'WWF...what the world is watching!' |
Halos isang buwan na rin ang nakalipas simula ng huling pagsulat, ang huling pagsulat na may kasamang lungkot sa pagkamatay ng aking pinakamalambing na pusang napulot sa kasada ng Aguinaldo Hi-way. Nakakamis na rin at gusto ko naman ngayon punan ng kasiyahan ang post sa blog na ito ngayong gabi.
(Rewinding memory wires) Konting katahimikan, konsentrasyon sa pag-iisip at muli tayong babalik sa "attitude era" ng pinakapaborito kong palabas tuwing Miyerkules ng gabi, 11:30 PM, patalastas ng Encarnacion Bechaves Flowers at Anzahl Car Paint...alam kong lampas na ako sa curfew ko sa panonood ng TV ngunit hindi ko mapigilang tumakas para makapanood kahit isang laban lang. Tangina ang sagwa pa ng intro nung RAW is WAR nuon akala mo hindi wrestling ang papanoorin yung tunog parang pang exercise lang ng Bodies in Motion, yan naman yung palabas tuwing linggo ng umaga kung sinong gustong mag ehersisyo ay pwedeng sabayan yung host.
"WWF... what the world is watching!" Tama!
1988 WWF Intro
Ito naman yung pinaka unang intro na napanood ko isa sa pinakajologs na intro kung saan lalabas ang logo ng WWF ala credits ng Star Wars at ang background ay mga bundok at dagat pa pero kulay pula ang ulap at bigla na lang kikidlatan yung logo sabay may isang machong boses ng announcer at sasabhin ang katagang "WWF... what the world is watching!" Dumating ang wrestling sa Pilipinas at talaga nga namang sinakop tayo nito pati mga lolo at lola ko ay hindi napigilang hindi manood ng wrestling. Ang natatandaan ko hindi mo mapapanood ang mga pay-per-views noon dahil wala pa nito sa Internet at hindi rin naipapalabas sa TV, pati mga laban sa karaniwang araw ng palabas ay hindi mo mapapanood ng buo ang kumpletong episode sa araw na yun. Pasalamat na lang ako sa kapitbahay namin na may business na Video rentals, tangina Betamax days mga tohl, nakakarenta ako ng bala noong sa halagang bente pesos. So saan aabot a ng bente pesos mo? -sa pagrerent po ng bala ng betamax.
WWE RAW Intro 2002 - 2006
Noong nasa San Andres Bukid pa kame kamuntik-muntikan na rin akong dalhin sa ospital dahil itong mga kalaro ko sinubukan kung gumagana ba talaga ang "sleeper hold" (finishing move ni Brutus the Barber Beef Cake) kung saan sinasakal niya ang kanyang kalaban hannggang sa makatulog. Napaniwala din kami na kapag humawak ka sa ropes biglang babalik ang lakas mo, yung kung anong merong enerhiya na dumadaloy sa ropes na yun sa tuwing mabubugbog ng husto si Ultimate Warrior. At siyempre naman sino ba naman ang hindi makakalimot sa wrestler na ito. Kumabaga sa atin at sa basketball siya naman ang Jawo ng wrestling - walang iba kundi si Hulk Hogan. Talagang kumakapit sa mga bata ang mga trademark gestures niya tulad ng pag senyas ng siraulo (twirling of the wrist) bago idikit ang kanyang kamay sa tenga niya, pati na rin ang pang ilang beses na pagpunit ng kanyang dilaw na sando. Yung hand gesture niya ginawa ko yun sa Nanay ko nung araw na inuutusan niya ko maghugas ng plato. Ayun, nasapok ako from out of nowhere. Galit na galit siya noon dahil tatlong sando na ang kanyang nabibili sa loob lamang ng dalawang linggo. Ngunit naawa ako noon kay Hokogan nung natalo siya kay Ultimate Warrior para sa kampeonato. Ayoko rin naman mainis kay Ultimate Warrior kahit maka-Hogan ako kasi hindi naman talaga siya kontrabidang wrestler. Tsaka napansin niyo ba bago pa magsimula ang mga laban ni Hulkomaniac ay ang ganda ng kanyang buhok - shining shiny. Pero pagdating sa kalagitnaan ng laban ay unti-unti mo nang mabibilang ang buhok niya.
WWE Smackdown Intro 2004
Eh si Million Dollar Man naaalala niyo? siya ang Kanong version ni Smokey Manaloto. Ang tag-team na Rockers, na akala ko noon miyembro talaga ng isang rock band; si Hacksaw Jim Duggan, na naka-asul na brip at laging may dalang dos por dos. Ito yung pinakamadaling gayahin na props kasi puwede ka lang kumupit ng kahoy sa may construction site sa tabing bahay, sabay sigaw ng "Hooooooooooo". Eto pa, wala din naman sigurong makakamiss sa wrestler na sepulturero - si Undertaker (with Paul Bearer na laging may dalang urn sa tuwing entrance ni Undertaker. Yung nakapagluto ka na ng pancit canton at naubos mo na tsaka pa lang nakaakyat ng ring si Undertaker. Isa sa may pinakamahabang entrance. Para sa akin isa siya sa mga bida. Kaso nga lang kalaunan ay hindi na siya realistic kasi nagsusuot na siya ng elbow at knee pads. May sepulturero bang nagsusuot ng ganun?!!
Malaki talaga ang naging impluwensiya ng WWF sa buhay nating mga kabataan ng dekada. Ngunit ang bagay na pinakamahalaga para sa akin ay dahil sa wrestling na yan, nawala ang hiya naming mga bata na mag-brief sa kalsada.
LET'S GET IT ON!
Miyerkules ng gabi puyat kung puyat dahil inaabangan ko talaga ang WWF. Isang newsbreak lang sa Channel 5 eto na umpisa na ang bugbugan sa ring. May lineup na naman ng mga superstar na mapapanood ko, pati yung mga wrestler na hindi kilala at ipinapain lang sa mga wrestler na heel ay talagang bugbog sarado.
'Bob Backlund' |
Pero alam niyo ba na hindi si Undertaker ang kinatatakutan ko noon kundi si Bob Backlund. Itong wrestler na 'toh yung basta na lamang sumusulpot kung saan at gagawin niya yung crossface chicken wing niya. Nung nagtagal eh nainis na lang talaga ako sa kanya dahil parati na lang siyang nanggugulo eh. Kahit sa kalagitnaan ng laban biglang lilitaw at mang uupak kung sino ang gustong matipuhan.Siya rin ang recipient ng one of the fastest matches ever dahil sa sampung segundo ay natalo siya ni Big Daddy Cool Diesel.
Speaking of Diesel, isa siya sa mga pinakacool na wrestler dahil bukod sa matangkad (at cool ang pangalan), klasik din ang jack knife powerbomb niya. Kaso napilayan siya nung naglaban sila ni Sid Justice, na may parehong finisher katulad ng sa kanya. Sid Justice becomes Pyscho Sid isa din sa mga kinatakutan ko.
Sid Justice. Siya ang dumb bodyguard ni Heartbreak Kid Shawn Michaels, na may mini show na sobrang nakakabored. Parati kong sana na sana walang mini show si Shawn Michaels dahil anlaking kakaining oras nun. Baka na bored din si Sid Justice at napuno na sa kanya at naglaban sila. Siyempre, nanalo ang mas pogi.
The Rockers |
Hindi ko idol yan si Shawn Michaels, dahil hanggang ngayon ay naniniwala akong dinaya niya si Bret Hart! Hindi talaga nagsubmit nung shinarpshooter siya eh, hanggang sa maubos ang oras at nag-overtime. Yan yung Montreal Screw Job halos gusto kong i-eject na yung bala sa Betamax nung nalaman kong dinaya lang ang idol kong si Bret "The Hitman" Hart. Si Michaels din yung laging dinudugong wrestler. Kasama rin siya sa 'The Rockers' at ang tag team partner niya ay si Marty Jannety na nawala na lang bigla nung nag solo na si Michaels at natibag na ang The Rockers. Para sa akin, ang The Rockers ang pinakamagaling na tag-team sa buong mundo, kaparis sila ngayon ng The Hardys na isa rin sa mga pinakasikat na tag teams sa kasalukuyan.
Minsan na rin akong sumulat ng love letter kay Santa Claus para hilingin ang shades ni Bret Hart. Pero walang dumating. : (
Sino ang nakapanood sa inyo ng Hulk Hogan's Classics? sa'n ka nakakita ng wrestler na itinali na sa corner ni Andre The Giant pero nakahulagpos pa rin at nanalo pa?! Iba talaga ang power at strength ni Tatang Hulkster and The Hulkomaniacs run wild! Syempre dun ko rin napanood and klasik na laban nila ni Ultimate Warrior. Hulk Hogan ako dun kaso talagang natalo eh. Pero nung nagyakapan sila after the match, syet! yun yung part na nakakaiyak!
Megapowers vs. Megabucks |
Ay ito pa may naaalala pa ko! Alam niyo ba yung Megapowers vs Megabucks? Naaalala mo? Nangingiti ka? ayun nung bata ako, ang kilala kong members sa Megapowers eh 'yung mga blonde ang buhok at crowd favorite. So ang mga kasama diyan ay sina Hulk Hogan, Ultimate Warrior, Tatanka, The Rockers at Bushwackers, atbp. Kasama naman sa Megabucks sina Million Dollar Man, Ravishing Rick Rude na kamuka ni Ishmael Vernal na kontrabida lagi sa pelikula ni FPJ, Andre The Giant at iba pang rule breakers.
Eto pa ha, may tsismis ako na galing sa mga batang kalyeng nakakalaro namin nuon. Ang nakarating palang tsismis sa akin, si Andre The Giant daw yung binuhat ni Ultimate Warrior. Tapos, pumutok yung muscle niya. Tapos pinalitan siya kaya hindi na raw original na Ultimate Warrior yung naabutan ko.
Ang ganda talaga ng WWF ee. Palagi ko pa ngang nilelettering 'yang sulat ng WWF na yan. Madali lang naman eh. Halos lahat ata ng notebook ko may WWF na logo na lettering. Pero puta nuong napalita na ng WWE ang hirap na ilettering kahit isang W na lang yung pagkakasulat.
Bret 'The Hitman' Hart |
Idol ko din talaga yang si Hitman eh pati mga tita ko kinikilig diyan dahil sa laki na ng katawan ang gwapo pa. Sobrang sang-ayon ako sa sinasabi nyang, "I'm the best there is, the best there was, and the best that there ever will be..." Totoo talaga yan para sa akin. Si Hitman yung hindi gaanong kalakihan pero palaging heavyweight champion. Namimigay pa yan ng shades sa mga bata na pangarap ko ring magkaron dati.
The British Bulldog |
British Bulldog. 'Yan naman ang bayaw ni Hitman. Napangasawa niyan ang kapatid ni Hitman. Mejo maliit lang pero malaki ang katawan. Hindi pa uso ang cornrows noong 90s pero naka cornrows na yan. Nag-away sila ni Hitman pero hindi ko alam ang dahilan ng malaon tinaggap na rin siya ni Hitmann sa pamilya nila.
Eto pa ang isang super-klasik na wrestler, Jake "The Snake" Roberts. Shempre sikat 'yan dahil sa dala niyang ahas na nakalagay sa sako na tela. May tsismis din na may namatay dahil may natuklaw 'yung ahas niya, ewan ko lang kung sino yun. 'Pag nilabas na niya yung ahas niya lahat na natatakot at nagtatakbuhan. Ang pamantay niyan DDT.
Demolition's Smash & Axe |
Demolition. Isa sa pinaka astig na tag team para sa akin. Parang sila ang unang nakita ko na may pintura sa mukha. May helmet pa talaga sila. Pagdating sa ring, ayan na huhubarin na nila ang helmet at bigla nang didila si Smash. Mahaba at mapula ang dila niyan at ang pintura nila sa mukha ay may pagkasilver at black. May kumalaban sa kanila ang "Legion of Doom". May mga pintura din sa muka at may suot pang shoulder pads na may spikes. Sila ang mga naging siga ng tag team dati.
The Honky Tonk Man |
Ang dami dami pa andiyan sila Honky Tonk man na laging may dalang gitara at Elvis Prestley ang gimmick. Minsan pag masyadong napuno inihahampas ang gitara sa ulo ng kalaban. Texas Tornado, Toto Santana (magkamukha sila ni Texas Tornado). Coo Coo Beware (negro na may laging dalang parrot), Virgil (alalay dati ni Million Dollar Man na napuno na sa kanya), Razor Ramon, Superfly Jimmy Snuka (ang taas tumalon nito), Macho Man (na naging Macho King), at marami pang iba. Ang tingin pala namin sa buhok ni Sid Justice ay parang Lucky Me Pancit Canton.
Coco B Ware |
Sabi ko nga kanina nanghihiram pa talaga kami ng betamax sa rentahan na kapitbahay lang namin sa halagang bente pesos isang bala. Lahat ng mga special events pinapanuod namin tulad ng Wrestlemania at ang paborito nating Royal Rumble. Palagi kaming nagpupunta sa rentahan para lang i-check kung may bago na silang WWF tapes.
Ang dami ko pa sanang gusto ikwento pero sa ikalawang bahagi na lang ng post na 'toh.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento