'Mas pipiliin kong manorotot kaysa magpaputok.' |
Ang tanong, papaano nga ba tayo lalaya sa masamang tradisyon na nagpapaputok ng rebentador sa New Year?
Isa lang ang sagot diyan tohl! "The TOROTOT will SET US FREE!"
Mayroong larawan si Enrique Gil sa torotot kung gusto mo siyang turototin.
Oo bakit naman hindi? Ang pagtotorotot na nga siguro ang mabisang pamamaraan kung pang-taboy lamang sa malas sa susunod na taon. Ang karamihan sa ating mga kababayan ay natuto na rin sa wakas na imbis na delikadong paputok ang kanilang gamit sa pag-iingay ay torotot na lamang ang kanilang binibili. Bukod sa iba't-ibang kulay, porma at istilo eh murang-mura pa at p aniguradong sasalubungin mo ang Bagong taon na kumpleto ang iyong mga daliri sa kamay at paa at maayos kang makakapagbilang ng 1 to 10 habang kinokompyut mo yung mga umutang sa iyo nitong taon.
Pagkatapos ng Pasko, itaga mo sa bato, diyan pa lang maglalabasan ang mga torotot sa palengke. Wala naman kasing torotot sa mall at hinding hindi ako bibili ng torotot sa mall kung meron man. Ang gusto kong torotot eh yung maihahalintulad ko sa indie film na gawang kamay ng Pinoy na gustong maghanap buhay and I won't settle for a branded torotot. Anong torotot yan may tatak na Bench at Girbaud? Masasabi nating seasonal lang talaga ang pagtotorotot, kasi ibang torototan naman yung nangyayari kapag Pebrero katorse.
Pero wag ka ha may babala pa rin ang DOH sa mga torotot na yan. Kailangan pa rin natin ng kaukulang pag-iingat at pagbabantay sa ating mga tsikiting. Bakit? Hindi dahil sa sumasabog ang mga torotot. Kapag bibili ng torotot suriin mabuti ang pinakadulo ng hinihipan. Ang ating tinutukoy ay ang pito ng mga torotot kung saan dito natin hinihipan para lumabas ang ingay, may ilang mga kabataang apat na taon pababa ang nakakalunok ng pito ng torotot. Ang mga torotot na ito ay maluluwang ang pagkakabit ng pito at maaaring malunok ng bata habang ginagamit niya ito. Ang siste kapag kinausap ng magulang at nagsalita ang bata, tunog ng pito ng torotot na lang ang kanyang tugon. Pero siyempre joke lang yun tohl. Totoong maari nilang malunok ang pito kaya suriing mabuti ang torotot na bibilhin at wag papadala sa ganda at kulay. Parang paghahanap lang din yan ng tunay na pag-ibig, huwag magpapadala sa panlabas na anyo, mabuting tumingin pa rin sa ganda ng kalooban.
Kung wala naman torotot o ayaw manorotot marami pa rin namang alternatibong gamit pang-ingay. Nariyan ang palanggana at palo palo, pero siguraduhin mo kinabukasan kapag maglalaba ka meron ka ring pang alternatibong pambili dahil sa nabutas mong palanggana kakapalo. Puwede rin namang mag-ingay gamit ang mga loud stereos, pero wag naman sana puro death metal at satanic tunes ang ipansasalubong mong ingay sa bagong taon dahil sa halip na umalis ang mga masasamang espiritu eh sa inyo pa mamahay. Puwede na yung mga One Direction at Justin Bieber tunes. Option mo rin mag-ingay sa pamamagitan ng pagsisigaw. Magsisigaw ka hanggang mapaos ka. Ngayon mo ipagsigawan na mahal mo si ganito, si ganyan. Mas maganda kung ipagsisigawan mo sa microphone o di kaya para mas malakas sa megaphone. Kantahin mo lahat ng kanta sa videoke machine wag na wag lang yung "My Way" kung gusto mo pang makatungtong ng 2016. Manghiram ng sampu o mahigit pang torotot sa ilang kabataan at sabay sabay ipasok sa bibig at hipan. O kung hindi mo talaga maiwasan, bahala ka, bahala ka sa buhay mo kung gusto mo pa rin magpaputok ng mga rebentador, kwitis, super lolo, five star. Sabayan mo ng alak para mas may thrill budburan mo pa ng yabang sa daan paniguradong hindi lang mga daliri ang wala sa'yo kung di buong kamay at parang lagi ka na lang naka fist bump. Wag mo sabihing hindi ka binalaan ng blog na ito, kumpletos rekados na kame sa karne para bukas, imbitado ka naman wag ka lang magdadala ng sarili mong bacon pagkatapos mong maputukan ng Crying Bading.
Kaya ako okay lang masabihan ng duwag at walang bayag. Hinding hindi ako magpapaputok kahit pa watusi o lusis. Ligtas na ako sa torotot kong kasing-lakas ng kanyon. Huwag ko lamang malulunok ang pito nito.
Mula sa mga mambabasa (kung meron man) ng Ubas na may Cyanide, Masaganang Bagong taon sa ating lahat at maligo din tayo sa bagong taon!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento