blog post cover credits to: @sabadontt |
Alas-singko ng umaga.
Naririnig ko na ang ingay ng kapitera at tila nangangalit na ang mga bula sa pagkulo nito. Nakapikit ngunit gising ang diwa sa ilalim ng kulambong pumoprotekta sa kagat ng lamok sa magdamag. Nakabalot pa ang kumot sa aking giniginaw na katawan habang sumasagitsit ang lakas ng kidlat at kulog habang rumaragasa ang tubig ulan sa aming bubungan.
Dinig ko na ang tinig ng aking nanay at ako'y kanyang tinatawag na para magtanggal ng antok at magmuni-muni habang titimplahan niya na kami ng aking kapatid ng gatas o kaya'y kape. Uso na noon ang humingi pa ng dagdag na limang minuto upang umidlip muli dahil na rin sa masarap pang matulog at namnamin ang lamig ng panahon. Talaga nga namang nakakabitin ang pagtulog kapag ganito ang inihahain na tukso sa iyo ng klima.
Gising na pala ang aking kapatid at siya'y nasa harapan na ng lamesa. Iniligpit ko na ang pagkakatali ng kulambo mula sa mga gilid gilid na mga pako sa aming kwarto at iniayos na rin ang mga unan, pajama, at mga pang-akap. Kukuso't-kusot ang mga mata at lumabas ng kwarto umupo sa harap ng lamesa habang di mapigil ang hikab at pagpipikit-pikit ng mga mata.
Sa aking gawing kanan ay nakasalang na sa kawali at rinig ko na ang pagtilamsik ng mantika sa hotdog na piniprito ng aking Ina. Amoy ko na ang aroma ng umuusok na kape sa pagkakatanggal ko ng takip sa aking tasa. Habang nakasalang ang aming aalmusalin ay binuksan ni Nanay ang aming radyo upang makinig ng balita kung masususpindi nga ba ang pasok namin sa eskuwelahan sa araw na iyon. Noon hindi pa uso ang balita sa TV. Ang lahat ay nakatutok talaga sa radyo at totoo nga namang kapaki-pakinabang pa ang mga AM stations pati sa mga kabataan. Wala pang Twitter, walang Facebook, kung saan duon ka na lamang titingin kung ano nga ba ang pasya ng inyong lokal na pamahalaan kung magkakaroon ba ng pasok o walang pasok sa buong maghapon.
Malalaman mo na kung may pasok ba o wala i-search lamang ang #WalangPasok sa Twitter
Noon kasi ang naghahatid ng balita kung may pasok ba o wala ay iisa lamang, ito ay ang DECS o Department of Education Culture and Sports sa pangunguna ni Dr. Nilo Rosas. Siya ang lagi mong maririnig sa DZMM (radyo station ni Nanay) na mag-aanunsiyo kung may pasok ba ang mga estudyante o wala. Sa panahon ngayon ang inatasan na sa ganitong responsibilidad ay mga Mayor o Governor na sa kanya-kanyang probinsiyang lokal na pamahalaan. Hindi katulad noon na DECS o DEPED sa ngayon ang nagaanunsiyo.
Sa panahon ko noon kapag sinasagot ng mga taga DECS ang katanungang may pasok ba o wala ay malaki ang tsansa na either sa dalawa ang kanilang isasagot. Sa ngayon kasi kapag may tumawag na opisyal na galing sa lokal na gobyerno nagiging awtomatik na wala talagang pasok. May mga kabataan din na mismong minemessage sa social media ang kanilang mga mayor para ideklara nito na wala na sanang pasok. Konting ulan lang ngayon at kahit na normal lang na pag-ulan lamang ay malamang sa malamang na isususpinde na ang klase. Kaya't laking sisi rin ng mga guro, dahil ang iba ay kailangang maghabol ng kanilang ilelesson sa araw na iyon. Samakatuwid, sayang ang araw dahil kaunting ulan lamang at tumila naman ito pagdating ng hapon.
Ventura - 'Walang Pasok'
Noon din ay unang sinususpindi ang mga may klase ng pang-umaga at kapag umaraw ng bandang hapon ay dalawang anunsiyo ang hihintayin niyo at asahan mong magkakaroon ng pasok ang mga estudyante ng pang-hapon.
Gising na ang aking diwa sa pagkakainom ng masarap na kape at naiahon na rin ang aming almusal na hotdog sa ibabaw ng lamesa. Inim na rin ang kanin at handa na kaming kumain ng almusal habang si Nanay ay inilatag na ang kabayo ng palantsahan upang pasadahan na ang aming unipormeng pamasok. Malakas pa rin ang ulan. Inihanda niya na rin ang aming mga kapote at tsinelas. Isinilid na ang sapatos sa plastik kasama na ang nakabalumbun na medyas sa magkahiwalay na lalagyan.
Ito na ang pinakaaabangan namin kausap na ng nagkokomentaryo sa radyo na si Ka Noli De Castro ang kalihim ng DECS na si Dr. Nilo na may pagka-Ilonggo sa lambing ng kanyang pananalita. Ubos ko na ang aking Purefoods TJ Hotdog, nakaupo na lamang at naghihintay ng anunsiyo at umaasang wala nga sanang pasok dahil reporting ako sa araw na iyon sa aming Science subject.
Nag-anunsiyo.....
Tsaraaann!! may pasok daw! Putragis! Ang susunod ko namang kakaharapin ay ang lamig ng tubig na dadaloy at guguhit sa aking nilalamig na katawan.
"Nay mag-init ako sana ng tubig."
"Hindi na, sa unang buhos lang yan, malalate na kayo kung mag-iinit pa. Bilisan mo na lang maligo at susunod pa ang kapatid mo."
(buntong-hininga), "okay."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento