Linggo, Nobyembre 3, 2019

Kababalaghan



'Horror stories'


Noong mga maliliit pa tayo specially sa mga batang kasabay kong lumaki noong dekada nobenta hindi naman natin alam na tumira o nakatira pala tayo sa lumang bahay o yung tinatawag na bahay Kastila. Wala naman tayong pakialam kung ano nga ba ito or ano nga ba ang meron kapag sinabing matandang bahay o bahay na pinaglumaan ng panahon pa ng Kastila. Isa pa wala sa bokabularyo natin yung mismong salitang "Kastila", nye ano bang alam ko diyan, nakakatakot ba yun? eh ang alam ko lang na nakakatakot noon eh yung mga Kwento ni Lola Basyang, Halimaw sa Banga, Regal Shocker at yung Halloween specials ni Kabayang Noli De Castro sa Magandang Gabi Bayan. Hindi naman natin pinagtutuunan ng pansin kung ano bang meron sa mga ganyang bahay pwera na lang may maramdaman tayong mga kakaiba sa loob ng bahay na ito.

Most of my childhood I spent at 2120 Ciriaco Tuazon San Andres Manila. Hindi ganoon kalaki ngunit ang mga bagay na makikita mo sa loob ay nilumaan na ng panahon, mga muwebles at mga kabinet na ipinamana, naiwan ng mga dating natira. Bale ang bahay na ito ay pinarerentahan lamang. Ang bahay ay Duplex style at yari sa kahoy, may ikalawang palapag at tatlo ang kuwarto; dalawa sa taas at isa naman sa baba kung saan nakatira ang aking pamilya kasama ng aking tatlong tita at si ermats. Habang ang buong bahay ay yung panganay nila ermats ang nag ooccupy ng malaking bahagi dahil yung panganay nila ermats ay duon nakatira ang kanyang asawa at mga anak. Yung maliit na bahagi ng bahay ay kami ang nakatira. Masaya din at nakakamiss ang extended family lalo na noong dekada nobenta dahil wala pa noon gaanong problema at mararamdaman mo naman na magaan at masagana pa ang buhay.

1985, unang nawala si Lola. I was 4 and hindi ko pa alam lahat ng mga nangyayari. Ang sinabi lang sa akin ng mga nakakatanda ay hindi ko na raw muli makikita si Lola. 1991 yumao naman si Lolo dito nakaramdam ako ng lungkot dahil may isip na ako. Napakabait sa akin ni lolo, siya ang humaharang sa mga hanger, sinturon, patpat at mango ng walis na ihinahampas sa akin ng nanay at tatay ko sa tuwing nakakagawa ako ng kalokohan. Lagi niya akong pinapasalubungan kapag suweldo niya sa trabaho ng Serg's chocolate, Knick-knacks o di kaya eh yung Colin na tsokolate na may mani. Siya rin ang pundasyon ko kung bakit ako nahilig sa mga hayop, si lolo ang nagbigay sa akin ng una kong alagang aso na pinangalanan kong "Doggie".

Tanya Markova - 'Hoy Bampira Ako'

Noong nawala sila Lolo Jose at Lola Maria makalipas ang ilang taon parang dito na kami nakaramdam ng mga bagay na hindi namin inaasahan. Naaalala ko noong burol ni lolo ay muntik nang bumagsak ang kanyang kabaong dahil sa isang napakalakas na hangin ang pumasok sa loob ng bahay kahit na ang tingkad ng araw sa tanghaling alas-tres. Bumagsak ang krus na bakal na nasa likod ng kabaong at dahil nga dito ay muntik na itong malaglag. Ang lahat ay nangilabot sa nangyari, walang makapag-explain kung bakit may malakas na hangin na parang tornado ang pumasok sa bahay. Ang sabi ng mga matatanda ay may kinuha lang daw ang hangin na ito.

Lumipas pa ang mga sumunod na taon ay maraming kababalaghan pa ang nangyari. Mayroon pagkakataon na umihi ang pinsan ko dis-oras ng gabi at nakakita daw siya ng malaking paniki na naaninag niya ang paglapat ng pakpak sa bintang transparent na capiz ng bahay. Nagkaroon ng aninag dahil ang bintana ay tinatamaan ng poste ng Meralco.

Isang Semana Santa naman at Biyernes Santo, uso na kasi noon ang curfew hours at duty ng mga barangay tanod ang pumuna sa mga taong nasa labas pa ng dis-oras na gabi. Mayroon daw nakitang babaeng nakaputi sa kanto ng aming kalye na nakatayo lang, hindi daw kita ang mukha at ng pupuntahan na nila ito ay bigla daw itong tumakbo papasok sa aming street. Hinabol daw ng mga tanod ang babae at kitang kita daw nila na lumagos ang babaeng ito sa aming nakasaradong pintuan. Tuliro kung paano nangyari iyon at nagkatakutan na lang daw ang mga tanod at nagsiuwian na lang sila sa kanilang mga bahay. Kinaumagahan ay kausap nila ang aming panganay na auntie at ikinwento nga ng head ng barangay tanod ang kanilang nasaksihan. Wala naman masabi ang aking auntie dahil hindi niya rin nga alam ang sasabihin sa mga ito sapagkat imposibleng makapasok ito dahil mahimbing ang tulog ng lahat at nakakandado ng tatlong beses ang aming front door.

Mayroong pangyayari din naman na hindi inaasahan at mga panahong nabalot ng kalungkutan. Ito ay nang pumanaw ang aking isang tita noong 2010. Ang pagkamatay niya ay kinokonekta sa nauna naming namatay na alagang aso dito sa loob ng bahay. 2009 nang namatay ang aso naming si Jokjok sa paanan ng hagdanan na pinaniniwalaan ng matatanda na kapag may namatay daw na hayop o tao sa mga palapag ng ating mga hagdanan ay may kasunod itong dalawang mamamatay pa. Ito yung tinatawag nilang oro-plata-mata. Pagkalipas nga ng isang taon ay nawala sa amin si tita. Siya lamang ang naiwan dito sa bahay sa araw ng July 16, 2010 at ang sabi ay inatake ito sa puso habang nagwawalis sa loob ng bahay. Wala ang aking nanay at kapatid dahil dumalo sila sa birthday ng anak ng isa kong tita sa Paranaque samantalang ako naman ay nasa trabaho. Nagulat na lamang ako nang sinabihan ako sa kanto ng aming mga kapitbahay na itinakbo nga ang tita ko sa hospital. Dumiretso ako sa MCI Hospital at confirm nga at nakasalubong ko sila nanay at ang aking kapatid na umiiyak at sinabi nilang wala na si tita, dead-on-arrival na nung dumating sa hospital. Isang bangungot na hindi ko makakalimutan sa aming pamilya ang nangyaring trahedyang ito. Hindi rin namin alam na may sakit na pala ang tita ko at ang lagi niya lang inirereklamo ay ang sakit ng kanyang likuran.

Pero noong araw na yun bago makapasok ng bahay sila nanay ay may naaninagan sila na nakatayo ng nakatagilid sa kusina. Sumisigaw sila dahil hindi nito naririnig at kumakatok na sila ng malakas. Sinubukan nilang abutin ang tarangkahan  upang mabuksan ang pinto. Pagkabukas sa pangalawang pinto ay tumambad daw ang tita ko na wala nang buhay na nakaupo sa aming sofa. Doon na nagkagulo at pilit na itinakbo nila nanay si tita sa hospital ngunit huli na ang lahat.

Tatlong araw makalipas ang kanyang burol ay maraming pagpaparamdam ang nangyari sa bahay. Ang kuwento ng aking kapatid na umupo siya sa sofa ay naramdaman niya ang katawan ng tita ko na nakakalong siya. Napatalon siya sa sobrang takot at napaiyak. Lumipas ang ilang buwan nagkaron naman ng pagkakataon na magpicture picture and pinsan ko at kapatid ko. Kinuhaan niya ng picture ang pinsan kong babae na katabi ang aming salamin. Makalipas ang dalawang linggo bago nila mapansin ang imahe sa larawan na animong may puting silhouette ang nakita sa salamin hugis babae na nakalutang pero walang mukha. Sa takot nila ay binura nila ang picture. May pangyayari din na tumawag ang number ni tita noon sa cellphone ng aking kapatid ngunit walang boses sa kabilang linya. 2010-2011 nabalot talaga ng katatakutan ang buong kabahayan.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento