pero sobrang hiya ko kasi di ba lalo na may mga nurse na magaganda na nag-a-assist. Nahiya tuloy ako sa pututoy ko, pero ang ending, bading yung nagtuli sa akin. 

AGE 11

Tumitigas na. Yes, tumitigas na yung yelo na inilagay ko sa freezer dahil first time naming magkaroon ng sariling refrigerator at makakainom na kami ng malamig na tubig para hindi na ako utusan kada tanghali na bumili ng yelo sa tindahan ni Aling Meding. 

AGE 12

Nakagraduate ng elementary sa St. Anthony School. Kung brown ang cocky pants at shorts ko nung elementary magtratransform na ito to black. 

AGE 13

Teenager years. Una kong nakita si ultimate crush na hindi man lang nakausap hanggang sa mag-graduate ng 4th year. Bagay nga daw talaga sa akin yung kanta ng Eraserheads, yung "Torpedo". Sagana sa tsokolate ang erpat na padala niya galing sa Saudi. Minsan, namimigay pa sa mga classmates. 

AGE 14

Rakrakan years. Nahilig ako sa musika ng mga bandang Pinoy at foreigner. Dating 89 DMZ guy na nag-shift sa NU 107 Home of New Rock. Mga panahon ng Nirvana. Smells Like Teen Spirit, Metallica's Sweet Child at Roots Bloody Roots ng Sepultura. Nauso rin ang performance sa school ng mga Battle of the Bands. Frustrated, nakakahiya kasi di naman ako marunong humawak ng mga instrumento, pero hardcore listener ako ng rock. Song hits, dito kanta doon, antay ng countdown sa NU, headbang doon. Pero kahit na ganyan, I'm proud dahil hindi ako natuto magbisyo. 

AGE 15 AND 16

I may say athletic years! First time kong maglaro ng basketball. Sa basketball court nila, si Karlo Teves ang unang nakahawak ng bola at nakapaglaro sa totoong ring ng basketball. Binili ako ng bola ni erpats pero wala naman kaming ring. Isang Sabado, dinala ko yung bola ko sa school grounds. Walang pasok ang mga estudyante at solong-solo ko sana ang basketball sa quadrangle, pero binawalan ako ng security guard dahil bawal daw. Tanda ko pa si Mang Jess, ang aming security guard na sobrang sipag. Hindi ko naman alam na bawal, kaya medyo disappointed ako. 

But I still remember a game, it was a mini-tournament na sinalihan kong Basketball club where I scored 8 fucking straight points via fastbreak. Shit, that was a Milo moment, yung para bang nagpapanting yung tenga mo sa theme song ng Milo, "great thing starts from a small beginning.", eh walang-hiya, I'm on fire, a lay-up, a jumper, and a lay-up again tapos ba naman biglang buhos lang ng ulan out of nowhere na parang RKO ni Randy Orton. Walang araw pero alam kong maliwanag pa, eh superstar moment na sana para talunin yung koponan ni Shojie Dagohoy na Arkansas. 

Masaya rin yung Intrams, kahit hindi exposed yung mga katulad naming hindi varsity, eh nakakapagmalas kami ng angking talento sa Intrams at siyempre hindi mawawala ang magpasikat. 

Sa basketball din ako kinilig nang medyo lite nung nagkaroon ng fast break pagkatanggap ko ng bola, out of my sight, may tinamaan pala akong 3rd-year high school student na babae na tumatawid sa court. Natumba siya eh, ako din, pero nilapitan ko siya and I held her hand na para bang nag-slow mo ang paligid namin simula nung inabot ko ang palad niya. Kulang na lang talaga background song eh, "Sa iyong ngiti, ako'y nahuhumaling". Para talagang MTV ang tagpo, eh, dahil naghiyawan yung mga nakatingin sa amin dahil medyo matagal-tagal yung pagkaholding hands ko sa kanya habang tinatanong siya kung okay lang ba siya. Nung nakita ko yung mukha ni girl, shet, friend ni Katrina Santos, a.k.a. Katya, yes, yung artista na nasa likod lang dati ng Funny Komiks pero naging bold star. Ang ganda ni girlie at nakikita ko na rin siya noon sa school. Petite, maputi, angelic looks. Syet, hindi ko makakalimutan yung scene na yun hahahaha! 

At 16, naranasan ko na mag-commute—ang totoong buhay bilang commuter. 4th year high school kami lumipat ng bahay sa Parañaque at ang bawat biyahe ay hassle. Kung dati nilalakad lang ang school mula sa bahay, ngayon, nag-LRT na ako araw-araw; sasakay ng dalawang jeep papunta at pauwi. Gagawa ng assignments pauwi. Gabi na makakatulog, tapos kinabukasan maglalaan ka ng oras sa biyahe, kaya maaga rin ang gising mo. 4AM pa lang, gising na kami ni Ermats at kapatid ko. 

AGE 17

Unang taon sa kolehiyo na medyo may frustrations dahil hindi ako pinayagang mag-aral sa Maynila. Naguguluhan pa rin naman ako noon kung anong kukunin kong kurso. Ang siste, nauwi ako sa isang kolehiyo sa Bacoor na tapat ng isang mall. Kahit hindi sigurado sa kursong pinili, sinubukan kong tanggapin ang kursong Bachelor of Science in Computer Science. Medyo may culture shock dahil first time kong magkaroon ng mga classmate na babae. Buong elementary and high school ko kasi magkahiwalay ang classroom ng lalaki at ng babae. Kung mahiyain na ako, mas lalo pa akong naging mahiyain. Sobrang kabado sa mga reporting lalo na't may mga nakatingin na tsiks,

AGE 18 AND 19

Tuloy ang young athletic years. Kahit nakatira na sa Cavite, pumupunta pa rin ako sa Parañaque para sa liga ng basketball na aking sinalihan. Aalis ako ng hapon at uuwi ako kinaumagahan dahil nakikitulog ako kay tita ko. Mahal ko talaga ang sport na ito at dito kasi ako sa Parañaque mas nahasang maglaro at narito rin ang aking mga kaibigan.

AGE 20

Napalipat ako ng school from Bacoor to National College of Science and Technology sa Dasmarinas, Cavite. Dito nagkandaleche leche ang pasok at schedules ko dahil naging irregular student ako at mas maraming subjects ang hindi na-credit kaya sumobra ng isang taon bago ako naka-graduate ng BS Computer Science Major in Copy Paste and Master in Editing. Iyan ang tawag sa course namin noong araw. Kung mangopya ng sagot sa katabi, para ka na rin nagko-copy-paste sa test paper, at kung mga assignments naman, iibahin lang ng kaunti ang sagot ng nagpahiram ng assignment, kaya major in editing. 

AGE 21

Dito ata sa edad na ito nabahiran ng kauna-unahang alak ang aking sistema. First time kong maimpluwensiyahan ng after-class na inom. Ayaw ko talaga ng lasa ng alak; ang gusto ko lang talaga ay ang kuwentuhan, lalo na at kapag nalalasing na ang mga kasama. Yung tipong mag-e-English na, maglalabas ng dinaramdam sa nililigawan o ka-relasyon, mga tsismis sa ibang classmate, sa professor at kung anu-ano pa. Kaya ayaw kong tinatamaan ng espiritu ng alak para marinig at maunawaan ko mismo ang tsika ng kuwentong lasing. 

Sa edad din na ito, naranasan kong nakauwi na pala ako na hindi ko alam dahil sa kalasingan. Ganun pala ang pakiramdam nun: makakatulog ka muna magdamag, pagkatapos ay suka ka nang suka na parang buntis kinaumagahan at masakit ang ulo dahil sa amats. First time na nabuking sa bahay na umiinom na pala ako ng alak hahaha. May nagkuwento rin sa akin na inihatid ako sa sakayan ng tricycle pauwi at doon sa jeep na sinakyan pauwi, eh muntikan ko na raw masukahan yung jeepney driver. 

AGE 22

Graduate na ng kolehiyo. Ito ang hirap ng pakikipagsapalaran kapag sumobra sa isang taon bago ka nakagraduate sa kolehiyo, kaya medyo nahirapan akong maghanap bago ako nag-work sa isang Korean school na maging computer technician. Later on, nakapag-decide ako na gamitin na lang ang mga natutunan ko noong nag-aaral pa ako, kaya naging isang college instructor ako sa college. Pitong taon din akong nagturo ng computer learning at programming language. Kahit siguro kaunti lang yung achievements ko sa buhay, eh marami naman akong napagraduate na estudyante at yung iba ngayon, maayos ang pamumuhay. 

Oh, hanggang dito na lang muna ang paglalaglag ng sariling kuwento at paghalungkat ng baul ng nostalgia. 😄 Kung interesado ka pa, kaunting hintay lang para sa Part 2—baka kapag sinipag, ginanahan, at hindi tinamad ang may-akda, may kasunod pa ulit.





Linggo, Mayo 10, 2026

Pinoy Phrase: Lutong Makaw

Isa rin siguro ito sa mga pinaka-colorful na bagay tungkol sa kulturang Pilipino — ang bilis nating gumawa ng mga bagong salita at expressions. Sa Pilipinas, hindi kailangan ng dictionary para sumikat ang isang phrase. Kailangan lang madalas marinig, nakakatawa, relatable, at kayang ipang-asar o ipambiruan sa tropa. Kaya nga mayroon tayong mga katagang tulad ng “Lutong Makaw,” “Awit,” “Petmalu,” “Edi wow,” “Charot,” “Gigil,” “Werpa,” at “Lodi.” Ang nakakatuwa pa rito, kahit minsan walang exact English translation ang mga salitang ito, gets agad ng kapwa Pinoy ang ibig sabihin dahil bahagi na sila ng ating humor, araw-araw na usapan, at makulay na kultura. Instantly connected talaga ang bawat Pilipino basta sa kalokohan. Through the years, tayo nakakaimbento ng mga bagong salita either pure Tagalog o may halong Ingles o Bisaya, diyan magaling ang mga Pilipino. Baka nga makagawa na tayo ng isang libro sa mga salitang naipon, nabigyang-kahulugan at naimbento ng bawat Pilipino. 

Ngayon, pag-usapan natin yung salitang "Lutong-Makaw". Tuwing kailan ginagamit? Saan nagsimula? At ano ang kahulugan ng Pinoy phrase na ito?

Sa Pilipinas, hindi lang pagkain ang may “luto.”

Pati laban sa basketball, singing contest, raffle draw, beauty pageant, election, at minsan kahit barangay basketball finals — puwedeng magkaroon ng “lutong.”

At kapag narinig mo ang linyang:

“Ay naku, lutong Makaw ‘yan!”

Alam mong may naaamoy na namang kalokohan ang mga Pinoy.

Ang “Lutong Makaw” ay isang Filipino slang o expression na ginagamit kapag ang isang resulta ay mukhang dinaya, scripted, o may bias. Karaniwan itong sinasabi kapag tila may favoritism, may “under the table” na nangyari, may koneksyon ang nanalo, o parang napagdesisyunan na ang kalalabasan bago pa man magsimula ang laban, contest, o anumang kompetisyon. Sa simpleng salita, ito ang paboritong expression ng mga Pinoy kapag pakiramdam nila ay hindi naging patas ang resulta.

Sa madaling salita:

“Hindi patas ang laban.”

Kapag may contestant na sintunado pero nanalo?
“Sus luto”

Kapag may obvious foul pero walang tawag ang referee?
“Lutong Makaw ref, masyadong halata!”

Kapag hindi pumasok sa Top 5 ang Miss Philippines sa Miss Universe?
"Cooking show naman, mas maganda pa yung sagot sa Q&A ng Pilipinas kaysa sa Colombia!"

Pero saan nga ba nagmula ang salitang Lutong Makaw?

Ang “Makaw” ay tumutukoy sa Macau — ang kilalang gambling capital ng Asya.

Noong dekada 70 hanggang 90s, naging popular sa mga Pinoy ang ideya na kapag may “dayaan” o “fixed” na laro, ikinukumpara ito sa gambling at rigged betting culture na iniuugnay noon sa Macau. Dahil dito, nabuo ang expression na:

“Lutong Macau” o “Lutong Makaw.”

Ang salitang “lutong” naman ay parang metaphor ng “niluto na” o “napagplanuhan na.” Parang ulam na matagal nang nakasalang bago pa ihain. Kaya kapag sinabi mong “lutong Makaw,” ibig sabihin:

“Parang niluto na ang resulta bago pa magsimula.”

Classic Pinoy humor — ginawang pagkain ang corruption. 

Bakit nga ba “Makaw” at hindi “Macau”? Simple lang — dahil Pinoy tayo. Mahilig tayong gawing mas local-sounding at mas madaling bigkasin ang mga foreign words hanggang maging natural na parte ng pang-araw-araw nating usapan. Tulad ng “computer shop” na minsang nagiging “kompyuteran,” o “basketball court” na simpleng “korte” na lang, ang “Macau” ay naging “Makaw” sa bibig ng mga Pilipino. Mas madaling sambitin, mas catchy pakinggan, at mas bagay isigaw habang gigil na gigil ka sa harap ng TV kapag feeling mo ay may dayaang nangyari sa laro o contest.

Pero kung titingnan natin, bad trait nga ba ito ng mga Pinoy? Hindi nga ba hirap tumanggap ng pagkatalo ang mga Pinoy? Siguro isa rin ito sa mga dahilan kung bakit madalas gamitin ang “Lutong Makaw” sa sports, lalo na noon sa mga laban ni Manny Pacquiao at tuwing naglalaro ang Gilas Pilipinas sa basketball. Kapag dikit ang laban at natalo tayo dahil sa questionable referee calls, foul na hindi tinawag, o desisyong hindi pabor sa atin, automatic ang sambit ng marami: “Cooking show!” o “Lutong Makaw!” Para bang parte na ito ng pagiging sports fan sa Pilipinas. Ngunit tanong din ng ilan: emosyon lang ba ito ng mga fans, o talagang medyo “ampalaya” lang tayong mga Pinoy kapag natatalo? Marahil ang kombinasyon ng dalawa. Dahil passionate tayong sumuporta, mas dama natin ang sakit ng pagkatalo, lalo na kapag ipinaglalaban natin ang pride ng bansa. At bilang mga Pilipino na mahilig sa drama, humor, at commentary, minsan ginagawa nating biro, meme, o expression ang frustration kaysa kimkimin na lang nang tahimik.

Isa sa mga talent nating mga Pilipino ay ang kakayahang gawing katawa-tawa o nakakaaliw ang frustration. Imbes na gawing full dramatic confrontation ang isang sitwasyon, kadalasan ay ginagawa natin itong expression, meme, o biro na madaling maka-relate ang iba. Kaya ang “Lutong Makaw” ay hindi lang simpleng slang o casual na salita; bahagi na rin ito ng humor, sarcasm, at pagiging mapagmasid ng mga Pinoy sa mga pangyayari sa paligid nila. Ito rin ‘yung klase ng phrase na kapag narinig mo kahit saan mang parte ng mundo, alam mong Pilipino ang nagsasalita dahil very Pinoy ang dating, humor, at paggamit nito.

Ginagamit pa rin ba hanggang ngayon ang “Lutong Makaw”? Oo naman. Hanggang ngayon, buhay na buhay pa rin ang phrase na ito, lalo na sa mga sports, reality shows, pageants, politics, online games, at kahit sa mga simpleng office raffle minsan. Sa dami ng sitwasyong puwedeng paggamitan, parang hindi na ito nawawala sa vocabulary ng mga Pinoy. Actually, kapag may nanalong kamag-anak ng organizer, automatic na may isang tito o tiya na magbubulungan o magsasabi ng “Alam na this… lutong Makaw.”

Sa bansang mahilig sa videoke, basketball, beauty pageants, at tsismisan — natural lang na magkaroon tayo ng sariling term para sa mga laban na parang “naplantsa na.”

At aminin natin…

Kahit ilang dekada na ang lumipas, buhay na buhay pa rin ang espiritu ng:

“Uy parang lutong Makaw ah…”




Biyernes, Mayo 8, 2026

Paano Kung Mauso Ulit Ang Mga Blog Sites?


Unti-unti na talagang bumabalik ang mga bagay na akala natin ay naiwan na lang sa nakaraan. Ngayon, maraming kabataan at millennials ang muling nahuhumaling sa mga dating uso noong 2000s at early 2010s. Biglang naging cool ulit ang mga digicam photos na may grainy at candid vibes. Bumabalik din ang wired earphones dahil sa classic aesthetic at nostalgic feeling nito. Kahit ang mga lumang social media styles at concepts, katulad ng Friendster, ay bumalik na rin, ngunit sa ilang platform lamang ng cellphones. Parang may collective longing ang mga tao sa mas simple, mas personal, at mas totoong Internet experience noon.

Sa panahon ngayon na halos lahat ay mabilis, short-form, at swipe culture, marami rin ang nagsisimulang ma-miss ang panahon na mas meaningful ang online interactions. Yung tipong hindi mo kailangang magmadali sa content. Yung naglalaan ka talaga ng oras para magbasa, magsulat, at magkuwento.

Kaya minsan mapapaisip ka rin: paano kaya kung bumalik din ang mundo ng blogging? Na kagaya ng ginagawa ko hanggang ngayon. Sabihin na natin old school na, pero eto pa rin talaga yung nakakapagpasaya sa tahimik kong mundo. 

Paano kung muling mauso ang paggawa ng sariling blog sites? Yung may sariling design, sariling personality, sariling music playlist, at mga mahahabang kuwento tungkol sa buhay, travel, pagkain, at nostalgia. Paano kaya kung sa halip na puro 15-second videos at endless scrolling, bumalik ulit yung excitement ng pagbabasa ng bagong blog post mula sa paborito mong writer? Paano kaya kung lahat tayo ay naging writer sa isang iglap at makapag-share ng bawat kuwento sa ating online diaries, katulad nga ng mga blog site. 

At sa totoo lang, posible iyon. Kung nakakabalik ang retro gadgets, old-school aesthetics, at vintage Internet culture, baka isang araw pati blogging ay magkaroon ulit ng bagong golden era.

May panahon noon na ang Internet ay parang isang malaking tambayan ng sari-saring personalidad. Bago pa man naging sentro ng online world ang social media, buhay na buhay ang mga blog site. Dito nagsusulat ang mga tao ng kanilang saloobin, travel experiences, pagkain, opinyon, hugot, reviews, love letters, poems at kung anu-ano pang kuwento tungkol sa buhay. Hindi ito paramihan ng followers, views, at reactions. Mas personal, mas mahaba, at mas may kaluluwa ang bawat post, yung talagang galing sa puso ang lahat ng salita at letra. 

 Sa panahon kasi ng short videos na tinatawag nilang "reels" at mabilisang scrolling, parang naging fast food na ang content consumption. Swipe dito, scroll doon, tapos limot agad pagkatapos ng ilang segundo.

Pero ang blogging, iba ang epekto. Kapag nagbabasa ka ng blog, parang nakikipagkuwentuhan ka sa totoong tao. Mas ramdam mo ang personality ng writer. Mas detailed ang stories. Mas may emotions. Hindi minamadali.

Imagine this generation o di kaya lahat ng friends mo sa Facebook ay mahilig na rin magsulat, they might discover:

  • long-form storytelling
  • personal travel blogs
  • funny life experiences
  • nostalgic childhood memories
  • food reviews para sa mga foodies at mga sweet tooths
  • opinion blogs na hindi puro bardagulan

Baka sakaling bumalik din ang excitement ng “abangan ang next post.”

Hindi naman mawawala ang social media, pero aminin natin: nakakapagod din minsan. Halos lahat ngayon ay nakabase sa algorithms, trends, at viral content. Kailangan mabilis, catchy, at minsan exaggerated para mapansin.

Sa blogs, hindi mo kailangang makipag-unahan sa trends. You write because you want to express yourself. Hindi mo kailangang sumayaw, manakit ng tao para mag-trend,  gumawa ng prank, o makipagbardagulan para lang magkaroon ng audience.Meron pa nga scripted stories, di ba?

Mas authentic ang blogging dahil ang bida rito ay ang kuwento at hindi lang ang virality.

Maaari nga kayang bumalik ang blogging?

Posible. Sa totoo lang, marami nang tao ngayon ang napapagod sa toxic at mabilis na mundo ng social media. Kaya nga sumisikat ulit ang slow living, digital minimalism, at nostalgia content. Maraming millennials at mga lumaki noong 80s, 90s, at early 2000s ang nami-miss ang simpleng Internet experience noon.

At baka balang araw, magsawa rin ang bagong generation sa puro maiikling video. Baka hanapin nila yung mas meaningful at mas personal na content. Yung hindi lang pinapanood kundi talagang binabasa at iniintindi.

There's a real beauty in reading true stories. Ang mga blog kasi ay parang digital diary ng isang panahon. Kapag binasa mo ulit after many years, bumabalik ang memories, emotions, at vibes ng era na iyon. Parang time capsule ng Internet.

May charm ang simpleng pagbabasa ng blog habang umiinom ng kape sa gabi, nakikinig ng old songs, at tahimik lang ang paligid. Walang pressure. Walang ingay. Ikaw lang at ang kuwento.

At kung sakaling bumalik nga ang blogging culture, baka iyon din ang maging paalala na hindi lahat kailangang madalian. Minsan, mas masarap pa rin basahin ang mga kuwentong isinulat mula sa puso kaysa sa content na ginawa lang para mag-viral.

Interesting na rin ang pagbu-build ng sariling blog site dahil napakadali na rin gumawa ng website ngayon. Kapag nakagawa ka na, siguradong maaaliw ka sa paglagay ng mga abubot kagaya ng flag counter na meron ako sa aking blogosperyo. Ito yung mga taong bumibisita sa blog sites mo, pero malalaman mo ’yon sa kung saan sila galing o kung saan nag-view sa website mo. Kaya minsan it's better to write a blog in English, malay mo, may naaaliw na pala na foreign citizen sa mga isinusulat mo, eh di astig. Isa pang pinaka-exciting sa blog ay yung mga comments sa post. The more they interact, mas lalo kang gaganahang magsulat dahil nakaka-relate sila sa mga isinusulat mo. Try also to put emojis sa dulo ng bawat post mo para malaman nila yung reactions nila habang binabasa ang isang particular post. 

Social Distortion - Story of My Life

Choosing a Blog name

Kapag gumagawa ng blog noon, halos ilang araw mong iisipin kung ano ang perfect blog name. Kailangan catchy, madaling tandaan, at tugma sa klase ng content mo. Para itong pangalan ng sarili mong maliit na mundo sa Internet.

Halimbawa:

Kung tungkol sa nostalgia at childhood memories:

  • Batang 90s Diaries
  • Lumang Kanto Stories
  • Notebook ng Dekada Nobenta
  • Alaala Avenue
  • Radio Cassette Memories

Kung travel and food blog:

  • Lakwatsa Chronicles
  • Kape at Biyahe
  • Gala ni Juan
  • Foodtrip Republic
  • Padyak Adventures

Kung personal thoughts at daily life:

  • Random Thoughts ni Jack
  • Midnight Typings
  • Buhay Tambay
  • Mga Kwento sa Isipan
  • Tahimik Lang Ako

Kung comedy or relatable blogs:

  • Usapang Kanto
  • Tambay Chronicles
  • Walang Preno Blog
  • Sabaw Moments
  • Kuwentong Kalye

Kung tungkol sa technology at gaming:

  • Pixel Tambayan
  • Tambay sa Computer Shop
  • Dial-Up Days
  • Retro Gamer PH
  • Ctrl Alt Tambay
Noong blogging era, ang blog name ay parang extension ng personality mo. Kahit simpleng pangalan lang, nagiging memorable dahil sa content at writing style ng may-ari. Ang akin ay ubas na may cyanide. I explain this in one of my posts: Bakit ganito ang pangalan ng aking website. It's just simply a part of the lyrics ng kanta ng paborito kong banda nung simula pa lang ako na gumagawa ng website, ang bandang yun ay ang Radio Active Sago Project, sikat sila around 2010. Kung mapapakinggan niyo yung kanta nilang "Food Trip," doon ko nakuha ang linya. Medyo astig kasi ang dating sa akin, eh ako naman, madali akong mag-decide, lalo na in-game ako gumawa ng isang bagay, katulad nga ng paggawa ng website ng aking blog. Dapat naaayon din ang blog name mo sa design ng website mo para may connectivity, together with the styles of your writings. One more thing, you should have an identity, a logo of your chosen blog name. Oh, di ba kung medyo techy ka, mas maganda ang magagawa mo. Look how fun blogging is. Sa paggawa pa lang ng bahay ng blog mo, napaka-interesting na. The design will fit your personality as well.

Ang mga sikat na Blog sites noon: 
Dito nagsimula ang maraming writers, photographers, poets, at content creators bago pa man maging mainstream ang influencer culture. I used Blogger as my chosen platform kasi mas madaling makagawa ng website at ready na rin yung mga themes na puwede mong gamitin na fifit sa writing style mo. Add ka lang ng mga appropriate graphics, kaunting abot sa main page kagaya ng like buttons, number of visitors at flag counters. Gaganda na ’yang blog site mo at hindi na magmumukhang plain. Pero hindi naman nasusukat sa ganda lang ang mga blog dahil nakasentro pa rin dito ang mga ipupublish mong thoughts at mga kuwento. Kaya, ano pang hinihintay niyo, tutal nagbabalikan na rin ang lahat (ang X mo lang ang hindi), simulan mo na magkuwento, simulan mo na magsulat, simulan mo na ang mga bagay na gusto mong ilarawan at isulat. 

Imagine mo yung halo ng modern web design at classic blogging vibes ng early 2000s. Parang nostalgic pero sosyal at mas creative.

Possible ring bumalik yung personality ng websites. Hindi katulad ngayon na halos magkakamukha ang social media profiles, sa blogs puwedeng unique talaga ang bawat page depende sa owner. Kapag pumasok ka sa blog, ramdam mo agad kung sino yung personality sa likod ng website.

Kapag nabasa mo 'to, sana makita ko na mayroon ka na ring ipinagmamalaking blog sites at siguradong susuportahan kita at magbabasa ako ng mga kuwento mo! 




Huwebes, Mayo 7, 2026

Comfort Activities in the 80's


When I was between my uhugin at bagong tuli years, napakaraming activities sa loob at labas ng bahay na puwede mong gawin—lalo na kapag sinumpong ka ng matinding ka-boringan. Wala pang gadgets noon, wala pang cellphone, computer, o internet. Pero kahit simple lang ang buhay noong dekada ’80 at ’90, punong-puno naman ito ng masasayang alaala at activities na hanggang ngayon ay buhay pa rin sa memorya natin.

Kaya tara, isa-isahin nating balikan ang mga common na pinagkakaabalahan nating mga ka-dekada noon—yung mga panahong ang entertainment ay hindi naka-charge, hindi kailangan ng WiFi, at hindi umiinit sa kakalaro buong araw

KOMIKS 

Isa sa pastime ni Juan pagkatapos ng tanghalian ay hihiga sa duyan, nakataas ang damit dahil sa init ng tanghalian, at magbabasa ng komiks sa ilalim ng puno. Aminado tayo na isa sa mga adik magbasa ng komiks noong 80s. Napakamura lang kasi nito noon sa halagang 7 pesos lang ay may pang-ubos-oras ka na at napakaraming brand ng komiks na pagpipilian. Noon, hitik na hitik ang mga newspaper stand ng komiks, magazines, tabloids, song hits at kung anu-ano pang babasahin. Tila nga nagiging tambayan pa ito ng mga mahihilig magbasa. Isa sa mga kagandahang aspeto ng komiks ay hindi lang ito nagtatapos sa isang basahan dahil ang bawat kuwento ay may karugtong o may aabangan sa susunod na edition ng komiks na iyong tinatangkilik. Para itong mga teleserye sa telebisyon but in a reading manner. Kaya kung gusto mong malaman ang susunod na nangyari sa inaabangan mong kuwento, bibili ka talaga ng susunod na labas. Kaya ako nakapagkolekta ng funny komiks noong 80s hanggang sa dulo ng dekada nobenta. Medyo nalungkot lang dahil ang mga koleksiyon na iyon ay inanod ng baha at ang iba ay nawala na lang. 

BOGGLES

Alam niyo ba yung larong ito? The best past time ito lalo na kung brownout. Kasi alam niyo, madalas na mawalan ng kuryente noong dekada nobenta, more specifically in 1995. It was like a box with rectangular dice with letters printed on every face of the dice. To begin the play, you need to shake the box full of dice with letters until the dice gone on its place. Kapag nakalatag na yung mga dice of letters, now it's time to play. Kailangan makahanap ka ng mga words na nagkakasama ng 3 to 4 letters. Kapag walang word na nakakuha ng word na nahanap mo, then points for you. At kapag medyo alangan sa word na nakita mo at hindi kapanipaniwalang nag-exist, a consult will be done on a dictionary kapag merong ngang ganung salita, then points for you. Oo nga pala merong timer, a cool timer like hourglass. Eto yung buhangin na nauubos sa hourglass sa loob ng isang minuto. Kaya dapat mabilis kang magsulat ng mga makikita mong words in a span of 60 seconds. Ang ayaw ko lang eh yung time na ishashake na yung mga dice kasi sobrang ingay nun. 

HANGING BASKETBALL HOOP

Dahil nahilig ako sa basketball, siyempre, sumusuporta si erpats, kaya naman binilhan ako niyan sa Harrison Plaza ng hanging basketball hoop na ikinabit naman sa likod ng bahay namin. Hindi siya standard basketball ring, kaya maliit lang na bola ang kailangan. Natatandaan ko pa na nanghihiram lang din ako sa tatay ko ng kanyang tennis ball na ginagamit ko para makapaglaro ng basketball dun sa ring na binili niya.At dito naman nagkaroon ng istorya na nagkaroon ako ng scarface malapit sa aking noo. Gumulong kasi yung bola ng tennis dun sa nakatayong piece ng yero na nakabalandra sa aming gate. Ayon sa pagyuko ko, bumagsak at nasliced ang aking pisngi. Maraming dugo ang nabawas kaya itinakbo ako sa clinic ni Dr.Valderrama sa San Andres, Bukid. Diyan talaga sa hanging basketball hoop na 'yan ako unang naengganyong maglaro ng basketball hanggang sa pagtanda at paglaki.

BRICK GAME

Kasabayan ito ng craze ng Tamagotchi. Ito talaga ang super pastime ng 90s kids: mag-build at kumpleto ng bricks, magburahan ng high score, at magpataasan ng level. Sa brick game, yung unang sign kung paano ang paghawak ng mga tao sa kani-kanilang cellphones, dahil kahalintulad ng hitsura namin kapag naglalaro kami ng brick game. May iba't ibang kulay at tunog ang mga brick game. Mapa bata o matanda naglalaro noon ng brick game. 

FAMILY COMPUTER

I didn't have a personal family computer back then; it was introduced by my elementary classmate, Francis Sudaria. Mas nag-level up ang experience ko sa gaming. Medyo nawalan na ako ng gana sa brick game dahil na-experience ko na ang paglalaro ng mga bala sa family computer. Dito ko nakilala sina Sub-Zero, Scorpion, Raiden, Baraka at iba pang fighters ng Mortal Kombat. The first time, I was amazed. I was controlling a character, and I was defeating another character. It was really fun and never have I enjoyed myself in my life as a kid back in the 90s. The blood rushing to my opponent's face when I punched, when I kicked, haha, it was truly amazing, lalo nung natutunan ko yung mga moves to perform a "Fatality" when the video game says "FINISH HIM." Oh yes, pugot ang ulo, nasunog ang katawan at natunaw sa acid na laway. Yes, the Mortal Kombat game is truly brutal. That was the game's trademark until now!

MTV

It was not really my thing, but it got me interested when I saw my favorite music in a video, para bang nakukuha mo yung istorya ng kanta dahil sa music video na ginawa ng artist. Tsaka hindi naman talaga natin noon nakikita ang mukha ng artist, right? Kaya may factor na "uy sila pala yun", "ang ganda pala ng kumanta niyan", "grabe astig pormahan ng bandang.." Sa MTV, makikilala mo yung artist na kumanta ng favorite song mo, lalo na kung foreign artist. Bukod pa diyan, kaabang-abang din ang weekly countdown kung saan na ba napunta ang numero ng paborito mong kanta—bumaba? tumaas? Or still at the same number after a week?

The Grays - "The Very Best Years"

EATING JOLLIBEES

Of course, as a batang 80s na lumaki sa 90s, hindi masaya ang kabataan mo kung hindi ka napasyal at kumain sa Jollibee. Halos ata lahat ng kabataang Pilipino ay binditado ng mga pagkain ni Jollibee. Tandang-tanda ko pa na kada suweldo ni Tita at kahit gabi na ay kasama sa routine namin kumain sa Jollibee every Tuesday. Nakakakolekta rin kami ng mga collectibles na laruan sa Jollibee, katulad na lamang ng Teenage Mutant Ninja Turtles na sharpener. Halos nakumpleto ko ang character; ang kulang ko lang ay si Casey Jones. Uuwi kaming busog ng Martes ng gabi at ang maaabutan naming palabas sa TV pag-uwi ay yung Palibhasa Lalake na. 

 THE NEVER-ENDING STORY OF PLAYING

Ang batang hindi dumaan sa mga larong kalye ay hindi masaya ang childhood. Mula sa habulan, taguan, patintero, langit-lupa, tumbang preso, luksong-baka, sipa, at kung anu-ano pa, ang lahat ng 'yan ay naranasan kong laruin. Walang pakialam kahit masugatan ang tuhod, magmukhang taong grasa sa dumi, huwag lang maging burot sa mga laro. Iba yung feeling na kapag pababa na ang araw ay tuloy pa rin ang takbuhan, sigawan at saya na walang patid. Kapag pagod na, may mga dalang ice-tubig at uupo sa pavement ng kalsada, kaunting kuwentuhan habang nagpapahinga, sabay bukas naman ulit, magsisiuwian na sa kanya-kanyang bahay. 


Those were the days na talagang ipinagmamalaki kong lumaki ako sa panahon ng otsenta at nobenta. Isang era na simple lang ang buhay pero punong-puno ng saya, tawanan, at totoong samahan. Wala pang gadgets na humahawak ng atensyon ng bawat tao, wala pang social media na nagdidikta ng uso at buhay. Noon, ang communication ay personal—may kuwentuhan sa kanto, tambayan sa labas, harutang walang katapusan, at mga tawanan na hindi kailangan ng camera para maging memorable.

Masaya ang bonding noon dahil tunay at ramdam mo ang presensya ng bawat isa. Kapag may reunion, piyesta, birthday, o simpleng inuman sa labas ng bahay, lahat ay present, hindi lang physically kundi emotionally. Ang mga kaibigan mo noon, kilala mo talaga. Ang mga kapitbahay parang kadugo na rin. Ang mga bata, mas gustong maglaro sa kalye kaysa magkulong sa kwarto habang nakatutok sa cellphone.

Nakaka-miss ang panahon na ang excitement ay manggaling sa simpleng bagay—panonood ng paboritong cartoons tuwing umaga, paghihintay ng bagong episode ng TV shows, paglalaro ng teks, jolens, patentero, tagu-taguan, o pakikipagkuwentuhan hanggang gabi sa ilalim ng poste ng ilaw. Hindi kailangan ng mamahaling gamit para sumaya dahil ang happiness noon ay nanggagaling sa totoong koneksyon ng tao sa tao.

Iba ang warmth ng generation natin. Mas personal, mas makulay, at mas totoo. Kaya minsan hindi maiwasang sabihin na may mga bagay na hindi na kailanman mararanasan ng generation ngayon dahil binago na ng modern technology ang paraan ng pakikipag-usap, pakikisalamuha, at pamumuhay. Convenient man ang mundo ngayon, iba pa rin ang saya ng panahong walang internet, pero punong-puno naman ng tunay na memories.




Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads